“Kailangan kong pumunta sa firm mamaya.” sabi niya kay Mea.
Si Mea ang pinapunta niya ngayon sa bahay niya dahil masyadong abala si Nestlyn. Hindi niya kaya na iwan si Katkak kay Jayvee. Umalis kasi si Aling Myrna at nagpunta sa lamay ng pamangkin nito.
“Bakit? Akala ko ba hindi ka muna magtatrabaho?” tanong nito habang nakain ng pancake. Napabuntong hininga lang siya sa tanong nito.
“Mabilis lang naman ‘yon, nahihiya na ko kay Nestlyn. Malaki ang firm ko at hindi siya sanay mamahala.” sabi niya habang pinakain si Katkat.
Matalino naman ang kaibigan niyang si Nestlyn, sadyang hindi lang ito sanay maging leader o amo. Pinapangunahan lagi ito ng inferiority complex nito.
“Hayaan mo na si Nestlyn, para masanay na siya. Paano siya makakapagpatayo ng sarili niyang accounting firm kung hindi niya sasanayin ang sarili niya?” sabi nito. Napailing na lang siya sa tinuran ng kaibigan.
“Bakit hindi na lang ikaw ang mamahala ng firm? Tutal mukhang expert ka.” sarkastikong sabi niya. Napairap namans si Mea.
“Hindi ko kaya ‘yon, kayo ni Nestlyn ang matalino diyan eh. Alam niyo namang isang mali na lang doon sa board exam natin dati bagsak na ‘ko. Hay, buti na lang talaga.” napailing na lang siya sa sinabi nito.
“Katkat, ‘wag ka masyadong didikit sa Jayvee na ‘yon kapag wala ako.” sabi niya habang hinahaplos ang buhok ni Katkat.
Inilagay na niya ang plato sa sink matapos niyang pakainin si Katkat. Nararamdaman niyang nakatingin lang sa kaniya ang kaibigan.
“Kawawa ka kapag nahanap na ang pamilya ni Katkat.” sabi ni Mea saka ibinaling ang tingin kay Katkat na umalis na ng upuan at lumapit kay Zedkinah.
“You think so?” tanong niya.
“Oo, mahigit isang buwan pa lang si Katkat dito pero nakikita ko na napakahalaga na niya para sa’yo.” napabuntong hininga siya sa sinabi ni Mea.
“Sa totoo lang, ayoko ng hanapin ang pamilya niya. Gusto ko dito na lang siya.” tila wala sa sariling sabi niya habang nakatitig kay Katkat.
“Grabe, ‘wag naman. Kawawa naman si Katkat.” sabi naman ni Mea. Mapait na napangiti lang siya sa sinabi nito.
“Iyon na nga lang ang pinanghahawakan ko para ituloy ang paghahanap sa mga pamilya niya. Alam ko na mas sasaya siya kapag namdoon na siya sa pamilya niya. Kahit mahirap para sa ‘kin na pakawalan siya dahil napamahal na talaga siya sa ‘kin, wala akong magagawa. I want her to be happier.” seryosong sabi niya. Natigilan siya nang mapansing natahimik ang kaibigan. Napatingin siya dito at napakunot ang noo niya nang mapansin na seryoso itong nakatingin sa kaniya.
“Why are you looking at me like that?” tanong niya. Minsan lang kasi maging seryoso ang kaibigan niyang ito kaya hindi siya sanay kapag seryoso ang mukha nito gaya ngayon.
“Lagot na, mukhang tama si Reign.” bulong ng kaibigan na hindi niya masyadong narinig.
“Ano?” tanong niya dito. Agad na napaiwas ng tingin si Mea.
“Wala, anong oras ba dadating si Jayvee?” pag-iwas nito sa usapan. Napakibit balikat na lang siya.
“Ewan ko do’n, kahit nga hindi siya magpunta ayos lang sa ‘kin.” hanggang ngayon ay mainit pa rin ang dugo niya kay Jayvee. Naiinis siya sa tuwing nagiging hyper si Katkat sa tuwing nakikita ito. Buti na lang talaga at hindi dinidilaan ni Katkat ang pisngi ni Jayvee kagaya ng ginagawa nito sa kaniya, kapag nagkataon ay baka maghanap na lang siya ng ibang psychologist at therapist ni Katkat.
Napabuntong hininga siya nang makarinig ng tunog ng doorbell. Mukhang dumating na ang tao na laging nagpapakulo ng dugo niya.
“Pagbuksan mo nga ‘yon, baka patalsikin ko ulit siya palabas kapag nakita ko ang pagmumukha niya.” masungit na sabi niya.
Sa totoo lang ay hindi niya maintindihan kung bakit mainit lagi ang dugo niya kay Jayvee. Kung tutuusin ay wala naman talaga itong ginagawang masama kay Katkat. Marahil ay naiinis lang siya dito dahil paborito rin ito ni Katkat. Gusto niya siya lang ang paborito at mahal ni Katkat.
“Hi there Katkat.” nakangiting sabi nito. Agad itong sinugod ni Katkat tinahulan na tila excited ito na makita siya. Mas lalong napaismid si Gio.
“Hi there Katkat.” tila nang-aasar na panggagaya niya sa sinabi ni Jayvee. Napailing na lang si Mea sa inasal ng kaibigan.
“Hello rin sa'yo Mr. Francisco.” sabi ni Jayvee saka napangisi. Napailing na lang si Gio at ibinaling ang tingin sa diyaryo na binabasa niya kanina.
“Aalis ako, pero ‘wag kang matuwa masyado dahil babantayan ka ni Mea.” sabi niya kay Jayvee.
Padabog na inilapag niya sa mesa ang diyaryo saka lumapit kay Katkat. Inosenteng nakatingin lang ito sa kaniya.
“Katkat, aalis lang ang tatay mo. Kapag may ginawang hindi maganda ang lalaking ‘yan, magsumbong ka lang sa ‘kin.” sabi niya saka binalingan ng masamang tingin si Jayvee.
“Dalawang araw ng wala dito si Aling Myrna, wala namang ibang tao dito maliban sa'yo. Ibig sabihin lang no’n ikaw ang nagpaligo kay Katkat ng mga araw na ‘yon. Sa tingin ko nga sa'yo mas delikado si Katkat.” natatawang sabi ni Jayvee. Naningkit ang mga mata niya sa tinuran nito.
“Nako, kunwari tatay raw ni Katkat pero...” binalingan niya ng masamang tingin si Mea.
“Ako yung kaibigan mo dito, bakit siya ang kinakampihan mo?” naiinis na sabi niya kay Mea.
Napatingin siya kay Katkat at niyakap ito.
“Ikaw na lang talaga ang kakampi ko Katkat.” sabi niya habang nakayakap dito.
“Umalis ka na lang para makauwi ka kaagad. Ang dami mo pang seremonyas eh.” napapailing na sabi ni Mea.
“Bye Katkat, uuwi rin ako agad.” dinampian niya ito ng magaan na halik sa noo. Tumayo na siya habang na kay Katkat pa rin ang tingin.
“Mea, ‘wag mong aalisin ang tingin mo kay Katkat.” bilin niya ulit sa kaibigan.
“Oo nga, sampung beses mo ng sinasabi ‘yan.” sabi nito at napairap.
Napatingin siya sa aso na si Zedkinah. Napangiti siya at hinaplos ang balahibo nito saka tuluyang lumabas ng pad niya.
***
“
Baka magsawa na siya sa vanilla cupcake.” sabi niya sa sarili habang nakatingin sa mga cupcake na naka-display.
“Para po ba sa girlfriend mo ‘yan Sir?” nakangiting tanong ng cashier sa kaniya.
“Para sa anak ko.” sagot na lang niya.
“May anak na po kayo? Grabe hindi halata.” tipid na napangiti na lang siya sa sinabi nito.
“Isang box ng assorted flavored cupcakes.” sabi niya saka nag-abot ng five hundred bill.
Lumabas na siya ng bakeshop pagkatapos maibigay ang in-order niya at ang sukli niya. Sumakay na siya sa kotse at agad na pinaandar ‘yon.
Excited na siyang umuwi para makalaro si Zedkinah at Katkat. Mahal niya rin naman si Zedkinah dahil ito ang kauna-unahang aso niya pero aminado siya na mas mahal na niya si Katkat ngayon at hindi niya alam kung bakit. Mukhang anak na talaga ang turing niya kay Katkat.
Agad siyang bumaba ng kotse bitbit ang box ng cupcake pagkarating niya sa bahay.
Natigilan siya nang mapansin na seryoso ang mukha nina Mea at Jayvee nang pumasok siya sa bahay niya. Napakunot ang noo niya sa hitsura ng mga ito na tila pinagbagsakan ng langit at lupa.
“Bakit ganiyan ang mga pagmumukha niyo?” tanong niya saka inilagay ang box ng cupcake sa ref.
Natigilan siya nang mapansin na wala si Katkat. Kinutuban siya ng masama.
“Where's Katkat?” tanong niya habang sinusuyod ng tingin ang kabuuan ng bahay.
“S-shes's missing.” nakatungong sabi ni Mea.
“Anong pinagsasasabi mo?” nakakunot noong tanong niya sa kaibigan.
“It's my fault, bumili lang si Mea saglit sa labas. Tumawag ang isang kliyente ko at nawala si Katkat sa paningin ko. Hindi ko alam na nakabukas ang pinto. Tumawag na ‘ko sa mga pulis at---” hindi na niya pinatapos magsalita si Jayvee, agad niya itong kinwelyuhan.
Pakiramdam niya ay nag-akyatan ang lahat ng dugo sa ulo niya. Ngayon lang yata siya nakaramdam ng ganitong katinding galit sa buong buhay niya.
“K-kapag may nangyaring masama kay Katkat, kapag hindi ko nakita si Katkat, humanda ka sa ‘kin! Papatayin kita!” pabalya niyang binitawan si Jayvee, halos matumba ito sa sahig.
Nagmamadaling lumabas siya ng bahay at kinuha ang phone niya sa bulsa ng coat niya. Tinawagan niya ang kaibigan niyang magaling na pulis.
“Cedrick, may ipapahanap ako sa'yo. Magbabayad ako kahit magkano.”
Agad siyang nagsend ng picture ni Katkat dito matapos nilang mag-usap. Nanginginig ang mga tuhod na lumabas siya upang subukan na hanapin si Katkat. Hindi na siya gumamit ng kotse, baka nasa subdivision lang ito at hindi pa nakakalayo.
“Katkat!” sigaw niya habang hinahanap ito.
“Katkat, nasaan ka ba?” huminga siya ng malalim upang pakalmahin ang sarili kahit kaunti ngunit mukhang hindi ito epektibo.
Hindi niya talaga alam kung ano ang magagawa niya kay Jayvee kapag hindi niya nakita si Katkat. Pakiramdam niya ay talagang makakapatay siya ng tao.
“Katkat! May cupcake sa bahay!” sigaw niya habang tila wala sa sarili na naglalakad at patingin-tingin sa paligid.
May mga dumadaan na napapatingin sa kaniya pero wala na siyang pakialam doon. Ang mahalaga ay makita niya si Katkat.
Ilang minuto na siyang nagpapalakad-lakad at nakalabas na siya ng subdivision nila kakahanap kay Katkat. Lalo siyang kinakabahan dahil hindi pa siya tinatawagan ni Cedrick o ni Jayvee. Hindi na siya mapakali, hindi talaga siya uuwi ng bahay hangga't hindi niya nakikita si Katkat.
Natigilan siya nang mapansin na may pamilyar na babae na nakaupo sa gilid ng kalsada habang nakain ng ice cream.
“Katkat!” agad siyang tumakbo papalapit dito nang mamukhaan niyang si Katkat ito.
Natigilan siya nang halos muntik na siyang mabangga ng kotse sa pagmamadali niya.
“Ano ba! Tumingin ka sa dinadaanan mo siraulo!” bulyaw sa kaniya ng driver pero hindi na niya iyon pinagtuunan ng pansin. Agad siyang tumakbo papalapit kay Katkat at sinugod ito ng yakap. Wala na siyang pakialam kahit nadumihan na ng ice cream ang coat niya.
“Katkat naman, halos mamatay ako sa pag-aalala sa'yo! Bakit mo naman ako pinakaba ng gano'n?” kumalas siya sa pagkakayakap dito at agad na sinuri ang mukha nito.
“May masakit ba sa'yo? May nanakit ba sa'yo?” sunod niyang tiningnan ang mga braso nito.
Natigilan siya nang mapansing may sariwang mga sugat na naman sa mga tuhod nito at mga paa. Tiningnan niya ang mga kamay nito at may maliliit na sugat sa mga palad nito.
“Ikaw ba ang asawa niya? Nako, nakita ko siya na gumagapang diyan sa kalsada. Muntik na ngang mabangga eh, buti na lang at natulungan ko.” sabi ng may ka-edaran na lalaki na nagtitinda ng dirty ice cream. Marahil dito nanggaling ang ice cream na kinakain ni Katkat.
“Maraming salamat po.” magalang na sabi niya dito. Kumuha siya ng mahigit limang libo sa wallet at akmang iaabot sa tindero pero hindi iyon tinanggap ng matanda.
“Nako ‘wag na.” pagtanggi ng matanda sa perang inaalok niya. Tipid na napangiti na lang siya at binuhat si Katkat.
“Teka, pwede ko bang itanong kung bakit natahol ang asawa mo?” nagtatakang tanong nito.
“May sakit po kasi siya. Sige po, salamat ulit.” inayos niya ang pagkakabuhat kay Katkat at nagsimula na siyang maglakad pabalik sa bahay niya.
Tinibayan niya ang mga braso kahit nanginginig pa rin ang mga ‘yon. Akala niya talaga ay hindi niya na mahahanap si Katkat.
Madilim ang mukha niya nang makarating sa bahay. Agad na napatayo sina Mea at Jayvee nang makita siya habang buhat si Katkat.
“Umuwi muna kayong dalawa, mainit ang ulo ko ngayon.” seryosong sabi niya.
“S-sige, sorry ulit sa nangyari.” hinging paumanhin ng kaibigan saka lumabas.
“I'm really sorry Gio.” sabi naman ni Jayvee saka tinapik siya sa balikat bago lumabas.
Napabuntong hininga na lang siya at dinala si Katkat sa kwarto nito saka pinaupo sa kama. Napabuntong hininga siya at napapikit ng mariin nang makita ang mga sugat ni Katkat. Hindi pa rin ito nakakatayo, malamang gumapang ito kaya nagkaroon na naman itong mga sugat.
Kumuha siya ng first aid kit at sinimulang gamutin ang mga sugat nito. Nararamdaman niya na napapaigik ito marahil ay masakit talaga ang mga sugat nito. Napabuntong hininga siya at hinipan iyon upang maibsan ang sakit na nararamdaman ni Katkat.
“Kahit magpa-awa ka sa ‘kin, papagalitan pa rin kita.” seryosong sabi niya habang nakatingin sa mga mata ni Katkat.
Ginamot naman niya ang mga sugat nito sa kamay. Mas malala ang mga sugat nito sa tuhod kaysa sa kamay na maliliit lang ang mga sugat.
“A-ah...” natigilan siya at napatingin kay Katkat. Ngayon lang niya narinig na gumawa ito ng ibang tunog maliban sa pagtahol.
“Masakit ba ng sobra?” nakaramdam naman siya ng awa dito. Kung pwede lang na ilipat ang lahat ng sugat ni Katkat sa kaniya ay matagal na niyang ginawa.
Napabuntong hininga siya at dinampian ng magaan na halik ang palad nito na may maliliit na sugat. Naramdaman niya na bahagyang nanigas si Katkat. Nagtatakang napatingin siya dito.
Natigilan siya nang mapadako ang tingin niya sa mga mata ni Katkat. Hindi niya alam kung bakit hindi niya maalis ang mga tingin niya sa magagandang mga mata nito. Para siyang nalulunod, para siyang dinadala sa ibang mundo.
Natigilan siya at agad na napaiwas ng tingin. Napailing siya at binuhat na lang si Katkat saka dinala sa banyo upang paliguan.
PAGKATAPOS ng pahirapang pagpapaligo rito, binihisan na niya ito. Nag-ingat talaga siya sa mga sugat ni Katkat na sariwa pa. Pagkatapos niya itong mabihisan ay pinahiga na niya ito ng ayos sa kama. Umupo siya sa tabi nito upang pagalitan ito.
“Hindi ka tatabi sa ‘kin matulog ngayon. Alam mo ba na sobra akong kinabahan kanina? Akala ko aatakihin ako sa puso sa sobrang takot na baka mawala ka sa ‘kin! Sobrang kulit mo, bakit bigla kang lumabas ng walang paalam? Paano kung may mangyaring masama sa'yo sa labas? Makakapatay talaga ako kung sakali, alam mo ba ‘yon?” hindi naman kumibo. Inosenteng nakatingin lang ito sa kaniya.
“Huwag mo kong titingnan ng ganiyan, akala mo tatalab sa ‘kin ang pagpapacute mo. Huh! Kahit magpacute ka sa ‘kin papagalitan pa rin kita. Sobra na ‘yong ginawa mo kanina. Muntik ko ng pasabugin ang pagmumukha ng Jayvee na ‘yon.” huminga siya ng malalim. Mauubusan yata siya ng hangin kakasalita kahit hindi naman siya naiintindihan ni Katkat.
“Nakikinig ka pa ba sa'kin? Seryoso ako dito Katkat Francisco. Kapag ako nagalit talagang---” natigilan siya nang dilaan siya ni Katkat...
Hindi sa pisngi tulad ng dati kundi sa labi. Dinilaan ni Katkat ang labi niya.