KINAKABAHAN si Eleri nang pumasok siya sa pribadong silid kung saan madalas din umookupa si Kenichi. Ayon kay Joshi, wala itong magagawa kung hindi ang iharap siya sa isa sa pinakatinitingala sa lugar na iyon, kung ayaw nitong magsara ang business nito kung saan siya nagtatrabaho.
Sa magkabilang panig ng silid ay nakatayo ang apat na kalalakihan, diretso ang tindig, alerto sa paligid.
Natagpuan niya ang isang may edad na lalaki na nakaupo sa pinakagitna ng silid. Kapansin-pansin ito dahil sa awra na mayroon ang personalidad nito. Isang simpleng puti at maluwag na shirt ang suot nito na pinaresan ng hakama—o tradisyonal na pantalon na parang palda kung titingnan.
Nagtagpo ang mata nila ng lalaki. May kung anong enerhiya ang talim ng mata nito kaya napayuko siya agad. Mas dumoble ang kanyang kaba. Sigurado ba si Joshi na hindi siya sasaktan ng lolo ni Kenichi? Sigurado ba ito na wala itong gagawin sa kanya?
Pinasadahan siya nito ng tingin bago nito nilagok ang inumin na nasa maliit na shot glass.
“So, you are the woman that night,” simpleng wika nito, hindi patanong at siguradong-sigurado.
“Please sit, Marutinesu-san (Miss Martinez)!” wika ng lalaki na nasa tabi nito. Namumukhaan niya ang lalaki na may pilat sa pisngi. Isa ito sa dumukot sa kanya nang nagdaang gabi.
Hindi mapalagay ang lahat ng parte sa katawan ni Eleri. Nangangog ang kanyang buong pagkatao na umupo sa kabilang panig ng maliit na mesa ni Master Takayama.
“W-what do you need, Master Takayama?” nakayukong tanong niya.
Gamit ang sensu, o ang folding fan na nasa tabi nito, inangat nito ang kanyang mukha. Nangatal ang kanyang labi sa ginawa nito kaya inipit niya ang mga iyon. Ayaw niyang alisin ang pagkakahinang ng kanyang mata sa lalaki na para bang mapaparalisa siya kung iiwasan niya ito. Kung ganoong sa titig pa lang ay kaya na nitong palambutin ang kanyang tuhod, pakabugin ang kanyang dibdib at ipunin ang lahat ng kanyang sasabihin sa lalamunan—paano pa kaya ang sinasabi ni Joshi na kaya nitong pabagsakin ang kanilang trabaho?
“You are clean, Marutinesu-san (Ms. Martinez).”
“W-what do you mean, M-Master Takayama?”
“Anata wa watashi no mago ga chūmoku shita yuiitsu no joseidesu. (You are the only woman my grandson has given attention to.) You are the only one, and you are a virgin. I am going to offer you something that will change your life.”
Shit! Gagawin ba akong babae ng matandang ito? Please, huwag po!
Nagpatuloy ang lalaki dahil wala siyang tinig na mailabas sa sobrang kilabot na nararamdaman niya sa oras na iyon.
“Himago o kudasai! (Give me a great-grandson!)”
Kumunot ang noo ni Eleri, wala siyang naiintindihan dahil kakaunting salita pa lang ang alam niya.
“W-what do you mean, Master?” Para siyang tanga na wala nang naisip na sabihin kung hindi ang tanong na iyon.
“It simply means, I want you to bear Kenichi’s son. I hope you could give me my next heir, my great-grandson; I’ll provide you with wealth that you seek here for months in the country. I’ll give you a mansion, million Yen, your biggest dream— but you will give birth to my next heir in exchange. You’ll leave your child to me after you have given birth to him.”
Napatayo si Eleri. “That’s ridiculous!”
“Suwatte, Marutinesu-san! (Sit down, Ms. Martinez!)” galit na wika ng lalaking may pilat sa pisngi. Halos lumipad ang kanyang kaluluwa at umalis sa kanyang katawan nang dumagundong ang boses nito sa silid.
“Kento.” Itinaas ng may-edad na lalaki ang kamay nito para suwayin ang lalaking may pilat sa pisngi.
Yumuko si Kento at nanghingi ng paumanhin. “Gomen'nasai, Tono.”
Siya pala si Kento. Ngayon ay alam niya na kung bakit takot sa lalaki si George. Tono ang tawag sa nakatataas na ranggo sa grupo, kung pakikinggan iyon ay “dono.”
“I’ll give you three days to think, Marutinesu-san,” wika ng may edad na lalaki. “You may now go.”
Hindi alam ni Eleri kung paano bibitbitin ang kanyang binti palabas ng silid. Naghihintay si Joshi at si Tonya na asawa nito sa labas ng silid.
“Papasok na muna kami. Ipinatatawag din kami ni Master Takayama. Magkita at mag-usap tayo mamaya,” ani Tonya.
“M-mawawalan na ba ako ng trabaho, Tonya?” tanong niya rito. Pilipina ang babae na asawa ng boss nilang si Joshi.
“Malalaman natin mamaya. Magtrabaho ka na muna.” Tumuloy na ito sa loob dahil pinapasok na ito ng tauhan sa loob.
Unang beses ito na matakot nang sobra si Eleri. Nag-aalala siya sa kinabukasan niya at nag-aalala rin siya sa buhay niya. Lumabas na lang muna siya ng bar. Sinalubong siya ng may kalamigang klima. Hindi siya naninigarilyo kaya sapat na sa kanya na makalanghap ng hangin. Nanuot sa kanyang balat ang hamog dahil tube style ang kanyang bestida, ngunit mas guminhawa ang kanyang pakiramdam kumpara kanina nang naroon siya sa harap ng matandang Hapon.
“Rosa, sige na, kailangan ko ng pera. Tulungan mo naman ako. Hindi ko alam ang gagawin ko. Nakabili na ako ng alahas noong nakaraang buwan. Hindi ko naman akalain na hindi na ako papansinin ng Hapon ko!” narinig niyang wika ni Sol, kasamahan niya rin sa trabaho. Palabas ito na sinusundan ang kasamahan nilang si Rosa.
“Hindi ko pa nakukuha ang parte ko sa ahensiya. Maliit lang din ang tip na binigay sa akin. Kay Karla ka na lang manghiram.”
“Alam mo namang galit ako sa babaeng iyon!”
“Wala kang pagpipilian dahil siya ang siguradong may pera sa ‘tin.”
Napansin siya ni Sol. Sinita siya nito. “Anong tinitingin-tingin mo d’yan? Natutuwa ka ba na namo-mroblema ako?”
“Sorry,” ani Eleri. Inilayo niya ang tingin sa dalawang babae.
Lumayo na ang mga ito sa kanya. Naiiling naman si Eleri. Isa iyon sa mga napapansin niya sa mga kasama. Nasasanay sa luho ang mga ito dahil nasanay na at inaasahan na may nagbibigay na ekstra mula sa mga parokyano nila.
Huminto ang isang puting Toyota Supra sa tapat ng kanilang bar. Bumaba mula sa loob ang lalaking dalawang gabi nang bumabagabag sa kanyang isipan.
Nagtagpo ang kanilang mata, ngunit saglit lang iyon. Tumuloy ito sa loob na halatang wala itong pakialam sa kanya.
“Hudas talaga!” Naiiling na bulong niya. Pagkatapos ay nais pa ng lolo nito na bigyan niya ng anak ang lalaki?
Pumasok na lang siya sa loob dahil ramdam niya na ang klima. Eksakto naman na oras na ng kanyang pagkanta. Isang Japanese song ang kinanta ni Eleri na may pinamagatang “Yume Ni Anata” ni Kyoko Takami. Isinunod niya ang “First Light” ni Makoto Matsushita.
“From the east to the west. I've lost myself in the night for your love. From the north, I'm getting to the south...”
She met familiar eyes looking intently in her direction while she expressing herself through the song. It was Kenichi. Kahit sa kabila ng mga taong naroon sa kanyang harapan ay hindi talaga siya nahihirapan na hanapin ang lalaki.
Natapos ang kanyang kanta. Bumaba siya sa entablado.
“Tawag ka nga pala ni Tonya sa opisina ni Joshi.” bulong sa kanya ng gitarista nang dumaan siya sa gawi nito.
Nginitian niya ito. “Sige! Salamat, Jay! Salamat din sa pagtugtog mo para sa kanta ko. Hindi ka pa rin kumukupas, ang galing mo!”
“Salamat! Magaling ka rin kasi!” nakangising wika nito. Tinapik siya nito sa braso.
Napalingon siya muli sa puwesto ni Kenichi kung saan niya ito huling nakita nang makababa siya. Hindi na niya nakita pa ang lalaki roon. Nagkibit-balikat na lang siya at nagtungo sa opisina ng kanilang boss.
***
“MAWAWALAN ba ako ng trabaho?” Iyon ang tanging tanong ni Eleri sa kababayang si Tonya.
“Magpasalamat ka at hindi naman ganoon ang intensiyon ni Master Takayama. Nais ka niyang bigyan ng laya na makapagdesisyon. Naku! Ikaw pa lang ang kauna-unahang binigyan niya ng ganoong pagkakataon. Ako na ang nagsasabi sa’yo na sa tagal ko rito, walang makapasok sa mundo ng mga Takayama. Pero ano ba ang plano mo?”
“Hindi ko rin alam, Tonya. Nabigla ako nang sabihin niya sa ‘kin na bigyan ko siya ng apo.”
“Ayaw mo ba n’on? Masuwerte ka nga na sa dami ng babae dito, ikaw ang binigyan ng ganoong pagkakataon, pero hindi rin kita masisisi. Kalakip ng pagtira sa mga Takayama ang panganib.”
“M-mapanganib ba talaga ang pamilya ni Kenichi?”
“Sapat na bang na sampung porsiyento ng bar na ito ay napupunta sa kanila kung gusto ni Joshi na mamuhay nang maayos dito sa Tokyo?”
Natahimik si Eleri nang ilang minuto.
“Ano ba ang plano mo? Naku, Eleri! Ayaw naming magkaproblema, ha? Ayusin mo ang desisyon mo.”
“Hindi kasi ako makapaniwala na sa dami ng babae rito, ako ang bibigyan ng offer? Ang tanong ko kasi, bakit ako?”
“Haay... Hindi mo pa rin ba naiintindihan? Napansin mo na ba kung nagkaroon ng babae si Kenichi?”
Umiling siya.
“Ayaw niya sa babae! Hula nga namin ay bakla ‘yon!” bulong nito.
“Hindi siya bakla!” agad na protesta niya. Napatunayan niya na iyon.
“Eh ‘di hindi na! Sadyang ayaw niya sa babae. Ikaw ang napili ni Master Takayama dahil ikaw lang ang tanging nakalapit sa apo niya. Ikaw lang ang may kakayahan na magbigay ng anak ni Kenichi,” seryosong wika ni Tonya. Diretso ang tingin nito sa kanya.