Kabanata 18

1220 Words
Kabanata 18 Tinungo namin ang naging silid ko. Nang makapasok ay inilapag niya ako sa kama. Siya na rin mismo ang kumuha ng aking damit, pamalit sa basang-basa kong kasuotan. Ibinigay niya ito agad sa akin at sa harapan na niya ako mismo nagbihis. Mahihiya pa ba ako gayong halos lahat ay nakita na niya. Nang matapos akong magbihis ay bumaba ako sa kama. Ngunit mabilis akong naitulak ni Zsakae pabalik sa kama. Diretso akong napahiga at nakapatong siya sa akin. Saka ko lang napuna ang isang mahabang palaso na nakatarak sa ulunan ng aking kama. Nagtatagis ang mga panga ni Zsakae at agad umalis sa aking ibabaw. Tumalon siya palabas mula sa beranda ng aking silid. Agad akong napabangon at nagkukumahog na lumapit sa beranda. Ang malakas na hangin agad ang sumalubong sa akin. Ngayon ko lamang natanto na ang tinitirikan ng malaking bahay na ito ay nasa loob at gitna mismo ng bundok. Sa ibaba ay ang dalawang metrong laki ng bibig ng bangin. Halos malula ako sa lalim nito at ang babagsakan mo'y puro matutulis na bato. Napasinghap ako at muli kong itinuon ang aking atensyon sa unahan. Kitang-kita ko si Zsakae na nakikipagbuno sa mga kapwa niya bampira. Humigpit ang aking pagkakahawak sa barandilya at halos bilang na bilang na ang aking paghinga. Labis akong nag-aalala kay Zsakae. Paano kung mapuruhan siya? Paano kung... Agad na tumulo ang aking mga luha. Sa pagsinghap at pagkurap ko'y biglang lumitaw sa aking harapan si Zsakae. Yakap niya ako at kitang-kita ko kung paano bumaon sa kanyang balikat ang isang palaso. Natulala ako. "Ayos ka lang ba?" Bigla akong napipi at hindi ako agad nakapagsalita. Panay lang sa pagtulo ang aking mga luha at ang aking mga tuhod ay nagsisimula nang manlambot. Tuluyan akong nabuwal sa aking pagkakatayo ngunit maagap ito sa pagsalo sa akin. Kinapa naman niya ang palaso sa kanyang kanang balikat at hinugot ito. Gulat na gulat ako at hindi ko alam kung paano ako gagalaw o magsasalita man lang. Hinaplos niya ang aking pisngi. "Gel?" untag niya sa akin. Napalunok ako at bigla na lamang nagdilim ang aking paningin. Nang magdilat ako'y awtomatiko akong napabangon. Ang mukha agad ni Zsakae ang aking nasilayan. Agad niyang hinaplos ang aking kanang pisngi. "Mahimbing ang iyong pagkakatulog," aniya. Hindi ako sumagot dahil agad kong inusisa ang kanyang kanang balikat. "Tinamaan ka, 'di ba? Nasaan sila?" Hinagkan niya ang aking noo. "Wala na sila. Naubos ko. Huwag ka nang mag- alala." Agad na nanubig ang aking mga mata at hinawi ang kuwelyo ng kanyang kamiseta. Walang peklat o sugat man lang sa kanyang balikat nang ito'y aking suruin. "Simpleng palaso lang iyon, Gel." Pinahiran niya ang aking mga pisngi. Umiling ako at nakagat ang aking labi. Agad ko siyang niyakap at nakumyos ng aking kaliwang mga daliri ang kanyang mahabang buhok. "Hindi ko kakayaning may mangyaring masama sa iyo Zsakae, lalo pa't ako ang puno't dulo ng lahat ng kaguluhang ito." Niyakap niya ako. "Hindi ako nagsisisi dahil masaya ako sa iyo Gel. Kahit na ang mamahaling diyamante ay 'di ka kayang tumbasan. Ganoon ka kahalaga sa akin." "Mahal na mahal kita Zsakae." "Iniibig din kita ng lubusan, Angelika." Bigla namang may nabasag na kung ano sa labas ng aking silid. Agad na bumitiw si Zsakae sa akin at biglang nawala sa aking harapan. Agad akong bumaba ng kama at sumilip sa labas. Napaatras ako nang biglang tumama ang isang lalaking bampira sa pinto ng aking silid. Bumagsak ang pinto. Sinugod ito ni Zsakae at sinaksak sa dibdib, gamit ang sandatang banal na punyal. Namilog ang aking mga mata nang masaksihan ko ang pagkamatay ng lalaki. Ang banal na punyal na hawak ni Zsakae ay ang kahinaan niya at kahinaan ko rin. Sa oras tumarak ito sa dibdib ng isang bampira o sa isang immortal na kagaya ko'y ikamamatay namin. Magkaiba lamang dahil nagiging abo ang mga ordinaryong bampira. Naikuwento ni inay Lucinda ang nangyari kay kuya Zairan, nasaksak ito ni ate Jeorgie. Imbes na maging abo ito'y nahimlay lang sa pagkakatulog at inaabot pa ng ilang taon para maghilum ang sugat. Bumalik ako sa katinuan nang bigla akong kabigin ni Zsakae. Binuksan niya ang malaking kabinet at ipinasok niya ako sa loob. "Dito ka lang. Huwag kang mag-iingay." "Pero..." Umiling siya at hinagkan ang aking noo. Isinarado niya ang pintuan ng kabinet. Napaigtad ako nang makarinig ako nang pagkawasak ng mga gamit at ang mga nababasag na bintana. Nanginginig ang aking mga tuhod. Napaupo ako at tinakpan ng aking magkabilang palad ang aking dalawang tainga. Kagat ko ang aking labi habang umiiyak. Kahit saan kami magtago ni Zsakae ay mahahanap at mahahanap pa rin talaga nila kami. Napaigtad akong muli nang makarinig ako ng mga pag-angil. Natakpan ko ang aking bibig upang pigilan ang aking pag-ungol. Hanggang sa biglang tumahimik ang aking paligid. Bigla namang bumukas ang pinto ng kabinet. Umangat ang aking ulo at dahan- dahan akong bumaling sa aking harapan. Nag-aapoy ang mga mata ni Zsakae. Kulay puti ang kanyang buhok at naglabasan ang mga itim na marka sa kanyang katawan. Ang sumpa ni Luna. Kinarga niya ako at sa isang kurap ay nasa bukal na kami. Ibinaba niya ako. Nahigit ko ang aking hininga nang makita ang mga sugat nito sa katawan. Puro ito daplis ngunit ang banal na punyal ang nakasugat sa kanya. Akmang hahawak na sana ako sa kanya ngunit bigla na lamang itong bumagsak sa akin. "Zsakae!" malakas kong sambit. Nang masapo ko ang kanyang tagiliran at balikat ay agad akong natigilan. Nanginginig ang aking mga kamay nang kapain ko ang kanyang mga sugat. Namilog ang aking mga mata. Nasaksak siya! "Zsakae, hindi! Gumising ka! Zsakae!" Tinapik ko ang kanyang kaliwang pisngi. "Zsakae, ano ba!? Huwag ka magbiro ng ganyan! Zsakae!" Iyak na ako nang iyak. Itinulak ko siya para ito'y tumihaya. "Zsakae naman! Pakiusap! Huwag mo akong iiwan!" Hindi ako magkamayaw sa pagpalahaw. Napuno ang kuweba ng aking pagtatangis. Nasapo ko ang aking noo at huminga ng malalim. Umahon ako sa bukal at hinagilap ang boteng naglalaman ng katas ng mga prutas na may halong dugo. Aligaga ako. Paroon at parito ang aking paghahanap hanggang sa masagi ko ang isang kahon. Katamtaman lang din naman ang laki nito. Agad kong inusisa ang laman nito. Laking tuwa ko't may dalawang bote pang natira. Agad ko itong kinuha at muli akong bumalik sa bukal. Binuksan ko ang dalawang bote at nilagok ang lahat ng laman nito. Ang katas ng ubas ay nakapagpapadagdag ng dugo sa katawan kaya minabuti kong uminom nito. Pagkatapos ay humarap ako kay Zsakae. Kinuha ko ang kanyang kamay at sinugatan ang aking kaliwang pulso gamit ang kanyang matulis na kuko. Nang umagos ang dugo ko'y itinapat ko ito sa bibig ni Zsakae. Ilang segundo lang ay kusa namang naghihilum ang aking sugat sa aking kaliwang pulsuhan kaya muli ay sinugatan ko ito. Iyak pa rin ako nang iyak habang nakatunghay kay Zsakae. Hindi pa rin siya nagkakamalay. Laking pasasalamat ko't sa balikat at tagiliran lang siya nasaksak. "Zsakae, huwag mo akong iiwan, pakiusap," umiiyak kong anas. Paulit-ulit kong sinugatan ang aking pulso. Nakararamdam na ako nang pagkatuyo ng aking lalamunan. Nagsisimula na ring magdilim ang aking paningin ngunit sige pa rin ako sa pagsugat sa aking kamay. Kaliwa't kanan na ang aking ginawa. Bigla namang may yumapos sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD