“Woah!” Siguradong nanlalaki ang aking mga mata ngayon na may kasamang pagnganga ng aking bibig.
Hindi ko mapigilan ang sarili na hindi humanga sa lugar na aking pinasukan. Kasalukuyan akong nakatayo sa tapat ng pinto dahil pinagmamasdan ko ang dalawang palapag na puno ng mga libro. Ngayon lang ako nakakita ng ganito kalaking library. Madalas kasi ay maliit na bayan lamang ang aming tinitirhan upang konti lang ang tao na maaaring makaalam sa tunay na pagkatao namin.
“Paano nga pala ako magsisimula dito?”
Napakamot ako sa aking ulo ng napagtanto ang problema na kailangan kong harapin ngayon. Sa laki ng library ay tiyak na mahihirapan akong maghanap ng libro tungkol sa pag-iimbestiga. Siguradong aabutin ako ng gabi sa lugar na ito. Sabagay ay ayos lang iyon dahil wala akong magiging problema sa sinag ng araw.
Minabuti ko na maglibot muna sa buong lugar habang sinisipat ang mga libro na posibleng may kinalaman sa pagiging detective. Para tuloy akong bata na nakapasok sa isang magandang amusement park na buong paghangang tinitignan ang paligid. Marahan akong naglalakad patungo sa pangalawang palapag nang maalala ang rason kung bakit ako nandito.
“Humanda ka sa akin Vanya kapag napatunayan kong ikaw ang suspek.” Napailing ako ng tila marinig ko ulit ang sinabi ni Mommy Drusilla kahapon. Hindi nga pala ako dapat mag-aksaya ng panahon. Kailangan kong maunahan si Mommy na malaman kung sino ang totoong kriminal sa nangyari.
Kailangan ko ng magsimula sa mas maagang oras upang madami akong matutunan ngayong araw. Mabuti na lang at mabilis akong magproseso ng mga impormasyon kaya hindi ko iyon magiging problema.
Ginamit ko na din ang aking kapangyarihan upang mas mapabilis ang paghahanap. Agad akong nakakita ng limang libro na kailangan ko ngayong araw. Kinuha ko na iyon at agad na pinalista sa nakatalagang librarian ng lugar.
“Hmm,maganda ang naisip mong propesyon.” Komento ng medyo may katandaan ng librarian habang isinusulat ang mga titulo ng libro na aking nakuha. Akala siguro nito ay isa akong estudyante na may kinalaman sa pag-iimbestiga.
“Salamat.” Tipid kong sagot sa kanya at sinakyan na lamang kung ano ang posiblebg iniisip nito.
Naghanap na din ako ng maaari kong upuan upang masimulan ang tungkulin na kailangan kong gawin. Agad kong hinilera ang mga libro sa lamesa. Nag-unat ako at pumikit saglit. Pagmulat ng aking mga mata ay kasabay din sa paggamit ng aking kapangyarihan. Tila naging scanner iyon na mabilis binabasa ang mga impormasyon na aking nakikita. Hindi din normal ang bilis nito kaya saglit lang para sa akin na matapos basahin ang isang libro.
Saglit akong tumigil sa aking ginagawa nang may maramdaman na nakatitig sa aking likuran. Agad akong kumilos ng tila normal na tao. Mahirap na at baka may makapansin agad sa akin at mabulilyaso pa ang sinimulan kong plano.
Pakiramdam ko ay kulang pa ang limang libro na aking kinuha kaya muli akong tumayo at naglibot upang makahanap pa ng ibang libro na maaari kong basahin. Medyo natagalan akong maghanap ngayon dahil may karamihan na ang tao sa library. Hindi ko maaaring basta gamitin ang aking kapangyarihan kapag ganitong pagkakataon.
Sa wakas ay natapos din ang aking paghahanap at muling bumalik sa aking puwesto. Katulad kanina ay hindi ko din maaaring gamitin ang aking kapangyarihan sa pagbabasa. Siguro ay mabuti na din ang ganito upang mas tumagal ako sa lugar. Hindi ko din nais umuwi agad lalo at magkikita kami ni Mommy Drusilla sa bahay. Hindi naman kasi masyadong umaalis ng bahay si Mommy.
A detective is an investigator that often collects information to solve crimes by talking to witnesses. They collect physical evidence, or search records. A detective may work for the police or privately.
“I will consider myself as a private investigator since I’m doing this for myself and for the man who was killed.”
Detectives have distinct personalities. They tend to be investigative individuals, which means they’re intellectual, introspective, and inquisitive. They are curious, methodical, rational, analytical, and logical. Some of them are also enterprising, meaning they’re adventurous, ambitious, assertive, extroverted, energetic, enthusiastic, confident, and optimistic.
“Do I have this kind of personality?” Napailing ako nang mapagtanto ang kasagutan sa aking sariling tanong.
Collect and analyze evidence from crime scenes. Interview suspects, witnesses and victims. Follow all the leads and analyze information. Follow potentially dead-end leads. Keep detailed records of investigations and interactions with people. Lastly, perform surveillance on potential suspects.
“Allright ang dami ko palang kailangan gawin bago ko mahanap ang totoong may kasalanan sa nangyari.”
Kailangan kong alamin kung sino ang taong namatay para makapagsimula akong mahanap ang posibleng suspect sa nangyari. Siguradong magiging abala ako sa mga susunod na araw kaya tiyak na magbabago maging ang aking lifestyle.
Solving a case means going through many details in order to find out the truth. Some of them end up developing negative attitudes because of exposure to criminals and liars.
“Ouch! Nagdesisyon na ako kaya hindi ako pwedeng maapektuhan nito.” Walang kahit ano ang maaaring makapigil sa akin. Kailangan kong mapatunayan kay Mommy Drusilla na wala akong kinalaman sa krimen at malinis ang akin record bilang miyembro ng pamilya Bloodrose.
Napansin ko na kanina ko pa pala kinakausap ang aking sarili base sa mga impormasyon na aking nabasa ngayon. Hindi ko akalain na ganito pala ang gawain ng isang detective. Hindi naman siguro mangyayari sa akin ang mga bagay na aking nabasa dahil hindi ako normal na tao.
Madami na ang tao sa library at halos lahat ng lamesa ay okupado na. Siguro ay dito din nagtutungo ang mga estudyante sa malaking unibersidad ng lugar na ito. Muli kong naalala na hindi ko pa nga pala alam kung anong katauhan ang aking gagawin ngayon.
Si Thana ay nagdesisyon na maging florist dahil mahilig siya sa mga bulaklak. Nagsawa na din ang aking kapatid na maging college student dahil iyon ang katauhan na madalas namin ginagamit sa dating tahanan namin.
Kailangan siguro na ang katauhan na aking gagawin ngayon ay may koneksyon sa aking pag-iimbestiga. Hindi maaaring pulis dahil wala din akong alam sa bagay na iyon. Natigilan ako sa pag-iisip tungkol sa bagay na iyon dahil may kailangan pa nga pala akong gawin.
Muli akong nagpatuloy sa aking pagbabasa hanggang sa matapos ko ang lahat ng libro na aking kinuha. Nang matapos ay kinuha ko naman ang aking telepono upang hanapin ang tungkol sa pagkatao ng lalaking namatay. Aalamin ko ang tungkol doon upang magawa ko na ang susunod kong hakbang sa pag-iimbestiga.
Max Miranda, the young journalist found in an abandoned building lifeless. According to police, the young man dont have any physical illness that caused his death. Right now his family is seeking justice.
Sa tingin ko ay alam ko na kung anong propesyon ang kailangan kong gawin na tiyak makakatulong sa aking pag-iimbestiga. Hinanap ko kung anong pangalan ng kompanya ni Max Miranda. Nang mahanap ang tungkol doon ay agad kong niligpit ang mga libro upang ibalik sa librarian.
“Ang bilis mo naman yata magbasa ng libro?” Hindi ko alam kung humahanga ang librarian sa akin o nagdududa sa aking ginawa.
“Hindi ko naman po natapos lahat dahil may kailangan akong puntahan ngayon.” Naisip ko na magdahilan na lang. Tiyak na magdududa ang matanda kapag sinabi kong tapos na ako magbasa. Sampo ang libro na aking hawak kaya hindi iyon kapani-paniwala para sa isang normal na tao.
Kailangan ko ng umuwi upang ihanda ang mga papel na kailangan ko upang makapasok sa kompanyang pinagtatrabahuhan ni Max nung panahon na siya ay nabubuhay. Wala akong magagawa dahil kailangan kong kausapin si Drusilla tungkol sa aking propesyon ngayon. Si Mommy kasi ang nag-aayos ng aming mga papel na ginagamit sa bago naming katauhan. Palabas na ako ng library nang may kung anong amoy ang nanuot sa aking ilong. Hindi ko mapigilan ang aking sarili na lingunin ang pinanggagalingan ng amoy na tila nagbibigay ng kakaibang sensasyon sa aking pagkatao.
“Okay ka lang ba?” Makikita ang pag-aalala sa mukha ng babae.
“Oo papercut lang naman ito.” Tipid nitong nginitian ang kaibigan at pinunasan ang dugo sa kanyang daliri.
Malayo na ako sa dalawang babae pero naririnig ko pa din ang kanilang usapan. Malinaw kong nakikita ang dugo sa daliri ng iba na naging dahilan kung bakit ako nagkakaganito. Pinigilan ko ang sarili at nagmamadaling lumabas ng pinto.
Hindi ako maaaring magtagal sa lugar at baka kung ano ang aking magawa. Mabuti na lang at malakas ang aking kakayahan na pigilan ang sarili sa tuwing nakakakita at nakakaamoy ng dugo ng tao. Itinatak sa amin ni Daddy Vlad na kahit kailan ay hindi kami maaaring uminom o tumikim ng dugo ng tao.
Nang makalabas sa lugar ay nakahinga ako ng maluwag. May bahid pa din ng dugo ang hangin na aking nalalanghap ngayon. Gayunpaman ay hindi na iyon kasinglakas kanina. Nag-abang na ako ng aking masasakyan dahil tila sumakit ang aking ulo sa ginawang pagpigil sa sarili. Pakiramdam ko ay nagutom din ako dahil sa nasaksihan.
“Muntik na ako doon. Makapagmeryenda na nga lang pagdating sa bahay.”
Saktong may dumaan na sasakyan kaya pinara ko na iyon. Nang makasakay ay agad kong inisip kung ano ang aking magiging meryenda. Malamang ay dugo ng hayop at lamang-loob nito ang aking kakainin.
“I’m starving.”