“Takbo, Alena! Takbo!”
Lumingon siya at muling nakita ang duguang mukha ni Henry. Tumatawa ito nang malakas habang pilit na tumatayo. Hawak nito ang kanyang tiyan na patuloy ang pag-agos ng mapulang dugo mula rito.
Tumakbo siya nang mabilis sa takot na maabutan siya nito. Kapit ang sira sirang niyang damit ay tuluyan siyang nakalabas mula sa isang malaki at marangya pero mukhang abandonadong bahay na pinagdalhan sa kanya.
Hindi niya alam kung nasaan sila, maging ang oras ng mga sandaling iyon ay palaisipan sa kanya.
May munting liwanag na tumatanglaw sa kanya mula sa buwan. Hindi niya alam kung saan siya naroroon at kung saang dako ng gubat ang tinutunton niya.
Wala na siyang pakialam sa kung anumang panganib ang naghihintay sa kanya kung saan man siya dalhin ng mga paa niya.
Ang tanging gusto lang niya ng mga sandaling iyon ay makalayo sa lugar na iyon.
Napatigil siya at kumapit sa isang malaking puno dahil sa matinding pagod. Hingal na hingal siya at pakiramdam niya ay hindi niya na kakayanin pang maglakad.
Malayo-layo na rin ang natakbo niya. Uhaw na uhaw na siya na lalong nakakadagdag sa panghihina ng buong katawan niya.
Napahawak siya sa katawan. Mula sa nananakit na tiyan ay bumaba ang kamay niya sa gitna niya. Pati ang bahaging iyon ay masakit.
Pumikit siya habang patuloy ang pag-agos ng luha sa mga pisngi niya nang biglang siyang napamulat at nanlaki ang mga mata niya nang may humawak sa kamay niya.
Tumingala siya at nasalubong ang maliwanag at nakakatakot na mukha ni Henry na nakangising nakayuko sa kanya.
“Huwag! Huwag!” malakas na sigaw niya habang nagpupumiglas.
Hingal na hingal siyang napabalikwas ng bangon. Hinatak niya ang kumot at inilagay ang mga kamay sa dibdib niya.
Kasabay naman noon ang biglang pagbukas ng pinto at iniluwa noon ang nag-aalalang mukha ni Claire.
“Alena, ok ka lang ba? Sorry, kadarating ko lang.”
Napalunok siya at sinundan ng tingin si Claire na mabilis na kumuha ng tubig at iniabot sa kanya.
“Napanaginipan mo na naman ba?”
Uminom muna siya ng tubig saka tumango.
Kinuha nito ang baso mula sa kanya saka hinawakan ang kamay niya.
Napatingin siya sa orasan na nakasabit sa dingding. Alas sais na ng umaga.
“Kailangan mo na sigurong bumalik sa doctor. Baka lumala ‘yan at bumalik ka na naman sa dati.”
Nakayukong umiling siya. “Ilang doctor na ang tumingin sa akin, ‘di ba? At iisa lang ang gamot na nirerekomenda nila at alam mong imposible ‘yon.”
Gumalaw ang nakatikom nitong bibig habang nag-iisip saka tiningnan siyang mabuti.
“What if sa ibang bansa na lang kayo magpagamot. Siguradong may mga expert na doctor doon para diyan sa kaso mo. Pagbigyan mo na si Tita Yvette. Sobrang nag-aalala na siya sa ‘yo. Ilang beses ko na rin siyang nakikitang umiiyak lalo na kapag pinagmamasdan niya si Lyke na walang kibo.”
Hindi siya agad kumibo at nanatiling nakatingin sa kawalan.
Anim na taon na ang lumipas mula ng mangyari ang pinakamalaking bangungot sa buhay niya.
Anim na taon na ang nakalipas ng mamatay ang Papa niya.
At anim na taon na rin mula ng makatakas siya sa kamay ng isang demonyo pero ang nakalulungkot ay nag-iwan ito sa kanya ng isang alaala.
Isang alaala na hindi niya pwedeng talikuran kundi ang tanggapin.
Huminga siya ng malalim saka tumayo. Alam niyang hindi na mawawala ang bangungot na iyon kahit kailan. Inihanda niya na ang sarili na habambuhay na siyang babalik-balikan ng masamang panaginip na iyon.
Pero sa kabila noon, kahit papaano ay panatag na ang loob niya sa pagkamatay ni Henry.
Napapilig siya nang muling lumitaw sa imahinasyon niya ang mukha nito nang gabing bumalik ang malay niya.
Nakahandusay ito sa kama katabi niya. Nakadapa ito pero nakaharap ang mukha sa kanya at nakadilat ang mga mata habang hindi na humihinga.
Mariing siyang pumikit at matindi ang pag-iling habang pilit na iwinawaksi ang naisip.
“Couz, ok ka lang ba talaga?” untag ni Claire.
Nilingon niya ito at tinapik ang kamay nitong nakahawak sa braso niya. “Ok lang ako, couz. Ililigo ko lang ito at siguradong mawawala rin agad.”
Pagkatapos niyang maligo ay naghanda na siya para sa kanyang lakad. Susunduin niya si Lyke sa resort para ihatid sa school.
Nagpaalam siya kay Claire na siyang kasama niya sa bahay sa ilang taon niyang pananatili rito sa Palawan.
Sobra sobra ang utang na loob niya rito pati na rin sa dati nitong nobyo.
Naalala niya nang gabing mangyari ang lahat. Nang magising siya sa tabi ng bangkay ni Henry ay halos maputol ang hininga niya sa takot at kakatakbo palayo sa lugar na iyon.
Hanggang sa makarating siya sa highway. Madaling araw noon kaya walang dumaraan na sasakyan. Tinunton niya ang kalsadang hindi niya alam kung saan papunta hanggang sa may makita siyang isang paparating na sasakyan. Pinara niya iyon at sinalubong hanggang sa mawalan siya ng malay sa harapan noon. Pakiramdam pa nga niya ng mga sandaling iyon ay nabangga siya ng sasakyan.
Paggising niya ay nasa isang simpleng bahay siya na gawa sa kahoy. At nalaman niya na si Carl, na nobyo ni Claire ang nakasakay sa pinara niyang sasakyan bago siya tuluyang mawalan ng malay at dinala siya nito sa bahay ng tiyahin nito doon sa Ilocos na malapit kung saan siya nito natagpuan.
Ilang buwan siyang hindi makapagsalita dahil daw sa trauma ayon sa doctor. Dahil sa itsura niya noon ay natakot ang mga ito na posible siyang hanapin at balikan ng kung sinuman ang sumalbahe sa kanya kaya nagdesisyon si Claire na dalhin siya sa Palawan upang pansamantalang itago habang hindi pa tiyak kung sino ang taong nasa likod ng pangyayaring iyon.
“Couz, ako na lang kaya ang susundo kay Lyke later? Kailangan kasi na matapos na ‘yong event hall sa resort para sa pageant bukas. Tapos nagkasakit pa ‘yong makeup artist ni Tata. So, ire-recommend sana kita? Please! Wala na talaga kaming makuha na maayos na makeup artist dito plus ang mamahal pa ng pf,” nakangusong pakiusap nito.
Napatingin siya rito saka bahagyang natawa sa itsura nito na tila napakalaki ng problema.
“Ano ka ba naman,couz. ‘Yon lang ba? Mag-a-assist lang naman pala kay Tata, akala ko naman kung ano na ang problema mo,” nakangiti niyang sambit. “Ok, game ako diyan.”
Lumawak ang ngiti nito saka mahigpit siyang niyakap. “Thank you, couz! Ang bait mo talaga! Pero kaya mo pa ba? Hindi pa kayo tapos sa pagpi-prepare ng event hall. For sure, kailangan ka do’n hanggang bago mag-umpisa ang pageant.”
“Don’t worry, kaya ko. Besides, madami naman akong katulong na staff doon.”
Sandali pa nilang pinag-usapan ang nasabing event bago siya tuluyang umalis ng bahay pagkatapos ay dumiretso sa resort na pag-aari ng Mommy ni Claire at ng Mama Yvette niya.
Mabilis siyang bumaba ng kotse nang maipasok ito sa loob ng parking ng resort.
Napangiti siya nang makita ang anak na naglalakad sa front yard garden ng resort habang may hawak na bulaklak. Ang isang kamay naman nito ay hawak hawak ng Mama niya habang masayang itinuturo ang bawat bulaklak na madaanan.
“Lyke,” tawag niya rito habang papalapit sa mga ito.
Sabay naman napalingon ang mag-Lola sa kanya at agad na tumakbo sa kanya ang anak.
“Good morning, Ma,” bati niya sa matanda pagkatapos buhatin si Lyke.
“Buti at dumating ka na, anak. Kanina ka pa yata hinihintay ng apo ko. Kanina pa niyan ako hinihila sa gate,” nakangiting balita nito. “Kumain muna kayo bago mo siya ihatid sa school.”
Sumunod siya rito papunta sa kusina. Tiningnan niya ang anak at hinaplos ang ulo nito nang mahigpit itong yumakap sa leeg niya.
“How are you, baby? Masarap ba ang tulog mo?”
Tulad ng inaasahan niya ay tanging tango lang ang sagot nito.
Sa edad na limang taon ay tanging tango at pag-iling lang ang isinasagot nito sa mga tanong nila.
She has a special needs according to her doctor.
At hindi niya maiwasang sisihin ang sarili niya kung bakit nagkaganoon ang kanyang anak.
Mula ng gabing iyon ay halos tatlong buwan siyang hindi nakakausap. At nang sandaling bumalik siya sa kasalukuyan at malaman na nagdadalang tao siya ay muntik niya ng ipalaglag ang batang nasa sinapupunan.
She did everything to lose the child naturally. Araw araw niyang pinapagod at pinahihirapan ang sarili. Hindi rin siya napilit ni Claire o ng Mama niya na magpa-check up sa doctor kahit na hindi maganda ang pakiramdam niya.
Earlier in her third trimester ay naramdaman niya ang pananakit ng tiyan. Wala siyang nagawa ng dalhin siya sa hospital. Akala niya ay doon na susuko ang anak niya dahil masyado pang maaga para manganak siya and she planned to refuse any medication na kakailanganin nito but Lyke was strong.
Malusog itong lumabas even though she was born prematurely. At sa paglipas ng mga buwan ay natuto siyang mahalin ang anak niya. Tinanggap niya ito at naging dahilan para muling lumiwanag ang madilim niyang buhay at kalimutan ang masamang nakaraan.
Kaya ganoon na lang ang pagsisisi niya nang tumuntong ito sa pangalawang taon.
Autistic behavior started to show up. Kung kani-kaninong doctor at espesyalista na nila ito dinala pero ganoon pa rin ito at ni kaunting pagbabago ay wala itong ipinapakita.
“Anak, may nakilala akong doctor. Actually, American doctor siya and expertise niya ang case ni Lyke. Gusto ko sanang ipagamot ang apo ko. Kung ok lang sa ‘yo, dadalhin natin siya sa US next month.”