Chapter 3: A Dark and Old Tale (Isang Madilim at Lumang Kwento)
“Life itself is but the shadow of death, and souls departed but the shadows of the living.”
-Thomas Browne
Nagpatuloy ang pagyakap ni Albert nang mahigpit kay Maria. Tumigil naman sa pag-iyak ang dalaga. Nakatitig na lamang siya sa kanyang mga braso gawa sa bakal. Nakatulala lamang siya habang dilat na dilat ang kanyang mga mata.
"Maria..." wika ni Albert. Binitiwan niya ang dalaga ngunit hawak niya ang mga balikat nito. Natatakot pa rin si Maria sa kanyang nakikita.
"B-bitiwan mo ako!" bulyaw ng dalaga.
Kinapitan niya si Albert at hinagis niya ito sa pader palayo sa kanya gamit ang kanyang augmented arms. Tumilapon naman si Albert at tumama sa pader. Ikinagulat naman ni Maria ang lakas ng kanyang mga kamay. Imbis naman na masaktan ay lalo pang namangha si Albert sa mga brasong iyon.
"Ang lakas..." wika niya.
Agad namang pumasok ang ilang mga nurse nang marnig nila ang kalabog.
"Ma'am? Ano pong nangyayari?" tanong ng isa. Nakatitig pa rin si Maria sa mga brasong iyon at nagsimula na namang lumuha.
"Maria...kailangan mong kumalma." Lalapit na sana si Albert ngunit siya’y natigilan.
"UMALIS KA DITO!" bulyaw muli ng dalaga.
"Pero..."
"Ang sabi ko, UMALIS KA NA!"
"Sir sige na po, lumabas na muna kayo. Kami na ang bahala."
Agad naman siyang pinalabas ng mga nurse sa kwartong iyon. Walang nagawa si Albert kundi ang lumabas. Bagsak ang kanyang balikat na naglakad palayo mula sa kwarto.
"Magandang balita, nag-respond ang augmented parts ni Maria, pero kailangan niya pang i-maintain ang network sa kanyang memory gene," wika ni Professor Marco Dela Paz habang kausap si Johan gamit ang isang hologram stick.
"Magaling. May gusto sana akong ipagawa pa sa 'yo, Propesor," wika naman ng binata.
Napangiti siya na parang may naglalaro na naman sa kanyang isipan. Tumingin na lamang ang propesor sa kanyang ekspresyon na para bang nakikita niya kung ano ang binabalak ni Johan.
"Posible bang gawing weapon ang augmented parts ni Maria?" tanong nito.
"Posible. Ang mga augmented parts noon ay ginagawa ring weapon. Kung kakayanin ng bigat ay kaya niyang makapagdala ng isang semi built-in hand gun. Kung hindi naman makakaapekto sa kanyang sistema ay puwedeng madagdagan pa ang pwersa ng kanyang mga braso," paliwanag ng propesor.
"Ang kuryente. Posible bang padaluyin sa mga braso niya?" tanong ng binata.
"Kung makakapagkabit ako ng recharging mechanism sa mga braso niya na makakapag-ipon ng sapat na enerhiya sa paraan lamang ng paggalaw ng mga augmented arms, pwede. Pero ang ikinakatakot ko ay baka makuryente siya ng sarili niyang mga braso."
"Pero kailangan niya iyon, Propesor," sagot naman ng binata.
"Masusunod po. Gagawin ko ang makakaya ko."
Matapos ang kanilang pag-uusap ay namatay ang hologram communicator na inilapag naman ni Johan sa kanyang mesa. Nagsimula na namang umulan sa labas. Malalaki ang mga patak nito at tila usok ang makikita sa malayong parte ng siyudad. Tinitingnan ito ni Johan na para bang may iba siyang nakikita sa mga usok na iyon gawa ng hangin at ng tubig na naghahalo.
Madilim ang kwartong iyon kung saan siya nakatayo. Simula nang muling mabuhay si Johan ay ganito na siya. Nasanay sa dilim at pag-iisa. Sa loob ng dalawang taon ay ninamnam niya ang kadiliman at ang katahimikan. Marahil ay nasanay na siya sa paglutang sa loob ng glass chamber na mayroong asul na likido.
Isang anino ang kanyang naaninag sa kanyang likuran. Isang dumaang aninong hindi niya mawari kung ano o sino. Humarap siya dito ngunit wala namang tao. Nakabukas ang kanyang pinto. Napakunot na lamang ang kanyang noo habang sinisipat ang labas ng pintong iyon. Sa pagkakaalam niya ay hindi naman ito nakabukas kanina.
Naglakad siya patungo sa pinto at sumilip sa maliwanag na hallway. Walang tao sa kabilang dulo. Sumilip siyang muli sa kabila at doon ay nakita niya si Cherry na nakaupo sa pulang carpet at naglalaro ng manika. Nakaputi siyang damit at tila natutuwa sa kanyang sariling laruan.
"Cherry?" wika ng binata.
Tumingin ang bata sa kanya at tumayo pagkatapos ay tumakbo na palayo. Sinundan niya si Cherry at sa kabilang hallway na nilikuan nito ay naroon si Ruth, ang nakatatanda sa magkakapatid. Nakatago sa kanyang palda ang bata.
"Kuya Johan?"
Ngumiti si Ruth nang makita ang binata.
"Ah...pasensiya na."
Malungkot muli ang ekspresyon ng binata. Dahan-dahan siyang naglakad palayo upang magtungo sana sa kanyang kwarto.
"Kuya Johan, kung gusto niyo po dito po muna kayo sa kwarto namin. Naglalaro lang naman po sila," wika ni Ruth.
Kumidlat naman sa labas at nakita ang liwanag mula sa malaking bintanang nahaharangan ng salaming nakapuwesto sa likod ng mga bata. Nagliwanag ang lahat. Kasabay naman nito ang pagandap-andap ng mga ilaw ng chandelier.
Lalong natakot si Cherry at tinakpan ang kanyang mukha gamit ang damit ng kanyang kapatid. Ngumiti naman si Johan at dahan-dahang lumapit sa mga bata. Binuksan naman ni Ruth ang kwarto mula sa kanyang kaliwa. Pumasok siya at agad nagtatakbo si Cherry papasok sa loob. Doon ay sumunod naman si Johan. Pagkapasok niya ay tuluyan nang namatay ang ilaw. Natakot ang mga bata at nagyakap-yakap.
Agad namang narinig ni Johan ang pag-andar ng mga generator sa paligid. Tanging ang command center lamang sa techno hub ang masu-supply-an ng kuryente sa pagkakataong iyon. Hindi puwedeng mamatay ang system dahil seguridad ng bansa ang nakasalalay kapag hindi gumana ang mga aparato doon.
Muling kumidlat at gumuhit nanaman ang liwanag mula sa bintana ng kwartong iyon. Agad lumapit si Johan sa isang animo'y plato na lalagyanan ng kandila. Kung titingnan ay antigo na ang hitsura nito. Mayroon pa ring kandila sa lugar na iyon. Kinuha niya ang isang lighter na pahaba at sinindihan ang kandila. Bahagyang naging maliwanag sa kwarto.
Sa gilid ng mesa naman na pinapatungan ng kandila ay may isang malambot na upuan. Umupo doon si Johan nang dahan-dahan. Tila kakaibang kilabot naman ang nararamdaman ng mga bata pwera na lang kay Ruth habang nakatingin kay Johan. Umupo na lamang ang mga batang iyon at ipinagpatuloy ang paglalaro nila ng isang puzzle na tila lego. Bumubuo sila ng miniature building at pagkatapos ay kakalasin muli ito. Nakipaglaro na lamang din si Cherry sa kanyang mga kapatid. Si Ruth naman ay sumalampak din sa sahig at tumingin sa bintana. Gumuguhit din sa mukha niya ang liwanag mula sa labas na nakokortehan naman ng mga butil ng tubig na animo'y lumuluha.
"May naalala ako noon Ruth. Natagpuan ka namin ni Helena sa auction tatlong taon na ang nakakaraan. Alam kong hindi iyon magagawa ni Aling Tess pero gusto ko pa ring malaman ang dahilan," wika ng binata.
Napatingin naman si Bobby sa kanya at muling yumuko. Kakaibang takot ang ipinapakita ng mga bata nang itanong iyon ni Johan. Kalmado naman si Ruth habang nakatingin sa bintana ngunit sa isip niya ay naririnig niya ang mga sigawan, ang mga panaghoy at ang pagtangis ng mga batang kanyang kasama. Muli siyang tumingin kay Johan at ngumiti.
"Simula noong dumating ka sa Antipolo Kuya, marami ang nagbago. Nagtutulungan na ang mga tao dahil sa ibinigay mong pag-asa. Alam kong nagustuhan ni Inay ang pangyayaring iyon pero unti-unti nakikita namin ang pagbabago niya," wika ni Ruth.
Napakunot-noo si Johan at tila lalong humarap sa bata. Bahagya niyang inilapit ang kanyang mukha, na animo’y nakatanghod sa kanyang harapan habang nakapatong ang kanyang mga siko sa kanyang mga tuhod.
Muling lumitaw ang liwanag mula sa labas na parang isang flash ng camera. Hindi na natakot ang mga batang iyon. Marahil ay mas naiisip nila ang mga nangyari noon.
"Siguro hindi niyo pa alam..hindi talaga namin tunay na magulang si Inay. Iyon lamang ang tawag namin sa kanya."
"Kinupkop niya kayo?" tanong ni Johan.
"Magkakapatid talaga kami. Sanggol pa lang si Cherry ay ako na ang nag-alaga sa kanya. Simula noong unang pag-aaklas sa Antipolo ay naging palaboy na kami. Namatay ang mga magulang namin noon. Ang tatay namin ay nasabugan ng land mine na inilagay ng mga militar sa paligid ng Antipolo. Bawal kasi kaming bumaba sa siyudad ng mga bidder kaya't ginagawa nila iyon," kuwento ni Ruth.
Napapikit naman si Johan. Tila isang malinaw na litrato ang kanyang nakikita dahil sa kwento ng bata. Napakunot-noo siya at muling dumilat.
"Kakapanganak pa lamang noon ni Inay kay Cherry nang mangyari iyon. Sinubukan niyang komprontahin ang mga militar nang mangyari ang pag-aaklas pero..." Napalingon muli si Ruth sa bintana. Gumuguhit muli sa kanyang mukha ang liwanag na nasa labas na kumorte namang bungo dahil sa mga patak ng ulan sa salamin.
"Nagdatingan ang mga prototype. Napakarami nila. Gusto naming makalabas mula sa Antipolo dahil ginagawa nilang tapunan ng mga bid ang lugar na iyon. Hindi lang tapunan ng mga bid, literal na ginawa din 'yong tapunan ng mga basura, pero ayaw nila kaming payagang umalis. Hinarangan nila ang mga daanan. Napakaraming mga heli ship. Ang mga tao sa bawat bahay ay naghahanda ng armas. Mga kutsilyo, tinidor, lumang baril...lahat ng pwede nilang magamit," pagpapatuloy ni Ruth.
Malinaw ang lahat ng iyon sa isipan ni Johan. Sa panahong iyon ay umuulan ng nyebe. Napakadilim at ganoon na rin ang pananaw ng mga tao laban sa militar. Napailing na lamang si Johan at muling tumingin sa mga bata. Tila patay-malisya na lamang sina Bobby, Jek at Cherry sa kanilang naririnig ngunit alam nila marahil ang masaklap na pangyayaring kanilang kinamulatan.
"Tapos noon..." pagpapatuloy ni Ruth.
"Bobby! Si Inay pigilan mo!"
Umiiyak na noon si Ruth. Tila mukha naman ng kamatayan ang nakikita nila sa ekspresyon ng kanilang ina. Iyak na lamang nang iyak si Jek sa isang tabi habang tinatakpan ang kanyang tenga dahil sa ingay na ginagawa ng mga tao sa labas.
"Hindi tayo papayag na ganito ang gawin nila sa atin!"
"Hindi tayo preso na ikukulong lang dito!"
"Kung gusto nila ng kamatayan ay ibibigay natin iyon sa kanila!"
"TAMA!" sigaw ng mga tao sa labas.
Isang kutsilyo ang kinuha ng kanilang ina. Itinali niya ito sa isang mahabang bakal gamit ang isang tape. Walang emosyon ang mukha niya habang pinapaikot ang tape sa kutsilyo. Kapansin-pansin pa ang dugo sa kanyang palda. Namumutla ang kanilang ina dahil kakapanganak pa lamang noon kay Cherry. Tila napakahimbing naman ng tulog ng sanggol sa kanyang pagkakahiga mula sa bungkos ng telang nakapatong sa mesa.
"'Nay tama na, ‘wag po kayong lumabas..."
Umiyak na rin noon ang batang si Bobby. Pilit niyang inaagaw ang mahabang bakal na iyon sa kamay ng kanyang ina. Wala pa rin siyang emosyon habang pinapalibutan ng tape ang bakal at ang hawakan nitong kutsilyo. Inamo naman ni Ruth ang kapatid na si Jek.
"Inay tama na po, ‘wag po kayong lumabas..." pagpapatuloy ni Bobby.
Sa pakikipag-agawan ay nasugatan ang kamay ng kanyang ina. Binitiwan naman ni Bobby ang bakal na iyon. Tiningnan siya ng kanyang ina ngunit tila isang malalim na balon ang kanyang nakikita sa kanyang mga mata. Lumabas ang kanyang ina habang duguan pa ang kanyang kamay.
"Inay...huuuu..." taghoy naman ng batang iyon.
"Dito ka lang ha?" utos naman ni Ruth kay Jek na sa pagkakataong iyon ay napapaluha na rin.
Agad lumabas sina Ruth at Bobby mula sa kanilang barung-barong. Napakarumi ng paligid. Ang mga tao ay nagsimulang magmartsa patungo sa gate na hinarangan ng militar. Nagsimula ang agawan ng baril at ang pagpapaputok ng mga sundalo. Nagsihigaan naman ang mga taong nasa unahan dahil tinadtad sila ng bala ng mga militar.
Agad namang naglundagan ang mga prototype palapit sa mga tao at sinimulang banggain ang kanilang mga payat na katawan. Ang iba ay initsa na lamang nila sa mga pader. Ang iba ay sinuntok ng mga ito na halos magkadurog-durog ang kanilang mga katawan. Nakukulayan ng kulay pula ang bawat nyebe at lupang kanilang hinihigaan. Nanlalaki na lamang ang mga mata nina Ruth at Bobby.
Napakabagal ng lahat ng pangyayari. Animo'y ilang minuto silang nakatayo doon para lamang pagmasdan ang karahasan sa kanilang harapan. Nagtatakbuhan ang mga tao mula sa kanilang likuran papunta sa mga sundalo at sa mga prototype. Sinakal ng ibang mga prototype ang mga taong iyon hanggang sa malagutan sila ng hininga. Binabato nila ng mga malalaking tipak ng bakal ang mga prototype ngunit hindi naman sila natitinag. Ang iba ay hinahampas pa ang mga ito. Nakaagaw naman ng baril ang iba pang nag-aklas at pinaputukan ang mga prototype at mga sundalong iyon ngunit sa isang iglap ay nawalan agad sila ng buhay.
Nakita nila ang kanilang ina na naglalakad nang dahan-dahan patungo sa mga sundalong iyon.
"Inaay!" sigaw ni Bobby ngunit hindi siya nito pinansin. Nakatakip lamang nang bahagya ang buhok ng kanilang ina sa kanyang mukha. Patuloy ang pagpatak ng dugo mula sa kamay ng kanilang ina.
Isang sundalo ang nalingat. Sinaksak siya ng kanilang ina mula sa likod gamit ang kutsilyong nakakabit sa bakal. Isa namang sundalo ang bumaril sa kanya. Tinamaan siya sa balikat ngunit hindi niya ito ininda. Animo'y isang patay ang naglalakad at sumusugod sa sundalong iyon. Sinaksak niya ang sundalo sa kanyang harapan na agad naman nitong ikinamatay.
"Inay, tama naaaaaa!" sigaw naman ni Bobby.
Hindi pa rin siya pinakinggan ng kanyang ina.
Isang prototype naman ang nakapansin sa kanya. Dinakma nito ang babae sa leeg. Sinaksak niya sa mukha ang prototype na iyon. Nabalatan naman ang rubber sheet nito at nag-spark ang parte ng kanyang mata. Animo'y isang bungo ang mukha ng prototype na iyon.
Nakatitig lamang ang dalawang magkapatid sa kanilang ina. Nabitiwan naman ng babae ang hawak niyang armas. Ngumiti siya at humarap sa kanyang mga anak. Isang nakakatakot na ngiti. Nandidilat ang kanyang mga mata at tila nasisiraan na ng bait.
Ang sumunod na pangyayari ay hindi nila akalaing masasaksihan nila. Piniga ng prototype na iyon ang leeg ng kanilang ina.Sumambulat sa paligid ang dugo nito. Umagos na lamang sa kanilang mga pisngi ang hindi mapatigil na pagluha. Napaluhod na lamang si Ruth sa sobrang takot. Napaatras naman si Bobby nang dahan-dahan, nadapa siya at patuloy na umatras.
"I-inay..." Hindi pa rin makapaniwala si Ruth sa kanyang nakita. Nagpatuloy ang kaguluhan hanggang sa wala nang matira mula sa mga nag-aklas doon.
Muling kumidlat at tumamang muli ang liwanag sa loob ng kwartong iyon. Nakapangalumbaba na lamang si Johan habang naiisip ang mga pangyayari sa Antipolo noong unang pag-aaklas. Tiningnan niya si Ruth. Umaagos na sa pagkakataong iyon ang kanyang luha ngunit tila blangko lang ang kanyang ekspresyon. Pinunasan niya na lamang iyon gamit ang kanyang palad. Patuloy pa rin sa paglalaro sina Bobby, Jek at Cherry. Malakas pa rin ang ulan sa labas at naririnig nila ang ihip ng hangin na animo'y may tumatangis sa paligid.
"Naubos ang mga tao doon. Ang mga nag-aklas. Lahat sila. Kami lang ang natira. Sa bahay kami namalagi ng halos tatlong araw. Hindi makagalaw nang maayos noon ang mga kapatid ko dahil sa sobrang takot. Nakaupo lang kami sa sahig at nakasandal sa pader. Dumating din ang oras na kailangan na naming lumabas dahil sa gutom. Kailangan naming kumain pero wala kaming makain. Buhat-buhat ko noon si Cherry. Ang payat na niya noon, Kuya. Pero wala akong magawa," pagpapatuloy ni Ruth.
"P-paano kayo nabuhay?"
May naglalaro sa isipan ni Johan kaya niya iyon naitanong.
"Maraming patay na katawan sa paligid. D-dahil sa yelo ay hindi nabulok ang mga katawan nila...umupo kami sa gitna ng mga patay na katawang iyon..."
Muling humarap si Ruth sa bintana. Dahil sa kidlat ay muling nagliwanag ang kanilang kwarto.
"Kinain namin ang mga katawang puwede pa. Para mabuhay...wala kaming magagawa. Punung-puno ng dugo ang mga kamay namin. Para kaming mga hayop na kumakain ng patay na laman ng tao."
Muling napaluha si Ruth at napatingin sa kandila sa tabi ng binata. Napahawak naman sa bibig si Johan. Napapikit siya. Hindi niya masikmura ang kuwento ni Ruth. Pumikit siya na para bang nilulunok niya ang mga pangyayaring iyon. Humarap ang mga bata kay Johan. Sa mga mata ng binata ay may dugo sa kanilang mga bibig nang muling kumidlat. Natakot siya ngunit nang humupa ang sunud-sunod na liwanag na iyon ay muling naging normal ang kanilang hitsura.
"Ayos ka lang, Kuya? Namumutla ka," puna ni Ruth.
"O-okay lang..." wika naman ni Johan.
Muli siyang napapikit at tumingin sa paligid. Madilim pa rin, pero ang dilim na iyon ay unti-unting nadadagdagan ng mga imahe. Imahe ng mga patay na muling nabuhay. Inaabot nila ang kanilang mga kamay kay Johan na para bang humihingi ng tulong.
Muli niyang ipinikit ang kanyang mga mata. Nang idilat niya ito ay wala na ang mga imahe. Tumingin siya kay Ruth, na may pag-aalala pa rin sa kanyang mukha. Ngumiti lamang si Johan para amuhin ang bata.
"Nabuhay kayo dahil sa mga lamang iyon," wika niya.
"Isang linggo...isang linggo kaming nandoon, kasama ng mga patay na katawang iyon. N-nakita namin ang katawan ni Inay. Nakainom lang si Cherry ng gatas dahil..." Hindi itinuloy ni Ruth ang pagkukwento.
Tiningnan niya lamang ang kanyang kapatid na nakatingin sa kanya.
"U-uminom siya ng gatas sa dibdib ng inyong ina...kahit patay na siya."
Muling pumikit si Johan. Naiisip niya ang lahat. Napakalakas ng kanyang imahinasyon. Nakikita niya ang kanilang walang buhay na ina, yakap niya ang sanggol na si Cherry habang pinapasuso. Napakaputla ng kanyang balat at natutuyo na ang dugong nasa kanyang leeg. Ngumiti ang kanilang ina. Tila nagulat naman si Johan at ibinukas ang kanyang mga mata.
"T-tapos, anong nangyari?" tanong ng binata.
"'Yon ang pagkakataong nakita kami ni Inay Teresa. Natakot siya sa amin. Akala niya mga kung anong nilalang na kami. Napakadungis namin. Puno ng dugo ang mga bibig namin. Nakahiga sa hita ko ang patay na katawan ni inay noon habang pinapasuso si Cherry. Natakot si Inay Teresa pero dahan-dahan siyang lumapit sa amin. Inakay niya si Jek. Kumuha siya ng yelo at inilagay sa tuwalya para matunaw. Pinunasan niya ang mga bibig namin. Binuhat niya si Cherry at hinawakan niya ang kamay ko. Saka lang kami nakaalis sa lugar na iyon," pagpapatuloy ng kwento ni Ruth.
Nag-iba ang tingin ni Johan. Matapos ang takot ay nakaramdam na siya ng awa sa mga bata. Tiningnan niya ang mga mata ni Ruth. Hindi na ito lumuluha. Matapang si Ruth kung tutuusin. Kaya niyang mabuhay sa kahit na anong sitwasyon. Kahit pa ang nangyaring pag-aaklas noon.
"Itong si Jek, noong una hindi siya makakain ng mga lutong pagkain. Nasanay siya sa mga hilaw na karne. Iyon ang kinakain niya nang kupkupin kami ni Inay Tess. Nasanay na lang siyang kumain ng luto habang dumarating ang mga araw. Si Cherry naman, nanay na talaga ang tingin niya kay Inay Tess. Hinayaan lang namin na ganoon ang mangyari. Kahit hirap na hirap kami, napapakain niya kami ng tatlong beses sa isang araw. Pinataba niya kami at ginawang malulusog na magkakapatid," wika ni Ruth. Sa kwento niya ay parang nakikita na ni Johan kung ano ang nangyari sa kanila nang makita si Ruth sa auction tatlong taon na ang nakakaraan.
"Iyon pala ang binalak ni Aling Tess."
"Mali ka sa iniisip mo, Kuya Johan. Mabait si Inay. Kahit na bid lang siya ay nagagawan niya ng paraan para maibigay ang gusto namin. Mas naniwala pa siyang may pag-asa pa ang Pilipinas simula nang dumating ka sa bahay. Alam niyang may magbabago," paliwanag naman ni Ruth.
"Pero bakit ka nasa auction? Nasaan si Aling Tess? Anong nangyari sa kanya?" tanong ng binata.
Kausap ni Aling Tess ang isang sundalo. Nakatingin lamang si Ruth sa dalawa habang seryoso ang kanilang pag-uusap. Nakasilip lamang ang bata mula sa kanilang pinto.
Mayamaya pa’y napahagulgol na si Aling Tess. Napakunot- noo naman ang bata. Napatingin sa kanya ang sundalong iyon at tumingin din si Aling Tess.
Pumasok sa loob ng bahay si Ruth at lumapit sa kanyang mga kapatid. Nakasalampak lamang sila sa semento sa loob ng bahay. Niyakap niya ang kanyang mga kapatid at matapos noon ay pumasok na si Aling Tess sa loob. Kapansin-pansin ang pamumutla ng matanda at ang pag-ubo niya nang walang tigil. Umupo siya at uminom ng tubig. Nagpunas din siya ng luha at sinubukang maging normal.
"Ruth, kunin mo nga ‘yong bag sa kwarto ko. ‘Yong malaki," utos niya. Agad namang pumasok si Ruth ng kuwarto at kinuha ang isang kulay tsokolateng bag.
"Heto na po," wika naman ng bata.
"Ilagay mo diyan ang mga damit niyo."
Nanlaki ang mga mata ni Ruth. Napatingin naman ang kanyang mga kapatid sa kanila.
"P-pero bakit po 'nay?" tanong niya.
"Sasama muna kayo sa Maynila. Kasama niyo si Carding. Siya ang maghahatid sa inyo at sa iba pa."
Lumayo si Ruth sa kanya at lumapit sa kanyang mga kapatid.
"S-saan niyo po kami dadalhin?"
"Makinig ka, Ruth. Hindi magiging maganda ang mangyayari dito sa atin. Mabubuhay kayo doon sa Maynila. Ang subastahan na mangyayari, malapit na iyon. Darating ang mga militar dito...pupwersahin nila ang lahat na kunin ang mga bata," paliwanag ni Aling Tess.
"Hindi ako naniniwala sa inyo! Dadalhin niyo kami sa subastahan! Hindi kami sasama!" Nagsimulang umiyak ang kanyang mga kapatid. Napaluha na rin si Ruth sa pagkakataong iyon.
"Makinig kayo. Walang magagawa si Johan sa pagkakataong ito. Masisira ang lugar na ito. Maraming mamamatay. Ayokong mangyari iyon sa inyo." Napaluhang muli si Aling Tess habang binibigkas ang mga katagang iyon.
"Hindi kami sasama Inay…dito lang kami!"
Tumayo na si Aling Tess at pumasok sa kwarto. Inilabas niya ang mga damit ng magkakapatid. Ipinasok niya iyon sa loob ng kulay tsokolateng bag. Patuloy siya sa pag-iyak at pag-ubo. Iyak din nang iyak ang mga batang iyon.
Mayamaya pa’y nakarinig din sila ng mga pag-iyak sa iba pang mga kapitbahay. Ikinagulat iyon ni Ruth. Lahat ng mga batang kanilang kapitbahay ay kailangan iyon gawin. Pero hindi niya mawari kung bakit.
"Halika na." Inabot ni Aling Tess ang kanyang kamay.
"AYOKO!" bulyaw ni Ruth. Kinapitan naman siya ng kanyang mga kapatid na patuloy sa pagsigaw at pag-iyak.
"Huwag nang matigas ang ulo. Halika na ditto, Ruth!"
Hinila ng matanda ang kanyang kamay ngunit sa hitsura niya ay parang ayaw niya ng kanyang ginagawa. Umupo naman si Ruth sa sahig at nagpumiglas. Umiyak siya nang tuluyan. Hinila naman ni Aling Tess si Bobby. Humiga ang bata at nagpupumiglas din.
"Bitiwan mo 'ko! Bitiwan mo 'ko!" pagpupumiglas ni Bobby habang umiiyak. Pinalo-palo naman ni Jek ang kamay ng matanda ngunit hindi pa rin kumalas sa pagkakakapit ang matanda.
"Bitiwan mo ako Inay, nasasaktan ako!" wika ni Ruth. Pumapalag siya at humiga sa sahig. Pinagpag niya ang kanyang mga paa ngunit kinaladkad naman siya ni Aling Tess.
"Maniwala ka anak. Mas magiging ligtas kayo doon..." wika naman ni Aling Tess.
Patuloy ang pagpupumiglas nina Bobby at Ruth hanggang sa sila'y makalabas. Sa labas naman ay patuloy ang pagkaladkad ng matanda. Nagulat naman si Ruth dahil ang lahat ng mga bata ay kinakaladkad din ng kanilang mga magulang palabas ng kanilang mga bahay.
May mga truck ng militar at mayroon ding mga sundalo doon. Dala ng mga magulang ang kanilang mga bag at umiiyak ang mga ito habang isinasakay sila sa isang hover truck ng mga militar. Ang ilang mga bata naman ay tila kalmado pa. Tila walang kamuwang-muwang at walang alam sa mangyayari sa kanila.
Agad kinagat ni Ruth ang kamay ng kanyang ina. Napabitiw naman si Aling Tess. Kinagat din ni Bobby ang kamay na nakakapit sa kanya.
"Takbo na bilis!" utos ni Ruth sa kanyang mga kapatid.
Agad nagsitakbuhan ang mga bata. Kinarga niya si Cherry para maging mabilis ang kanilang pagtakbo. Nakikita nilang tumatakbo rin ang ilang mga bata pero nahuhuli sila ng kanilang mga magulang. Sinubukang humabol ni Aling Tess pero hindi niya na kaya. Umubo na lamang siya habang nakakapit sa kanyang tuhod. Ilang mga sundalo naman ang nakakita sa pagtakbo ng mga bata at humabol sa kanila. Muling lumingon si Ruth at malapit na ang mga sundalong iyon sa kanya.
"Dalian niyo bilis!" bulyaw niya.
Isang paliko at baku-bakong daan ang kanilang napuntahan. Sa dulo ay makikita ang isang gumuhong gusali. Sumuot sila doon. Una niyang pinapasok si Jek sa isang maliit na butas. Sumunod naman si Bobby at pagkatapos ay si Cherry pero bago pa man siya makapasok ay pinunitan niya ito ng damit. Saglit na nagtaka ang kanyang mga kapatid kung bakit niya iyon ginawa ngunit sa huli ay hindi na lamang nila iyon pinansin.
"Diyan lang kayo," utos ni Ruth sa kanyang mga kapatid.
"Pero Ate...pumasok ka na rito," wika ni Bobby.
Umiling na lamang si Ruth habang umiiyak. Alam niyang hindi siya kasya sa butas na nasa kanyang harapan. Ipinasok niya doon ang mga bata dahil alam niyang hindi din makakalusot ang kung sinumang susubok na kunin sila.
"ATEEE!" taghoy naman ni Jek.
"Ssshhh!" wika ni Ruth.
Tinakpan ni Bobby ang kanyang bibig upang hindi makapag-ingay. Tinakpan din niya ang bibig ni Cherry dahil wala rin siyang tigil sa pag-iyak. Naglakad patalikod at palayo si Ruth sa guhong iyon. Nakita niya ang isang matulis na bato sa gilid. Inihampas niya doon ang kanyang palad. Gumawa naman ito ng isang malaking hiwa. Ipinunas niya ang kanyang duguang palad sa kanyang bibig. Ikinalat niya ito at pagkatapos ay dinilaan niya ang kanyang palad upang tumigil sa pagdurugo.
"Nandito! Bilis!" sigaw naman ng isang sundalo.
Umupo naman si Ruth sa kanyang pwesto at tumitig nang masama sa kanilang nilikuang eskinita. Hinawakan niya ang malaking piraso ng damit ni Cherry na kanyang pinunit sa kanyang duguang kamay. Lumabas naman sa eskinita ang tatlong sundalo, at tila natakot sila nang makita si Ruth. May dugo siya sa paligid ng kanyang bibig at hawak ang isang damit ng bata.
"A-anong ginawa mo sa kanila?" tanong ng sundalong iyon.
Mula naman sa butas ay nakatingin pa rin sina Jek, Bobby at Cherry sa kanilang ate. Umiiyak pa rin ang mga ito. Isang tahimik na panaghoy ang kanilang ginagawa. Nakikita nila ang kanilang ate na nakaupo lamang at nakatitig nang masama. Mayamaya pa’y umikot ang mata niya sa kanila. Animo'y nagsasabi na huwag silang lalabas sa butas na iyon at huwag silang mag-ingay.
Tinutukan ng mga sundalong iyon ng baril ang batang si Ruth. Nanginginig ang kanilang mga kalamnan habang dahan-dahang lumalapit sa kanya. Dahan-dahan namang tumayo si Ruth.
"H-hindi...hindi ito maaari..." wika ng isang sundalo.
Napatigil siya sa sobrang takot. Sumunod naman ang isang sundalo sa kanya. Napatigil din siya habang nanlalaki ang mga mata. Nagsimulang maglakad si Ruth patungo sa kanila. Bawat hakbang niya ay siya namang atras ng mga sundalong iyon.
"’Wag kang lalapit dahil magpapaputok kami!" bulyaw ng sundalong iyon. Nagpatuloy sa paglalakad si Ruth. Nananakot pa rin siya at pilit na itinataboy ang mga sundalo.
"H-hindi tao ang isang ito..."
Nanginginig na sa takot ang sundalong iyon. Sinamahan pa ng pagdilim ng paligid dahil sa mga kaulapan. Biglang tumakbo si Ruth patungo sa kanila.
"AAHHH!" napasigaw ang isang sundalo saka nanakbo.
Nagpaputok naman ng baril ang isa ngunit nabitiwan niya ang kanyang baril nang maabutan siya ng bata. Kinagat niya ito sa kanyang leeg. Kumatas ang dugo mula rito. Walang pinagkaiba ang lasa noon mula sa lamang kanyang kinakain upang mabuhay lamang silang magkakapatid noon.
"At pagkatapos no’n?" tanong ni Johan. Nakatingin na rin siya sa bintana kung saan patuloy pa rin ang malakas na pagbuhos ng ulan.
"Nawalan ako ng malay...pinalo ako ng baril ng isa niyang kasama. Pagkagising ko nakahiga na ako sa loob ng truck. Takot na takot sa akin ang ibang mga bata dahil may dugo ako sa bibig. Akala nila kakainin ko sila."
Napangiti si Ruth at muling napatingin kay Johan. Napangiti din ang binata ngunit pilit ang kanyang ngiti. Hindi niya gustong isipin ang mga nangyari nang siya ay umalis sa Antipolo. Hindi rin iyon binalita sa TV noon. Naisip niyang si Jonas ang may pakana ng pangyayari, ang kanyang itinuturing na kapatid na siya rin ang kumitil.
"Nakaligtas ang tatlo mong kapatid, pero anong nangyari kay Aling Tess?" tanong ng binata.
"Noong mangyari ‘yong subastahan, no’ng dumating ka Kuya at pinatay mo ‘yong...tatay mo. Takot na takot ako. Pero alam ko may dahilan ka kung bakit mo iyon nagawa. Sumabay ako sa ibang mga bata pauwi ng Antipolo gamit ang isang lumang hover truck na sumundo sa amin. Walang tao sa labas ng bahay. Tahimik ang lugar na iyon. Nang pumasok ako sa bahay nakita ko sina Bobby. Nakaupo lang sa sahig at nakatulala. Tapos si Inay...na-nakabigti sa likod nila. Walang malay at malamig na," wika ni Ruth.
Napayuko siya at pagkatapos ay tiningnan ang kanyang mga kapatid. Naglalaro pa rin sila. Ngumiti si Cherry sa kanya at inabot ang isang piraso ng puzzle.
Tinititigan lamang ni Johan ang magkakapatid na iyon. Napapikit siyang muli at napailing. Nasaksihan nila ang sobrang karahasan sa ganoong edad. Hindi siya makapaniwala sa mga ito. Ang kanilang musmos na pag-iisip ay nabahiran ng dugo. Ang lahat ng iyon ay dahil sa giyera at sa memory gene. Hindi sana iyon mangyayari kung nagkaroon lamang ng pagkakapantay-pantay.
Napaluha ang binata at dumilat. Tumayo siya at lumapit sa magkakapatid na iyon. Umupo siya sa kanilang tabi. Sa pagkakataong iyon ay nawala na ang takot ng mga bata sa kanya. Tumingin lamang sila sa kanilang kinikilalang kuya. Niyakap naman ni Johan ang mga batang iyon. Yumakap din sina Bobby, Ruth, Jek at nasa loob nila si Cherry at ang binubuo nilang laruang building.
"Hindi niyo na babalikan ang ganoong buhay, pangako. Hindi na tayo babalik pa sa ganoong sistema," wika ni Johan.
Ngumiti naman si Ruth at inilagay ang piraso ng puzzle sa pinakatuktok ng laruang building. Muling kumidlat at kumalat ang liwanag sa buong kwarto. Namatay naman ang sindi ng kandila sa mesa. Napalingon si Johan sa mesang iyon. Muling kumidlat at humarap siya sa pinto. Bumukas ito at may kung anong anino ng nilalang ang kanyang nakita.