AMBER'S POV
Bumalik ako sa aking workstation para kunin ang mga gamit ko, gumawa ako ng resignation letter at ipinasa kay Ma’am Megan, para naman mabayaran ang isang linggo na ipinasok ko sa opisina. Nagpaalam na ako sa mga kasamahan ko at makikita ang lungkot sa mga mukha nila. Sa isang linggo ko na pagtatrabaho dito sa Admin department ay masasabi kong naging masaya ako dahil magaan na katrabaho ang officemates ko at mababait silang lahat, lalo na si Ma’am Megan at Maya na nakapalagayan ko na ng loob.
“Amber, bakit hindi mo na lang tanggapin ang offer ni Sir Dominic?” tanong sa akin ni Ma’am Megan, matapos kong sabihin ang dahilan kung bakit ako pinatawag sa itaas. “Siguradong makakatulong sa pamilya mo ang trabahong offer niya.”
“Paniguradong pag-iinitan lang ako ni Sir Phillip Ma’am, mas mabuti muna sigurong tulungan ko muna si Nanay sa pagtitinda sa palengke ng mga tinatahi niya. Maghahanap pa rin ako ng trabaho, Ma’am. Hindi muna siguro sa ngayon. Nakaka-trauma eh, first job ko pa naman.” sagot ko kay Ma’am Megan.
“Amber, mami-miss ka namin, lalo na ang mga boys,” singit ni Maya. “Ang dami pa naman nagkakagusto sa’yo dito, lalo na yung taga Marketing department. Panay nga ang tanong sa akin tungkol sa’yo eh.” Halong panunukso naman ni Maya.
Natawa ako kay Maya, sa isang linggo na pagtatrabaho ko, ay marami akong naririnig na nagpapalipad hangin sa akin, lalo na kapag may nakakasabay ako sa elevator na mula sa ibang department. Ang iba ay tinatanong pa ang number ko. Hindi ko pinapansin ang mga palipad hangin ng mga lalaki dahil natatakot pa akong pumasok sa isang relasyon, lalo na hindi maganda ang kinahinatnan ng unang pag-ibig ko.
College pa lang ay ligawin na ako, ngunit pihikan ang puso ko at hindi ako nagpapaligaw. Si Kenneth lang talaga ang nagtyaga na manligaw sa akin. Minahal ko si Ken. Nasa kanya na lahat ng hinahanap ko sa isang lalaki, mabait, masayahin, mapagmahal, gwapo at makisig. Una akong nahumaling sa dimples nito na lalong nagpapa-cute dito, lalo tuwing ngumingiti sa akin.
Sa unang pagtatama pa lamang mata namin ni Kenneth sa isang bookstore sa Manila kung saan ako nag aaral ay attracted na ako kay Ken. Pero dahil alam kong nag-aaral ito sa school ng mga mayayaman batay sa uniform nito ay tinarayan ko ito nang tinangka nitong kunin ang number ko. Mahirap lang ako at alam kong pagti-tripan lang ako ng kagaya ni Ken. Pero parang itinadhana na magkita kami muli ni Ken. Dahil ang unang pagkikita namin ay nasundan nang aksidenteng napulot ni Ken ang wallet ko. Nagulat na lang ako nang nakaabang ito sa akin ng paglabas ko ng school. Doon kami nagsimulang maging magkaibigan at hindi nagtagal ay nanligaw si Ken. Pero matagal ko siyang sinagot dahil malayo ang agwat ng antas namin sa lipunan at natatakot akong paglaruan lang ng isang mayamam. Nag-aaral siya sa pangmayaman na school samantalang ako ay sa State University at isang scholar.
Lumalim ang pagtingin ko kay Ken nang makita kong pursigido ito sa panliligaw sa akin, at sinagot ko nga ito. Ang masaklap, bigla naman itong naglahong parang bula simula nang malaman nito na may sakit ako sa puso.
“Hoy Amber natulala ka diyan!” biglang sigaw ni Maya na nagpabalik sa akin mula sa pagbalintanaw sa nakaraan namin ni Kenneth.
“Wala, may naalala lang ako.” Ngumiti ako kay Maya at Ma’am Megan. “Maraming salamat sa lahat, naging masaya ako sa pagtatrabaho dito kahit sandaling panahon lang.” Pasasalamat ko sa dalawang empleyado na nakagaanan ko na ng loob.
Umalis agad ako ng Peralta Building matapos mag-clearance at ibalik ang mga accountabilities ko. Tanghali na at hindi muna ako uuwi para sabihin kay Nanay ang malungkot na balita. Paniguradong pati mga kapit bahay naming tsismosa ay magtataka sa maaga kong pag-uwi, alam kasi nila na kakapasok ko pa lang sa trabaho tapos bigla akong magla-last day. Tiyak tampulan na naman ako ng tsismis. Sawa na ako na maging sentro ng usapan. Lagi ko na lang naririnig na sayang ang pinag-aralan kung hindi naman magkaroon ng trabaho, na palamunin lang ako ni Nanay, na kawawa naman si Nanay dahil walang silbi ang anak niya na hindi makatulong sa gastusin at sa pagbabayad ng utang.
Dumaan muna ako ng park, hindi pa ako nakakapananghalian. Tinignan ko ang wallet ko at two hundred pesos lang ang laman. Bumili ako ng biskwit at mineral water at kinain habang nagpapalipas oras sa park. Nagpa-load din ako para makatawag kay Sam, kailangan ko ng mapaglalabasan ng sama ng loob.
“Hello beshy, napatawag ka?” Sagot ni Sam matapos kong mai-dial ang numero nito.
“Beshy!” Gumaralgal ang boses ko at kusang tumulo ang luhang kanina ko pa pinipigilan, alam kong napansin agad ni Sam ang pag-iyak ko mula sa kabilang linya.
“Amber anong nangyari? Umiiyak ka ba?”
“Sam, wala na akong trabaho.”
“Ano? Teka, bakit naman kaka-umpisa mo pa lang ha?” takang tanong ni Sam.
Sinabi ko kay Sam ang lahat ng nangyari pati na rin ang pag-alok sa akin ng ama ni Phillip para maging secretary ng anak nito.
“Beshy tama lang naman ang ginawa mong lumaban ka dun sa masungit mong Boss pero sana tinanggap mo na yung offer ng Daddy niya, malaking tulong yung inaalok niya sa’yo” sabi ni Sam sa kabilang linya.
“Hindi na Beshy, magtitinda na lang ako muna sa palengke, magpapalipas muna ako ng ilang buwan bago mag-apply muli.” Pagod na pagod na kasi talaga ako, ang hirap maghanap ng trabaho.
Natapos ang usapan namin ni Samantha. Lumipas na rin ang ilang oras bago ako magpasyang umuwi na. Nagugutom na ako at kailangan kong kumain ng kanin para hindi ako manghina, ayoko ng gastusin ang natitira kong pera para kumain pa sa karinderya dahil baka maubusan ako ng pamasahe pauwi.
AMBER! Humahangos si Aling Doray nang makita akong naglalakad pauwi sa bahay.
“Aling Doray bakit po, may problema po ba?” nagtataka na tanong ko.
“Ang Nanay Rebecca mo sinugod sa ospital!” sigaw ni Aling Doray.
Hindi agad ako nakapagsalita sa gulat, bumalot ang kaba at bigla akong nanigas sa kinatatayuan ko, bumuhos ang luha ko sa mata kahit hindi ko pa alam ang dahilan nang pagkakasugod ni Nanay. “Ano pong nangyari kay Nanay?” Napahawak ako sa aking dibdib, bakit ngayon pa nangyari ito. Sunod sunod ang problema ko ngayong araw na ito.
“Amber, huminahon ka! Mabuti pa puntahan mo na siya ngayon din. Bigla na lang nahirapang huminga ang Nanay mo kaya sinugod na namin ni Bea sa ospital,” dagdag pa ni Aling Doray.
Agad akong nagpunta sa ospital na pinagdalhan nila Aling Doray at Bea kay Nanay. Lakad takbo ang ginagawa ko nang makarating sa entrance pa lang ng ospital.
“Excuse me po, saan po naka-confine si Rebecca Manalo?” Tanong ko sa information. “Anak niya po ako.” Habol ko pa ang hininga ko, masama sa akin ang mapagod ng sobra pero wala na akong pakialam sa kalusugan ko si Nanay ang importante sa ngayon.
“Nasa payward section po room 204 Ma’am.” Pagkasabi ng staff ay agad akong nagpunta sa kinaroroonan ni Nanay. Bumungad sa akin ang nakahigang si Nanay Rebecca, may oxygen pa na nakakabit dito at mahimbing pa sa pagkakatulog.
“Ate Amber, mabuti nandito ka na.” Si Bea na panganay na anak ni Aling Doray na kapit-bahay namin. Nursing student ito at malapit ako dito. Mabait ang pamilya ni Aling Doray sa amin ni Nanay, madalas ay binibigyan kami ng mga ito ng ulam kaya nakakatipid na rin kami, batid kong naawa ang mga ito sa kahirapan naming mag-ina.
“Bea napaano si Nanay?” Naiiyak na tanong ko.
“Nasa normal conditions na siya Ate, ang sabi ng Doctor kanina. Galing siya sa palengke kanina nang makita namin ni Nanay Doray, nahihirapan siyang huminga at may lagnat siya.”
Umupo ako sa gilid ng kama ni Nanay at hinawakan ang kamay nito. Hindi na kasi dapat ito nagtatrabaho ng mabigat, kasalanan ko ito, wala akong silbing anak, tama ang sinasabi nila, palamunin lang ako.
“Nay, Sorry! Kasalanan ko to, puro problema na lang po tayo simula ng mamatay si Tatay.” Umiiyak na sambit ko sa nakahigang si Nanay, bumaling ako kay Bea. “Ano daw ang findings Bea?”
“Pneumonia daw Ate, ang sabi ng Doctor.” Bumalot ang kaba sa dibdib ko, delikado kasi ang pneumonia sa mga matatanda. “Kailangan daw niyang ma-confine ng at least three days, Ate. Kasi delikado raw kay Nanay lalo na kung magkaroon ng komplikasyon.”
“Bea salamat sa inyo ni Aling Doray ha, kung hindi dahil sa inyo baka lalong napasama si Nanay.” Buti na lang talaga at naisugod agad si Nanay dito sa ospital.”
“Wala iyon ate, alam mo naman pamilya na kayo ni Nanay Rebecca sa amin,” wika ni Bea, bigla itong nagyuko ng ulo at parang nag-aalangan sa susunod na sasabihin. “A-ah ano eh, Ate Amber, kasi nanghingi ang ospital ng pambayad kanina, nagbigay na ako ng five thousand, ginamit ko muna yung pangdagdag sa tuition ko for second semester. Ate enrollment na kasi namin next week. Pasensya ka na, Ate ha. Wala kasi kaming extra na pera ni Nanay Doray—”
“Naiintindihan ko Bea,” putol ko sasabihin niya. “Huwag kang mag-alala ibabalik ko agad sa’yo ngayong linggo ang inabono mo, maraming salamat.”
Problema na naman. Saan ako kukuha ng pera pambayad kay Bea. Wala na akong trabaho. Si Nanay naman ay matetenga sa pananahi at pagbebenta sa palengke, pati sa pag sideline sa labada hindi rin muna pwede. Hindi kasi ako pinagtatrabaho ni Nanay ng mabigat kaya pagtatabas lang ng tela ang alam ko at pagsama minsan sa palengke para magtinda, pero bihira lang 'yun. Madalas ay gawaing bahay talaga ang ginagawa ko at pagluluto. “Bea, pwede bang bumalik muna ako sa bahay saglit para magpalit ng damit tapos ako na ang magbabantay kay Nanay?”
Kinausap ko muna ang Doctor bago umuwi muli ng bahay. May mga test pa raw na gagawin kay Nanay, at kailangan ma-confine ng tatlong araw para maobserbahan, kapag naman nakalabas ng ospital ay kailangan muna na magpahinga ng dalawang linggo bago makatrabaho si Nanay. May mga gamot pa na irereseta para tuluyan gumaling.
Parang naiisip ko na lang magbigti sa dami ng gastusin. Pera, pera, pera. Lagi na lang pera ang ugat ng problema namin ni Nanay, bakit ba ako pinanganak na mahirap? Kung buhay lang sana si Tatay ay may katuwang ako, o binigyan man lang sana ako ng kapatid para may karamay ako sa panahon ng pighati.
Umuwi ako ng bahay, naligo muna at nagpalit ng damit, gutom na ako at wala naman makain dito sa bahay, kailangan ko rin agad makabalik ng ospital at nakakahiya kay Bea. Matapos mag-ayos ay tinungo ko ang cabinet na pinagtataguan ni Nanay ng pera mula sa kinikita sa pananahi at paglalabada. Halos maiyak ako three thousand five hundred seventy pesos ang kabuuang laman. Kulang pa pambayad sa inabono ni Bea. Naisip kong tawagan si Sam pero may utang pa kasi ako sa kanya at alam kong nagigipit din siya minsan dahil tumutulong sa pamilya.
“Aling Rebecca, Amber!” tawag mula sa labas habang sunod-sunod ang katok sa pinto. Agad kong tinungo ang pinto para buksan.
“Aling Marites kayo po pala.” Hindi pa man nito sinasabi ang sadya pero parang alam ko na kung tungkol saan ang pakay nito, maniningil ito ng bayad sa renta. “Diyos ko maawa po kayo sa akin!” sa isip ko.
“Amber pasensya ka na, nabalitaan ko ang nangyari kay Aling Rebecca, pero kailangan ko lang maningil ngayon ng bayad sa renta, pangatlong buwan na kasi ang kulang niyo kung hindi niyo mabayaran ang upa.” Mabait si Aling Marites, alam kong obligasyon namin na magbayad, pero saan kaya ako kukuha ng pera sa ngayon. “Amber ang anak ko ooperahan sa appendix, kailangan ko sana yung bayad niyo.”
Hindi ako nakapagsalita bagkus ay tumulo ang luha ko. Ano pa ba ang darating na pagsubok? Hindi ko namalayan na unti-unti akong napaluhod sa sahig kasabay ng masaganang luha. Gipit na gipit na ako.
“Aling Marites!” wala na akong masasabi pa, gusto ko na lang uminom ng sleeping pills baka sakaling panaginip lang ang araw na ito. Lumuhod na rin si Aling marites para aluin ako.
“Amber, pasensiya ka na, wala rin akong magawa, kailangan ko kasi ng pera, pasensya ka na nagigipit lang ako. Pero kilala mo naman ako hindi ba? Kahit kailan hindi ko kayo ginipit ng Nanay mo, pero yung anak ko kailangan ma-operahan na, pwede niya daw ikamatay kapag hindi agad matuloy ang operasyon.” Umiiyak na rin si Aling Marites.
“Aling Marites, I’m sorry. Walang wala po talaga kami ni Nanay.” Niyakap ko na lang siya at yumakap din ito pabalik sa akin. Ito ang kailangan ko ngayon. Yakap, para gumaan ng kaunti ang bigat ng dibdib ko. Pareho kaming lumuluha.
“Amber, tama na. Baka makasama sa kalagayan mo. Aalis na muna ako, pasensiya ka na talaga at nag-bakasakali akong may extra kayong pera at makahulog kahit konti.” Inaalo ako ni Aling Marites. Paano ko sasabihin dito na wala na akong trabaho at baka lalo kaming hindi makakabayad ni Nanay ng para sa renta agad dahil marami pang gastusin.
Bigla naalala ko ang offer ni Mr. Dominic Peralta. Tumayo ako at pinahid ko ang luha ko. Hindi ako pwedeng sumuko, ibababa ko ang pride ko at tatanggapin ang offer ni Mr. Peralta.
“Aling Marites, huwag po kayong mag-alala gagawa ako ng paraan para makabayad agad.” Nagpaalam na rin si Aling Marites dahil maghahanap pa raw siya ng mauutangan para pandagdag sa operasyon ng anak.
Agad kong hinanap ang calling card na ibinigay sa akin ni Sir Dominic. Mabuti na lang at nailagay ko sa wallet ko. Mabuti na lang din at nagpa-load ako kanina at matatawagan ko si Sir Dominic. Sinagot ni Sir Dominc ang tawag ko matapos ang pangatlong ring lang.
“Hello?” Sagot ni Sir Dom mula sa kabilang linya…