Kabanata 8
"Kaye?" Bigla naman niya akong niyakap at umatungal.
"Gel, patawarin mo ako! Hindi ko sinasadya!" "Kaye, tahan na. Alam ko naman 'yon e,"
naluluha ko na ring wika sa kanya.
"Gel, bakit ka ba nagkagusto sa halimaw na 'yon?" aniya. Kumalas ako sa kanya.
"Baliw ka talaga! Nagawa mo pang itanong 'yan sa akin." Muli niya akong niyakap.
"Pangako, 'di na ako magtatampo. Kung saan ka masaya'y aayon ako." Ginulo ko na lamang ang kanyang buhok bilang pag-ayon.
"Gel!" Nahulog ako sa aking kama dahil sa malakas na pagpukaw ni Kaye sa akin.
"Aray," mahinang daing ko.
"Oy? Sa sahig ka natulog Gel?" Umangat ang kaliwang sulok ng aking labi.
"Bakit may angal ka?" Bumangon ako at gumapang pabalik sa aking kama. Sarap na sarap ako sa aking pagtulog pagkatapos ay bibitinin nito ang aking napakagandang panaginip!
"Si Zsakae," anito pa. Usapang Zsakae! Lihim akong napangiti.
"Anong mayro'n sa kanya?" Napamaywang naman ito.
"Ang halimaw na 'yon..." "Ano?"
"May kasamang iba," seryoso niyang wika.
Agad akong napababa sa aking kama at napalabas ng aking silid. Agad kong natanaw si Zsakae sa kabilang gusali. At tama nga si Kaye, may kasama siyang iba. Nakaingkis ito sa kanyang braso at kung makayapos ito sa baywang ni Zsakae ay parang tuko. Nahampas ko ang bakal na barandilya at inis na bumalik muli sa aking silid.
"Gel," pigil sa akin ni Kaye.
"Huwag ngayon Kaye," matabang kong sagot.
Diretso ako agad sa aking banyo at pumasok sa paliguan kong banyera. Agad na bumagsak ang mga luha ko sa mata. Bakit ba kasi ako umasa na magkakagusto rin siya sa akin? Hindi naman talaga ako ang nararapat sa kanya. Kung bakit ba naman kasi may batas pang ganito si Luna. Ang silbi ko lang sa kanya ay ang maging mapatid uhaw lamang. Iyon lang.
"Gel," tawag ni Kaye sa akin, mula sa labas ng aking banyo.
"Bakit?" sagot ko naman.
"Puwede mo akong yakapin," alok niya pa. "Ayos lang ako," pigil kong paggaralgal ng
aking boses.
"Gel, nasa labas ang halimaw na 'yon. Maglinis ka na raw ng silid niya." Nakagat ko ang aking labi.
"Lalabas na." Pinahiran ko ang aking mga pisngi at gumayak na. Pagkalabas ko ng banyo ay malungkot na mukha ni Kaye ang naabutan ko.
"Ayos ka lang?" aniya. Tumango lang ako..
"Tawid lang ako sa kabila," paalam ko kay Kaye.
Hindi ko na hinintay pa na sagutin niya ako dahil agad akong lumabas ng aking silid. Huminga ako ng malalim nang tumapat ako sa pinto ng silid ni Zsakae. Marahan pa akong kumatok bago ko pinihit ang busol ng pinto. Nang maitulak ko ito'y agad akong pumasok. Naabutan kong nakatayo sa may bintana si Zsakae habang nagbabasa ng libro. Saglit akong natulala dahil sa kanyang ayos. Nakaputing polo ito ngunit nakabukas na naman ang gitna at pinaresan ng maong na pantalon. Ang ayos ng buhok niya'y nakatirintas ngunit may naiiwan pa ring ilang hibla ng kanyang buhok ang nakalugay lamang. Kitang-kita ko ang itim niyang hikaw sa magkabilang tainga. Bakit ba kasi siya pa!? Bigla namang may bumangga sa akin.
"Mahal ko! Narito ka lang pala," wika no'ng babaeng biglang umangkla sa baywang ni Zsakae. Kumirot ang aking dibdib. Agad kong inalis ang aking mga paningin sa kanilang dalawa.
"Sino ka?" anang babae. Bumaling ako sa kanya at matabang na ngumiti.
"Isang utusan lamang po senyorita, paumanhin po." Agad akong lumabas ng silid. Nakahinga ako ng maluwag. Ano nga ba ang karapatan ko sa kanya? Wala naman. Tinungo ko ang silid ni Kaye na nasa ika'tlong palapag ng aming dormitoryo.
"Gel."
"Kaye," balik kong bati.
"Sino raw 'yon?" Hilaw akong tumawa.
"Wala akong pakialam sa babaeng 'yon. Paano mo nga pala nalaman na siya ang itinakda ni Luna?"
"Sabi mo'y wala kang pakialam?" Tinaasan ko siya ng aking kaliwang kilay.
"'Di ba't sabi mo kanina ay siya ang pinili ni Luna? Nagtataka lang ako at kung bakit alam mo." Napatango-tango naman ito.
"Nakipagkamay ako sa kanya nang aksidente ko siyang mabangga kanina sa pasilyo. May ganito siya," aniya at ipinakita sa akin ang kanyang kaliwang pulsuhan. Nang kinuyom niya ang kanyang kamao ay unti-unting lumalabas ang isang kulay itim na rosas.
Napaawang ang aking bibig.
"Bakit mayro'n ka niyan Kaye?" gulat kong
bulalas.
"Hindi ko alam. No'ng nakaraang linggo ko lang din napuna na may ganito pala ako."
"Sana mayro'n din ako niyan," malungkot ko pang ani.
"Magkasama ba sila?" Tumango ako. "Maganda siya at bagay silang dalawa."
Umakbay naman siya sa akin.
"Gumala tayo sa sentro ng nayon. Punta tayo sa perya," yaya niya pa.
"'Di ba't may pasok tayo mamaya para sa Araling Panlipunan. Huwag mong sabihin sa akin na liliban ka sa klase?" Pilya niya naman akong nginitian.
"Kung para ba naman sa 'yo ay bakit hindi. Tara na Gel." Ngumuso pa ito sa akin.
"Tara na nga," sang-ayon ko na lamang sa huli.
Nang oras ding 'yon ay tumakas kami sa
klase at tinungo ang perya. Kahit na maaga pa'y marami pa rin namang tao ang namasyal. Kung anu-anong laro ang sinubukan naming dalawa ni Kaye. Halos inabot din kami ng takip-silim dahil sa sobrang saya ng pamamasyal namin.
"Kaye, umuwi na tayo," yaya ko pa.
"Teka, babayaran ko lang 'tong mga inoming binili ko. Tumango ako. At nang umalis sa aking harapan si Kaye ay agad nasagi ng mga mata ko ang bulto ng katawan ni Zsakae. Napatayo ako mula sa aking pagkakaupo sa sementong bangko. Nang kumurap ako'y wala na naman ito.
"Gel? May problema ka ba?" ani Kaye nang bumalik ito. Agad akong umiling. Hindi naman niya ako kinulit pa at lumakad na kami.
Nang bumalik kami sa dormitoryo ay sinalubong kami no'ng babaeng kasama ni Zsakae.
"Angelika! Tama ba? Tulungan mo ako pakiusap! Si Zsakae kasi, biglang may nagbago sa kanya."
"Hindi ba't dapat alam mo ang gagawin sa kanya? Bakit kay Angelika ka hihingi ng tulong?" inis pang wika ni Kaye rito. Magsasalita pa sana ako pero...
"Gel..." bulong ng hangin sa akin.
Nakuyom ko ang aking mga kamao at agad na napatakbo. Habol ko ang aking hininga nang tumapat ako sa silid ni Zsakae. Agad akong pumasok ngunit laking pagtataka ko dahil wala siya sa kanyang silid.
"Zsakae?"
Lumapit ako sa isa pang pinto na madalas niyang pasukan. Nang buksan ko ang pinto ay wala namang kalaman-laman ang maliit na silid nang pumasok ako. Akmang lalabas na sana ako ngunit bigla namang sumarado ang pinto. Mabilis kong pinihit ang busol ngunit nakakandado na ito.
"Kaye! Tulong!" sigaw ko.
Napaatras ako nang bigla akong may maapakan sa sahig. 'Yong semento biglang bumaon ng konti hanggang sa nagsunod-sunod na sa pagbaon 'yong iba. Nang matapos ito'y biglang nahati ang sahig dahilan para ako'y mahulog. Napatili ako ng husto. Sa lalim ba naman ng binagsakan ko'y napadasal na lamang ako. Nang bumagsak ako'y diretso ako sa isang malaki at malambot na kama.