Paglabas ni Alena ay napatigil siya nang makita ang nakaparadang itim na kotse sa tapat ng gate.
Gumilid siya at akmang papara ng taxi nang lumapit si Henry sa kotse at agad na binuksan iyon.
“Tara na,” seryosong yaya nito sa kanya.
Napakunot ang noo niya at nagtatakang tumingin dito. Sa pagkakaalam niya ay wala itong kotse. Tila naman nabasa nito ang nasa isip niya.
“Service vehicle ito ng casa na pinagta-trabahuhan ni Mang Vic. Ito rin ang ginamit namin kanina papunta sa hospital.”
“Saang hospital ba si Papa?” Pwede naman siyang pumunta mag-isa roon at hindi na kailangang sumabay pa rito.
At ayon naman dito ay hindi ganoon ka-grabe ang natamong pinsala ng Papa niya pero natatalo pa rin siya ng nararamdamang kaba sa mga sandaling iyon.
Sinabi nito ang pangalan ng hospital at akala niya ay aalis na ito pero hindi ito umalis sa pagkakatayo sa tabi niya.
Ilang tricycle at taxi na ang dumaan pero lahat ng iyon ay may laman.
Muli siyang tumawag sa Papa niya pero ngayon ay unattended na ito. Napatingin siya kay Henry na tila walang balak na umalis hanggang naroon pa siya.
Tinitigan niya ito. Napatingin din naman ito sa kanya at bahagyang ngumiti.
Tumingin siya sa relo. Maaga pa naman at ilang minuto lang ang itatagal ng byahe hanggang sa hospital kung nasaan ang Papa niya.
“Natatakot ka ba sa ‘kin, Alena? Hindi ko alam kung anong ginawa ko pero pakiramdam ko ay wala kang tiwala sa akin,” sambit nito at malungkot na sumulyap sa kanya sandali. “Mukha talaga siguro akong hindi mapagkakatiwalaan.”
Kinagat niya ang loob ng pisngi niya.
Mula sa hindi magandang karanasan niya sa bahay-ampunan ay nagkaroon na siya ng takot at kawalan ng tiwala sa mga lalaki.
Hanggang sa makilala niya si Duncan na naging dahilan para mawala ang lahat ng iyon pero ngayon ay tila bumabalik na naman ang takot sa dibdib niya.
Napayuko siya at kinuha ang cellphone mula sa bag niya nang tumunog iyon. Text message mula sa Papa niya na pinapakiusapan siyang puntahan agad ito sa hospital.
Lalo siyang nakaramdam ng kaba kaya isinantabi na niya ang pag-aalinlangan kay Henry at agad na niyaya itong umalis para puntahan ang Papa niya.
Pagkalipas ng ilang minutong byahe ay napansin niya na ibang daan ang tinatahak ni Henry.
Nagtatakang nilingon niya ito. “Bakit dito tayo dumaan?”
“Rush hour ngayon kaya dito na lang tayo sa short cut daraan,” anito na nilingon siya at bahagya pang tumawa.
Napakunot naman ang noo niya pero isinantabi ang pag-aalala. Medyo traffic naman talaga ang oras na iyon dahil uwian na mula sa trabaho pati na rin ng mga estudyante.
Maya maya ay kumuha ito ng facemask at itinakip sa mukha nito pagkatapos ay may inilabas na bote at ini-spray sa gawi niya.
“Anong ginagawa mo?”
“Pasensya na, Alena. Napag-utusan lang ako.”
Bigla siyang kinabahan sa sinabi nito pero mas lalong lumukob ang takot sa dibdib niya nang sandaling matakpan ng dilim ang mukha nito.
“Ikaw?”
Hindi siya maaaring magkamali. Ito ang lalaking pumasok sa opisina nila at nagtangkang dumukot sa kanya.
Humawak siya sa pinto ng kotse at nagtangkang buksan iyon pero bago pa niya magawa iyon ay unti-unting na siyang nawalan ng malay.
--
Nahihilong nagmulat siya ng mga mata. Hindi pamilyar sa kanya ang silid na kinaroroonan niya kaya agad siyang napabangon kasabay ng pagpasok ng alaala sa kanya.
Mabilis na umangat ang tingin niya sa bumukas na pinto. Iniluwa mula roon si Henry na nakangising tumingin sa kanya.
“Walanghiya ka, Henry! Sinasabi ko na nga ba at hindi ka dapat pagkatiwalaan. Anong kailangan mo sa ‘kin? Bakit mo ‘ko dinala rito?”
Gumalaw ang bibig nito na tila nag-iisip habang masama ang tingin sa kanya. “Tama pala talaga ang iniisip ko. Kaya nag-isip kaming mabuti para malinlang ka. Alam mo kung ano ang mas nakakasama ng loob? Wala pa akong ginagawa pero wala ka ng tiwala sa akin. Tsk! Tsk! Kaya heto, binibigyan ko lang ng hustisya kung ano ang tingin mo sa akin.”
Napalunok siya nang tumalim ang tingin nito sa kanya at unti unting lumapit. “Pasalamat ka at unang kita ko pa lang sa ‘yo ay type na kita. Kung hindi, siguradong sa ibang kamay ka mapupunta.”
Tinabig niya ang kamay nito na mahigpit na nakahawak sa pisngi niya. Tumawa naman ito saka lumingon at may tinawag na tingin niya ay naghihintay lang sa labas.
Pumasok ang dalawang lalaki at ang isa ay may dalang laptop. Hinila ni Henry ang isang upuan saka kinuha ang laptop sa lalaki at ipinatong iyon doon.
Sa nakikita niya ay walang magandang magaganap sa kanya roon kaya mabilis siyang tumayo at tumakbo sa pinto pero agad siyang hinapit ni Henry at marahas na iniupo sa kama.
“H’wag mo ‘kong ginagalit, Alena! Kung ayaw mong masaktan at may nangyaring masama sa Papa mo, susunod ka sa mga sasabihin ko.”
Galit na tiningala niya ito. “Anong ibig mong sabihin? Anong ginawa mo kay Papa?”
Sa halip na sagutin ay lumapit ito sa laptop at iniharap iyon sa kanya.
Nanlaki ang mga mata niya nang makita mula roon ang Papa niya na nakaupo sa isang upuang kahoy habang nakatali ang mga kamay nito sa likod at may plaster din ang bibig nito.
Huling huli niya ang pagsuntok nang malakas sa tiyan ng Papa niya na nagpapilipit sa katawan nito.
“Papa!” sigaw niya.
Pilit naman nitong iniangat ang ulo at hinanap ang boses niya. Nang makita siya nito ay nagpumiglas ito saka marahas na umiling.
Alam niyang may gusto itong sabihin pero hindi nito magawa dahil natatakpan ang bibig nito.
Muling umigkas ang kamay ng lalaki sa tabi nito at tumama iyon sa pisngi ng Papa niya.
“Tama na! Tama na!” umiiyak na sigaw niya. Halos hindi siya makahinga habang pinapanood kung paano saktan ang Papa niya na walang kalaban laban. “Ano bang kailangan niyo sa ‘min? Bakit mo ginagawa ito, Henry?"
Ngumisi naman si Henry at isinenyas sa lalaki na itigil ang pananakit sa Papa niya. “It serves him right, Alena. Naniningil lang ako sa Papa mo. At ang malas mo dahil nagpakita ka sa ‘kin.”
“A.. anong ibig mong sabihin? Anong kasalanan sa ‘yo ng Papa ko?”
“Tsk! Tsk!" Umiling iling ito saka hinila ang upuan at umupo sa tapat niya. "Ipinakulong lang naman ako ng Papa mo at dahil doon ay nawala ang mag-ina ko. Kung hindi niya ako isinuplong sa mga pulis, hindi sana matatakot ang girlfriend ko dahilan para makunan siya na ikinamatay din niya!” nanlilisik ang mga matang pahayag nito. “Alam mo ‘yong pakiramdam na makita mong duguan ang taong mahal mo at anak mo ang dumadaloy doon pero wala kang magawa dahil naka-posas ka at kahit anong pakiusap mo ay nagbingi-bingihan lang sila?”
Napalunok siya habang umiiling na umiiyak. Ramdam niya ang galit sa bawat katagang lumalabas sa bibig nito na tila anumang oras ay sasaktan siya nito.
Ikinasa nito ang baril at itinutok sa kanya. “Gusto kong maramdaman ng ama mo ang sakit ng ginawa niya sa akin sa parehong paraan. Anak ang kinuha niya sa ‘kin kaya anak din ang kukunin ko sa kanya!”
“H’wag! Maawa ka sa ‘kin, Henry. Alam kong hindi ‘yon ang intensyon ni Papa,” nanginginig ang boses na pakiusap niya habang halos habulin niya ang hininga sa sobrang takot.
Umiling iling ito habang mariing pinaglapat ang mga labi at nanlilisik ang mga matang nakatingin sa Papa niya. Maya maya ay tumingin ito sa kanya saka ibinaba ang baril.
“Sige, pagbibigyan kita. Baka naman sabihin mo ay hindi ako marunong maawa kung papatayin agad kita sa pamamagitan nitong baril na ito.” Tukoy nito sa baril na hawak. Itinaas nito iyon saka bahagyang hinipan pa ang dulo nito. Ngumisi ito saka tumingin sa dalawang lalaking kasama nito. “Kaya ibang baril ang gagamitin ko sa ‘yo na unti unting papatay sa 'yo sa sarap.”
Kinilabutan siya nang marinig ang malulutong nilang tawanan pagkasabi noon.
Lumapit ito sa kanya saka hinila ang buhok niya kaya napatingala siya rito. Narinig niya ang impit na sigaw ng Papa niya na walang magawa kundi pakinggan at panoorin sila.
Sinenyasan ni Henry ang dalawang lalaki na lumabas at agad naman sumunod ang mga ito.
Inilapit ni Henry ang mukha sa kanya saka dinilaan ang pisngi niya pababa sa leeg niya.
“Hayop ka!” sigaw niya rito habang nagpupumiglas sa mahigpit nitong hawak sa buhok niya. Pakiramdam niya ay matatanggal na rin ang anit niya.
“Hintayin mo mamaya ang gagawin ko sa ‘yo at mas mararamdaman mo ang pagiging hayop ko,” anito na napilitan siyang pakawalan nang tumunog ang cellphone nito.
Marahas siyang binitawan nito saka tumayo at lumabas.
Umiiyak siyang lumapit sa laptop at nanginginig ang mga kamay na hinaplos ang screen noon.
“Papa...” tawag niya rito. Awang awa siya sa kalagayan ng ama na punong puno ng pasa ang mukha at maraming sugat sa katawan.
Patuloy ang paglandas ng luha sa mga mata nito habang umiiling na nakatingin lang sa kanya. Nababasa niya sa mga mata nito ang sobrang pag-aalala at pagsisisi.
Muling bumukas ang pinto at pumasok si Henry. Itinayo siya nito at ibinalik sa kama pagkatapos ay ibinigay sa kanya ang cellphone niya.
Kinuha naman niya iyon at agad na hinanap ang numero ni Duncan pero agad din siyang napatigil nang maramdaman niya ang dulo ng baril sa sintido niya.
Kasabay din ang baril na itinutok sa ulo ng Papa niya. Napalunok siya at ibinaba ang cellphone.
“Tawagan mo si Fortalejo at ito ang sasabihin mo sa kanya." Ibinato nito sa kanya ang isang puting papel na dahan dahan niyang kinuha. "At h’wag na h’wag kang magkakamaling magsalita bukod sa mga nakasulat sa papel na iyan kung ayaw mong sabay namin pasabugin ang mga ulo niyo ng ama mo,” matigas na utos ni Henry. “O mas maganda siguro na unahin ko ang tatay mong walang kwenta?”
Binasa niya ang nakasulat sa papel pagkatapos ay umiiyak na umiling. Hindi niya kayang sabihin ang lahat ng iyon.
“Siguraduhin mong maniniwala sa ‘yo si Fortalejo at siguraduhin mo rin na hindi siya makakahalata kung ayaw mong unang sumabog ang bungo ng Papa mo.”
Narinig niyang ikinasa ng lalaking nasa tabi ng Papa niya ang hawak nitong baril at mas idiniin pa lalo iyon sa ulo ng Papa niya.
Napapikit na lang siya habang hilam ng luha ang kanyang mga mata.