ISANG buong araw na nagpahinga si Eleri sa kanyang apartment dahil sa sakit ng kanyang katawan, bukod pa sa kanyang sama ng loob kay Kenichi at George.
Binago ni Kenichi ang pananaw at impresyon niya rito. Marami sa mga kasamahan niya ang humahanga sa lalaki. Wala itong hiniling na babae para samahan ito na siyang dahilan para makuha nito ang kanyang atensiyon. Malamig ito sa kahit na sino, ngunit madalas na magtagpo ang mata nila nito sa tuwing kakanta siya sa entablado, kahit na nakaupo pa ito sa dulo at taimtim na nakatingin sa kanya.
Sa ikalawang gabi mula nang may maganap sa kanila, hindi na siya papayag pa na magmukmok sa kanyang silid at itanong ang mga bagay na hindi niya kontrolado. Naganap na ang mga dapat maganap. Ibinenta siya ng walanghiya niyang nobyo sa mga kalalakihan na dumukot sa kanya na hindi niya akalain na tauhan pala ni Kenichi.
Nagtungo siya sa common shower room sa kanilang dormitoryo suot ang saya. Ginagamit niya iyon sa pagligo. Tila iyon isang mahabang palda na maluwag ang loob, may garter na siyang suporta para maipit ito sa kili-kili at masalo ng kanyang dibdib. Sa ilalim niyon ay wala siyang suot na kahit na ano.
May limang toilet cubicle ang palikuran. Sa kabilang panig ang bukas na liguan kaya kung ano-anong parte na ng katawan ng mga kasama niya ang nakita na niya. Sa una ay nahihiya pa siya, ngunit nasanay na rin siya sa kultura na mayroon sa bansa.
Karamihan ng mga babaeng Filipina na nagtatrabaho sa magkakatabing bar at clubs sa siyudad na kasama niya sa ahensiya—na nagpadala sa kanya sa bansa—ay kasama niya sa gusaling iyon.
“Hi, Eleri!” bati ni Karla.
Naging kaibigan na rin niya ito sa loob ng ilang buwan, kasama niya rin ito sa trabaho. Nakatapis lang ito ng tuwalya habang naninigarilyo roon sa public bath kaya kita ang makinis at bilugang binti nito. May limang talampakan ang babae at limang pulgada, kaakit-akit ang mukha kaya marami ang nahuhumaling ritong mga parokyano.
“Papasok ka na ngayon?” tanong muli nito.
“Oo. Kailangan kong kumayod at magbabayad na naman ako ng renta dito sa katapusan.” Napili niya ang isang puwesto na hindi nalalayo sa babae. Nagsalok siya ng tubig sa batya na gawa sa kahoy.
“Matagal na tayong magkaibigan, pero wala akong alam sa buhay mo. Paano ka nga pala napunta rito? Kuwentuhan mo naman ako habang nagpapalipas ako ng oras. Alam mo naman wala akong makasundo rito sa dorm,” anito bago muling humithit ng sigarilyo.
“Nakilala mo na ang nobyo ko ‘di ba?” Nagsalok siya ng tubig gamit ang tabo mula sa batya at saka ibinuhos sa kanyang katawan. Nagsimulang kuskusin ang kanyang balat.
Sanay na siya sa babae. Mabait ito sa kanya kaya itinuturing niya itong kaibigan. Ngunit marami sa kasamahan nila ang hindi ito gusto dahil bukod sa mataray ito ay mahilig din itong mang-agaw ng mga parokyano ng iba pang kasama. Nagkataon na magkasundo sila dahil hindi siya interesado sa mga Hapon—wala itong aagawin sa kanya. Hindi pa siya personal na nag-entertain ng kahit na sino sa bar na pinagtatrabahuhan.
“Si James? Oops! George pala!”
“Oo, siya nga! Magkapitbahay kami sa Cavite. Magkasabay dapat kaming nag-apply sa ahensiya kaya lang kailangan kong bantayan ang lola ko na nag-uulyanin na noon,” panimula ni Eleri habang kinukuskos ang katawan. “Nang namatay ang lola ko noong nakaraang taon, noon lang ako nag-training sa ahensiya kung saan siya nakapasok. Ha’yun, naka-tsamba! Nakapasa ako sa screening at interview ng mga boss hanggang sa makapagtrabaho ako sa The Black Diamond Bar.”
“Eh, ang magulang mo?” anito na dinutdot na ang upos ng sigarilyo sa tiles.
“Nasa langit na rin.” Pinansin niya ang ginawa nito. “Naku, Karla, mapapagalitan ka na naman ni Kondesa n’yan! Itapon mo sa basurahan.”
Karla giggled. “Hayaan mo siya! Nagbabayad naman ako rito. Balik tayo sa’yo—ibig sabihin, ulila ka na? Eh, bakit tumuloy ka pa rin dito kung wala ka na palang susuportahan sa Pilipinas?”
“Simpleng dahilan—gusto kong yumaman! Naiinggit kasi ako kay George, malaki na ‘yung bahay nila sa ‘min sa Cavite, simula nang nagpunta siya rito. Tatlong taon pa lang siya rito pero napaayos na ‘yung bahay nila. Marami rin akong kakilala na talagang kumita nang malaki kaya pinangarap ko na talaga rito magtrabaho kahit noong buhay pa ang lola ko.”
“Sabagay, may punto. Malaki na nga rin ‘yung bahay namin sa Maynila, pero kung kakanta ka lang sa bar, hindi mo rin magagawa iyon.” Pinakatitigan siya ng babae na may nais ipakahulugan.
“Tulad nga ng sinabi ko, wala naman akong sinusuportahan sa Maynila,” wika ni Eleri.
Alam niyang nahuhuli siya kung “ipon” ang pag-uusapan. Karamihan sa mga kasama niya ay itine-table ng mga Hapon na parokyano. Wala namang nagaganap na hindi kanais-nais sa mga kasama niya. Nagsasalin lang ng alak, katabi sa mesa habang nanonood sa kung sino ang nasa entablado, kakuwentuhan at katawanan. Gayunman, mayroon pa rin namang mapupusok, nakakahalik sa leeg, nakakahipo sa binti o dumadaan sa sekswal na aktibidad na siyang dahilan kaya ayaw ni Eleri. Hindi niya kailangan ng malaking salapi. Sapat na ang kinikita niya bilang singer para makapag-ipon at mabuhay sa bansa.
Dito sa bansa ay masaya ang mga tulad niyang entertainer, hindi sila hinuhusgahan ng mga tao. Kung sa Pilipinas ay “pokpok” agad ang tawag sa tulad niya kahit hindi nagbebenta ng katawan, kaya naman masaya siya rito—walang diskriminasyon!
Mayroon din namang masuwerte na nagiging asawa ng mga Hapon na parokyano, ngunit ang iba ay sadyang “babae” lang ng mga ito.
Nagpatuloy si Eleri. “Noong nasa Pilipinas pa ‘ko, gusto kong yumaman—naengganyo, gano’n! Nakita ko lang na hindi pala madali nang nakarating na ako rito.”
“Paano kung magustuhan ka ng pinakamayaman dito sa bansa? Iuwi ka bilang asawa?” tanong ni Karla, nakangisi.
“Malabo iyon.” Ngunit pumasok sa isipan niya si Kenichi kaya nagbanlaw siya ng tubig. Panay ang buhos niya sa katawan hanggang sa mawala na nang tuluyan ang dulas ng sabon sa kanyang balat.
Kinuha niya ang mga gamit sa pagligo. “Mauuna na ako, pupuntahan ko pa si George.”
Magtutuos pa kami!
“Sige. Kita na lang tayo sa bar mamaya!” Umupo na rin ito sa katabi niyang puwesto para maligo na rin.
Lumabas na siya ng palikuran at bumalik sa kanyang pribadong silid. Isang kama lang ang mayroon doon at cabinet. Masikip ang silid ngunit kailangan niyang pagtiyagaan. Napansin niya ang sobre na nasa ibabaw kung saan nakalakip ang perang ibinayad sa kanya ni Kenichi. Nasaktan siya nang maisip ang lalaki. Hindi niya akalain na gagawin nito sa kanya ang ganoon.
Damdamin niya kasi ang itinaya niya noong nakaraang gabi, ngunit balewala lang pala rito ang naganap sa kanila. Tulad ng ibang japayuki na handing ibigay ang sarili kapalit ng pera ang tingin nito sa kanya.
***
PALAD ang dumapo sa pisngi ni George mula kay Eleri. Apat na taon ang tanda nito sa kanya. Kahawig nito si Jay Manalo.
Bukod sa may ginawa ito sa kanya, nahuli niya itong nakikipaghalikan sa kasamahan nitong waitress din sa labas. Sinugod niya tuloy ang lalaki at saka ito sinampal nang ubod lakas.
“Ahh!” Napasigaw ang babaeng kasama nito.
“Pumasok ka na muna sa loob,” hiling nito sa kasamang babae. Masama ang tingin na ipinukol sa kanya ng babae bago ito pumasok sa loob.
“Napakawalang hiya mo! Nagawa mo ba akong ibenta doon sa mga lalaking dumukot sa akin noong isang gabi?” galit na wika niya.
Napakamot ito sa ulo. “Patawin mo ‘ko, Eleri. Nagkasakit ang mama ko sa Pilipinas kaya kailangan nila ng pera. Wala na akong maisip, eh. Binayaran ako ng gabi na ‘yon ng limang lapad. Isa pa, wala akong choice kung ‘di ang gawin ‘yon dahil biglaan ang hiling sa ‘kin ni Kento.”
“Sino naman ‘yang Kento?” asik niya rito.
Nagpalinga-linga ito sa paligid. “Hinaan mo ang boses mo. Nagpahanap siya sa akin ng birhen na babae sa loob lang ng dalawang oras bago tayo nagkita. W-wala akong maisip na paraan. Kung hindi, baka hindi na ako humihinga sa harapan mo ngayon. Pero proud ako na talagang napahalagahan mo ang sarili mo. Binayaran nila ako ng dagdag na sampung lapad.”
Itinulak niya ito sa pader sa sobrang galit. Pinagkakitaan siya ng walang hiya! Ang isang lapad ay katumbas ng sampung libong Yen.
“Iyan ba ang dahilan kaya marami kang perang nauuwi sa inyo?” tanong niya.
“Oo. Binayaran ka rin naman nila, ‘di ba? ‘Yon na lang ang isipin mo.”
Galit na nasampal niyang muli ang lalaki. “Break na tayo! At gustong kong sabihin sa’yo na gago ka at ayoko nang makita pa ‘yang pagmumukha mo! Hudas!”
Galit na nilayasan niya ang lalaki. Hindi niya alam kung bakit parang mas guminhawa ang kanyang pakiramdam ngayong nakipaghiwalay na siya rito.
Kung tutuusin, hindi niya iniisip na isang masamang karanasan ang naganap sa kanila ni Kenichi na siyang ipinagtataka niya. What happened that night is magical. Kenichi was gentle and the way he looks at her was soft. The way they exchanged kisses was passionate.
Nakarating si Eleri sa kanyang trabaho nang lumilipad ang kanyang isipan. Nagpalit siya ng pulang kasuotan na kumukurba sa kanyang hubog. Pinasadahan niya ng tingin ang sarili sa salamin. Magkasalubong ang kanyang mga kilay na halatang masama ang kanyang mood.
Paglabas niya ng kanilang “work room” o ‘yung tawag kung saan sila nagbibihis at nagme-makeup, tinawag siya ng kanilang manager na si Joshi—isang purong Hapon na maayos ang pakikitungo sa kanilang lahat, may asawa na rin itong Pilipina.
“Eleri, a special guest is looking for you. You should meet him.”
Kinabahan siya. Alam nito na hindi siya pumapayag na mag-entertain nang personal sa mga guest.
“B-but boss—”
“This is not a request, Eleri. It’s an order. I want to stay in this business, and I can’t offend this man. Don’t worry. He won’t do anything to you. He just wanted to talk.”
“I-is it the prince?” Kilala ng lahat si Kenichi bilang The Prince.
“No! It’s Master Takayama—his grandfather.”