“Bagong lipat pa lamang tayo dito pero may krimen agad na nangyari.” Nanlulumong wika ni Vlad habang nakatigil ngayon ang aming sasakyan at pinagmamasdan ang grupo ng mga tao at suspek na nag-iimbestiga sa katawan ng lalaking walang buhay.
“Sa tingin ko ay kamamatay lamang ng lalaki.” Napakatalas talaga ng mata ni Drusilla kahit maliwanag pa ang paligid.
“Ikaw Vanya ano sa tingin mo?” Baling sa akin ni mommy kaya napatingin din ako sa abandonadong lugar na hindi kalayuan sa aming puwesto ngayon. Nakasuksok ang earbud sa aking tainga kaya tinanggal ko muna iyon. Nakasuksok lang iyon pero wala naman talaga akong pinapakinggan na kahit anong kanta.
Pinagmasdan ko ang bangkay na natatanaw ko kahit nasa loob kami ng sasakyan. Tinted ang salamin ng aming kotse dahil hindi kami pwedeng masinagan ng araw at para makaiwas sa mapanuring tingin ng mga tao.
Kasalukuyan nang binubuhat ang katawan ng lalaki upang dalhin kung saan ito dapat dalhin. Hindi nakaligtas sa aking paningin ang tila kagat sa kanang bahagi ng leeg nito. Tila nakita din iyon ng mag-asawa kaya inunahan na nila akong magsalita.
“Sa tingin mo ba ay bampira gaya natin ang pumatay sa lalaking iyon?” Hindi ko maintindihan pero iba ang tingin sa akin ni Drusilla ngayon. Parang may nagawa akong kasalanan na hindi ko alam.
Kami ay bampira at ang dahilan kung bakit kami nandito ngayon sa Exeter ay dahil natunugan ng masasamang bampira ang tungkol sa aming pamilya. Lubos na ipinagbabawal ni Daddy Vlad ang pag-inom sa dugo ng tao. Madalas ay dugo ng hayop lamang ang aming iniinom. Sa palengke kami bumibili dahil hindi namin nais na pumaslang din ng hayop sa kagubatan.
Naghahanap agad ng supplier si Daddy upang masiguro na sariwa pa ang dugo at hindi madumi dahil katulad sa mga normal na tao ay pihikan din kami sa aming pagkain. Kasama na din doon ang ibang lamang loob ng hayop na maaari namin kainin.
Muli kong tinignan ang ambulasyang paalis na ng lugar kung saan lulan ang katawan ng lalaking napaslang. Walang duda na isang bampira ang suspek dahil na din sa hitsura ng kagat na mayroon sa leeg nito. Malinis ang katawan ng lalaki at wala kahit anong sugat na maaring dahilan sa pagkamatay nito.
Ang totoo ay wala akong pakialam sa nangyayari dahil ang tanging nasa isip ko ngayon ay kung paano na naman ako mamumuhay sa bagong lugar na ito. Isang linggo pa lamang kami dito sa Exeter City buhat nung lumipat. Ilang beses lamang akong umalis ng bahay upang mamasyal at maging pamilyar sa lugar kaya naman hindi ko maintindihan ang makahulugang tingin sa akin ni mommy.
“Sigurado akong bampira ang suspek dahil walang ibang sugat ang katawan ng lalaki.” Pagkasabi ko nun ay muli kong isinuksok ang earphone sa aking tainga upang magpanggap na hindi naririnig kung ano ang sinasabi ng aking mga kasama.
Ibinaling ko na lang ulit ang aking tingin sa bintana dahil hindi ko kayang makipagtitigan kay mommy. Kahit kailan ay hindi ko sila maintindihan kahit madalas kaming magkasama sa bahay. Iba ang atensyon na ibinibigay nila sa akin kaysa kay Thana.
Naiwan si Thana sa bahay dahil kasama nito ang kanyang nobyo na si Steve. Hindi ako nagseselos sa kapatid dahil sobrang magkasundo kami ni Thana. Sa kanya ko madalas sinasabi ang lahat ng nangyayari sa akin at ganun din naman s’ya sa akin.
Mahal na mahal ko ang babae bilang aking kapatid. Hindi ko na lamang pinapansin ang atensyon na binibigay sa kanya ng aming mga magulang. Gayunpaman ay tila may nais ipahiwatig sa akin si mommy ngayon base sa tingin nito. Hiling ko na sana ay guni-guni ko lamang iyon at walang ibig sabihin ang aking nakita.
Hindi nagtagal ay nagdesisyon na din kaming umuwi nang mawala sa aming paningin ang ambulansyang may lulan sa lalaking biktima ng isang gutom na bampira. Ito ang dahilan kung bakit madalas kaming lumipat ng tahanan kahit maayos naman ang aming pamumuhay sa bawat lugar.
Bakit kasi hindi lahat ng bampira ay katulad naming. Sana ay hinahayaan na lamang nila ang mga tao na mamuhay ng normal gaya namin. Bakit kailangan nilang madamay sa aming mga buhay. Gayunpaman ay sigurado akong wala na kaming magagawa dahil kinagisnan na nila ang bagay na iyon. Hiling ko na lang na sana ay may kakayahan pa din silang magbago at maging gaya namin.
Dahil sa naging pag-uusap kanina sa sasakyan ay tila naging mainit ang aking ulo ngayon. Malinis ang aking konsensya at sigurado ako sa sarili na walang ginawang kasalanan para maging ganun si Drusilla sa akin. Ipinagpasalamat ko na hindi ganun si Vlad basta huwag lang gagalitin.
Tahimik lamang si daddy ngunit mararamdaman mo na pinagmamasdan at binabantayan nito ang iyong bawat kilos. Sa kabilang banda ay kabaligtaran nito ang asawang si Drusilla. Maingay si mommy at hindi nito itinatago sa sarili kung ano ang kanyang nararamdaman. Isa itong dahilan kung bakit madalas na kami ni Thana ang magkausap.
Hindi ko pa alam kung anong pagkatao na naman ang gagawin ko ngayon dito sa bagong syudad na aming nilipitan. Madalas ay kolehiyala ako sa ibang naging tahanan namin ngunit pakiramdam ko ay sawa na ako sa ganoong set-up. Napansin ko din na medyo malayo ang paaralan sa aming tahanan dahil mas malapit kami sa mismong sentro ng syudad kung saan napakaraming establisiemento. Nasa dulong bahagi kasi ng syudad ang paaralan kaya malayo ito sa aming tahanan.
Kasalukuyan akong nag-iisip nang may kumatok sa pintuan ng aking silid. Base sa kanyang amoy at paraan ng pagkatok ay sigurado ako na ang kapatid ko iyon. Sa isipin na si Thana ang nasa may pintuan ay mabilis akong kumilos at agad s’yang pinagbuksan.
Sinalubong pa ako nito ng yakap kung saan aakalain mo na matagal kaming hindi nagkita. Ganito kami lagi ni Thana kaya minsan ay napagkakamalan kaming kambal dahil hindi din nagkakalayo ang aming edad. Sa kasalukuyan ay bente–uno pa lamang ako bilang edad ng isang tao na aking sinusunod dahil nakikisalamuha kami sa kanila.
Ang totoo ay tinigilan ko na ang pagbibilang sa totoo kong edad bilang bampira dahil wala naman itong halaga sa akin maliban kina Vlad at Drusilla. Para sa kanilang mag-asawa ay basehan ng aming lahi ang edad para sa kanilang kakayahan. Halimbawa ay si Vlad na ilang dekada ng bampira kaya may kakayahan na s’yang magbago ng anyo bilang paniki. Si Drusilla naman ay malapit na din doon dahil ilang dekada na din s’yang nabubuhay.
“Vanya nabalitaan ko na pinaghihinalaan ka ni mommy bilang suspek doon sa lalaking namatay sa abandonadong lugar,” Nag-aalalang wika ni Thana dahilan para matigil ako sa aking ginagawa. Hindi ko akalain na iyon ang iniisip ni mommy kaya pala ganun ang tingin nito sa akin kanina.
“Masakit pala isipin na pinaghihinalaan ka ng iyong sariling pamilya.” Malungkot na ngiti lamang ang isinagot ko sa kapatid dahilan para muli ako nitong yakapin.