”Thana tawagin mo na si Vanya upang makapaghapunan tayo ng magkakasabay.” Narinig kong utos ni Drusilla sa aking kapatid. Nasa may hagdanan na ako kaya narinig ko iyon. Kasalukuyan na akong patungo sa kusina upang maghapunan.
“Nandito na ako.” Wika ko ng akmang tatayo si Thana upang sundin ang sinabi ni mommy. Ito ang unang beses na magkakasama kaming kakain ng hapunan simula nung dumating kami sa syudad na ito. Simpleng pagkain lamang ang nasa lamesa na para lamang sa mga katulad namin na bampira. Syempre hindi mawawala ang sariwang dugo na pulang-pula ang hitsura. Hindi ko kayang inumin iyon ng ganun lang kaya madalas akong naglalagay ng madaming yelo sa aking baso.
Ang totoo ay nagdadalawang isip ako kung sasabay sa kanilang kumain o hindi. Nag-aalinlangan ako dahil hanggang ngayon ay hindi pa din ako makapaniwala na ganun ang nasa isip ni mommy. Matagal na kaming magkakasama sa iisang bahay kaya labis akong nasaktan sa isipin na ganun pala ang pagkakilala n’ya sa akin.
Hindi ako kailanman pumaslang ng tao para lamang inumin ang dugo nito. Hindi din ako lumalabas ng bahay hangga’t wala akong kailangan at dapat gawin. Ako yung tipo na mas gusto ang manatili sa aking silid kaysa maglakwatsa.
Wala akong tinatawag na kaibigan dahil hindi ko nais magkaroon nun kung hindi din sila bampira na gaya ko. Ayokong tuksuhin ang aking sarili dahil sa kanilang dugo. Kahit hindi ako umiinom ng kanilang dugo ay iba pa din ang naidudulot nilang amoy kapag malapit sa akin. Mas mabango kasi ang dugo ng tao kaysa sa hayop kaya mas nakakaakit iyon. Gayunpaman ay hindi ko talaga iyon maaaring gawin dahil baka mapaslang ako ni Vlad.
Kahit kailan ay hindi din ako nagkaroon ng pagkakataon na makipagkaibigan kahit sa isang bampira na katulad ko. Madalas kasi ay iniiwasan nila ako dahil sa aking pag-uugali. Hindi naman matigas ang aking ulo ngunit nasanay ako na hindi sumusunod sa kahit anong sabihin nila. Madalas ay ako ang gumagawa ng sariling desisyon para sa aking sarili at sa lahat ng aking ginagawa. Pinakaayaw ko sa lahat ay ang dinidiktahan ako sa dapat kong gawin.
Mas gusto ko din ang laging mapag-isa at tanging si Thana lamang ang hinahayaan ko na makapasok sa sarili kong mundo. Sa tingin ko ay iyon ang naging basehan ni mommy para paghinalaan ako ng ganun. Madalas kasi ay mag-isa lamang ako kapag umaalis lalo nitong mga nakaraang araw. Sinasama ko si Thana ngunit abala din ang aking kapatid dahil kasama namin ang nobyo nito at madalas din silang mag-date sa labas.
Namamasyal ako sa buong syudad nitong mga nakaraan araw upang sanayin ang aking sarili sa bagong paligid. Hindi ko nais na maligaw kapag dumating ang pagkakataon na may kailangan akong ayusin at puntahan. Mas mabuti kapag alam mo ang lugar na iyong kinaroroonan at pupuntahan upang makaiwas din sa mga manlolokong tao sa paligid.
“Mabuti naman at sasabay ka sa amin ngayon dahil akala ko ay mananatili ka lamang sa iyong silid.” Tila mainit ang ulo na wika ni Drusilla.
“Honey, kumain na tayo.” Pagpigil naman ni Vlad sa maaaring sabihin pa ng kanyang asawa. Mabuti na lamang at hindi sila parehas ng ugali nito. Madalas ay si daddy ang kalmado sa pamilya lalo na kapag ganito kainit ang ulo ng kanyang asawa.
Hindi na din ako nagsalita at tahimik lamang na kumain sa aking puwesto. Tipid na ngiti naman ang ibinigay ko kay Thana nang mapansin na nakatingin s’ya sa akin. Wala naman akong ginawang kasalanan pero bakit ganito ang nangyayari sa akin. Oo nga at sanay akong mag-isa pero hindi ko naman nais na maging outcast sa pamilya dahil lamang ako ang pinaghihinalaan nilang pumatay sa lalaking iyon na hindi ko naman kilala.
Naging tahimik na din ang lahat habang kumakain dahil sa takot kay daddy Vlad. Walang may nais na maparusahan kapag uminit ang ulo ni daddy. Ang totoo ay malaki ang pagkakaibahan namin ni Thana. Sa madaling salita ay baliktad kami ng taglay na ugali.
“Vanya magsabi ka nga ng totoo sa akin. Saan ka ba nagpunta nitong mga nakaraang araw?” Tila nag-iimbestiga na naman kung magtanong sa akin si Drusilla. Natigil tuloy ako sa ginagawang pag-inom ng pinalamig na dugo.
“Namasyal ako sa labas.” Tipid na sagot ko kay mommy dahilan para tignan ako nito ng masama. Wala akong intensyon na sagutin s’ya ng ganun ngunit naiirita ako sa mapanuring tingin na ibinibigay n’ya sa akin.
“Honey!” Muling pag-awat sa kanya ni daddy Vlad pero tila hindi na nito mapipigilan ang asawa sa nais sabihin sa akin.
“Vlad gusto kong malaman ang eksaktong ginawa n’ya ng araw na iyon dahil sa aking pagkakaalam ay tayo lamang ang bampira sa syudad na ito.” Nanlalaki pa ang mata nito na nakatingin kay daddy.
“Pero honey kilala natin si Vanya at siguradong hindi n’ya magagawa ang bagay na iyon.” Pasalamat ako at hindi lamang si Thana ang naniniwala sa akin.
“Alam ko pero hindi natin alam ang kaya n’yang gawin kung sakaling magkaroon s’ya ng engkwentro sa lalaking tao lalo pa sa ugaling taglay n’ya.” Hindi ko alam kung ano ang naging basehan ni mommy para ipagsiksikan kay daddy na ako ang suspek sa pagpatay.
Hindi sinagot ni daddy ang kanyang sinabi at malungkot lang na nakatingin sa akin. Napayuko ako hindi dahil sa dismaya na aking nararamdaman. Gusto kong pigilan ang aking sarili na sagutin si mommy dahil nararamdaman ko na kahit anong sabihin ko ay hindi n’ya pakikinggan.
“Humanda ka sa akin Vanya kapag napatunayan kong ikaw ang suspek.” Itinuro pa ako nito. Masyadong mabait si Thana para paghinalaan kaya ako talaga ang iisipin ni mommy na may kinalaman sa krimen. Gayunpaman ay hindi ako papayag ng ganun at habambuhay n’yang paghinalaan.
Inangat ko ang aking nakayukong ulo at mataman kong tinignan si mommy sa kanyang mga mata. Nakapagdesisyon na ako at gaya ng aking sinabi ay hindi ako papayag na ganito ang kanyang iniisip sa akin.
“Mommy bago mo mapatunayan na ako ang suspek ay uunahan na kitang hanapin ang totoong may sala sa nangyaring krimen. Hindi ako kailanman tumikim sa dugo ng tao at sinisiguro ko sa’yo na hindi ako ang may gawa ng bagay na iyon.” May diin ang aking pagsasalita dahil sa galit na aking nararamdaman.
Hindi n’ya ako pwedeng basta na lang paghinalaan ng wala s’yang hawak na ebidensyang makakapagturo na ako nga ang suspek. Gagawin ko ang lahat ng aking makakaya at sisiguraduhin kong mahahanap ang may gawa ng krimen.
“Anong ibig mong sabihin Vanya?” Nakakunot ang noo at may halong pag-aalala na tanong sa akin ni Thana.
“Kung papayagan n’yo at bibigyan ng panahon ay mag-iimbestiga ako upang alamin kung sino ang totoong suspek.” Walang pag-aalinlangan na sagot ko sa kapatid at muling ibinaling ang tingin kay mommy Drusilla.
“Sige, kung iyon ang iyong nais ay papayagan kitang hanapin ang suspek.” Pagpayag sa akin ni daddy Vlad at hindi na din tinutulan ni mommy. Lahat sila ay bahagyang nagulat sa aking naging desisyon dahil hindi ko kailanman ginawa ang bagay na iyon. Isa pa ay wala akong alam tungkol sa pag-iimbestiga ng kahit ano.
Kailangan kong linisin ang aking pangalan at patunayan sa kanila na wala akong ginawang kasalanan. Pag-aaralan ko ang tungkol sa bagay na iyon at sisiguraduhin na pagbabayarin ang totoong may sala.
“Humanda ka sa akin pag nahanap kita.”