Kabanata 6
"Dapat kitang parusahan dahil sa pagsagot mo sa akin ng ganyan," anito habang nakapamulsa. Ang mahaba niyang buhok na kulay itim na nahahaluan ng kulay pula ay nililipad ng hangin, maging ang laylayan ng itim nitong polong suot ay nililipad rin ng hangin.
Humakbang naman ito. Napaatras ako.
"Zsakae hindi ko ginusto ang–" Hindi ko natuloy ang aking sasabihin dahil bigla nitong hinapit ang aking baywang. Ang kanang kamay nito'y dumapo sa aking tadyang dahilan para ako'y mapaliyad. Inilapit naman nito ang kanyang mukha sa akin.
"Sa susunod na gagawin mo pa 'to'y parurusahan na kita Gel," bulong nito sa aking kaliwang tainga.
Binitiwan niya naman ako. Muntik pa akong matumba, mabuti na lamang at mabilisan kong nabalanse ang aking katawan. Pumalatak ito at tinalikuran ako. Napabuga ako ng hangin. Parang may bumara sa aking lalamunan nang lumunok ako. Para namang sasabog ang puso ko sa sobrang kaba. Ang akala ko'y hahalikan niya ako.
Kinutusan ko ang aking sarili at lumakad na pabalik sa dormitoryo.
"Gel! Gising na! May pasok pa tayo!" Tinakpan ko ng unan ang aking ulo.
"Kaye, mamaya na," anas ko. Hinila niya ang aking kumot.
"'Di puwede! May pagsusulit tayo! Dali!" Bumalikwas ako at ibinato sa kanya ang aking unan pero agad din naman niya itong nasalo.
"Puwedeng lumiban? Halos saulado ko na lahat ang eksam ni Propesor Escanda." Humalukipkip naman ito.
"Talaga ba? Aba'y pampisikal na eksam ang gagawin natin ngayon Gel."
"Ehersisyo ba?" walang gana kong tanong. "Hindi! Mangingisda raw tayo sa ilog. Ang
makahuli, 'yan na raw ay may makukuhang malaking puntos sa kard." Tinanguan ko siya at sumenyas na lumabas.
"Susunod ako," sabi ko pa.
Hindi rin naman nakipagtalo pa si Kaye sa akin at agad na lumabas ng aking silid. Kinuha ko ang aking tuwalya at pumasok sa banyo.
Gulat ang mukha ni Kaye nang makita niya ang aking ayos.
"Galing! Piknik ba pupuntahan natin do'n Gel?" Ngumuso ako.
"Walang problema sa bestida at sumbrero ko Kaye. Ikaw? Saan ang karera mo?" Siya naman ang napanguso.
"Tara na nga!" anito at agad akong tinalikuran.
Natawa na lamang ako. Tinungo na namin ang daan papuntang ilog. Nasa loob pa rin naman ng unibersidad ang ilog na pupuntahan namin kaya napagpasyahan namin ni Kaye na mauna na lang sa iba pang mga kaklase namin sa araling ito.
"Mabigat ba 'yang mga pamingwit Kaye? Akin na 'yang isa," sabi ko pa.
"Gusto mo buhatin pa kita?" Napangiwi ako. "Ikaw na," sarkasmo kong wika at nagpatiuna sa paglakad.
Nang makarating kami sa ilog ay bumungad sa amin si Propesor Escanda.
"Ang aga yata ninyo mga binibini," nakangiting wika pa ni Propesor Escanda sa amin.
"Mainam po na maaga, doon po muna kami," ani Kaye at hinila ako.
"Maganda ang puwesto do'n Kaye," protesta ko
pa.
"Gusto ka niyang kainin. Ano? Lalapit ka pa?" Umawang naman ang aking bibig.
"Kainin? A-ako? Seryoso ka Kaye? Ha-ha!" Marahan naman niyang pinitik ang aking noo.
"Taong lobo siya at nakikita ko sa mga mata niya ang matinding pagnanasa sa iyo. 'Di mo ba napupuna ang kakaibang pakikitungo niya sa iyo?" Umiling naman ako. Wala talaga akong ideya na may balak pa lang masama si Propesor Escanda sa akin. Masiyado kasing mabait ang itsura nito. Mabilis kong niyakap si Kaye.
"Salamat," utas ko. Ginulo lamang niya ang aking buhok.
"Ihanap mo na ako ng mga bulate, bilis!" utos pa
nito.
"Manghuli ka na lang kaya."
"Mandaraya ang tawag do'n. Bilis Gel!" Pumalatak na lamang ako at kinuha ang huanta. Isinuot ko ito sa aking mga kamay at kinuha ko rin ang maliit na balde. Tinungo ko ang kabilang dako ng ilog. Malusog ang lupa sa parteng pinuntahan ko at paniguradong maraming bulate. Habang abala ako sa pagbubungkal ng lupa ay bigla na lamang may gumalaw sa tubig. Dahan- dahan akong bumaling dito. Letse! May gumagalaw talaga sa ilalim! Agad akong napatayo at bahagyang umatras.
"Gel," biglang litaw ni Zsakae mula sa ilalim ng tubig. Sa gulat ko'y natumba ako.
"Asar!" anas ko.
Tuluyan naman itong umahon. Agad na hinagod ng mga mata ko ang ayos nito. Wala itong suot na pang- itaas at naka-asul na maong lamang. Medyo maluwang pa ang pagkakasinturon nito sa kanyang suot na pantalon at kitang-kita ko ang mabalahibo nitong puson. Napalunok ako.
"Istorbo ka," aniya. Nalukot ang aking noo. "Ako? Istorbo?" Itinuro ko pa ang aking sarili.
Pinaningkitan naman ako nito ng kanyang mga mata at umalis sa aking harapan. Bigla itong lumitaw sa kabilang pampang.
"Hayon! Akala ko ba bulate ang hinahanap mo?
Pandesal pala ang hinuhulma ng mga mata mo Gel," biglang sulpot ni Kaye sa aking likuran.
"'Di ha," tanggi ko pa.
"Sabagay, wala ka namang gusto sa kanya, 'di ba? Sampung taon ka ring walang gusto sa kanya. Nako! Wala ka ngang litrato niya sa pitaka mo e!" Namilog ang aking mga mata at agad na tinakpan ang kanyang bibig.
"Baliw ka! Pa'no kung marinig ka niya! Asar!" bulong ko kay Kaye.
"Hindi niya pa talaga alam sa lagay na 'yan? Patay na patay ka nga sa kanya. Ang manhid naman," anito at kinuha ang bulateng nakita niya.
Nagsalubong ang aking mga kilay at inirapan siya. Bumalik ako sa aking ginagawa. Ngunit tumatakbo sa aking isipan ang sinabi ni Kaye. Alam niya ba talaga?
Sadya bang nagpapanggap siyang walang alam? Laglag ang aking mga balikat.
"Gel! May huli ako! Dalawa 'to! P'wede ka na maligo!" nakangiti pang wika ni Kaye sa akin habang ipinapakita ang dalawang isdang hawak niya. Hinubad ko ang suot kong huanta at kinuha ang aking mga gamit.
"Puntahan mo ako ro'n pagkatapos mong iparekord 'yan kay Propesor Escanda ha?" sabi ko pa.
"Areglado!" Lumakad na ako at tinungo ang paborito naming tambayan ni Kaye.
Inilapag ko sa malaking bato ang aking mga gamit. Napalinga-linga pa ako sa paligid habang tinatanggal ang pagkakatirintas ko sa aking buhok. Hinubad ko ang aking suot na bestida at iniwang suot ang aking bra't panti. Lumusong ako sa tubig.
"Ugh! Ho!" sambit ko nang madama ng balat ko ang lamig ng tubig.
Tumihaya ako at pinagaan ang aking sarili upang ako'y lumutang sa tubig. Ilang segundo pa lang ang aking pagkakalutang nang biglang may humapit sa aking baywang at hinila ako pailalim. Nagpumiglas ako ngunit agad din naman akong huminto nang makita ko kung sino ang humila sa akin. Si Zsakae! Bigla nitong hinila ang aking batok at nang pareho kaming umahon ay kagat na niya ang aking leeg.