Kabanata 7

1102 Words
Kabanata 7 "Zsakae, sandali..." anas ko ngunit masiyadong mahigpit ang pagkakayapos nito sa akin. Tanging pagkapit na lamang sa kanyang balikat ang aking nagawa. Nang diinan niya pa ang pagkakagat sa aking leeg ay nakumyos ko ang basa niyang buhok. Bigla namang nagbago ang kulay ng kanyang buhok. Nagkulay puti ito at ang katawan niya'y bahagyang naging brusko. Ang mga kuko niyang humaba ng isang pulgada. Halos ang mga litid niya sa katawan ay klarung-klaro na. "Zsakae," sambit ko. Umawang ang kanyang bibig. "Hindi maganda ang kundisyon ko Gel. Kailangan kita," anito. Hindi ako agad nakaimik, bagkus ay kinabig ko ang kanyang leeg. "Ayos lang ako," anas ko kahit na ang totoo'y nagsisimula nang magdilim ang aking paningin. Muli niyang kinagat ang aking leeg. Mariin akong napapikit at nang magmulat ako'y ang mukha ni Kaye ang aking nasilayan. Gulat ito at halatang galit sa kanyang nakita. Iginalaw ko ang aking kaliwang kamay at itinapat ang aking hintuturo sa aking bibig. Sinabayan ko ito nang pag-iling ng aking ulo. Nakuyom ni Kaye ang kanyang mga kamay at tahimik na umalis. Huminga ako ng malalim. "Gel," sambit nito at huling salita na aking narinig bago ako nawalan ng malay. Umungol ako nang maalimpungatan at tuluyang nagising. Narito na ako sa aking silid. Dahan- dahan akong bumangon at sumandal sa ulunan ng aking kama. "Kailan pa Gel?" galit na tono ni Kaye ang sumalubong sa akin. "Hindi ko naman intensyon na maglihim sa iyo Kaye." Matalim na titig ang ibinaling niya sa akin. "Kung ganoon ay ano 'yong nakita ko kanina!? Ilang beses niya na bang ginawa 'yon sa iyo!?" "Pangalawa pa 'yong kanina Kaye. Ayos lang naman ako e." Umigting ang kanyang panga. "Pumayag ka na gamitin niya!? Kabaliwan 'yang ginagawa mo Gel! Hindi porke't utusan ka niya'y papayag ka na! Mahal mo? Putanginang pagmamahal 'yan Gel!" umiiyak niyang wika habang pinapagalitan ako. Gulong-gulo naman ang aking utak. "Bakit ka ba nagkakaganyan Kaye?" naguguluhan kong tanong sa kanya. Umupo naman ito sa aking tabi at muli ay narinig ko ang kanyang paghikbi. "Kaye," utas ko. "Papatayin ka niya Gel! Unti-unti ka niyang papatayin dahil sa ginagawa niya sa iyo. Makinig ka sa akin. Pakiusap! Gawin ka na niyang utusan o alilain ka man niya'y ayos lang. Huwag lang umabot do'n." Nakakunot pa rin ang aking noo. "Hindi maganda ang kundisyon niya kaya tinulungan ko Kaye. Bakit mo naman nasabi ang ganyang bagay? Bakit Kaye? May hindi ka ba sinasabi sa akin?" Mariin naman nitong nakumyos ang kubrekama. "Alam mong kakaiba ako Kaye. Hindi ako mortal. Bakit ko naman ikamamatay ang ginagawa ni Zsakae sa akin?" Tinampal niya ang kanyang noo. "Magkaiba ang immortal na alay at ang immortal na itinakda ni Luna," seryoso niyang ani. Nagsalubong ang aking mga kilay. Hinawakan niya ang aking mga pulsuhan. "May nakikita ka ba sa mga kamay mo Gel? 'Di ba, wala? Ikaw ang alay Gel! Kapag may lumabas na itim na rosas na gumagapang ang tangkay na nagkukunekta sa iyong mga ugat. Tinatawag nila itong itinakda ni Luna. Kapag wala kang marka ni Luna, puwede mong ikamatay 'yon Gel! Tuwing kabilugan ng buwan lamang puwedeng uminon ng dugo ang mga Zoldic na may kasamang pagtatalik at ritwal. At kapag napasailalim na 'yon ng ritwal ay puwede na silang dumepende sa itinakda ni Luna sa kahit anumang oras. Sa sitwasyon mo'y iba! Ginagamit ka ni Zsakae upang gumaling siya dahil hanggang ngayon ay 'di pa lumilitaw ang itinakda ni Luna sa kanya." Umawang ang aking bibig. Tumawa ako. "Kalokohan 'yan Kaye." "Seryoso ako." "At saan mo naman nalaman ang tungkol diyan Kaye? Isang kang Seltzer! Anong alam mo tungkol sa mga Zoldic?" Tumayo naman ito. "Iyon nga e, dapat mas ikaw ang nakakaalam dahil malapit ang inay Lucinda mo sa kanila. Ngunit wala kang alam Gel, wala! At kung tungkol naman sa sinasabi mo kung bakit marami akong alam. Kailangan kilala mo ang mga kalaban mo." Agad din naman siyang umalis at iniwan ako. Nahilot ko ang aking sintido. Kung bakit nga naman ba kasi wala ako alam. Hindi naman sa wala ngunit aminado akong kulang ang mga impormasyong alam ko. Mariin akong napapikit. Hindi ko alam kung paniniwalaan ko ba si Kaye. Mag-isa akong kumain ng hapunan. Hanggang ngayon kasi ay 'di pa rin nagpapakita si Kaye sa akin. Marahil ay nasa pinakabubong na naman iyon ng gusali ng aming paaralan. Tinapos ko muna ang aking mga takdang-aralin bago napagpasiyahang magtungo sa kabilang gusali. Tinungo ko agad ang kinaroroonan ni Kaye. Dumaan pa ako sa likod ng gusali dahil may hagdan naman doon at mabilis pang makapunta ro'n patungo sa itaas. Halos takbuhin ko ang mga baitang makarating lamang ng mabilis. Hingal na hingal ako nang umapak sa patag na bubong ng gusali ang aking mga paa. At tama nga ang hinala kong narito siya. Nakatayo sa pinakadulo ng barandilya si Kaye. "Kaye," tawag ko sa kanya. Nilingon naman niya ako. Kulay dilaw ang kanyang mga mata na parang sa ahas. "Kaye, mag-usap tayo," wika ko. "Huwag muna ngayon Gel. Hindi maganda ang kalagayan ko." Lumapit ako sa kanya. Bumaba naman ito. "Kaye, sige na naman oh. Pag-usapan natin 'to." Hawak ko ang kanyang braso. "Ang sabi ko, huwag muna!" Sa lakas nang pagkakatabig niya'y napaatras ako at tumama sa barandilya. Ngunit dahil din do'n ay nawalan ako ng balanse dahilan para ako'y madulas at mahulog. "Angelika!" sigaw ni Kaye. Sa isang kisap ng aking mga mata'y biglang lumitaw si Zsakae sa aking likuran at yakap nito ang aking baywang. Nang tuluyan kaming bumagsak ay siya ang naging pananggalan ko upang 'di ako masaktan. Halos bumaon kaming dalawa ni Zsakae sa semento. "Zsakae, ayos ka lang ba?" nag-aalala kong tanong. Bumangon ito at bahagyang ginalaw ang kanyang leeg. Dinig na dinig ng mga tainga ko ang malulutong nitong buto sa katawan. Seryoso itong tumitig sa akin at tumayo. Bigla niya akong hinila at tinalon ang gusali. Namilog ang aking mga mata dahil halos malula ako. Nang umapak kaming muli sa bubongan ng gusali ay gano'n na lang ang gulat ko nang sakalin ni Zsakae si Kaye. Puwersahan niya itong isinalampak sa pader. Nahulog pa ang mga tipak ng semento sa sahig. "Masiyado kang pakialamera Seltzer! Sa oras na humarang ka pa sa aki'y hindi ako mangingiming paslangin ka. Sa oras na ipahamak mo ulit si Angelika, uubusin ko ang lahi mo. Hangal!" Gulat ako sa aking narinig ngunit labis akong nag-aalala kay Kaye. "Zsakae! Tama na!" Binitiwan niya si Kaye at nawala na naman siya na parang bula. Panay ang pag-ubo ni Kaye habang sapo ang kanyang leeg. Bumalik na ang dating kulay kayumangging mga mata nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD