Hindi pa man tumitigil ang taxi sa entrance ng hospital ay naagaw na ang pansin niya ng isang babae at lalaki na tila nagtatalo sa harap ng exit door.
Tinitigan niya iyong mabuti at agad na pinatigil ang taxi sa tapat ng mga ito ng makumpirma na ang Papa niya ang nakaupo sa wheelchair habang ang stepmother niya ay tila iritadong nakatayo sa harapan nito.
“Papa?”
Mabilis na nag-angat ng ulo ang tinawag niya na bakas ang pagkagulat sa mukha.
Nilingon siya ng stepmother niya na tila nabuhayan ng loob pero hindi pa rin maitago ang iritasyon sa mukha nito.
“Oh, heto na pala si Alena,” anito.
Lumapit siya sa Papa niya at humalik sa pisngi nito. “Ano pong nangyari? Bakit nasa labas kayo?”
“Bakit hindi mo tanungin ang asawa mo? Hindi gumagana ang card na ibinigay niya sa Papa mo,” sambot na sagot ng stepmother niya. “Tara na at masyado ng nakakahiya rito.”
Napakagat siya ng labi saka napatingin sa Papa niya na nakayukong umiiling iling.
“Ako na lang po ang magse-settle ng account sa loob,” aniya na akmang papasok sa loob ng ospital.
“Ako na. Akin na ang pera. Heto ang total bill,” anito habang iniaabot sa kanya ang isang resibo “Hintayin n’yo na lang ako rito o mauna na kayo sa bahay.”
“Pero hindi po ba natin ibabalik si Papa sa loob?” nagtatakang tanong niya.
“May waiver na ang doctor. Ayaw na rito ng Papa mo dahil mahal pero hindi naman siya gumagaling,” anito saka sila tinalikuran.
Tiningnan niya ang Papa niya na nanatiling nakayuko. Medyo payat pa rin ito pero hindi na ganoon kaputla ang mukha tulad ng huli niya itong makita.
Kinawayan nito ang paparating na kotse saka dire-diretsong pumasok sa loob. Wala siyang nagawa kundi ang sumunod dito.
“Pa, asan ba ang medical record mo? Hindi pwedeng basta ka na lang lalabas ng ospital—"
“Pumayag ang doctor na hindi na ako magpa-confine. Out patient na lang, para hindi na masyadong malaki ang bayarin natin sa ospital.”
“Kelan ang check up mo? Sasamahan kita.”
Umiling ito. “Ano ba ang nangyari? Bakit na-decline ang card ko?” anito na sandali siyang sinulyapan na agad din nagbawi ng tingin.
Napalunok siya at hindi agad nakasagot. Siya mismo ang nagpa-cancel ng card na iyon. Kahapon niya lang nakita kung gaano kalaki ang limit ng card na iyon at halos hindi siya makapaniwala sa laki ng nababawas doon buwan buwan.
Bukod kasi sa card na iyon na mismong si Duncan ang nag-abot sa Papa niya isang araw bago sila lumipad papuntang US para magpakasal ay regular din siyang nagbibigay dito ng panggastos buwan buwan.
Kaya ganoon na lang ang gulat niya nang kumuha siya ng bank statement. Nakakalula at hindi niya maisip kung saan pa nila ginagamit ang perang iyon.
Kahit na hindi iyon binawi ni Duncan sa kanya ay alam niya na hindi niya dapat iyon tanggapin kasama ng ilang ari-arian na nakasaad sa divorce agreement.
May konti naman siyang naipon mula sa mga part time job niya bilang makeup artist na nagsimula pa noong nag-aaral pa siya at ilang alahas na paunti-unti niyang binili mula sa mga subasta sa pawnshop na pinagta-trabahuhan noon ng isa niyang ka-klase.
Medyo malaki na rin iyon at tingin niya ay kakayanin pang suportahan ang pagpapagamot ng Papa niya hanggang sa makahanap siya ng regular na trabaho.
Inalalayan niyang pumasok sa loob ang Papa niya at hinayaan itong magpahinga sa kwarto. Pero ilang minuto lang ay lumabas ito kasabay ng pagdating ng stepmother niya.
Bahagya itong nakasimangot habang dire-diretsong pumasok sa kusina dala ang ilang bag ng mga pinamili nito.
“Bumili na lang ako ng tanghalian natin sa nadaanan kong restaurant. Mabuti na lang at may dala akong extrang pera. Halos wala ng sukli sa ibinigay mong pambayad sa ospital,” anito na pasalampak na naupo sa sofa. “Hay, ang hirap mag-commute," reklamo nito na sumandal sa sofa na parang pagod na pagod "Si Duncan ba ay walang balak na ibili ng kotse itong Papa mo?”
Napaawang ang labi niya. Binuksan nito ang electric fan at itinapat ang mukha roon.
Napailing naman ang Papa niya at naiinis na tiningnan ito. “Siya pala, anak. Bakit pala nandito ka? Sabi ni Berna ay noong isang araw ka pa raw dumating,” anito na bumaling sa kanya.
Pinaglapat niya ang labi at huminga muna ng malalim. Sinulyapan niya muna ang madrasta niya na maarteng sinusuklay ng kamay ang buhok.
“Ang totoo, Papa, hiwalay na po kami ni Duncan—”
“Ano?!”
Halos panabay na bulalas ng mga ito pagkatapos ay parehong tila naestatwang nakatingin sa kanya.
Yumuko siya at hindi nagawang salubungin ang mga mata ng Papa niya na hindi niya malaman kung anong klaseng emosyon ang biglang gumuhit doon.
“Ulitin mo nga ang sinabi mo?” maya maya’y tanong ng stepmother niya. “Wala ka ng asawa? Hiniwalayan mo ang asawa mo?” nanlalaki ang mga matang tanong nito.
Napalunok siya saka tumango bilang sagot.
“Kaya ka nandito dahil pinalayas ka ng asawa mo, ganoon ba? At dito ka titira?”
“Hindi niya ako pinalayas. Kusa akong umalis.” nakayukong pagtatama niya rito.
“Gaga ka pala eh! Bakit ka umalis? Ang sarap sarap ng buhay mo roon, tapos dito ka makikisiksik sa amin—”
“Berna!” sigaw ng Papa niya na matalim ang mga matang tiningnan ito. “Umalis ka muna, mag-uusap kami ng anak ko.”
Mariin siyang napalunok sa nakitang galit nito at pagbabago ng pananalita nito sa kanya. Tila hindi ito ang stepmother na ipinakilala sa kanya ng Papa niya noon na malambing sa kanya at halos pagsilbihan siya tuwing dumadalaw siya sa mga ito.
Tila naman hindi ito nasindak sa masamang tingin na ipinukol ng kanyang ama rito. Sa halip ay inis na tumayo ito pagkatapos tumbasan ng matalim na tingin ang Papa niya.
Nakiramdam muna siya saka kagat labing hinarap ang Papa niya.
“Pinapunta niya ako sa US.. at hiniling niya na mag-divorce kami.”
“Bakit ka pumayag?.. Ibig kong sabihin, anong dahilan at nakipaghiwalay siya sa ‘yo?”
Pumikit siya sandali saka humugot ng malalim na hininga. Ito na ang huling pagkakataon na magpapaliwanag siya tungkol sa bagay na iyon.
Pakiramdam niya ay paulit ulit lang na nanariwa ang sakit sa tuwing tatanungin siya tungkol doon.
“May iba na siya—”
“Ano? Gago pala ang lalaking ‘yon! Niloko ka niya?” anito na biglang nagsalubong ang mga kilay. “Hindi porke’t sinusustentuhan niya kami ay pwede ka na niyang lokohin ng ganyan.. Gusto ko siyang makausap—”
“Hayaan niyo na ‘yon, Papa. Maayos naman ang paghihiwalay namin.”
“Hindi ako papayag na tarantaduhin ka ng lalaking iyon… Ano? Basta ko na lang hahayaan na maagrabyado ka. Babae ka, sa kanya walang problema dahil walang mawawala sa kanya.”
Pumikit muli siya at mariing pinaglapat ang mga labi. “Wala rin naman nawala sa akin, Papa.” Hindi na siya nakatiis na itago ang naging sitwasyon nila bilang mag-asawa dahil alam niya kung ano ang pinupunto nito. “ Ikinasal lang kami sa papel pero hindi kami namuhay bilang tunay na mag-asawa.”
Natigilan ito saka unti-unting kumalma ang mukha. Yumuko ito pagkatapos ay napapailing na bumuntong hininga.
Maya maya ay tumayo ito at nagpaalam na magpapahinga muna. Sinundan niya ito ng tingin na laglag ang balikat na pumasok sa kwarto.
Hindi niya alam kung ano ang tumatakbo sa isip nito. Pero isa lang ang sigurado siya. Hindi nito nagustuhan ang ibinalita niya.
Pero sino nga ba ang magulang na matutuwa na magkaroon ng anak na seperada?
Pero bakit kaya bukod doon ay may iba siyang pakiramdam sa mga ikinikilos nito.