“Manong, sa Sampaloc po,” aniya sa taxi driver pagkapasok niya sa loob ng sasakyan.
Suot ang itim na sunglasses ay ipinikit niya sandali ang namumugto niyang mga mata. Pakiramdam niya ay nanunuyo na ang mga iyon. Naubos na yata ang lahat ng luha niya kaya’t tanging hapdi na lang ang naiwan doon.
Wala na siyang ibang alam na pupuntahan kundi ang Papa niya.
Ngayon hiwalay na sila ni Duncan ay wala na rin siyang karapatan na bumalik pa sa mansion. Isa pa ay hindi rin niya kayang harapin ang pamilya ng dating asawa na walang ibang ginawa sa kanya kundi puro kabutihan.
At si Lola Celia. Alam niyang ito ang kauna-unahang malulungkot kapag nalaman ang paghihiwalay nila ni Duncan at hindi niya kayang makita itong masaktan.
Gusto muna niyang mapag-isa habang pinaghihilom ang sugat sa puso niya na hindi niya alam kung gagaling pa. Gusto muna niyang sarilinin ang sakit, gusto niyang buuin muna ang sarili at mag-ipon ng lakas.
Hangga’t maaari ay ayaw niyang madamay sa kalungkutan niya at masaktan din ang mga taong malalapit sa kanya. Sa kanila ni Duncan.
But she needs someone to lean on. Kailangan din niya ng mapaghuhugutan ng lakas upang lumaban. Pakiramdam niya ay hindi niya iyon kakayanin mag-isa.
Muli na naman nagbabadya ang mga luha niya nang tumunog ang kanyang telepono.
Kinuha niya iyon at atubiling sinagot pagkatapos makita kung sino ang tumatawag.
“Hello?”
“Hello, gurl? Asan ka? Nakabalik ka na ba ng Pinas?”
Muli siyang pumikit saka sumandal. “Oo, nandito na ‘ko.”
“Ha? So, totoo nga?”
“A..anong totoo?”
“I saw you. Akala ko namamalikmata lang ako. Nandito ako sa airport, sinundo ko si Mommy. Tatawagin sana kita kaso ang bilis mo nawala at akala ko nga ay hindi ikaw 'yon. Nandito ka pa ba sa airport? Kasama mo ba si Duncan?” sunod-sunod na tanong ng bestfriend niya sa kabilang linya. “Bakit ang bilis naman yata ng bakasyon mo? May nangyari ba?”
Hindi siya sumagot. Parang hindi pa niya kayang sabihin dito ang tungkol sa nangyari sa kanila ni Duncan. Pero sa tono ng boses nito ay alam niyang nag-aalala na ito kahit hindi pa niya sinasabi ang sitwasyon niya ngayon.
Pero pinsan ito ni Duncan at sigurado siyang malalaman din nito ang tungkol sa nangyari kahit hindi niya sabihin.
“Hello, besh. Nand’yan ka pa ba?”
“O..oo.”
“Ok ka lang ba? Nasaan ka ba?” nag-aalalang tanong nito. “Ihahatid ko lang si Mommy sa bahay then, pupuntahan kita sa mansion—"
“H’wag na.” Pigil niya rito. “Magkita na lang tayo bukas. Dadalawin ko kasi si Papa sa hospital kaya hindi ako uuwi sa mansion,” aniya para makumbinsi ito.
“Oh!.. Sige, tawagan mo ‘ko agad, ha? I-kumusta mo na rin ako kay Tito."
Agad siyang nagpaalam dito saka ibinaba ang telepono. Muli siyang sumandal at pilit na iwaksi sa isip ang nangyari.
Halos makatulog siya dahil sa bigat ng traffic. Pagkalipas ng mahigit kalahating oras ay tumigil ang taxi sa tapat ng isang pribadong ospital. Agad siyang bumaba pagkatapos magbayad at binitbit ang nag-iisang luggage na dala niya at tanging gamit niya.
Pagpasok sa ospital ay dumiretso agad siya sa information para alamin kung saan ang ward ng Papa niya.
“Wala po kaming pasyente na Vicente Ramos,” saad ng nurse na seryosong nakatutok ang mga mata sa computer.
“Ms., sure ka? Dinalaw ko na rito si Papa noon. Ang sabi kasi niya ay pinalipat daw siya ng ibang ward—”
“Mam, sure po ako. Matagal ko ng trabaho ito kaya imposibleng hindi ko makita ang pangalan ng bawat pasyenteng pumapasok at lumalabas sa ospital na ito,” medyo may katarayang sagot nito.
Napakunot ang noo niya at nagtatakang muling nakiusap dito.
“Pasensya ka na, Miss, ha? Baka pwedeng paki-double check naman. Sigurado ako na dito siya naka-confine.”
Pasimpleng umikot ang mga mata nito saka muling tumungo sa computer.
Ilang minuto siyang matiyagang naghintay dito. Gusto na rin niyang magtaray dahil pakiramdam niya ay sinasadya na nitong tagalan ang paghahanap.
Pagkalipas ng halos labinlimang minuto ay saka lang siya nito muling hinarap. “Wala talagang Vicente Ramos dito. From 2017 na ang records na tiningnan ko pero walang ganoon pangalan. Ok na ba?” anito saka agad na tumayo at umalis sa pwesto niya.
“O.. ok. Salamat," aniya na sinundan na lang ng tingin ang papalayong nurse.
Wala siyang nagawa kundi ang lumabas. Nakakunot ang noong kinuha niya ang cellphone at hinanap ang numero ng Papa niya.
Dalawang beses iyong nag-ring kasunod ang boses ng operator na sinasabing out of coverage na ito.
Lalong lumalim ang kunot ng noo niya at muling nilingon ang ospital. Hindi siya maaaring magkamali. Dito niya ito dinalaw noon. Dalawang beses lang iyon pero tandang tanda pa niya ang lugar na ito.
Pero paanong wala itong pangalan doon? Siguro ay may pinagdadaanan lang ang nurse na nakausap niya at nagkamali ito.
O baka nakalabas na ang Papa niya at magaling na ito. Kahit papaano ay napangiti siya sa naisip.
Pinara niya ang taxi na nagbaba ng pasahero sa tapat niya at nagpahatid sa bahay ng Papa niya.
Nakailang doorbell siya bago bumukas ang katamtamang laki ng gate. Lumabas doon ang isang lalaking tingin niya ay nasa mid thirties ang edad. Malaki ang katawan nito, naka-boxer shorts at hapit na hapit ang puting sando na suot nito.
“Sino bang—”
Napatigil ito sa pagsasalita nang umakyat sa mukha niya ang tingin nito na biglang ngumisi. Naasiwa siya sa paraan ng tingin nito lalo na ng bumaba sa katawan niya ang mga mata nito.
“Si Papa?” naiilang na tanong niya.
“Papa?”
Nag-iisip na tumingin ito sa loob saka muling humarap sa kanya. “Ah, ikaw ba si Alena? ‘Yong anak ni Mang Vic na nakapangasawa ng negosyanteng milyonaryo? Ah, bilyonaryo pala,” pagtatama nito na lalong ngumisi.
“Halika, pasok ka,” anyaya nito na naunang pumasok sa loob.
Sumunod siya rito. Lumampas ito sa living room at dumiretso sa gawing lanai ng bahay. Bungalow ang bahay at katamtaman lang ang laki para sa maliit na pamilya.
Ang alam niya ay dalawa lang ang nakatira rito. Ang Papa niya at ang kinakasama nito. Kaya nagtataka man kung sino ang lalaking sumalubong sa kanya ay hindi na niya ito tinanong pa. Hindi niya gusto ang pakiramdam sa lalaking iyon.
“Tita Bern, may bisita ka,” ani ng lalaki sa nakatalikod na babae na hindi lumingon. Isang beses pa lang niya ito nakita pero sigurado siya na ito ang kinakasama ng Papa niya.
May kaharap itong ilang babae na tingin niya ay nasa singkwenta na ang mga edad. Tumingin ang mga ito sa kanya pero agad ding ibinalik ang atensyon sa mga nakasalansang tiles ng mahjong sa mesa.
“Sino ‘yan?” tila inis na tanong nito.
“Hinahanap si Mang Vic, si Alena.”
Ilang sandaling natigilan ang babae pagkatapos ay mabilis na tumayo at pilit ang ngiting humarap sa kanya.
“Alena? O.. Alena, ikaw nga… Anong ginagawa mo rito?”
Tumingin ito sa maletang hawak niya at doon sandaling na-focus ang atensyon nito. Pagkatapos ay agad itong tumalikod at itinaboy ang mga babaeng kasama nito.
“Sa susunod na lang tayo mag-bonding mga amiga, ha? Alam niyo na, may bisita ako ngayon,” taboy nito sa mga iyon. “Sige na, sige na.”
Nagkakamot sa ulo at napilitang lumabas ang mga babae na bakas pa sa mga mata ang pagtataka.
“Sa loob na tayo, Alena. Mas presko sa loob,” anito na hinawakan pa siya sa braso para igiya sa loob.
Pinanlakihan nito ng mga mata ang lalaking sumalubong sa kanya na nakangising nakamasid sa kanila.
“Ah… magbabakasyon ka ba rito? Bakit hindi ka muna nagpasabi sa Papa mo para nakapaghanda sana kami.”
“Biglaan lang po… Si Papa po?”
“Ang.. ang Papa mo? Naka-confine pa rin hanggang ngayon...Nag-aalala na nga ako sa kanya dahil walang ipinagbabago ang katawan niya.”
“Ho? Inilipat n’yo po ba si Papa ng ospital? Nagpunta ako kanina roon pero wala raw doon si Papa.”
“Ha? Nagpunta ka?.. Ano kasi.. oo, nagpalipat siya ng ospital kasi masyado raw mahal doon. Eh hindi rin naman daw siya gumagaling kaya pinagbigyan ko na.”
“Saan ospital po siya naroon? Gusto ko po siyang makita.”
“Naku, magpahinga ka muna. Mukhang mahaba pa ang binyahe mo. Saan ka ba galing at may dala ka pang maleta?” sa halip ay tanong nito.
Bahagyang nakagat niya ang labi. Hindi niya napaghandaan ang sasabihin dito lalo na sa Papa niya.
Hindi naman nito hinintay ang sagot niya na dumiretso sa kusina. Paglabas nito ay may dala itong isang baso ng juice.
“Uminom ka muna. Aayusin ko lang iyon bakanteng kwarto para makapagpahinga ka.”