“Ito yung mga damit niya at underwear. Bumili rin ako ng personal necessities niya, toothbrush, suklay, napkin...” sabi ni Nestlyn habang inaayos ang mga gamit na binili niya para kay Katkat.
“Napkin?” tanong ni Gio at napakamot sa kilay.
“Oo, napkin. Babae siya kaya malamang nagkakaroon siya ng menstruation.” nakapamaywang na sabi ni Nestlyn sa kaibigan.
Napabuntong hininga siya, bakit hindi niya naisip ang napakahalagang bagay na ‘yon?
“Manyak ka.” napapailing na sabi ni Nestlyn sa kaniya.
“Anong manyak? Mag-ingat ka nga sa pananalita mo, nagpapakahirap ako matulog sa couch ‘wag lang siya makatabi. Si Katkat naman yung tabi ng tabi sa ‘kin eh.” napaismid na lang si Nestlyn sa sinabi ng kaibigan.
“Katkat, ‘wag ka ng tatabi sa lalaking ‘to ulit. Ang ganda mo pa naman.” sabi ni Nestlyn habang hinahaplos ang buhok ni Katkat na abala sa paglalaro ng bola sa kama.
“Arf! Arf!” agad na bumaba ng kama si Katkat nang makita si Zedkinah. Napailing na lang si Gio nang makalabas na ito ng kwarto, mukhang makikipag-away na naman ito kay Zedkinah.
“Grabe, para talaga siyang aso kung umasta.” tila hindi makapaniwalang sabi ni Nestlyn.
Napabuntong hininga na lang si Gio habang inaayos ang mga gamit sa kwarto ni Katkat. May tatlong kwarto sa bahay niya kaya napagdesisyunan niya na ibukod ng kwarto si Katkat.
“Bakit hindi mo dalhin si Katkat sa mga eksperto? Mas alam nila kung anong dapat gawin kay Katkat.” suhestiyon ni Nestlyn, agad siyang napailing sa sinabi ng kaibigan.
“Katkat is a very rare case. Maraming mga eksperto ang pag-iinteresan lang siya at sayo na rin nanggaling, maganda si Katkat.” sabi niya saka humiga sa kama.
“Maganda talaga, daig niya pa nga yung mga artista sa TV eh.” napatango siya sa sinabi ng kaibigan bilang pagsang-ayon.
“Kaya paano ko magagawang ipagkakatiwala si Katkat sa ibang tao? Halata namang biktima siya ng pang-aabuso kaya siya nagkaganyan.” sabi niya at saka ginawang unan ang mga bisig niya.
Saglit pa lamang niya nakakasama si Katkat pero pakiramdam niya ay obligasyon niya na ang lahat dito lalo na ang kaligtasan nito. Pakiramdam niya ay hindi niya kakayanin kapag nasaktan muli ito.
“Ayos, para ka ng tatay ni Katkat. Sabagay, mukhang bata pa siya kumpara sa edad natin.” sabi naman ni Nestlyn.
“Wag mo ‘kong pagmukhaing matanda, 27 pa lang ako.”
“Kung 27 ka na at minor pa lang si Katkat, malamang sampung taon o higit pa ang tanda mo sa kaniya.” napangiwi siya sa tinuran ng kaibigan. Para na niyang pamangkin si Katkat kung tama ang hinuha nila sa edad nito.
“Kamusta na si Alliah pati yung asawa niya?” tanong niya nang maalala ang kaibigan na bagong kasal lang.
“Si Katkat na lang muna ang intindihin mo. Saka kung ako sayo kalimutan mo na ang nararamdaman mo para kay Alliah, may asawa na siya.” napabuntong hininga siya sa tinuran ng kaibigan.
Tama naman ito, wala na siyang pag-asa kay Alliah kaya dapat hindi na siya umaasa na may pag-asa pa sila. Ngunit hindi naman mawawala ang pagmamahal niya kay Alliah ng gano’n na lang.
“Nestlyn...” seryosong sabi niya saka bumangon sa kama.
“Wala kang ibang pagsasabihan ng tungkol kay Katkat. Mangako ka sa ‘kin.” napakunot ang noo nito sa sinabi niya.
“Kahit kina Mea?” tanong nito.
“Kahit kanino, bawal.”
“Ano ba ang plano mo kay Katkat? Habang buhay ba siya dito sa bahay mo?” natigilan siya sa tanong ni Nestlyn. Sa totoo lang ay hindi niya rin alam.
“Susubukan kong hanapin ang pamilya niya, kapag hindi ko nahanap, eh di habang buhay na nga siya dito sakin.” sabi niya saka sumandal sa headboard ng kama habang iniisip ang mga posibilidad na ‘yon.
“Bahala ka, desisyon mo ‘yan. Pero sasabihin ko lang sayo, hindi madali ang gusto mong mangyari.” napakibit balikat na lang siya sa sinabi ng kaibigan.
Wala siyang balak ipagkatiwala si Katkat sa kahit kanino, papakawalan niya lang ito kapag nahanap na niya ang tunay na pamilya nito.
“Sige aalis na ‘ko, may trabaho pa ‘ko na kailangang asikasuhin.” pagpapaalam ni Nestlyn.
Lumabas na sila ng kwarto ni Katkat. Naabutan nila si Katkat na natutulog sa sahig at katabi si Zedkinah. Lumapit si Nestlyn dito saka hinaplos ang buhok ng dalaga.
“Kawawa naman siya.” sabi ng kaibigan habang nakatitig kay Katkat.
Napatitig din siya sa maamong mukha ni Katkat habang natutulog. Naawa siya sa puwesto nito, sa sahig ito nakadapa at kung siya ang nakahiga ro’n ay baka nanakit na ang katawan niya. Mukhang sanay na si Katkat matulog kung saan-saan, mas lalo tuloy siyang nakaramdam ng awa sa dalaga.
“Ihahatid pa ba kita?” tanong niya kay Nestlyn, agad na umiling ang kaibigan.
“Hindi na, dala ko yung kotse ko. Ilipat mo na lang si Katkat sa kwarto niya. Malamig ang sahig.” sabi ni Nestlyn saka tumayo.
Agad siyang lumapit kay Katkat at binuhat ito. Napatingin siya kay Nestlyn na palabas na ng pad niya.
“By the way, ‘wag mo ng kalimutan magpalit ng PIN code.” napatango na lang siya sa sinabi ng kaibigan bago ito tuluyang lumabas.
Dinala niya si Katkat sa sarili nitong kwarto saka dahan-dahang inihiga ito sa kama. Napangiti siya nang marinig ang paghilik nito.
Nanatili siya sa tabi ni Katkat habang natutulog ito. Ilang araw pa lamang ito sa poder niya pero sa tuwing aalis siya sa tabi ni Katkat ay nagigising ito saka tatahol na tila alam nito ang amoy niya.
Natigilan siya nang marinig ang tunog ng doorbell. Agad siyang tumayo at lumabas ng kwarto ni Katkat.
Agad niyang binuksan ang pinto. Alam na naman niya kung sino ito.
“Gio!” agad siya nitong sinugod ng yakap. Napangiti siya saka ginantihan ng yakap ang ginang.
“Kamusta na po kayo Aling Myrna?” tanong nito saka kinuha ang bitbit na bag ng ginang.
“Aba'y ayos naman. Nako, ang laki mo na. Matangkad ka na at gwapo.” sabi nito saka kinurot pa ang pisngi niya. Nahihiyang napakamot na lang si Gio sa batok niya.
“Para niyo na rin pong sinabi na hindi ako gwapo dati.” may bahid ng pagbibirong sabi niya.
“Gwapo ka naman talaga noon pa, mas gwapo ka na ngayon.” napangiti siya sa tinuran ng ginang.
“Sus, nang-uto pa si Nanay Myrna.”
Natigilan silang pareho nang makarinig ng tahol. Napakamot siya sa kilay niya nang makita si Katkat na tinatahulan si Aling Myrna.
“Diyos ko, ano ba ‘to?” tila hindi makapaniwalang sambit ng ginang habang nakatingin kay Katkat. Hindi niya pa pala nasasabi rito ang tungkol kay Katkat.
“Siya po ang pagsisilbihan niyo at hindi ako. Siya po si Katkat.” sabi niya saka lumapit kay Katkat upang pakalmahin ito.
“Shh, si Aling Myrna lang ‘yan.” turan niya habang hinahaplos ang buhok nito.
“Alam na ba ng mga magulang mo ang tungkol sa kaniya?” tanong ni Aling Myrna habang hindi maalis ang tingin nito kay Katkat.
“Hindi pa po. May sakit po siya, siguro po ay aso ang nakasama niyang lumaki kaya hindi siya natuto ng kilos ng isang normal na tao.” paliwanag niya sa ginang.
“Katkat...” sinubukan itong lapitan ni Aling Myrna.
“Katkat, mabait siya. Promise.” sabi ni Gio habang hinahaplos ang buhok nito.
Tumigil na sa pagtahol si Katkat at hinayaan ang ginang na hawakan ang buhok niya.
“Kailangan ko na po kasi ng magpapaligo sa kaniya, hindi naman puwede na ako lagi ang nagpapaligo sa kaniya.” tila nahihiyang sabi niya at napakamot pa sa batok.
“Ikaw ang nagpapaligo sa batang ‘to?” tanong ni Aling Myrna.
“Wala lang po talaga akong choice, hindi ko naman ‘yon ginusto.” depensa niya sa sarili.
“Nako Gio Francisco, ako pa ba ang paglilihiman mo. Napakagandang bata nito oh.” napailing na lang siya sa sinabi ng ginang.
Napatingin siya kay Katkat nang kumapit ito sa binti niya. Lumuhod siya at hinarap ito.
“Nagugutom ka na?” tanong niya dito. Tumahol lang ito.
Agad siyang nagtungo sa kusina at ipinaghanda ng pagkain si Katkat. Pagkain ng tao ang pinapakain niya dito at hindi dog food.
Binuhat niya si Katkat at pinaupo sa upuan, gaya ng inaasahan niya, hindi nito kayang umupo ng ayos. Nakatingin lang sa kanila si Aling Myrna.
“Siguradong magugulat ang Mama mo kapag nalaman ang tungkol kay Katkat.” napatingin siya sa ginang.
Hinayaan niya munang kumain na parang aso ito, tuturuan niya ito paunti-unti na kumain ng ayos.
Kasalukuyang nasa Europe ang mga magulang niya. Pitong taon na rin doon ang mga magulang niya dahil nandoon ang main branch ng business nila. Hindi naman siya interesado tungkol sa negosyo nila. Ang kapatid niyang si Zymone ang magmamana ng lahat ng ‘yon.
“Wala naman akong pakialam sa magiging reaksiyon niya. Ang mahalaga, ligtas lagi si Katkat.” sabi niya habang nakatitig kay Katkat na abala sa pagkain.
Resposibilidad niya si Katkat at sisiguraduhin niya na hindi na ito muling masasaktan sa kahit anong paraan.
***
“You can do it Katkat, step by step.”
Nakahawak siya sa mga bisig ni Katkat habang tinuturuan itong maglakad. Nakayupi pa rin ang mga hita’t binti nito at hindi pa rin makatayo ng tuwid.
“Kahit isang hakbang lang Katkat, kahit isa lang. You can do it.”
Nanginginig ang kanang paa ni Katkat at sinubukan ‘yong ihakbang ngunit bumagsak lang ito. Buti na lang at nasalo siya ni Gio.
“Matututo ka ring maglakad, akong bahala sayo.” sabi niya saka hinaplos ang pisngi nito.
Natulala siya nang biglang dilaan nito ang pisngi niya. Alam niyang ginawa lang nito iyon dahil asal aso ito pero hindi niya alam kung bakit natigilan siya.
“K-katkat, ‘wag mo gagawin ‘yon ulit lalo na sa ibang tao. Baka iba ang isipin nila kapag---” hindi niya naituloy ang sasabihin dahil dinilaan na naman nito ang pisngi niya.
“Hay, ang kulit.” binuhat na lang niya ito at pinaupo sa couch. Agad nitong nilaro ang bola na nandoon.
Kinuha niya ang bola mula kay Katkat, agad naman itong tumahol. Natatawang hinaplos niya ang buhok nito.
Mahigit isang linggo na si Katkat sa bahay niya ngunit wala pa rin itong natututunan sa mga kilos ng tao. Hindi naman siya naiinip, alam niyang hindi magiging madali para kay Katkat ang lahat. Handa siyang turuan ito kahit paunti-unti, kahit matagalan pa iyon. Magaan na ang loob niya kay Katkat at pakiramdam niya ay pamilya na niya ito.
“Sabihin mo muna, Gio.” inangat niya ang kamay na may bola upang hindi iyon maabot ni Katkat. Tinahulan lang siya nito.
Natigilan siya nang biglang sumulpot si Zedkinah at lumapit sa kaniya. Tila nagalit naman si Katkat at tinahulan ang aso. Nagtatahulan na naman silang dalawa. Natawa na lang siya at niyakap ang dalawa.
“Wag na kayong mag-away, mahal ko kayo parehas.” napatingin siya kay Katkat na nakatingin sa kaniya. Napangiti siya at inamoy ang buhok nito.
“Ang bango naman ni Katkat.” mukhang natuwa ito sa sinabi niya at mas siniksik ang sarili kay Gio.
“Gio!” natigilan siya nang biglang pumasok si Nestlyn sa pad niya. Napakunot ang noo niya nang mapansing may kasama itong lalaki na sa tingin niya ay ka-edaran lang nila.
“Sino ‘yan?” agad na tanong niya at itinuro ang lalaki. Wala siyang pakialam kung bastos ang dating ng pagkakatanong niya, hindi maganda ang kutob niya sa lalaki.
“Kaibigan ko ‘yan, si Jayvee Oderal. Psychologist siya, nabanggit ko sa kaniya ang tungkol kay Katkat at alam niya kung anong dapat gawin.” mas lalong napakunot ang noo niya sa sinabi nito.
Tumayo siya at agad na nilapitan si Nestlyn.
“Diba sabi ko sayo wala kang pagsasabihan ng tungkol kay Katkat.” naiinis na sabi nito. Wala siyang pakialam kung naririnig siya ng kasama nito. Hindi niya ipagkakatiwala si Katkat sa kahit kanino.
“Mr. Francisco, you can trust me regarding this. Alam ko ang dapat gawin sa kaso niya. This is a very serious case, hindi siya basta gagaling kung ikukulong mo siya dito.” paliwanag ng lalaki.
“Hindi ko ibibigay si Katkat kahit kanino. Dito lang siya sa ‘kin.” desididong sabi niya.
“Gio, makinig ka sa ‘kin. Mapagkakatiwalaan si Jayvee, alam niya ang dapat gawin para maging normal si Katkat. Hindi ba ‘yon naman ang gusto nating pareho?” hindi siya nagpatinag sa sinabi ng kaibigan, masama ang loob niya dito.
“Ako at ang kaibigan ko na si George Scott ang bahala kay Katkat, parehas kaming psychologist at sinisigurado ko sayo na ligtas siya samin. Kilalang kilala ako ni Nestlyn, alam niyang matino akong tao. Hindi namin ilalabas sa media ang tungkol kay Katkat.” paliwanag nito.
Nakatingin lang si Gio sa kanila, hindi siya kumbinsido sa pinagsasasabi nito.
“Nabanggit sa ‘kin ni Nestlyn na isang linggo na sayo si Katkat pero wala pa siyang natututunan. Kapag nasa poder namin siya, bigyan mo lang kami ng ilang taon, magiging normal na tao ang kilos niya. Matutunan niya ang maglakad, kumain ng ayos, magsalita at ang makisalamuha sa ibang tao.” dagdag pa nito.
Natahimik siya saka napabuntong hininga. Napadako ang tingin niya kay Katkat na nakikipagtahulan kay Zedkinah.
Sa totoo lang ay gusto niyang mangyari ‘yon, ang makita si Katkat na nagiging normal na tao. Makakampante lang siya na hayaan itong mag-isa kapag magaling na ito.
“Pag-isipan mo Gio, para rin kay Katkat ‘to.” pangungumbinsi pa ni Nestlyn sa kaniya.
May inabot na maliit na card sa kaniya si Jayvee. Kahit nag-aalangan ay kinuha niya iyon.
“Diyan yung address ng ospital namin, sana pag-isipan mong maigi. Sige Nestlyn, mauna na ‘ko.” tumango na lang si Nestlyn saka inihatd ito palabas.
Napabuntong hininga si Gio at umupo sa tabi ni Katkat. Napatingin siya kay Aling Myrna na kanina pa tahimik.
“Dapat ko po bang ipagkatiwala si Katkat sa mga taong ‘yon?” tanong niya.
“Ikaw ang bahala, pero sana isipin mo kung saan mas mapapabuti si Katkat.” sabi ng ginang. Napapikit ng mariin si Gio saka sumandal sa couch. Napatingin siya kay Katkat na mukhang walang kaalam-alam sa nangyayari.
“Gio...” napatingin siya kay Nestlyn.
“Matagal ko ng kaibigan si Jayvee, matinong tao ‘yon at malinis ang intensyon niya kay Katkat. Maniwala ka sa ‘kin. Ligtas si Katkat sa poder niya. Saka si George Scott, isa siya sa highest paid psychologists sa US, mapapagaling nila si Katkat. Napag-usapan na rin namin na hindi nila ilalabas sa media ang tungkol kay Katkat. Mapagkakatiwalaan sila, promise.” dagdag pa nito.
Kilala niya si Nestlyn, hindi ito nagsisinungaling sa mga ganitong bagay pero hindi niya talaga maiwasan na hindi mag-alala para kay Katkat, kaligtasan nito ang pinag-uusapan dito.
“Kapag may nangyaring hindi maganda kay Katkat, buburahin ko sa mundo ang mga psychologist na ‘yon na pinagkakatiwalaan mo.” seryosong sambit niya habang nakatingin kay Katkat.
“Promise, kahit ako burahin mo na rin sa mundo kapag nangyari ‘yon.” napabuntong hininga siya sa sinabi ni Nestlyn, mukhang pinagkakatiwalaan talaga nito ang Jayvee na ‘yon.
“Aling Myrna, paki-empake na lang po ng mga gamit ni Katkat.” labag sa loob na sabi niya. Tumango na lang ang ginang at agad na nagtungo sa silid ni Katkat.
“Pumapayag ka na?!” tila natutuwang tanong ng kaibigan.
“If it's for the best, I don't have any choice. But I'm warning you, kapag may ginawang hindi maganda ang Jayvee na ‘yon kay Katkat, magdasal na siya sa lahat ng santo.” seryosong sabi niya.
“Napamahal ka na talaga sa kaniya.” sabi ng kaibigan habang hinahaplos ang buhok ni Katkat na abala sa paglalaro ng bola.
Lumabas na si Aling Myrna mula sa silid ni Katkat bitbit ang malaking bag. Napabuntong hininga si Gio at binuhat si Katkat.
“Pakilagay na lang po sa kotse ang gamit ni Katkat.”
Napatingin siya kay Katkat na inosenteng nakatingin sa kaniya. Agad siyang napaiwas ng tingin, mahirap para sa kaniya ang ipagkatiwala si Katkat sa ibang tao pero wala siyang magagawa. Kung gusto niyang maging normal si Katkat, kailangan niya itong ipagkatiwala sa mga eksperto.
Isinakay na niya sa kotse si Katkat sa tabi ng driver's seat. Huminga muna siya ng malalim bago pinaandar ang kotse.
Tahimik lang si Katkat habang patingin-tingin sa mga gusaling nadadaanan nila. Hangga’t kaya niya pang pakawalan si Katkat ay gagawin niya na. Kung ipagpapabukas niya pa ito ay baka hindi niya na ito ipaubaya sa mga eksperto.
Makalipas ang ilang minutong biyahe ay nakarating din sila sa address na ibinigay ng psychologist.
Napabuntong hininga siya at hinarap si Katkat na nakatingin lang sa kaniya. Lumapit siya dito at hinaplos ang pisngi nito.
“Katkat, gagaling ka dito. Alam nila ang dapat gawin para gumaling ka. Magiging normal na tao kana sa tulong nila.” huminga siya ng malalim habang nakatitig lang sa kaniya ng matiim si Katkat.
“Pupuntahan naman kita dito lagi. Isumbong mo sa ‘kin kapag may ginawa silang hindi maganda sayo ha, ipagtatanggol kita.”
Mahigit isang linggo pa lang naman sila nagkakasama pero hindi niya alam kung bakit sobrang gaan na ng loob niya sa dalaga.
“Halika na...” lalabas na sana siya ng kotse nang biglang may humawak sa braso niya.
Natigilan siya at napatingin sa maamong mukha ni Katkat. Ang higpit ng pagkakahawak nito sa braso ni Gio. Bumigat ang paghinga niya, kakaiba ang tingin nito sa kaniya na para bang sinasabi nito na huwag siya nitong iwan. Para bang sinasabi ng mga mata ni Katkat na ‘wag siya nitong ipagkatiwala sa iba.
“Damn!” mariing mura ni Gio.
Natagpuan na lamang niya ang sarili na pinapaandar ang kotse pabalik sa bahay niya.