"Sakay na, Mace." Mahinahong ani ni Kuya Mec, lumapit pa ito sa akin at hinawakan ang aking kamay. Saka iginiya patungo sa passenger seat. Sumisinghot-singhot pa ako dahil sa pag-iyak ko. Sinuutan muna n'ya ako ng seatbelt bago sinapo ang pisngi ko at pinunasan ang luha ko. "Huwag ka nang umiyak, mahahanap din ang ate mo."
"Naiiyak ako, kasi tiyak ko kung nasaan man s'ya ngayon ay sumasakit na ang ulo ng mga tao sa paligid n'ya ngayon." Pinisil nito ang baba ko saka tumawa.
"Naisip mo talaga iyan ngayon, ha? Halika muna sa bahay. Nakausap ko si L.A, nag-offer ako na ako muna ang magbabantay sa 'yo, kaysa ma-stress ka roon sa inyo."
"Pero si Ate..."
"For sure, okay lang ang ate mo. Sa bahay muna tayo. Nagbilin na ako kay manang at sa chef na maghanda ng dinner para sa atin."
Tumayo na ito nang tuwid, saka isinara ang pinto ng sasakyan. Dali-daling umikot s'ya patungo sa driver seat at sumakay. Bumalik nga kami sa maganda n'yang bahay.
"Maupo ka muna, nagpakuha na ako nang pamalit mo. Pwede kang mag-shower, para mapreskohan ka." Tumango naman ako rito. Initsa ko sa couch ang bag ko na ikinagulat nito. Okay na ulit ako, hindi na umiiyak. For sure, okay lang naman ang ate, kung may problema man, alam kong kayang-kaya n'yang i-handle iyon.
Dumating naman agad ang ipinakuha nitong pamalit. Si Ate Carmelita Santayella Libyana Santos ang mag-assist sa akin. See, ang haba ng name ni ate girl pero natandaan ko pa rin, pagkatapos n'yang nagpakilala sa akin kanina.
Nasa shower na ako, bukas ang pinto at nakuha naming magkwentuhan nito.
Pinapaaral daw s'ya ni pogi. Ang kapalit ay tumulong-tulong dito sa bahay ni Kuya Mec.
"Anong pinag-aaralan mo, Ate?" tanong ko rito. Nang lumabas na ako ay nakabihis na at nagpupunas na lang ng buhok.
"Hospitality management."
"Wow! Grabe, amaze na amaze talaga ako sa mga ganyang student. Ang tali-talino n'yo siguro, 'no? Hawak n'yo ang buhay ng pasyente ninyo. Amazing! Pero takot kasi ako sa dugo, kaya ayaw kong magtrabaho sa ospital pagkatapos."
"Ay, tanga!" natapik pa nito ang noo, tapos maluha-luha s'yang tumawa. Kulang na lang mautot eh. Tanga? Porke takot ako sa dugo? Hindi ba duwag? Hala, bobo naman yata?
"Mace!" kumakatok na si pogi. Parang may gusto pang sabihin si Ate Carmelita Santayella Libyana Santos, short cut na nga lang, si Ate CSLS. Pero hindi ko na nagawa pang hintayin ang gusto nitong sabihin, dahil nagmadali na akong lumapit sa pinto para pagbukas si Mec.
"Done?" tanong nito sa akin. Tinutukoy ang pagligo ko. Obvious naman dahil ako ang nagbukas ng pinto rito.
"Done na ako, pogi!"
"Hindi ka pa nagsusuklay."
"Required ba? Sa bahay namin hindi naman required. Basta mukha kang tao at maganda, pasok na iyon sa banga."
"Carmelita, suklay." Utos ni Pogi sa babae. Agad namang kumilos ang babae at nanguha ng suklay. Nang makuha ay agad iniabot kay Mec. Saka hinawakan ni Pogi ang kamay ko at iginiya na patungo sa hagdan. Nagpatianod lang ako rito hanggang sa sala.
"Upo." Utos nito sa akin. Dahil sobrang bait ko, mabilis akong kumilos. Naupo ako sa pahabang couch, gano'n din ito. Napangiti ako nang kusa nang simulan nitong suklayan ang buhok ko.
"May kapatid kang babae, 'no?"
Hindi ito kumibo.
"Pansin ko kasi na marunong kang mag-alaga, pogi." Sinubukan ko pa itong sulyapan. Pero hinawakan nito ang ulo ko para hindi ko matuloy ang balak.
"Ito iyong panali ko. Itirintas mo na lang."
"Basa pa ang buhok mo. Mamaya na lang." Seryosong ani nito.
"Marunong ka?"
"Tsk. Basic." Confident na tugon nito. Tinap pa nito ang balikat ko nang matapos s'ya.
"Masarap iyong pagkain n'yo?" mahinang bulong ko rito.
"Yeah!" sabay sandal sa couch. Umayos ako nang upo. Ipinatong pa nga sa couch ang mga paa, sabay yakap sa tuhod.
"Tawagan mo si kuya. Baka may mahingi kang balita sa kanya."
"Later." Nanulis na lang ang ngusong iginala ko ang paningin ko. Grabe talaga ang mga aquarium ni Kuya Mec. Parang tignan pa lang ay mas mahal pa ang mga iyon kaysa sa buhay ko.
"Magkano ang nagastos mo para buuin ang ganitong bahay na may malalaking aquarium?"
"Huwag mo nang alamin. Maliit lang naman."
"Maliit? Bente ba ito?"
"Millions."
"Maliit lang iyon? Joker ka, Manong!" napa-tsk pa ako, sabay iling. Nai-imagine ko na limpak-limpak na pera ang tinutukoy nito.
"Worth it naman ang result, right?"
"Worth it nga! Hindi ka naman mabubusog. Palitan mo na lang ng tilapia, baka sakaling kapag lumaki ay maulam pa natin."
"Crazy gir---"
"Sir!" pareho kaming napalingon sa malakas na sigaw mula sa dining room. Nagkatinginan pa kami ni Pogi. Dahil bakas sa tinig ang pagkagulantang ng taong sumigaw ng sir. Halos lundagin ni Pogi ang couch, syempre ako bumaba nang maayos. Hindi ko naman kaya iyong ginawa nitong paglundag.
Nakahabol naman ako sa dining room. Pagdating doon ay apat na kasambahay, plus si Kuya Mec, ay nakatitig sa aquarium. Kung kanina, kasambahay iyong takot na napasigaw. Ngayon naman ay takot akong napasinghap.
Hala, uy! Iyong pinakamamahal na isda ng lalaki ay nakalutang na.
"W-hat happened?" parang hirap pang tanong ni Mec. Humakbang ito palapit pa saka pinagmasdan ang isda.
"P-atay n-a yata, Sir!" iyong nagsalita ay si Ate Carmelita.
"Maaagapan pa iyan, wala pa yatang 5 minutes. Kunin mo na, Ate. Linisan mo na, mukha namang tilapia, iprito natin." Bulong ko kay Ate Carmelita.
Para namang tao iyong namatay. Na-sense ko kasi ang kanilang pagluluksa. Nanghihinayang man ako na lumagpas na ang 5 minutes, nanahimik na lang ako.
"Tatawagan ko po ang secretary n'yo para ipahanda ang funeral service ng alaga n'yo." Exaggerated ang naging reaction ko. Nanlaki ang mata na napatingin pa sa isang kasambahay. Nakuha pang umalis, habang nagda-dial sa cellphone n'ya. For real? Legit ba ito? May candy kaya, kape at tinapay? Ah, baka fish cake. Pero ngiii, isda iyong patay, tapos may fish cake. Hindi katanggap-tanggap iyon.
Iyong ibang kasama namin dito ay nagkanya-kanya alis na. Naiwan kami ni Pogi. Hindi ko alam kung ano ang gagawin or dapat kong sabihin, malay ko pa naman kung paano makiramay sa namatayan ng isda.
Ang dami nang namatay na isda sa kamay ko, pero hindi naman ako nalungkot nang ganito. Lalo't pinapakaliskisan pa ni Mamang sa akin iyon, tinatanggalan ng hasang at niluluto sa kumukulong mantika. Inuulam din namin, tapos itong si Mec, ipaghahanda pa ng lamay ang isda n'ya.
"Uy... oks ka lang?" alanganin tanong ko.
"I'm not okay." Pati boses nito malungkot, gano'n nito kamahal ang isda n'ya? Grabe naman.
"Heay, old man! What happened to you?" dinig kong tanong nito. Tsk, baka old kaya namatay. "Ang liksi-liksi mo pa kanina. Anong nangyari?" iiyak na ba s'ya? Oo nga, tama ito. Ang liksi pa kanina no'ng isda. Anong nangyari? Para pa nga s'yang nagpakitang gilas kanina, tapos mamamatay lang pala.
"Pogi, ayos lang iyan. Marami ka pa namang isda. Kung gusto mo palitan na lang natin. Mas madaling alagaan ang tilapia. Bili tayo no'n sa palengke, iyong buhay pa."
"Quiet, Mace." Malungkot ang tinig na saway nito sa akin. Ayon, itinikom ko na lang ang bibig ko.
Eh 'di quiet.
"May napansin ka bang kakaiba sa kanya?" narinig ko s'ya, pero itinikom ko ang bibig ko. "Mace?" lumingon ito sa akin, malungkot nga talaga ito. Pero dahil masunuring lang naman talaga ako, ipinakita ko pa nang waring i-zip ko ang bibig ko. Bahagya itong natawa at napailing sa ginawa ko.
Hindi na ako nagkulit pa, kahit nang maingat na kinuha ang patay na Oscar fish.
Sa sobrang ingat, parang ia-autopsy pa yata nila. Just to make sure kung ano ang cause of death.
Pero mabuti na lang at hindi ginawa. May glass na parang aquarium na may mga desenyong bulaklak sa loob ang lalagyan na iyon. Doon nila inilagay ang isda.
Hindi naman ako interested doon, sinisipat ko kung may handa ba sa lamay no'n isda. Kaso parang wala.
Dinala ang lalagyan sa isang silid. May altar doon, literal na may set up para lang sa isda.
Naupo kami. Habang may nagble-bless na lalaking may hawak na Bible sa harap.
Nasa bandang likod ako, dahil ang mga kasambahay at guards ay naroon din.
Pasimpleng inilabas ko ang phone ko. Nag-vibrate kasi iyon. Nakatanggap ako ng text, mula kay Theresa.
"Saan ka? Musta you?" mabilis akong nagtipa ng reply ko rito.
"Lamay. Oks naman me. How about ikaw?"
"Oks din naman me. Sinong patay?"
"Oscar." Mabilis kong sinend iyon.
"Ha? May kilala ba tayong Oscar? Sino iyon?"
"Alaga ni Pogi."
"Ay, may anak na iyong pogi na iyon? Anong kinamatay?"
"Hindi alam eh."
"Bakit hindi alam?"
"Hindi ko rin alam." Tugon ko.
"Bakit hindi n'yo alamin?" bobo naman nitong si Theresa. Alangan namang ipa-autopsy pa, isda lang naman iyon.
"Bakit naman aalamin pa? Isda lang naman iyon." Hindi na nag-reply ang babae. Na-realize n'ya sigurong OA kung gano'n.
Pero iyon ang akala ko. After 10 minutes, may text s'ya.
"Mace, alam kong may pinagdaraanan ka. Pero please, lumayo ka sa ipinagbabawal na gamot. Masama iyon, masisira ang buhay mo. Huwag mo rin akong i-prank, dahil wala ako sa mood. Hindi ko alam kung sino ang naglagay ng bato sa bag ko kanina, kaya pala ang bigat ng bag ko, hanggang sa makauwi ako. Hindi ako natutuwa sa mga biro ngayon. Ayaw muna kitang ka-text. Bye."
Napasimangot ako. Ako pa ang nagpra-prank ngayon, ha?
"Mace, itabi mo muna iyang cellphone mo." Mahinang ani ni Ate Carmelita.
"Sige po, doc." Sagot ko rito. Mabilis na napabungisngis ang babae, pero dali-daling tinakpan naman nito ng palad ang bibig.
"Diyos ko ka, Mace. Hindi ako doctor." Bulong nito sa akin. I understand naman, baka hindi n'ya pa itinuturing na doctor ang sarili n'ya, kasi nag-aaral pa lang s'ya. Pero bilib na bilib talaga ako sa mga taong ang goal ay makapagtrabaho sa ospital. Iyong tipong pagma-manage ng ospital at pagtulong sa pasyente ang trabaho nila. Saludo ako sa kanila.
"Okay lang iyan, Ate. Basta galingan mo sa course mong hospitality management, ah. Apir!" ani ko rito. Natapik nito ang noo at napailing na lang. Hindi nga pinansin ang kamay kong nakaangat na para sana makipag-high five.