Kabanata 16
Akmang dadamputin na sana ako no'ng isang lalaki ngunit biglang hinila ni Zsakae ang kadenang nagdurugtong sa aming dalawa. Nagkataon pang nakahawak ako rito kaya sa sobrang lakas ng kanyang puwersa ay napaangat ako sa ere. Tinalon niya ako at nasalo. Panandaliang tumigil ang aking paghinga. Nang bumagsak kami ni Zsakae sa lupa ay agad kaming nilamon ng kadiliman sa masukal na bahagi ng kagubatan.
"Angelika!" sigaw ni Kaye ngunit hindi na siya tanaw ng aking mga mata. Mabilis akong inilayo ni Zsakae sa lugar na iyon.
Karga-Karga niya ako habang binabaybay namin ang masukal na kagubatan ng isla Herodes.
Mataman ko siyang pinagmasdan. Kusang bumagsak ang aking mga luha sa aking mga mata.
"B-bakit?" anas ko.
"Bakit ayaw mo pa ring tumigil?" Huminto siya sa paglakad.
"Dahil mahal kita. Ano pa ba ang dapat kong patunayan sa iyo, Gel?" Malungkot niyang mga mata ang sumalubong sa akin.
"Alam mong hindi puwede ang gusto mo," umiiyak kong sagot.
Hindi niya ako kinibo bagkus ay muli nang lumakad. Hindi na rin ako umimik. Bigla naman itong tumigil sa paghakbang. Malaking bundok ang aming kaharap. Bigla naman niya akong inilagay sa kanyang harapan. Ang mga hita ko ngayon ay nakaangkla na sa kanyang baywang. Ang kaliwang bisig naman niya'y nakasupurta sa aking pang-upo upang 'di ako mahulog. Ang kanang kamay naman niya'y may kinapa sa batohang bahagi ng bundok. Bigla niya itong itinulak gamit lamang ang isang kamay. Sa ginawa niyang pagtulak niyang 'yon ay unti-unting lumalabas ang isang lagusan. Nang saktong puwede na itong madaanan ay pumasok kami. Muli niyang isinara ang lagusan.
Sorbrang dilim sa loob. Dinig na dinig ko ang hininga niya sa aking mukha.
"Gel," sambit niya at bigla akong hinalikan sa aking noo. Agad na lumambot ang aking pusong nagmamatigas. Muli ring bumagsak ang aking mga luha. Bigla namang sumindi ang mga sulo sa aming paligid.
Lumiwanag ang madilim naming paligid. Pinunasan naman niya ang aking mga pisngi.
"Ayokong lumuluha ka dahil lamang sa akin," aniya. Mariin akong napapikit ng aking mga mata.
Isinandal ko ang aking ulo sa kanyang kanang balikat. "Nahihirapan na ako," mahina kong wika.
"Alam ko Gel."
Nagpakawala lamang ako ng malalim na buntong-hininga. Humakbang naman siya pasulong at biglang lumiko. Ang maluwag na kuweba ang sumalubong sa amin. Lalo na ang mainit na usok na nagmumula sa bukal. Konti akong napangiti. Mahilig talaga siya rito. Ewan ko ba kung bakit. Dumaan kami sa gilid ng bukal. Sa dulo ay may pinto. Nang kanya itong buksan at nang makapasok kami, ang kusina agad ang bumungad sa aking mga mata. Kumapit ako ng husto sa kanyang batok at mataman akong nagmasid sa aking bagong paligid.
"Kaninong bahay 'to?" "Akin," sagot niya.
Umawang ang aking bibig. Sinong mag- aakalang sa likod ng bundok ay may bahay pala na nakatago. Dinaanan namin ang sala at inakyat namin ang hagdan. Sa ika'lawang palapag ng bahay niya ako dinala. Ipinasok niya ako sa isa sa mga kuwarto at idiniretso sa banyo. Marahan niya akong ibinaba. Agad na lumapat ang lamig ng sahig sa aking mga talampakan. Tinanggal naman niya ang kadenang nakakabit sa aking kamay.
"Mag-ayos ka," anito. Lumabas ito at muling bumalik. Nag-iwan siya ng malinis na damit saka tuluyang lumabas.
Huminga ako ng malalim. Binuksan ko ang gripo at hinayaang dumaloy ang tubig sa isa pang aparatu. Agad na bumuhos sa aking katawan ang pinong tubig. Na para bang binabagsakan ako ng malakas na ulan. Tuluyan ko nang hinubad ang aking suot na damit. Habang bumubuhos sa akin ang tubig ay siya rin namang paghaplos ko sa aking maputik na katawan.
Huminga ako ng malalim nang dumapo ang aking mga palad sa nakaumbok kong tiyan.
"May sakit ba ako?" anas ko sa kawalan. Bigla ko namang nahigit ang aking hininga.
Bigla na naman kasing kumirot ang aking tiyan. Huminga ako ng malalim. Papatayin ko na sana ang gripo ngunit agad naman akong napaurong. Natukod ko ang aking kanang palad sa marmol na pader ng banyo. Bumilis ang aking paghinga at sinapo ko ang aking tiyan.
"Zsakae," anas ko. Bigla na naman akong napaubo ng dugo.
"Ah!" hiyaw ko nang biglang sumakit na ng todo ang aking tiyan. Napaluhod ako at sinapo ang aking tiyan. Patuloy ito sa paggalaw. Parang may kung anong bagay ang nasa loob ng aking tiyan.
"Ah! Ugh!" hiyaw kong muli. Bigla namang bumukas ang pinto at iniluwa nito si Zsakae. Agad niya akong binuhat at inilabas sa silid. Tinalon niya ang hagdan habang buhat ako. Muli kaming pumasok sa dinaanan naming lagusan kanina.
Natakpan ko naman ang aking bibig dahil patuloy lamang ako sa pag-ubo ng dugo. Nang umabot kami sa bukal ay bigla niyang inilublob ang aking katawan sa katamtamang init ng tubig.
"Ah!" hiyaw kong muli.
"Ssh..." anas nito at masuyong hinaplos ang aking buhok. Nakaupo ako sa kanyang kadungan habang mahigpit namang nakakapit ang aking mga punong braso sa kanyang batok. Humahagulhol na ako dahil sa tindi ng sakit ng aking tiyan. Inilapat naman niya ang kanyang kanang kamay sa aking puson. Bahagya niyang idiniin ito.
"Ugh!" ungol ko at nakagat ang kanyang balikat.
Patuloy pa rin ako sa pag-iyak hanggang sa biglang umalwan ang aking pakiramdam.
"Inomin mo 'to," ani Zsakae. Bumaling ako sa hawak niyang kopita. At agad na umiling dahil alam ko kung ano ang laman nito.
"Pakiusap mahal ko, kailangan mo 'to." Humikbi ako.
"Hindi naman ako kagaya mo–"
"Ngunit kagaya ko ang anak natin." Namilog ang aking mga mata.
"B-buntis ako?" halos bumulong na ako.
Humalik naman siya sa aking noo.
"Kaya ka nagkakaganyan ay dahil sa sanggol na nasa sinapupunan mo. Hindi kinakaya ng katawan mo dahil hindi ikaw ang itinakda ni Luna. Papatayin ka ng anak natin kapag wala kang ipinalit na pampatid uhaw para sa kanya." Natutop ko ang aking bibig. Ako ang ginagawang pagkain ng sarili kong anak!? Ang buong akala ko'y may sakit lamang ako ngunit nagkamali ako ng inakala. Buntis nap ala ako. Nagbunga ang ipinagbabawal naming pag-iibigan.
"Gel–" Natigil ito dahil agad kong kinuha sa kanya ang kopita at agad na nilagok lahat ng laman nito. Biglang tumibok nang pagkalakas ang aking puso at mabilis akong hiningal ngunit agad din namang umalwan ang aking pakiramdam.