Kabanata 5
"Gel," muling sambit nito. Hindi ko na
napigilan ang aking sarili. Kagyat na bumigay ang aking mga tuhod subalit hindi ako nabuwal sa aking pagkakatayo dahil yakap niya pa rin ako. Muling lumapat ang mga labi nito sa aking kanang bahagi ng aking leeg. Ramdam ko ang pagbuka ng kanyang bibig. Napasinghap ako nang kagatin niya ako ng walang alinlangan. Ramdam na ramdam ko kung paano nito sipsipin ang aking leeg. Kung nagkataong normal ako'y malamang naubusan na ako ng dugo. Ngunit sa isang kagaya ko'y mabilis na gumagawa ng serkulasyon ang aking katawan. Minsan ay naiisip ko kung sinadya bang likhain kaming ganito ng Diyos para maging pagkain nila.
Nang bumitiw ito sa aking leeg ay mabilis nito akong kinarga at inilapag sa kanyang kama. Nanghihina ako. Hindi ako sana'y na may gumagamit sa aking katawan at ito ang unang beses na nangyari ito sa akin. Umupo naman ito sa silyang gawa sa kahoy na narra habang ito'y nakaharap sa akin. Kinuha nito ang serbilyeta sa mesa at ipinahid sa duguan niyang bibig. Napalunok ako. Tila yata'y bigla akong nakaramdam ng matinding uhaw. Dahan-dahan kong iginilaw ang aking mga kamay ngunit masiyadong mahina pa ang aking katawan. Tumayo naman si Zsakae mula sa kanyang kinauupuan at lumapit sa akin. Gumapang ito sa akin at halos mabitin na naman sa ere ang aking hininga.
Biglang nagkulay pula naman ang kanyang mga mata.
"Unang beses mo ba 'to Gel?" Hindi ako makasagot. Kinuha naman nito ang isang bote ng alak na gawa sa katas ng pulang ubas. Binuksan niya ito at nilagok ang laman ng bote hanggang sa mangalahati ang natira rito. Muli itong bumaling sa akin matapos niyang itabi ang bote ng alak. Bahagya niyang inangat ang aking batok at bahagya niya ring ibinuka ang aking mga labi. Napakurap ako ng ilang beses at natulala sa sunod nitong ginawa. Bigla niya akong hinagkan at ang kanina'y alak na kanyang ininom ay ipinasa niya sa akin. Sunud-sunod ang aking paglunok. Konti pang umagos sa gilid ng aking bibig ang alak. Itanggi ko man ngunit aminado akong bahagyang umalwan ang aking pakiramdam. Nang humiwalay siya'y agad din naman siyang umalis sa aking ibabaw. Napasinghap akong muli at napaubo. Laking pagtataka ko dahil naigagalaw ko na ang aking katawan. Natampal ko ang aking noo at bumalikwas. Bumaba ako sa kama.
"Bukas ka na bumalik," anito at binuksan ang pinto. Umawang ang aking mga labi ngunit agad ko rin namang itinikom at 'di na umimik pa. Lumabas ako ng kanyang silid at tinungo ang aking silid. Nang makapasok ako sa loob ay agad akong bumagsak sa sahig. Huminga ako ng malalim. Wala pa ako sa aking sarili nang hawakan ko ang aking mga labi. Hindi ako makapaniwalang hinalikan ako ni Zsakae. Sa tanang buhay ko'y ngayon lang nangyari 'to. Dati rati'y pinapaniginipan ko lang ito ngunit ngayon? Talagang ramdam ko pa kung paano niya ako hagkan. Tinampal- tampal ko ang aking magkabilang pisngi. Nakababaliw!
"Gel!"
Diretsahang itinulak pa ni Kaye ang pinto dahilan para masalampak ako sa pader.
"Aray! Grabe makatulak!" daing ko pa habang hinihimas ang aking ulo.
"Hala!? Patawad naman! Akala ko kasi ay wala ka. At isa pa Gel, bakit nariyan ka sa sahig?" Hilaw ko siyang nginitian.
"Nawala ko 'yong isang pares ng hikaw ko e," pagdadahilan ko pa.
"Ako na hahanap," anito. Agad akong napatayo.
"Nako Kaye! Huwag na! Ako na!" Tinakpan ko
ang kanyang mga mata. Alam ko, mahuhuli niya ang pagsisinungaling ko sa oras na gamitin niya ang mga mata niya. Kaya nitong hanapin ang mga bagay gamit lamang ang mga mata nito. Kahit kasing liit pa ito ng langgam ay kaya niya. Inalis niya ang aking mga kamay.
"Baka wala rito, 'di ba?" anito. Hindi ako nakasagot agad. "Ayos ka lang ba?"
"Ha? Oo naman Kaye." Inirapan naman nito
ako.
"Tara sa klub, manood tayo ng sarsuwela. May pag-iinsanyo silang magaganap ngayon," yaya pa nito.
"Sige, magbibihis lang ako."
Hila ako ni Kaye nang marating namin ang
klub kung saan nasa intablado na ang magsasadula ng sarsuwela. Ito'y palabas na kung saan nahahaluan ang pag-arte ng pagkanta at pagpapatawa. Umupo kami ni Kaye sa ika'tlong linya ng mga upuan. May ilan din naman kaming kasama na nanonood. Habang nanonood kami'y panay na ang pagtawa namin ni Kaye at kanina pa ako napapahawak sa aking tiyan. Nang umabot sila sa senaryong pagsipa sa bola ay aksidente itong dumiretso sa aming puwesto. Tatamaan na sana ako ngunit biglang may kamay na humarang sa aking mukha habang hawak niya ang bola. Dahan-dahan akong napabaling sa aking tabi. Si Zsakae! Nakaupong de quatro ito sa aking tabi habang ang mukha nito ay nanatiling nakatuon sa intablado. Sa isang pagkumyos niya lang ay nawalan ng hangin ang bola at kanya itong binitiwan. Ang mga estudyanteng kasama namin ay nagulat din, maging ang mga aktor sa intablado. Sumenyas siyang ituloy ang palabas at para yatang walang nangyari dahil itinuloy ito ng mga aktor.
"Bakit 'yan narito?" bulong pa ni Kaye sa akin na nakaupo sa aking kaliwa.
"Ha? Hindi ko alam," nagtataka ko rin namang sagot. Ginagap ko ang kanyang kamay.
"Wala siyang gagawing masama. Kumalma ka." Walang nagawa si Kaye kundi ang manahimik na lamang.
"Nakabuburyo," anas ni Zsakae sa aking tabi.
Umigting naman ang panga ni Kaye. Kahit anas lang ay naririnig niya ito ng malinaw. Nahilot ko ang aking sintido.
"Gel," anas nito sa utak ko. Agad ko siyang nilingon. Hindi naman ito nakatingin sa akin. Nakagat ko ang aking ibabang labi at napatayo.
"Gel, bakit?" ani Kaye sa akin.
"Diyan ka lang," sabi ko pa at lumakad na.
Lumabas ako ng klub at dinala ako ng aking mga pa sa paborito kong parke. Hahakbang pa sana ako ngunit agad akong napatigil nang biglang may humila sa puntas ng aking suot na bestida. Natanggal ito sa pagkakabuhol. Agad kong nilingon ang taong humila sa aking puntas.
"Zsakae," anas ko.
"Iniiwasan mo ako Gel," anito at binitiwan ang hawak niyang puntas sa aking damit.
"Hindi ako umiiwas sa iyo. Ayaw ko lang na magkagulo kayo ni Kaye. Magkaibang nilalang kayong dalawa at higit sa lahat ay magkalaban ang inyong mga angkan kahit pa may nilagdaan kayong kasunduan bilang kapayapaan."
"Marami ka yatang alam Gel." Umiwas ako sa malalagkit niyang pagtitig sa akin.
"Hindi ako tsismosa ngunit nakuwento lang sa akin 'to ng inay Lucinda," sagot ko at tinalikuran siya.
Ibig kong batukan ang aking sarili. Ang sagut- sagutin ang isang Zoldic ay kalapastangan sa aking tungkulin bilang personal nitong alalay. Gayon pa man ay 'di ko pa rin maiwasang sumagot sa kanya ng pabalang. Ang totoo'y kabado ako dahil bukod pa sa naging amo ko siya'y lihim ko naman siyang iniibig.
Kung alam mo lang Zsakae, ako'y parang idinuduyan sa ere sa tuwing nasisilayan ko ang iyong mukha.
Bumuntong-hininga ako. Bigla naman itong lumitaw sa aking harapan.