Chapter 5: Trust and Betrayal (Tiwala at Pagkakanulo)(Part 2)

2062 Words
"Propesor ano bang nangyayari? Para saan ang lahat ng ito?" tanong ni Albert. Nakasunod na sa kanya ang iilang mga natitirang sundalo ng New Order at si Maria. "Nagkamali kayo, hindi tayo iniwan ni Johan. Gusto niyang i-activate ang shield na ito, balak din nilang harangin ang pwersa ng European Union kaya't mas pinili niyang magpunta sa Cavalier, ang carrier na nakadestino sa hilaga," paliwanag ng propesor. Nagkatinginan naman ang mga sundalo at sunod ay kay Albert. "Hindi niya tayo ipinatapon dito. Gusto niyang iligtas ang mga taong ito. Wala siyang ibang intensyon," dagdag pa ng propesor habang kinakabit ang ilang mga wire na galing sa mga tore. Makakapal ang mga wire na iyon at ang lahat ay nakakonekta sa gagamiting kuryenta na nakaimbak sa malaking power generator ng arena. Agad namang lumapit si Maria at tinulungan ang propesor. Binuhat niya ang isang malaking kahon na tila extension para maikabit pa ang iba pang mga wire sa iba pang mataas na bakal na tore. Sumunod naman ang iba pang mga sundalo ng New Order sa kanya. Nginitian na lamang ni Maria si Albert na tila nang-iinis. Nakatulala naman si Albert sa kanyang kinatatayuan. "Propesor, masamang balita," wika ng isang sundalo na humahangos ang takbo sa kanya. "Ano ‘yon?" "Malapit na po ang pwersa ng European Union sa border natin, n-napakarami po nila!" Takot na takot na sambit ng sundalong iyon. Agad namang naalerto ang iba pang mga sundalo at nagsimulang pumunta sa entrance at sa heli pad ng stadium at arena. "Magmadali na tayo!" wika naman ng propesor.   Hindi na siya nagbuhat pa. Gumamit na lamang sila ng isang hover car upang mapuntahan pa ang natitirang tatlo pang mga tore sa paligid ng dome. Napakarami pa ring mga tao ang dumarating. Galing sila sa iba't ibang parte ng Pilipinas. "Hindi kakayanin ng lugar na ito ang dami ng mga tao. Kahit gaano pa kagusto ni Johan na protektahan ang lahat, imposible pa rin," wika ni Maria. "Pero wala tayong magagawa. Kung magtagumpay sila sa pagharang sa mga pwersang papalusob, hindi tayo gaanong maaapektohan," paliwanag naman ng propesor. Kapansin-pansin ang pag-formation ng mga sundalo ng militar ng Pilipinas nang tumigil sila sa isa pang malawak na lugar kung saan nakatayo pa ang isa pang tore. "Anong nangyayari dito?" tanong ni Albert. "Utos sa amin ito ni Johan. Kailangan naming umalis sa lugar na ito para maprotektahan pa ang iba," sagot ng kanilang squad leader. "Iiwan niyo ang mga taong nandirito? Anong ibig sabihin nito?!" bulyaw ni Albert. Agad namang kinapitan ng propesor ang kanyang braso. "Nag-usap na tayo tungkol dito Albert. Hayaan mong gawin nila ang trabaho nila." Napatigil naman si Albert at napatingin sa kanya. Sinubukan niyang kumalma kahit na may kung anong naglalaro sa kanyang isipan. Nagdududa pa rin siya kay Johan at sa kanyang mga binabalak. ****   "Handa na ang lahat mula sa himpapawid kamahalan!" wika ni Edward mula sa kanyang communicator. Nakakapit lamang siya sa bakal na hawakan ng heli ship habang tinitingnan ang mga paparating na kalaban. "Patayin ang lahat ng ilaw," utos ni Johan. "S-sir sigurado po kayo? Wala tayong makikita sa himpapawid," wika ng lalaking nakaupo sa harapan ng battle station. "Makikita niyo ang kalaban, dahil sila lang ang gagamit ng ilaw. Gagamitin natin ang dilim at ang panahon para maging kakampi natin." Nakangiti si Johan habang nakatitig sa hologram screen sa kanyang harapan. Tila tensyonado naman si Helena na nakapwesto lamang sa kanyang likuran. "Roger that," wika naman ng ilang piloto ng mga jet fighter. Nagpatay ng ilaw ang mga ito ngunit gumamit sila ng pinagsamang thermal at night vision. Pinindon naman ni Edward ang maliit na boton sa gilid ng kanyang salamin. Nagkaroon din ito ng night vision, nakikita na niya ang mga papalapit na kalaban at iyon nga ang inaasahan. Nakabukas ang kanilang mga ilaw. Magiging bulag sila sa ere sa paghahanap kung nasaan ang kanilang pwersa. "Maaaring hindi mo na mabasa ang iniisip ng mga nariyan Edward. Maninigurado si General Linford, sisiguraduhin niyang hindi natin malalaman ang taktikang gagamitin niya," wika ni Johan. "Iyon naman pala eh. Bakit mo pa ako pinadala dito?" tanong naman ng binata. "Para subaybayan ang mga kasama mong may mga memory gene. 'Yan ang trabaho mo. Ang protektahan sila." Napangiti naman si Edward at napapikit saglit. "Naiintindihan ko na. SIGE SIMULAN NA ANG MGA PAGSABOG! HAHAHA!" sigaw naman niya. "Sir. Nakalock na ang mga missiles sa first wave," wika ng lalaki mula na nakaupo sa harapan ng battle station. "45 degrees northwest to 55 degrees. Locked!" bulyaw naman ng isa pa. "Laser cannons activated at handa na sa pag-fire, Sir." Umugong naman sa command center ang pag-angat ng mga power ng laser cannons na iyon. Pinatay naman ni Layla ang mga ilaw ng Cavalier air craft carrier at ang mga kasama nitong battle ships. Nakapatong naman ang ulo ni Johan sa kanyang mga kamay habang nakatitig sa mga hologram screens at sa radar. Nakalukot ang kanyang noo at tila inaabangan ang gagawin ng mga kalaban. "20 seconds to impact," sagot muli ng computer generated na audio. Napapikit na lamang si Johan. Sa isang iglap ay nakaramdam siya ng kaba. Hindi niya alam kung bakit ngunit parang may mali sa lahat ng kanyang nakikita. Bigla niyang iminulat ang kanyang mata, pinindot niya ang boton na nasa arm rest ng kanyang upuan. Umikot ito at tiningnan ang hologram screen kung saan tumatakbo ang live feed ng mga kuha sa Pilipinas. "Johan, may problema ba?" tanong ni Helena. Hindi siya mapalagay sa ipinapakita ng binata. "Layla, ipakita mo ang mga kuha sa iba pang lugar!" utos ng binata. Nanlaki ang mga mata nila nang makita ang sampung heli ship mula sa European Union. Ang isa sa mga ito ay kulay puti, napakagat na lamang si Johan dahil sa labis na inis. "N-nalusutan tayo! Paano nangyari iyon?!" wika naman ni Layla. Agad namang bumukas ang hologram screen mula sa kanan ni Johan. "Well well well. Look who's terrified. I love to see that face personally," wika ni General Linford. Nakangisi siya habang nakapangalong-baba at nakadekwatro pa. "Buwisit!" bulong ng binata. Pinanggigilan niya ang kanyang kamao habang nakatitig sa mukha ng babaeng heneral. "Should I call this game, a win?" painsultong tanong ng heneral. Sinubukan namang ngumiti at kumalma ni Johan kahit na siya’y naiinis na. "Don't speak like you've already won this war!" wika ni Johan. "Eventually, I will. Try to harm any of my force and I will attack your people here. It's your choice." Tila pinagpawisan naman si Johan sa kanyang narinig. Napalunok siya ng kaunting laway at huminga nang malalim. "May mga inililikas pang mga tao sa Maynila. Kapag umatake tayo mapapahamak sila!" sabat naman ni Layla. Napatingin si Johan sa kanya. Napatingin naman siya sa mapa ng radar at makikita niya ang paglapit pa ng pwersa ng European Union sa kinaroroonan nila. Nakikita naman sa ilang mga video ang paglapit ng mga heli ship ng European Union sa siyudad. Nagtatakbuhan ang mga tao maging ang mga sundalo sa paligid. Minadali nila ang pagpapasakay sa mga taong naroon upang makarating sa Philippine Arena. Nanlaki naman ang mga mata ni Professor Marco habang nakatingin sa isang hologram stick. Nakikita niya ang live feed ng video na iyon. Kasalukuyan niyang inaayos ang kable ng huling tore ng shield. Napaluha naman si Maria sa kanyang nakikita, nabalot na rin ng takot si Albert sa pagkakataong iyon. "T-tapos na...t-tapos na tayo," wika ni Maria habang napapaluha. "Hindi pa. Ayusin natin ang lahat! Kaya natin ito. Itayo niyo na ito! Bilis!" bulyaw ng propesor. Agad nagsikilos ang mga sundalo sa paligid. Kumuha ng mga matataas na kalibre ng baril ang mga natitirang sundalo at pinaligiran ang perimeter ng Philippine Arena. Napansin ng mga tao na nagkakagulo ang mga sundalo. Bahagyang nagpanic ang mga ito at nagsimulang magtakbuhan sa kung saan-saang direksyon. Minadali naman ng mga sundalo ang pagpapapasok ng mga tao sa loob ng arena, stadium, at conference hall. "Bilisan niyo, bilis wala na tayong oras!" sigaw ng isang sundalo. "GO! GO! GO!" Dumapa na sa mataas na palapag ng arena at stadium ang ilang mga sundalong may hawak na sniper. Malayo pa ang mga heli ship sa kanila ngunit pinaghandaan nila ang lahat. Maaaring magpakawala ng missiles ang mga kalaban at mawalan ng silbi ang lahat ng pinlano ni Johan. "Hahaha. You underestimated me Johan. Your arrogance had led you to a move that you didn't expect," wika ng heneral. Ngumiti muli si Johan at yumuko nang bahagya. "Ten seconds to impact." "Johan! Kailangan ko ng utos mo!" bulyaw ni Layla. Nakatigil lamang si Johan sa pagkakataong iyon. Agad niyang pinindot ang isang boton mula sa hologram screen sa kanyang harapan. Nawala ang video call na iyon ni General Linford. Agad niya ring pinindot ang isang maliit na boton sa kanyang arm rest at muli itong umikot. "Layla, kailangang mapagana na nila ang shield. Ngayon na!" utos ng binata. "Masusunod." Agad nagpipindot si Layla sa kanyang hologram computer. Makikita dito ang chart ng gagamiting kuryente para sa shield. Sapat lamang ito para mapagana ang shield na iyon. "Fire!" bulyaw ni Johan. "J-Johan. Hindi..." wika ni Helena. Hindi niya akalaing makakapagdesisyon ng ganoon kabilis si Johan. Mas pinili niyang labanan ang mga natitirang pwersa na parating sa kanila. Kung titingnan ay wala na rin siyang ibang mapagpipilian. Kapag hinayaan niyang pumasok ang buong pwersa ng European Union, mas marami ang mapapahamak. "Fox 1 out!" "Fox 2 out!" "Cannon 1, fire at will!" "Let's go, boys! Pulbusin na natin ang mga 'to. HAHAHA!" bulyaw ni Edward. Agad siyang pumasok sa loob ng heli ship at inilabas ang isang rocket launcher. Nagliwanag ang kalangitan sa hilaga ng Pilipinas kung saan naroroon ang Cavalier air craft carrier. Nagpakawala naman ng laser beams at missile ang carrier maging ang mga kasama nitong battle ship ay nagpakawala na rin ng mga missile. Napakapit naman sa kanyang ulo si Helena habang pinapanood ang mga pangyayari. Nanlalaki ang kanyang mga mata habang nakikita ang mga pagsabog mula sa hologram screens. "Ate, anong nangyayari!" Umiiyak na noon si Jek habang yakap sila ng kanilang ate na si Ruth sa loob ng kwarto. Ramdam nila ang dagundong ng paligid at ang liwanag sa labas. Isinara na lamang ni Ruth ang blinds ng kanilang bintana ngunit patuloy pa rin ang matinding liwanag na sumasabog mula sa labas. Mas matindi pa sa sikat ng araw ang sunod-sunod na liwanag na iyon. "So he has decided. Now watch your people die in my hands!" May pagkainis ang babaeng heneral sa kanyang nakikita. "Waste them! All of them!" bulyaw ng heneral. Agad nagpakawala ng missiles ang sampung heli ship na lumilipad sa ibabaw ng Maynila. Binagsakan nila ng bomba sa lahat ng kanilang madaanan. Nagliwanag din ang paligid, napahawak na lamang si Layla sa kanyang bibig habang nanginginig ang kanyang mga mata. Nakatitig siya sa live video ng pagpapasabog na ginagawa ng pwersa ni General Linford. Unti-unti ring nasisira ang mga video, ibig sabihin ay nawasak na ang lugar kung saan naroon ang hinack niyang mga camera. Napaluha na lamang si Layla sa kanyang nasasaksihan. Unti-unti namang tinanggal ng mga sundalong naka-sniper ang kanilang mga mata sa lente. Nanlalaki ang mga mata nila habang tinitingnan ang sunod-sunod na liwanag sa di-kalayuan. Ramdam na rin nila ang dagundong ng lupa at ang malakas na hangin. Binilisan naman ng mga piloto ang pagpapatakbo patungo sa Philippine Arena. Alam nilang kapahamakan ang naghihintay sa kanila kung magtatagal pa sila sa labas ng perimeter na iyon. "Bilisan niyo!" Patuloy ang pagmamadali ng mga sundalo sa mga sibilyan upang makapasok lahat sa stadium, sa arena at sa hall. Inilabas naman ng mga sundalo ang kanilang mga rocket launcher. Hindi naman mapagana ng propesor ang shield na magpoprotekta sana sa kanila sa nalalapit na kapahamakan. "Ano na, Propesor?" tanong ni Maria na sa pagkakataong iyon ay napapaluha na. "Hindi gumagana. Walang dumadaloy na kuryente!" Muling tumingin ang propesor sa malayong dako ng siyudad. Napapansin niyang palapit nang palapit ang mga pagsabog na iyon. Napatayo na lamang si Maria nang tuwid. Hindi niya na maigalaw ang kanyang katawan dahil sa labis na kaba at takot. Patuloy ang sigawan ng mga tao sa loob ng stadium at arena. Ang lahat ay nagdadasal. Ang iba ay umiiyak na lamang at umaasa na maililigtas sila. Maging ang mga sundalo sa paligid ay walang magawa kundi panoorin ang liwanag na iyon sa di kalayuan.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD