Chapter 6: Hopelessness (Kawalan ng Pag-asa)
“If there's anyone who can bring change, it will be someone willing to sacrifice what they care for. It will be someone who can throw aside their humanity in order to defeat monsters.”
-Armin Arlert, Attack On Titan
"Pumasok na kayo bilis!" sigaw ng isang sundalo habang bitbit ang isang malaking bag ng isang matandang nakapila sa labas ng Philippine Arena.
Tensyonado naman ang mga taong nakapila at halos magka-stampede pa sa pagpasok sa loob ng malaking dome, maging ang mga tao sa stadium sa likod nito ay nagkakagulo na rin.
Ramdam na nila ang sunud-sunod na dagundong ng lupa dahil sa mga pagsabog sa ‘di kalayuan. Nakikita na rin nila ang liwanag sa kalangitan; animo'y mag-uumaga na ang liwanag na iyon kahit na gabi pa lamang. Ramdam na rin nila ang malakas na bugso ng hangin. Hudyat na palapit na ang panganib.
"Propesor, hindi pa ba iyan tapos?!" bulyaw ni Maria.
Nakaluhod naman si Professor Marco sa basang lupa habang ikinakabit ang mga kable ng kuryente sa iba pang mga kableng nakakabit sa mga bakal na tore. Paulit-ulit niya itong ginagawa at pagkatapos ay muling pipindot sa hologram computer. Basang-basa na ang dalawa at ang iba pang mga sundalo na nag-aabang sa shield na iyon dahil sa ulan ngunit wala pa ring pagbabago sa resulta nito.
"Ano bang problema nito?! Bakit hindi gumagana?!" naiinis na sambit ng propesor.
"Professor Marco, kailangan niyo nang i-activate ang shield. Ngayon na!" bulyaw naman ni Layla na sa pagkakataong iyon ay pinapanood ang mga pangyayari sa Philippine Arena gamit ang isang satellite image monitor.
Kitang-kita ang papalapit na mga heli ship sa kanila. Sinusuyod din nila ang iba pang lugar upang pasabugan lamang ang mga ito. May ilang taong namiling mamalagi sa kanilang mga tahanan. Wala silang ibang nagawa kundi ang magdasal nang makita nila ang papalapit na liwanag sa kanila gawa ng mga pagpapasabog ng mga heli ship ng European Union.
"H-hindi ko magawa, hindi ko alam kung bakit..." mangiyak-ngiyak na sambit ng propesor.
Agad namang nagpipindot si Layla mula sa kanyang hologram computer. Inii-scan niya ang buong paligid at ang mga linya ng koneksyon ng mga tore ng shield para malaman kung ano ang mali.
"Sir! Paubos na ang mga missile natin. Masyado pa rin silang marami!" bulyaw ng isang babaeng nakaupo sa harapan ng isang hologram computer. Nakapwesto siya sa battle station ng carrier sa harapan ni Johan. Kinakikitaan naman ng panghihina ng loob ang binata sa kanyang nakikita.
"Sir?" tanong muli ng babaeng iyon. Hindi pa rin tumingin si Johan sa kanya. Nakapatong lamang ang kanyang noo sa kanyang kamay. Napapakagat siya sa kanyang bibig sa sobrang inis.
"Kailangan ko nang lumabas doon Johan, hindi natin kakayanin ang mga ‘yan pag tumagal ang laban na ito!" wika naman ni Helena. Agad siyang naglakad nang mabilis palayo sa binata.
"Helena," wika naman ng binata. Napatigil si Helena at muling tumingin sa kanya.
"Huwag, hindi mo kailangan gawin ‘yan."
"Pero Johan...mauubos ang pwersa natin," sagot naman ng dalaga.
"Hindi. Dito ka lang. Ayokong mapahamak ka."
Tumingin si Johan sa kanya nang malamlam. Pinilit niyang baguhin ang kanyang ekspresyon upang makumbinsi si Helena na huwag lumabas sa command center ng carrier. Napatigil naman si Helena at huminga nang malalim. Muli siyang naglakad patungo sa kinauupuan ni Johan.
"Edward, kumusta ang lagay ng lahat?" tanong ni Johan.
"Maayos naman, nagkakasiyahan nga dito. WOOOO!!" wika ng binata. Dinig naman sa likod ang tawanan ng mga sundalo na nakasakay rin sa heli ship.
"K-kailangan nating umatras," wika ni Johan.
Napatingin naman sa kanya ang mga tao sa loob ng command center. Maging si Layla ay nagulat sa kanyang desisyon.
"A-ano?" tanong naman ni Edward mula sa kanyang communicator.
"Hindi natin kakayanin ang laban na ito. Kailangan nating umatras."
"N-nagbibiro ka ba? Hindi sila halos makalaban sa atin dahil hindi nila tayo nakikita. Malayo pa lang sila ay nag-utos ka na ng pag-atake. Bakit mo sinasabi 'yan?!" inis na tanong ni Edward.
"Hindi, hindi ko kayang mamatay ang kahit na isa sa inyo."
Napapikit na lamang si Johan habang kumakagat nang mariin. Hindi niya matanggap sa sarili niya na sa pagkakataong iyon ay natalo siya.
"Johan! Makinig ka sa 'kin! Hindi pa tayo bigo. Wala pang namamatay sa pwersa natin!" wika ni Edward.
"HIHINTAYIN KO BANG MAY MAMATAY SA INYO? ‘YON BA ANG GUSTO MO!"
Iminulat ni Johan ang kanyang mga mata sa harap ng hologram screen kung saan niya nakikita ang vital signs ni Edward at ang wavelength ng kanyang boses sa communicator. Napatigil naman ang ang mga staff ng command center ng carrier. Ang lahat ay napayuko na lamang. Napaiyak pa ang ilan sa mga ito. Maging si Layla ay napaluha rin habang nakatingin sa hologram screen ng kanyang computer at patuloy na dine-detect ang problema ng shield.
"Marami na ang mga taong namatay ngayon! Dahil iniwan natin sila, akala ko...akala ko magiging maayos ang lahat. Mali. Mali ang ginawa ko. Binigo ko sila."
Yumuko na lamang ang binata at tila napaluha sa kanyang kinauupuan. Tuluyan na siyang napanghinaan ng loob. Nanlaki naman ang mga mata ni Layla habang lumuluha. Malapit na ang mga pagsabog sa kinaroroonan ng Philippine Arena sa pagkakataong iyon.
"J-Johan. Kailangan pa rin nating kumilos. Hindi tayo puwedeng sumuko sa mga natitirang mga tao doon," wika ni Layla.
Sa sobrang inis naman ay halos kalmutin na ni Johan ang kanyang mga tuhod, lumuluha pa rin siya sa kanyang kinauupuan. Nawawalan na siya ng pag-asa at hindi na siya makapag-isip nang maayos.
Mula naman sa heli ship ay napahinto si Edward at tila nalukot ang mukha. Agad niyang pinasok ang kanyang ulo sa loob ng heli ship.
"Boys...kailangan nating umatras," malungkot na sambit ng binata. Agad namang nalukot ang mukha ng mga sundalo sa loob ng heli ship na iyon.
"Nakakonekta naman ang lahat pero bakit hindi gumagana?" tanong naman ni Professor Marco na sa pagkakataong iyon ay nagpa-panic na.
"Oo...Propesor. Nakikita ko. Nakakonekta nang maayos ang lahat. P-pero...bakit?"
Nawawalan na rin ng pag-asa si Layla sa pagkakataong iyon. Napakapit na lamang siya at lumuha. Huminga naman nang malalim si Johan at pinahid ang kanyang mukha. Nagpipindot siya sa hologram keyboard sa kanyang arm rest.
"Propesor…ang mga kamay ni Maria," wika ng binata.
"J-Johan? Pero imposible. Malaking boltahe ang kakailanganin natin para sa shield na ito," wika naman ng matanda.
"Basta, Propesor. Gawin niyo na ang inuutos ko. Kailangan niyong mapagana ang shield. Wala nang oras."
Nagkatinginan naman si Maria ang at ang propesor. Naririnig nila ang malalakas na pagsabog sa di kalayuan kaya't nagmadali sila sa pagtakbo patungo sa isang parte ng malaking compound na iyon kung saan nakapwesto ang napakaraming generator at panel. Malalaki ang mga ito at dito naipon ang lahat ng kuryente sa nakaraang mga araw upang paganahin ang shield. Sumilip si Professor Marco sa malayo at nakikita na niya na mas lumalakas ang liwanag sa ‘di kalayuan.
"Maria, kung anuman ang mangyari...patawad."
Napapikit muli si Johan at tila humihinga nang malalim. Napangiti naman si Maria habang itinatapat ng propesor ang hologram stick sa kanyang harapan.
"Nabuhay tayo upang iligtas ang mga taong ito. Doon pa lang ay masaya na ako."
Ngumiting muli si Maria at napaluha. Kumunot naman ang noo ni Johan. Ayaw niyang makita ang mangyayari sa lugar na iyon.
Napatingin naman si Maria kay Professor Marco. Niyakap niya ito nang mahigpit. Sunod niyang tiningnan si Albert. Nakayuko siya sa pagkakataong iyon at nababakas sa mukha niya ang sobrang kalungkutan at pag-aalala. Agad niyang nilapitan si Albert. Napatingin naman ang binata sa kanya at sinubukang ngumiti.
"Marami na akong pagkakamali Maria. Sana mapatawad mo ako."
Umiling naman si Maria at niyakap din siya. Mahigpit ang yakap na iyon, na animo'y hindi na bibitiw si Maria sa kanya. Kumalas na lamang siya nang maramdaman niyang muli ang pagluha. Pinahid niya na lamang ito gamit ang kanyang augmented arm. Ngumiti siya kay Albert at saka tumalikod.
Sa harapan niya ay makikita ang isang tore kung saan nakakabit ang mga kable sa malalaking generator. Agad niyang kinapitan ang dalawang kable na kumokonekta sa tore.
Tumingin siya kay Professor Marco. Tumango naman ang propesor sa kanya at pagkatapos ay lumayo nang kaunti. Pinagdikit naman ni Maria ang kanyang mga braso. Ginalaw niya ang magkabilang switch na korteng bakal na nakausli sa kanyang pulso. Unti-unti ay nakikita nila ang puting liwanag na gumagapang sa braso ng dalaga.
Napakagat naman at napapikit si Maria. Naramdaman niya kasi sa kanyang natitirang balat ang daloy ng kuryenteng iyon. Mabilis namang gumapang ang kuryente sa kanyang mga braso papunta sa kanyang mga kamay.
"AAAH." Napasigaw siya nang kaunti dahil sa sakit.
Agad namang umamba si Albert para siya'y lapitan. Hinarang naman ni Professor Marco ang kanyang tungkod sa kanyang daraanan. Napatigil si Albert at tumingin sa propesor. Nakita niyang umiiling siya at muling tiningnan si Maria.
"Kung hindi niya kakayanin ang sakit, mapapahamak tayo; at mas marami pa ang mamamatay," wika ng propesor. Agad namang naintindihan ni Albert ang sinabi ng matanda.
Mula naman sa Cavalier aircraft carrier ay nakikita ng lahat ang ginagawa ni Maria gamit ang satellite image monitor. Kitang-kita ang unti-unting paglakas ng kuryente na dumadaloy sa kanyang braso. Nakikita rin nila ang sakit na iniinda ng dalaga habang ginagawa iyon. Labis na nag-alala si Helena at lalo pa siyang lumapit sa harapan ng hologram screen na kanilang tinitingnan.
Tumingala si Maria sa tore na nasa kanyang harapan at nakita niyang wala pa ring nangyayari sa kanyang ginagawa. Muli niyang inilapat ang kanyang mga kamay sa isa't isa kahit na nagliliwanag ito dahil sa kuryente. Pinihit niya papunta sa kanyang siko ang nakausling bakal na iyon na kanina lang ay nasa kanyang pulso. Lalong lumakas ang kuryente nito sa pinakamataas na level. Nagliwanag ang mga braso niya nang sobra.
"AAAAAAHHHHHHHH!!" sigaw ng dalaga habang nakapikit. Nagtakip ng mata ang mga sundalo sa paligid dahil sa nakakasilaw na liwanag mula sa mga braso ni Maria.
"Hindi, nilagay niya sa maximum level! Hindi pwede!"
Agad naglakad nang mabilis si Professor Marco patungo kay Maria kahit paika-ika. Nang malapit na siya ay agad sumabog ang malaking boltahe ng kuryente sa kanyang harapan. Napaupo sa basang lupa ang propesor at gumapang patalikod.
"Propesor..." Agad siyang inakay ni Albert palayo sa tila latigong boltahe ng kuryenteng iyon.
"Bitiwan mo ako. Hindi niya pwedeng gawin ‘yan!"
"A-anong mangyayari sa kanya sa ganyang level?" tanong naman ni Albert.
"AAAAAHHHHH!!"
Patuloy naman sa pagsigaw si Maria at napapaluhod na siya sa sakit na kanyang nararamdaman. Kitang-kita naman ang pagguhit ng kuryente sa paligid ng lupa kung saan siya naroon.
"Nakakonekta ang mga kamay niya sa kanyang memory gene. Kapag dinaluyan iyon ng kuryente, siguradong..."
Napatingin na lamang si Albert sa kinaroroonan ni Maria. Nanlalaki ang kanyang mga mata habang nakatingin sa kanya. Agad siyang tumayo at tumakbo patungo sa dalaga.
"AAAAAAHHHHHHH!"
Malakas na sigaw na may kasamang tili ang naririnig nila sa pagkakataong iyon.
Nang malapit na si Albert sa kanya ay agad na nadaluyan ng kuryente ang lupa na kanya sanang aapakan. Makikita naman ang unti-unting pagliwanag ng tore na nasa harapan ni Maria. Sa dulo ng bakal na tore na iyon ay nagsisimulang mamuo ang kulay asul na liwanag.
"MARIA!" sigaw ni Albert. Hindi naman siya naririnig ng dalaga na patuloy pa ring nakakapit sa dalawang kable.
"Maria makinig ka! Itigil mo na ‘yan! Mamamatay ka kapag tinuloy mo ‘yan!"
Unti-unti namang pinihit ni Maria ang ulo niya sa kanyang likuran. Narinig niya ang sinabi ni Albert pero tinuloy niya pa rin ang kanyang ginagawa. Iniisip pa rin ni Maria ang mga tao sa paligid. Mas gusto niyang iligtas ang mga iyon kahit na ang buhay niya ang kapalit.
"MARIAAA!" sigaw muli ni Albert. Sinubukan niya ulit lumapit sa dalaga ngunit hinarangan siyang muli ng kuryente sa paligid niya.
"AAAHHAAAA! AAAAAAAHHHHH!" sigaw ng dalaga.
Hindi pwede 'to, wika ni Albert sa kanyang sarili
Hinarang niya ang kanyang kaliwang braso at sinugod si Maria. Tinamaan ng kuryente ang kanyang braso na agad namang naglatay sa kanyang balat. Hindi ito ininda ni Albert. Napapikit lamang siya habang inaangat ang kanyang kaliwang kamay at lumapit pa rin kay Maria.
Nangako ako kay Johan na hindi kita pababayaan, Maria, wika niyang muli sa kanyang sarili.
Isang latigo ng kuryente ang muling humampas sa kanyang leeg.
"AAH!" sigaw niya. Napaluhod siya ngunit agad ding tumayo.
Mas masakit pa ang nararamdaman mo ngayon alam ko. Kaya't kailangan kong gawin ito, wika niya.
Muli siyang tumakbo at ilang latigo pa ng kuryente ang pumapalo sa kanya ngunit hindi niya iyon pinapansin.
Nang malapit na siya sa dalaga ay agad niyang kinapitan ang dalawang kable na nakakabit sa memory gene ni Maria. Hinugot niya iyon at nang gawin niya iyon ay agad siyang tinadtad ng latigo ng kuryente sa paligid.
Animo'y naka-attract ng kuryente ang mga kableng iyon nang hawakan ito ni Albert. Naramdaman naman ni Maria ang ginawa niya. Napatingin siya at nakita niya si Albert na nakahiga sa kanyang likuran. Pinagsasangga lamang niya ang kanyang braso sa mga latigo ng kuryente na tumatama sa kanya.
"AAAHHH," sigaw naman niya.
Sinubukan namang lumapit ng mga sundalo sa kanya upang siya'y hilahin palabas sa nakakasilaw na liwanag na iyon ngunit kapag sinusubukan nilang lumapit ay isang hibla ng kuryente ang agad na humaharang sa kanila.
"ALBEEERT!" sigaw ni Maria.
Isang ugong naman ang kanilang narinig mula sa mga generator sa paligid. Nagliliwanag na rin ang mga iyon at marahil ay kailangan lamang nito na magsisimula ng kuryente para ito'y gumana. Humarap naman si Maria sa tore. Kinapitan nitong maigi ang mga kable na kanyang hawak.
"NYAAAAAAHHH!" sigaw niya. Lalong tumindi ang liwanag na iyon.
"M-Maria."
Nanghina naman si Albert dahil sa mga pasong natamo. Napapikit siya habang nakahiga sa basang d**o. Patuloy pa rin ang paghagupit ng kuryente sa kanyang katawan. Nakikita niya naman sa itaas ang unti-unting pagbuo ng asul na shield sa himpapawid. Napangiti siya at tuluyan nang pumikit.
Patuloy pa rin ang pag-inda ni Maria sa sakit na nararamdaman. Hindi niya na maramdaman ang kanyang katawan dahil sa kuryenteng kumakalat sa paligid. Dagdag pa dito ang pag-ulan dahil sa masamang panahon ngunit napansin niyang nababawasan ang pag-ulan. Tumingala siya at nakita niyang nabubuo na ang shield sa himpapawid.
Agad siyang nanghina matapos makita ang pagbuo ng asul na liwanag. Unti-unti siyang napapikit at napahiga sa damuhan sa pagkakataong iyon. Nabitiwan niya ang mga kable at tuluyan nang nawalan ng malay. Tumigil din ang puting liwanag na animo'y latigo sa paligid niya.
"Maria!"
Agad na tumakbo patungo sa kanila ang propesor at ang ilan pang mga sundalo. Patuloy naman ang pag-ugong ng mga generator sa paligid.
Napatutok naman sa panonood ang mga staff ng command center sa hologram screen. Makikita naman sa mukha ni Layla at ni Helena ang labis na pag-aalala. Sa pagkakataong iyon ay malapit na sa kanila ang mga pagsabog. Mabilis itong kumakalat dahil sa mga missiles na pinapaulan ng mga heli ship mula sa pwersa ni General Vash Linford.
Kumakalat na ang shield sa paligid. Nagsimula na ring mamuo ang asul na liwanag mula sa iba pang mga bakal na tore. Nagkagulo naman ang mga tao nang makita ang pamumuo ng shield na iyon. Nagmadali silang pumasok sa loob ng stadium at ng arena. Mas lumalakas ang mga dagundong sa paligid, alam nilang malapit na rin ang mga kalaban.
"What is that?" tanong ni General Linford.
Nakaharap siya sa isang hologram screen kung saan nakikita niya ang kuha mula sa malayo. Nakikita niya ang pagkalat ng asul na liwanag sa lugar na iyon.
"Ma'am, it's a shield. They're using it to protect their remaining forces," sagot naman ng isang babaeng staff ng sarili niyang command center.
Napangiti naman si General Linford habang naniningkit ang kanyang mga mata.
"Is this your last ace, Johan? What would you do if I destroy them. You must understand that you are destined to bow before the holy land of Europe."
Bumukas ang hologram screen sa command center ng aircraft carrier kung saan naroroon si Johan at ang iba pa. Makikita dito ang mukha ng babaeng heneral habang inaasar si Johan. Napatingin naman ang binata sa kanya, kapit na niya ang kanyang mukha gamit ang kanyang kanang kamay. Animo'y hindi niya pinapakita ang mukha na galit na galit sa pagkakataong iyon
"You should know...that my people will never bow before you," galit na tugon ni Johan.
Dumating ang mga pagsabog malapit sa Philippine Arena. Patuloy pa rin ang pagbuo ng shield mula sa anim na tore sa paligid ng malaking compound na iyon. Nagmadali naman sa pagtakbo ang mga sundalo upang makapasok sa papasarang shield. Buo na ang kalahati nito nang datnan ng mga sundalo at ng mga sibilyan.
"Fire at them! QUICKLY!" utos naman ni General Linford. Tinadtad ng laser beams at missiles ang lugar na iyon.
Nanlaki naman ang mga mata ng propesor at ng mga sundalong umaakay sa walang malay na katawan ni Maria at Albert. Nakahiga pa rin sila sa basang d**o.
Buo na ang shield sa kanilang lugar ngunit hindi sila sigurado kung mabubutas ito o hindi. Nakita nila ang mga missiles na patungo sa kanila. Hinarang nila ang kanilang mga kamay sa kanilang mga ulo, dumagundong nang malakas sa buong lugar ngunit napansin ng mga sundalong iyon na sila'y buhay pa. Muli silang tumingin at ang nakikita na lamang nila sa itaas ay liwanag mula sa mga pagsabog. Pinoprotektahan na sila ng shield sa pagkakataong iyon na animo'y tubig lamang na umaalon sa bawat pagsabog.
"83%...85%...87%..malapit nang mabuo ang shield!" wika ni Layla na nagpipipindot pa rin sa kanyang hologram computer.
Tensyonado ang lahat habang nakatingin sa hologram screen. Wala namang makita ang mga ito. Tanging liwanag lamang at usok ang kanilang nakikita dahil sa mga pagsabog na nagaganap. Naka-concentrate ang lahat ng tira ng European Union sa malaking dome ng shield na iyon. Nakangiti pa rin si General Linford habang pinapanood ang mga pagsabog.
"MAAAAAAAA!" sigaw naman ng isang bata nang mahiwalay sa kanyang ina. Kasama niya ang mga sundalong may bitbit sa kanya. Nasa loob ng shield ang ina ng batang iyon at nasa labas naman ang mga sundalong hindi nakaabot. Napaluha na lamang ang mga ito at napaluhod.
"Anak ko!"
Agad naglupasay ang isang ginang at tumungo sa hati ng shield na iyon. Inilapat niya ang kanyang mga kamay sa shield. Ganoon din ang ginawa ng bata. Nagsilapitan din ang mga sundalo mula sa loob. Napaluha ang mga ito nang makita ang kanilang mga kasama at mga kaibigan na nasa labas ng shield. May mga sibilyan din na sinubukang humabol sa shield na iyon ngunit hindi na sila umabot pa. Tuluyan na itong nagsara, nagpatuloy lamang sila sa pag-iyak. Alam nilang huli na ang lahat upang sila ay mailigtas.
Bumagal ang lahat, nagsimula ang mga sigawan at iyakan mula sa loob at labas ng shield. Sumaludo na lamang ang mga sundalo mula sa labas nito, lumuluha sila habang nakatingin sa kanilang mga kasama. Sumaludo na lamang din ang mga sundalo mula sa loob ng shield.
Napayuko pa ang ilan sa mga ito habang umaagos ang kanilang mga luha. Sa likod ng mga sundalo at sibilyan na nasa labas ng shield ay makikita ang unti-unting pagkain ng liwanag dahil sa mga pagsabog. Pumikit na lamang ang mga sibilyan at mga sundalo sa loob ng shield, alam nilang hindi nila kayang makita ang kanilang matutunghayan sa labas ng shield na iyon.
Sumabog ang paligid, tumalsik naman paatras ang ina ng batang nasa loob ng shield dahil sa pagsabog. Kitang-kita niya ang nangyari sa kanyang anak. Nadurog ang katawan nito at natusta ng ilang segundo lamang. Nanlaki na lamang ang kanyang mga mata habang nakatingin sa labas na parang nakatulala, patuloy lamang sa pag-agos ang kanyang luha. Wala na siyang emosyon, tanging ang boses na lamang ng kanyang anak ang umaalingawngaw sa kanyang isipan sa pagkakataong iyon.
Tumawa na lamang si General Linford habang pinapanood ang mga pagsabog. Tila nangingisi pa siya sa tuwa habang nilalaro ang kanyang daliri sa kanyang noo.
Nanlalaki naman ang mga mata ng mga sundalo ng command center ng carrier. Awa naman ang makikita sa mukha ni Johan habang nakatingin sa mga hologram screen. Napakapit na lamang sa bibig si Helena sa kanyang nakikita. Liwanag lamang ang lahat ng iyon, liwanag ng mga pagsabog mismo sa lugar kung saan naroon ang mga inosenteng tao na pinoprotektahan ng kanilang pwersa.
*****
"This...this is g******e," wika ni President Robert Nixon.
Pinapanood niya ang nangyayari sa Pilipinas sa pagkakataong iyon. Nakaramdam siya ng matinding awa kaya’t tumayo na lamang siya sa kanyang kinauupuan at sa madilim na kwarto kung saan siya naroroon ay unti-unting lumitaw ang kanyang mga kausap mula sa mga hologram screen sa paligid.
Mababanaag din ang lungkot sa kanilang mga ekspresyon. Sila ang mga pinuno mula sa iba't ibang bansa, maging ang mga pinuno ng United Nations ay naroroon din. Alam nila ang nangyayari dahil lahat sila ay napapanood ang live na kuha mula sa satellite ng Pilipinas. Nadismaya ang ilan sa mga ito at napakamot na lamang ng kanilang batok. Ang iba ay napapailing na lamang sa kanilang napapanood.
"We should create a decree that will stop this war! Leaders, presidents, we are bound to one aim and that aim is to regain peace in our lands..." wika ng US president.
Napailing naman ang ilang mga pinuno ng United Nations, tila hindi nila nagugustuhan ang kanyang sinasabi.
"If we interfere with this war, our country might also suffer the rage of Europe. Peace is more at stake if we will join either of those forces," sagot naman ng Vietnamese President.
"Let them have their war. It's their choice. We can't afford to lose men in that battle," sabat naman ng representative mula sa Israel.
"N-No...you can't decide just like this." Hindi naman makapaniwala ang US president sa kanyang mga narinig.
"You. Stalin. I know that you didn't want this war to happen. I know that you will decide better on this." Kinausap niya ang Russian president na si Reuben Stalin ngunit binigyan lamang siya nito ng malungkot na tingin. Umiling din siya na parang ayaw niya rin ng desisyon ni Robert Nixon.
“They are right, Nixon. If we interfere with that war, our lives will also be at stake. We, leaders will be responsible for the death of our countrymen. I'm sorry. I won't let that happen," sagot ng Russian president.
Napakapit naman si US president Robert Nixon sa kanyang ulo. Napapikit siya at tila nawawalan na ng pag-asa.
"HAVE YOU ALL LOST YOUR HUMANITY?!" sigaw niya na lamang.
Tila lungkot na lamang ang tanging naisukli ng kanyang mga kausap sa hologram screen na iyon. Ang lahat ay natatakot sa kung ano ang pwedeng mangyari sa kanila kung sakaling pumagitna sila sa gulong iyon. Hindi nila gusto ang nangyayaring gulo sa Pilipinas ngunit ayaw rin nilang madamay.
"I'm sorry, Mr. President," wika ng isang pinuno.
Agad syang nag-log out sa video call na iyon. Ang iba ay nagsisunuran din. Napakapit naman sa likod ng kanyang upuan si president Robert Nixon. Tila nanghina ang mga balikat niya dahil sa labis na pagkadismaya. Unti-unting naubos ang kanyang mga kausap sa bawat panel na iyon hanggang sa isa na lang ang matira, si Reuben Stalin. Napatingin ang US president sa kanya nang malungkot.
"I know it's hard, but I made a promise to Johan. I will not join his war. And I know that he won't let me. It's his fight Nixon. I know that he will do something to end this, just like before," mahinahong tugon ni Reuben Stalin.
"But I don't want this to happen...so much blood has been poured out. So many lives have been taken because of this endless war. I want this to end," sagot naman ng US president.
"I know, let's just hope for the better, Mr. President. Only a miracle can save them right now, a miracle that only Johan can do," sagot muli ng Russian president.
Ngumiti siya nang saglit at pagkatapos ay nag-log out na rin. Naiwan sa madilim na kwartong iyon ang US president. Patuloy pa rin ang live feed ng satellite sa kanyang hologram screen. Napuno ng pagsabog ang buong lugar kung saan pinrotektahan ito ng isang napakalaking shield.
*****