Napakagat siya ng labi habang nasa loob ng isang mamahaling boutique at nakatingin sa isang glamorosang bestida na iniharap sa kanya ng isang staff doon.
Nakatabingi ang labing nag-isip siya habang pinasadahan ng tingin iyon saka isinenyas na kukunin din iyon.
Nakangiti naman tumango ang staff at inumpisahan ilagay iyon sa box kasama ang ilan pang mga dress na si Duncan mismo ang pumili.
Sinadya ni Duncan na ipasara ang shop na iyon para kumportable siyang makapamili ng damit na isusuot para sa engagement party nila na gaganapin sa susunod na linggo.
Duncan was patiently waiting and admiring Alena every time she comes out from the dressing room wearing different kinds of dresses.
Halos lahat naman ay bagay sa maputi at balinkinitan niyang katawan kaya hindi na siya nahirapang pumili ng isusuot.
Kahapon lang napag-usapan ang engagement party pero halos lahat ng kailangan ay nakahanda na.
Kung nagkataon lang na narito sa bansa ang pamilya ni Dale at Alison na kasalukuyang nasa Japan para daluhan ang kasal ng best friend ni Alison na nakabase roon ay siguradong hindi na hihintayin pa ni Duncan na umabot ng linggo ang engagement party nila.
“Are you tired?” malambing na tanong ni Duncan pagkapasok nila sa kotse.
Nakangiti siyang umiling. “Wala naman akong ginawa kundi magsukat ng damit.”
Tumingin ito sa kanya at ngumiti saka pinaandar ang kotse.
“Babe, ano na pala ang nangyari kay Devi? Nakausap mo ba siya? Ano bang motibo niya para gawan ako ng masama?”
Napailing si Duncan at biglang dumilim ang mukha pagkatapos marinig ang tanong niya. Bumuntong hininga ito bago sumagot, “Sabihin na natin na obsessed ang babaeng ‘yon sa boyfriend niya at handang gawin ang kahit na ano masigurado lang na hindi maaagaw sa kanya ang lalaki niya.”
Nangunot ang noo niya at hindi makapaniwalang tumingin dito. “Ano? Eh, hindi ko nga nakakausap ang boss namin, ni lapitan man lang iyon bukod sa time na in-interview niya ako!”
Napalingon sa kanya si Duncan pagkatapos ay bahagyang natawa sa reaction niya. Para kasi siyang bata na nagsusumbong pagkatapos awayin.
Tumagilid ito paharap sa kanya saka hinawakan ang kamay niya. “Don’t worry, I already handled that case. At sinigurado ko na hindi niya na mauulit ‘yong ginawa niya sa ‘yo at sa iba pang empleyado na pinag-initan niya noon.”
Tumango na lang siya at sumang-ayon dito. Hindi na rin siya nag-usisa pa kung anong ginawa nito. Wala na rin naman siya sa kumpanyang iyon kaya wala ng dahilan para magalit ito sa kanya. Kahit pa para sa kanya ay napaka-unreasonable nito para gawin iyon sa kanya.
Siguro ay ganoon lang talaga ang mga taong praning at sobrang possessive sa mga taong mahal nila.
“Babe, pwede bang kina Papa na muna ako umuwi ngayon?”
Nilingon siya nito sandali habang patuloy sa pagmamaneho. Bahagyang kumunot ang noo nito kaya sigurado siyang hindi ito sang-ayon kaya mabilis siyang nagpaliwanag.
“Please, babe! Gusto ko lang makausap si Papa. Pakiramdam ko kasi ay meron pa siyang itinatago sa ‘kin. Gusto kong bago tayo ikasal ay masiguro ko na maayos na rin si Papa. Kapag nangyari ‘yon ay saka lang ako mapapanatag.”
“Ok, pero hindi mo naman kailangan na mag-stay pa ro’n.. Kung gusto mo, ipapasundo ko na lang siya sa driver—”
“Babe, Papa ko naman ang pupuntahan ko, so wala kang dapat ipag-alala,” malambing na sambit niya. “Saka ngayon lang naman, bukas ng maga ay nasa mansion na ako, promise!”
Hindi ito sumagot. Tiningnan lang siya nito ng saglit saka seryoso ang mukhang muling tumingin sa kalsada.
Umusod si Alena palapit sa nobyo saka malambing na humawak sa kanang braso nito at sumandal doon.
“Gusto ko rin magbakasali na sabihin na sa akin ni Papa ang tungkol sa… Mama ko. Gusto ko sana bago tayo ikasal ay makilala siya… Pakiramdam ko ay hindi ako mabubuo hanggang hindi ko siya nakikilala.”
Pakiramdam niya ay hindi buo ang kaligayahang nararamdaman niya. Pakiramdam niya ay laging may kulang.
Ramdam naman niya ang buong pagmamahal sa kanya ni Duncan na tingin nga niya ay mas na-doble pa sa dating pagtingin nito sa kanya pero hindi niya matukoy kung saan nanggagaling ang kaba at takot na nararamdaman niya.
Siguro ay dahil sa hindi pa niya nakukuha ang sagot sa mga katanungan niya na tanging ang ama lang ang makakasagot.
Naramdaman niya ang paghaplos ni Duncan sa kamay niya na nakayakap pa rin sa braso nito pagkatapos ay muli iyong ibinalik sa manibela.
“Ok, I’ll give you time alone with him. Kung ‘yan talaga ang gusto mo.”
Hindi man siya pabor sa gusto ni Alena ay hindi naman niya mahindian ito. Kung siya lang ang masusunod ay gusto niyang ilayo ito sa Papa nito sa lalong madaling panahon lalo na sa mga taong nakapaligid dito.
Kahit ilang taon pa lang siya sa mundo ng pagnenegosyo ay marami na rin siyang natutunan at isa na roon ang pagkilatis sa mga taong dapat at hindi dapat pagkatiwalaan.
At kahit na umamin na sa kasalanan ang Papa nito at humingi ng tawad sa kanila ay hindi pa rin niya ito lubos na mapagkatiwalaan.
Pero isang araw lang naman ang hinihingi ni Alena at kung hindi niya ito pagbibigyan ay baka isipin nito na masyado niyang minamanipula ang buhay nito.
Isa pa ay pumayag na rin naman ito na sumama sa kanya pabalik ng America pagkatapos ng engagement party at babalik na lang sa bansa sa araw ng kasal na mapagkakasunduan nila.
Kahit papaano ay napanatag ang loob niya sa isiping iyon.
--
Napatayo si Alena mula sa ilang minutong pagkakaupo sa maliit na sofa nang pumasok si Henry sa loob ng bahay sa pag-aakalang ang Papa niya ang dumating.
Halos alas singko na ng hapon pero wala pa roon ang Papa niya maging ang stepmother niya.
Ang usapan nila ay mag-a-undertime ito sa trabaho at hihintayin siya sa bahay.
“Kanina ka pa ba rito?”
“Hindi naman masyado,” kaswal na sagot niya saka muling bumalik sa upuan.
Kinuha niya ang cellphone at idi-nial ang numero ng Papa niya. Nagri-ring lang iyon pero hindi sinasagot.
“May usapan daw kayo ni Mang Vic ngayon?” tanong nito habang papasok sa kusina.
Sinundan naman niya ito ng tingin at hindi naman nagtagal ay lumabas na ito habang umiinom ng tubig sa baso. “Kaso baka gabihin ‘yon ng uwi, naaksidente kasi sa motor kanina nang inutusan daw ng manager nila.”
“Ano?!” napatayo siya sa gulat dahil sa ibinalita nito. “Nasaan si Papa?”
Ito naman ay parang nagulat din sa reaction niya saka mabilis na nagpaliwanag. “H’wag ka nang mag-alala, halos gasgas lang naman ang natamo ni Mang Vic. Pero kailangan lang daw i-xray kaso walang perang dala si Tita Bern kaya ako ang napakisuyuan na kumuha ng pera rito para sa bayarin sa hospital.”
“Saang hospital? Sasama ako. Ako na ang bahala. Tara na!” Natatarantang utos niya na hindi na hinintay ang sagot nito at nauna nang lumabas ng bahay.
Napahawak sa panga si Henry habang sinusundan ng tingin si Alena saka ngumisi. Pagkatapos ay luminga muna ito sa kabuuan ng bahay saka sumunod sa dalaga.