Kabanata 17
"May inihalo ka ba sa dugo?" Ngumiti ito at bigla akong hinagkan. Nabitiwan ko ang kopita. Kahit pa'y sakop nito ang aking bibig ay nalalasahan ko pa rin ang inoming nakasanayan ng kanilang angkan. Inoming gawa sa katas ng ubas at berry.
Ni hindi ko man lang nalasahan ang dugo na kanyang inihalo rito. Aminado naman akong bahagyang umalwan ang aking pakiramdam. Kumapit ako sa kanyang batok. Mas pinailalim pa nito ang pagsakop niya sa aking mga labi. Ang malamig nitong dila ay tinutudyo ang aking bibig. Ngunit natigilan ako nang biglang sumagi sa aking utak ang galit na mukha ni Eunice. Agad akong umurong at malungkot na yumuko.
"Gel," anas nito at masuyong hinagkan ang aking pisngi.
"Anong mangyayari sa ating dalawa ngayon?" Inangat niya ang aking mukha.
"Hindi ko hahayaang magalaw ka nila, Gel." Nakagat ko ang aking labi.
"Hindi titigil si Eunice hangga't hindi niya ako napapatay. Paano kapag nalaman niya kung nasaan tayo? Paano kapag nalaman niyang magkakaroon na tayo ng anak? Mas lalong titindi ang galit ni Eunice sa atin." Muling nanubig ang aking mga mata.
"Wala ka bang tiwala sa akin? Hanggang kailan mo ba ako parurusahan? Bakit ba mas iniisip mo pa ang ibang tao? Kailan mo ba ako pipiliin?" Tumayo ito at umahon sa tubig.
"Zsa–" Hindi ko na siya naawat pa dahil bigla na lamang itong nawala.
Mariin akong napapikit. Napasama ko yata ang kalooban niya. Umahon na rin ako at kinuha ang roba upang ibalot ang aking katawan. Umakyat ako hanggang tuluyan kong narating ang kusina. Walang tigil naman sa pagluha ang aking mga mata. Ramdam na ramdam ko 'yong matinding hinanakit niya. Mali nga ba talaga na mag-alala ako ng husto? Hindi naman sa wala akong tiwala sa kanya ngunit nanganganib pa rin kami.
Bumuntong-hininga ako at umakyat sa hagdan. Tinungo ko ang silid na nakalaan para sa akin. Naghagilap ako ng damit sa tukador at agad din namang nagbihis. Nang matapos ako'y hinanap ko si Zsakae. Sinuyod ko ang buong kabahayan. Ngunit ganoon na lamang ang aking pagkadismaya dahil wala si Zsakae. Para yatang ayaw niya akong makita. Naghihirap na itong kalooban ko.
Bumaba ako ng hagdan at hinanap siya ngunit ni anino nito ay wala. Nasapo ko ang aking tiyan. Lumalaki na talaga ito ng husto at hindi ko alam kung ano ang kahihinatnan nito sa oras na maisilang ko ang anak namin ni Zsakae. Napabaling ako sa pinto nang bigla itong bumukas. Iniluwa nito si Zsakae. Agad akong napangiti, subalit agad itong napalitan ng lungkot nang kanya akong lagpasan. Biglang nanghina ang aking mga tuhod at agad akong napakapit sa hawakan ng hagdanan. Hindi ko napaghandaan ang pag-iwas niyang iyon sa akin. Bahagya pa akong nagulat nang malakas nitong isinarado ang pinto sa kanyang silid na pinasukan. Agad na nanubig ang aking mga mata ngunit tumingala ako upang pigilan ang aking pagluha. Ginusto kong ungkatin ang problema ngunit hindi ko naman inasahang magiging malamig ang pagtrato niya sa akin. Nakagat ko ang aking labi at tinungo ang kusina. Naghagilap ako ng pagkain ngunit walang laman ang mga kabinet. Isang buslo lamang ang narito at punong-puno ito ng mga prutas. Kinuha ko ang isang dalandan at binalatan ito. Sumubo ako at ngumaya ng ilang piraso. Kahit wala akong malasahan ay sige pa rin ako sa pagkain. Hindi ko pa man nalulunok lahat ay bigla akong nakaramdam nang pagpitik sa aking tiyan. Nabitiwan ko ang dalandan na aking hawak at nasapo ang aking tiyan. Biglang humilab ang aking tiyan.
Ilang segundo lang ay agad akong tumunghay sa lababo at sumuka. Itinukod ko ang aking mga kamay sa semento at bigla akong napahikbi. Agad na lumipad sa aking bibig ang aking kanang palad. Pinipigilan ko ang aking pag-ungol. Ayaw kong marinig niya akong umiiyak. Pinunasan ko ang aking mga luha. Kumapit ako sa sandalan ng silya at muli ay naghanap ako no'ng inoming ibinigay sa akin ni Zsakae kanina.
Pinagbubuksan ko muli ang mga kabinet ngunit agad na rumihestro sa aking mukha ang malaking pagkadismaya. Hindi ko mahanap ang boteng naglalaman no'ng inoming may katas ng ubas at berry, na hinaluan niya ng dugo. Dahan-dahan akong lumakad at tinungo ang bukal. Dahan-dahan akong bumaba sa hagdan. Ang mainit na singaw na nagmumula sa bukal ang agad na sumalubong sa akin. Huminga ako ng malalim. At inikot ang aking mga mata sa loob ng kuweba. Dismayado akong umupo sa malaking bato. Sinapo ko ang aking tiyan. Tatayo na sana akong muli nang biglang kumirot muli ang aking tiyan.
"Huwag naman ngayon anak, pakiusap," bulong ko sa aking sarili. Tumingala ako at pumikit. Tiniis ko ang sakit. Ngunit nanghina ng todo ang aking mga tuhod.
"Ah!" hiyaw ko ng malakas. Bumagsak ako sa mabatong sahig ng bukal. Ang akala ko'y tatama na ang aking ulo sa matulis na bato ngunit biglang dumating si Zsakae at sinalo ako.
"Ah!" muling hiyaw ko.
Isinandal niya ako ng maayos at umalis saglit. Nang magbalik ito'y hawak niya ang isang bote. Mabilis ko itong inagaw at ininom ang laman nito. Sa pagmamadali ko'y kumalat pa sa aking bibig ang pulang likido. Inubos ko ang laman ng bote. Hingal na hingal ang aking paghinga. Agad namang nawala ang sakit sa aking tiyan. Kinarga naman ako ni Zsake at inilublob sa bukal. Nakakandong na naman ako sa kanya habang ang aking mukha ay nakatago sa kanyang leeg. Maingat niyang hinahaplos ang aking buhok. Hindi siya nagsasalita ngunit ramdam ko sa bawat haplos niya ang matinding pag-aalala para sa akin at para sa aming magiging anak.
"Zsakae," anas ko.
"Magpahinga ka," walang emosyon niyang sagot sa akin. Tuluyang nanubig ang aking mga mata.
"Galit ka pa rin ba sa akin?" Iniharap niya ako sa
kanya.
"Hindi ako galit. Hindi rin ako nagtatampo.
Labis lamang akong nag-aalala para sa iyo Gel," aniya habang pinupunasan ng kanyang mga daliri ang aking magkabilang pisngi.
"Posibleng hindi mo makayanan itong nangyayari sa akin. May kabayaran ang pagsuway kong ito Gel at nadadamay ka roon sa kasalanang nagawa ko." Umiling ako.
"Kung ang pagsuway sa kapalarang mayroon tayo ngayon ay ang ikasasaya mo nama'y kakayanin ko lahat Zsakae. Kahit na maging kapalit pa nito ay ang aking buhay." Hinagkan niya ako at buong puso ko naman itong tinugon.
"Hindi na kita puwedeng galawin," anas niya.
Natawa ako sa kanyang sinabi.
"Ayos lang," sagot ko at yumakap sa kanya. Kinarga niya akong muli at inakyat sa kusina.