Chapter 11: The Battle of Manila Bay (Ang Labanan Sa Baybayin ng Maynila)

4344 Words
Chapter 11: The Battle of Manila Bay (Ang Labanan Sa Baybayin ng Maynila)   “Artists use lies to tell the truth. Yes, I created a lie. But because you believed it, you found something true about yourself.” -V, V for Vendetta   "Too close...have I gone mad?" tanong ni Cher sa kanyang sarili. Bahagyang nasugatan ang kanang parte ng kanyang sintido dahil sa putok ng maliit na baril na kanyang hawak. Napapaluha pa rin siya habang nakatingin sa kawalan. Muli niyang tiningnan ang paglayo ng maliit na heli ship na lulan ni Mark. Lungkot lamang ang kanyang naramdaman sa pag-alis ng binata. Maya-maya pa ay tila may gumulo sa kanyang isipan. Agad siyang pumasok ng pintuan at tinahak ang elevator na nagdala sa kanya patungo sa roof deck na iyon. Nagmadali siyang pumunta sa isang hologram screen sa loob ng kanyang lab. Hindi niya alintana ang pagtulo ng dugo sa kanyang ulo. Ang naiisip niya lang sa pgkakataong iyon ay mabuhay at tumakas na sa lugar kung saan siya naroroon. Binuksan niya ang mahigit sa limang hologram computer, lahat ng mga screen na iyon ay nakaharap sa kanya. Hinanap niya ang mga files patungkol kay Mark at maging ng sa kanya. Nakaabang lamang ang kanyang daliri sa nakalutang na hologram keyboard. Nakalagay doon ang delete button, tila nag-aalangan pa siyang pindutin ito ngunit makalipas ang ilang segundo ay nagawa niya rin iyong pindutin. Umulan naman ng mga letra at numero sa mga hologram screen na iyon bago tuluyang naging kulay pula ang kabuuan ng mga ilaw nito. Isang tunog naman ng doorbell ang dahilan ng kanyang pagkagulat. Napatingin siya sa paligid bago sa pintuan palabas ng kayang maliit na lab. Nanginginig ang kanyang mga kamay habang inaabot ang kanyang baril na nakapatong sa mesa, inalpasan pa ng kanyang mga kamay ang mga ilaw ng hologram keyboard bago niya makuha ang kanyang baril. Pinahid niya ang kanyang kanang sintido gamit ang kanyang mga kamay upang pahupain ang pagdurugo nito. Itinutok niya ang baril sa pintuan ng kanyang lab. Dahan-dahan siyang tumungo dito at sa pagmamadali ay nasagi pa niya ang vase na nakapatong sa isang pahabang mesa. Gumawa ito ng ingay na nagpadagdag naman sa kanyang tensyon. Mayamaya pa’y isang mahinang pagsabog ang kanyang narinig mula sa labas. Alam niyang ginamitan na ng kung sino mang pumapasok ang kanyang pinto ng maliliit na bomba upang buksan ito. Nakarinig din siya ng ilang mga yabag patungo sa isa pang pinto. Agad siyang tumakbo patungo sa kanyang kwarto at kinuha ang kanyang shoulder bag. Kinuha niya rin ang ilang mga flashdrives, hard drives at iba pang importanteng mga dokumento na nakalagay sa isang maleta. Tinakbo niya ang hallway ng gusaling iyon ngunit huli na ang lahat. "Ms. Cher Ronsteiner?" tanong ng isang sundalong nakapasok mula sa isang kahoy na pinto. Kasama niya ang dalawa pang sundalo na naka-itim na uniporme at nakahelmet. Nakatutok ang kanilang mga baril sa babaeng doktor, tila natuliro naman si Cher habang nanlalaki ang mga mata. Sinubukan niyang lumingon sa kabilang hallway ngunit napasok na rin ng isa pang grupo ng sundalo ang kabila. Napalunok na lamang siya ng kaunting laway at muling tumingin sa sundalong nagsalita. "Are you alright Ms. Ronsteiner?" tanong ng sundalong iyon. Hinawi niya ang kanyang kanang braso upang pababain ang mga baril ng kanyang kasama. Dahan-dahan naman nilang ibinaba ang kanilang mga sandata. Itinago naman ng babaeng doktor ang maliit na baril na kanyang hawak sa kanyang likuran. Tila nagtataka siya kung bakit hindi siya pinaputukan ng mga sundalong iyon. "Y-yeah, I'm fine. Why are you here?" tanong ng doktor. "We've just received a message that you are here. It's been a decade Ms. Ronsteiner. We thought that you've been kidnapped," wika ng sundalong iyon. Napakunot naman ng noo si Cher at nagtaka kung sino ang nagbigay ng mensaheng iyon upang puntahan siya ng mga sundalo ng European Union. "MEMO needs you, doctor," wika ng mga sundalo. Dahan-dahan namang lumapit ang iba pa na nakapwesto sa kanyang likuran. Agad siyang humarap sa mga iyon, muling kumabog ang kanyang dibdib. Iba ang nararamdaman niya sa pagkakataong iyon. Animo'y may gagawin ang mga sundalong iyon sa kanya. Muli siyang humarap sa kausap niyang sundalo at sa isang iglap ay binalutan ng sundalong iyon ang kanyang ulo ng itim na tela. "NOOO! WHAT ARE YOU DOING?!" mangiyak-ngiyak na bulyaw ni Cher. Kahit hindi niya alam kung saan nakatutok ang kanyang baril ay hinigit niya ang gatilyo nito upang makapagpumiglas. Ilang putok ng baril ang umalingawngaw sa loob ng gusaling iyon. Kinapitan naman ng isa pang sundalo ang kanyang kamay, pinilipit ito at kinuha ang baril na kanyang hawak. "Why are you doing this to me?!" bulyaw niyang muli. Isang maliit na botelya naman ang nilabas ng isang sundalo. Pinindot nito boton sa gilid at naglabas ito ng kaunting gas. Itinutok niya ito sa ulo ng doktor, agad naman siyang nahilo at bumagsak. Sinalo na lamang siya ng isa pang sundalo. Ang iba naman ay kinuha ang kanyang mga kagamitan. "Search the place. Every file will be surrendered to the Prime Minister. Am I clear?" "Sir yes, Sir!" tugon ng kanyang mga kasama. ***** "Helena?" wika ni Layla. Nakadungaw lamang si Helena sa malawak na karagatan. Nakatukod lamang ang kanyang mga bisig sa bakal na braces ng aircraft carrier na iyon. Hinaplos ni Layla ang kanyang likuran. Tila inaamo sa mabigat na pasaning nadarama. "Layla. Bakit ka nandito? Baka may iutos si Johan. Baka may ipa-survey," tugon naman ng dalaga. "Wala pa rin siyang malay. Ayos ka lang ba?" "A-ah oo naman," sagot ni Helena. Agad niyang pinahid ang kanyang mga mata at tumalikod kay Layla. Ramdam naman ni Layla ang mabigat pa rin niyang pakiramdam. Tinigil niya ang paghaplos sa likuran ng dalaga at sumandal na lamang sa bakal na brace. Tumingala siya at nakita ang patuloy na pagkulimlim ng kalangitan. "Nagbago na talaga siya Layla," wika naman ni Helena. Napatingin na lamang si Layla sa kanya habang naghihintay ng susunod na sasabihin nito. "Hindi iyon ang Johan na kilala ko noon Layla. Ayaw niyang nakakakita ng dugo, ayaw niyang nakakakita ng karahasan. Ngayon, malayong-malayo na siya. Nagbago na talaga siya." "Alam kong hindi gusto ni Johan ang mga ginagawa niya ngayon. Nakikita ko 'yon sa mga mata niya. Tuwing mag-uutos siya ng bagay na hindi naman bukal sa loob niya. May galit sa mga matang iyon pero kalungkutan naman ang bumubuo sa ilalim nito. Naiintindihan mo ba? Helena?" Napatingin na lamang si Helena at napayuko. Muli siyang tumingin sa malawak na karagatan pagkatapos. "Hindi tayo magbabago kung walang dahilan. Sa pananaw ni Johan, kailangan niya ring maging halimaw para matalo ang iba pang halimaw na nagtatangka sa kanya at sa mga taong nasasakupan niya. Alam kong iyon lang ang paraan pero..." "Pero hindi mo rin nagustuhan ang ginawa niya. Tama ba? Mga inosenteng tao ang nadamay sa ginawa niya," putol naman ni Helena. "Pero mga inosenteng tao din ang nagbuwis ng buhay sa atin. Noong ikaw ang nasa posisyon ni Johan, ganoon din naman ang ginagawa mo 'di ba? Pinoprotektahan mo ang mga nasasakupan mo, kahit gaano kahirap." Ngumiti nang bahagya si Layla at tumingin muli sa kanya. Muli namang tumingin ang dalaga sa kanya ngunit lungkot pa rin ang gumuguhit sa kanyang imahe. "Pero ayokong nakikita siya na dinudungisan ang mga kamay niya. Mas maigi pang ako ang gumawa noon kaysa siya," wika naman ni Helena. "Mahal mo ba siya?" Isang tanong na nakabasag sa ulirat ni Helena. Napatingin siya kay Layla at tila nagtaka. "Alam kong mahal mo siya. Alam ko kung gaano kahirap makita ang taong mahal mo na nahihirapan. Mas maigi pang ikaw ang masaktan kaysa siya. Pero kahit hindi sinasabi o pinapakita ni Johan, alam ko mahal ka rin niya at alam kong ayaw niya rin na mahirapan ka, kaya siya ang kumikilos," wika ni Layla habang nakangiti. Humarap naman si Helena sa kanya at kahit alanganin ay ngumiti pa rin siya. Niyakap niya si Layla nang mahigpit. Sa pagkakataong iyon ay naiintindihan na rin ni Helena kung bakit ganoon ang mga nagiging desisyon ni Johan ngunit alam niya na kahit baliktarin pa ang sitwasyon ay wala pa ring tama sa lahat ng nangyayari. Pumatak ang unang butil ng ulan sa mata ni Helena. Napapikit siya at pagkatapos ay dumilat din upang tunghayan ang kalangitan. Tuluyan nang nagdilim ang paligid at sa malayong dako ay nakikita na nila ang papalapit na bagyo. "Mukhang kailangan na nating kumilos. Alam ko na rin kung paano mag-isip si Johan, gagamitin niya ang panahon na ito para lang maging lamang tayo sa kalaban," wika ni Layla. Pumasok sila sa loob ng aircraft carrier patungo sa command center nito. Nagulat sila nang makita ang taong nakaupo sa gitna ng lahat, si Edward. "Edward? Anong ginagawa mo diyan? Umalis ka nga diyan!" bulyaw ni Layla. "Wala pa si Johan eh, kaya ako muna ang uupo dito. Haha. Ang sarap pala pumwesto dito, kita ko ang lahat ng nangyayari." Ngumiti nang malaki ang binata habang nakatingin sa mga hologram screen. Tila naaasiwa naman ang ilang mga staff ng command center na iyon ngunit mas pinili na lamang nilang manahimik dahil alam nilang nababasa niya ang kanilang mga iniisip. "Hala sige larga! Patakbuhin nang mabilis ang barko! Sa Manila bay tayo pupunta! HAHAHA!" sigaw niya. Napakapit naman si Layla sa kanyang mukha at tila nahihiya sa ginagawa ng binata. Pambihira, bakit ba kasi nandito 'to?! wika ng isang staff sa kanyang sarili. "Nababasa ko ang iniisip mo! Kaya kung ako sa'yo 'wag ka na lang magreklamo! Malinaw ba ha?!" Umalis siya sa kanyang pwesto at itinapat ang kanyang mukha sa sundalong iyon. Nilakihan niya ang kanyang ngiti na tila nakakatakot, pinagpawisan naman ng malamig ang lalaking iyon at umatras na lamang sa kanyang kinatatayuan. "O-opo," mautal-utal na tugon ng lalaki. "’Yon naman pala eh." Muli siyang bumalik sa kanyang pwesto at umupo sa gitnang upuan. Umikot ito nang bahagya at sakto namang humarap ang kanyang upuan sa bakal na pintuan. Bumukas ito nang kusa at doon ay nanlamig ang kanyang pakiramdam nang makita si Johan. Nakakunot ang noo niya at tila wala sa kundisyon ang kanyang pakiramdam. Napangiwi naman ng mukha si Edward at agad na tumayo mula sa upuan na iyon. Sumipol-sipol na lamang siya habang pinupunasan ang bawat parte ng upuan na iyon gamit ang kanyang manggas. Tila napapangiti naman ang staff ng buong command center habang sumasaludo sa binata. "Ah ehe-ehe. Nilinis ko na yung upuan niyo, kamahalan," wika ni Edward habang yumuyuko at umaatras sa kinatatayuan ng binata. "Ihanda ang lahat ng mga sundalo, ang lahat ng hover crafts at jet fighters ay ihanda rin. Dadaong tayo sa Manila Bay!" utos ni Johan. "Sabi ko sa inyo eh," bulong naman ni Edward habang nagkakamot ng ulo. Tila natawa naman si Layla, Helena at maging ang iba pa. Nagtaka naman si Johan kung ano ang nangyari bago siya pumasok sa malaking kwartong iyon. Hindi niya na lamang ito pinansin, umupo na lamang siya sa kanyang pwesto. Maging ang iba ay nagsiupo na rin at kinontak ang ibang mga sundalo at piloto. "Layla. Kailangan ko ang mga natitirang pwersa na nagbabantay sa kanluran. Sabihin mo sa kanila ang plano. Ang North Korea na ang bahala sa hilaga. Walang sinuman ang lalabas at papasok sa apat na sulok ng bansa. Harangan ang lahat ng daungan, pwera lang ang Manila Bay," utos muli ng binata. Napangiti naman si Layla sa kanyang narinig. Tila malinaw na ang isipan ng binata sa pagkakataong iyon at alam niya ang kanyang ginagawa. "Masusunod po, Commander," tugon naman ni Layla. "Edward." Lalabas na sana ng kwartong iyon si Edward ngunit dahan-dahan niyang ipinihit ang kanyang ulo sa binata. "Kailangan ko ang ko ang kakayahan mo. Pangungunahan mo ang unang mga heli ship na dadaong sa Manila Bay." "Pero nagbago na ang code ng ibang memory gene ng mga mokong. Anong gusto mong gawin ko? Hindi ko na mababasa ang mga iniisip nila." Napangiti naman si Johan at napapikit. "Gusto mo ng mga pagsabog ‘di ba?" Nanlaki naman ang mga mata ni Edward sa kanyang narinig. Ngumiti rin siya ng malaki at tila pumapalakpak pa ang kanyang tenga. "Sasalubungin tayo ng pwersa ni General Linford, pagkatapos kong gawin iyon, siguradong magngingitngit siya sa galit. Asahan niyo na ang pagbantay ng pwersa nila sa kanluran. Ang kailangan kong gawin mo ay i-coordinate ang bawat sundalo natin. Hindi tayo gagamit ng radyo o kung ano pa mang communication device para hindi nila ma-track ang kinaroroonan natin. Layla, iyon ang magiging trabaho mo." "Maliwanag po, Commander," tugon naman ni Layla. "T-teka, pasusugurin mo ako sa gyera na walang communicator? Gusto mo bang mamatay ako doon?!" tutol naman ni Edward. "Hindi ka mamamatay doon. Sisiguraduhin ko yan. Gagamitin mo ang kakayahan mo para hindi mangyari iyon. Maliwanag ba?" "Hmm. Kahit hindi ko alam kung papaano ako maililigtas ng kakayahan ko. Sige bahala ka na kamahalan," sagot na lamang ni Edward. "Magaling. Ang pakay ng misyong ito ay makuha nating muli ang Maynila at bawasan ang pwersa ni Linford. Sa ganoong paraan ay maililigtas natin ang mga natitirang tao sa panig natin. Kailangan ko ang kakayahan ninyong lahat. Maliwanag ba?" wika ng binata. "OPO!" bulyaw naman ng mga staff ng command center na iyon. Agad silang kumilos at pinaandar nang mabilis ang aircraft carrier at mga battleships na nakapaligid dito. Napatingin na lamang ang binata sa bawat hologram screen. Si Layla naman ay naging abala sa pagpapadala ng mensahe sa mga natitirang pwersa mula sa kanluran. Si Helena naman ay napatingin na lamang sa nakatalikod na binata. Malungkot pa rin ang kanyang mukha ngunit napangiti rin siya ng kaunti. Alam niyang nagliwanag na ang kaisipan ng binata matapos niyang malugmok sa dilim. Sinubukan niyang lumapit ngunit nag-alangan siya. Bahagya namang napatingin si Johan sa kanya, hindi pa rin maipinta ang kanyang ekspresyon ngunit tila nag-iba ang kanyang aura nang makita si Helena. Umikot ang kanyang upuan at hinarap nang bahagya sa dalaga. Inabot niya ang kanyang kamay at ngumiti. "J-Johan?" malumanay niyang sambit. Tila mangiyak-ngiyak pa siya habang nakatitig sa binata. "Sorry. Sorry sa nagawa ko, Helena," wika ng binata at pagkatapos ay ngumiti. "Johan..." Lumapit si Helena sa kanya. Patakbo niya itong ginawa habang napapaluha ng kaunti. Niyakap niya ang binata, tila masaya siya sa pagbabalik ng dating anyo ng kanyang minamahal. "Please...wag ka na sanang magbago ulit. Johan please," pagmamakaawa ng dalaga habang nakayakap sa kanya. Ngumiti naman si Johan. Napansin naman ng ilang mga tauhan ang pagiging maaliwalas ng aura ng binata. Napangiti na lamang sila habang nakatingin sa dalawa. "Hindi, hindi na Helena. Pinangako ko noon sa iyong ama na hindi ka na masasaktan. Hindi na kahit kailan. Pasensiya na kung nagbago ako. Ginawa ko iyon para protektahan ka, para protektahan ang lahat. Pasensiya na," malumanay na tugon naman ng binata. Ipinatong na lamang ni Helena ang kanyang ulo sa balikat niya. Sa pagkakataong iyon ay masaya siya. Saya na hinihiling niya na sana'y hindi na matapos pa. "Sir pasensiya na po, pero..." putol naman ng isang babaeng staff. Kasalukuyan siyang nakatingin sa kanyang hologram screen at tumalikod lamang upang putulin ang kasiyahan ng dalawa. Agad namang bumitaw si Johan sa pagkakayakap at humarap sa babaeng iyon. "Ano 'yon?" tanong niya. "Mukhang naunahan na nila tayo," sabat naman ni Layla. Napatingin na lamang si Johan sa hologram screen kung saan nakaharap si Layla. Nakikita niya ang makapal na usok sa hologram screen. Kuha ito mula sa labas. Mayamaya pa’y nakita na niya ang kabuuan ng karagatan. Nasa madugong labanan na pala ang pwersa ng Pilipinas sa kanluran laban sa pwersa ni General Linford. "Pasensiya na, Commander. Hindi ko kaagad ito nakita," sagot naman ni Layla. Napakunot na lamang ng noo si Johan habang nakatingin sa hologram screen na iyon. "Ilan pa ang natitirang battleship nila?" tanong ng binata. "Nasa pito na lang po, b-bumagsak na rin po ang komunikasyon sa aircraft carrier nila," sagot naman ng isa pa. "Buwisit!" wika ng binata. "Ihanda na ang lahat. Mauuna ang mga jet fighter at ang pwersa ni Edward. Layla, sabihan mo ang mga natitirang battleship na umatras. Hindi na nila kakayanin ang labanan na iyan. Sigurado rin akong paubos na ang mga missile at rockets nila. "Pero kapag umatras sila, tayo ang pupuntiryahin nila," sagot naman ni Helena. "Iyon nga ang plano ko. Wag kang mag-alala Helena. Sisiguraduhin kong mapapasok natin ang baybayin ng Maynila." Ngumiti na lamang ang binata at muling tumingin sa hologram screen. Sa ‘di kalayuan naman ay nakikita na nila ang salitan ng missile mula sa pwersa ng European Union at sa pwersa ng Philippine Navy sa kanluran. Sumasabog sa paligid ang mga natitirang battleships na iyon gawa ng pagtama ng ilang missile sa tubig. Nagpapakawala din sila ng malalaking mortar at missile gamit ang kanilang mga kanyon. Mayamaya pa’y unti-unti nang nagsisiatrasan ang mga ito. "Naipadala ko na po ang mensahe," wika ni Layla. "Magaling. I-connect mo ang komunikasyon kay Edward ngayon na." "Handa na ako, kamahalan. Sabihin mo lang kung kailangan nang patayin ang komunikasyon." Agad namang lumabas ang imahe ni Edward mula sa hologram screen ni Layla. "Sa pagkakataong nasa himpapawid na kayo, mamamatay ang komunikasyon. Pagkatiwalaan mo ang mga kasama mo at ang iniisip nila. Maliwanag ba?" "Hindi ko alam kung ano ang plano mo kamahalan. Wala kang memory gene eh. Pero okay lang. Nagtitiwala ako sa'yo," sagot naman ni Edward at pagkatapos ay yumuko. "Handa na sa paglipad ang lahat commander," wika naman ng isang piloto ng heli ship na lulan ni Edward at ng iba pang sundalo. "Sige, kumilos na kayo," wika ni Johan. "Masusunod po, Commander." "Sandali lang, wag mong kalimutan ang paalala ko. Si Edward lang ang makakapagdala ng mga bombang iyon," pahabol ng binata. Nanlaki naman ang mga mata ni Layla sa kanyang narinig at lumingon sa kanya. "Opo, Commander. Kami na po ang bahala." Pagkatapos ay nawala na sa hologram screen ang imahe ng piloto. "Johan? Anong gusto mong mangyari?! Anong binabalak mo kay Edward?" pagtataka naman ni Layla. Dahan-dahan siyang tumayo at tumitig sa mga mata ng binata. "Makinig ka, Layla..." "Anong binabalak mo kay Edward?! Hayaan siyang mamatay doon? Kaya ba pinapapatay mo ang komunikasyon para hindi siya makahingi ng tulong sa atin?!" bulyaw naman ni Layla na nagdala naman ng tensyon sa iba pa. Napabuntonghininga naman si Johan at muling tumingin sa dalaga. "Makinig ka. Hindi ko sinabi ito kay Edward dahil mag-aalangan siyang gawin ang misyon niya. Takot siyang kumilos kung hindi niya nababasa ang iniisip ng kanyang kalaban hindi ba?" Tila napaisip naman si Layla sa sinabi ng binata ngunit may gumulo pa rin sa kanyang isipan. "Pero ang sinabi mong mga bomba? Anong binabalak mo doon?" "Ang mga bombang iyon ay itatanim ni Edward sa bawat heli ship ng pwersa ni General Linford. Hindi ko iyon pasasabugin ngayon dahil may pinaplano pa ako. Wala tayong komunikasyon kina Professor Marco, Maria, Albert at sa iba pa. Kaya't gagamitin ko ang mga bombang iyon para matunton sila. Hindi lang bomba ang laman ng mga iyon. Kasama na doon ang mga tracking device. Bibigyan natin sila ng magandang laban pero pagmumukhain nating umaatras tayo. Sigurado akong babalik sila sa lugar kung saan naroon ang iba pa. Sa pagkakataong iyon ay bubuksan mo ang network at pagaganahin ang mga tracking device. Gagana ang network nila sa pagkakataong iyon at magkakaroon tayo ng tyansa upang makipag-usap sa kanila at magplano ng iba pang hakbang," paliwanag ni Johan. Unti-unti ay naiisip na ni Layla ang pinaplano ng binata, tila namangha naman ang iba pa sa kanilang narinig. Lalo ring namangha si Helena sa napakaganda at pulidong planong iyon. "P-pero ang komunikasyon natin. Bakit kailangan mong putulin ang komunikasyon natin sa kanila?" muling tanong ni Layla. "Alam kong desperado na ang kalaban natin. Kung nakagawa sila ng program na kagaya ng MCM, sigurado akong kaya rin nilang pasukin ang network natin gamit ang intel nila. Katumbas mo ang lahat ng iyon Layla, kaya't kailangan ko ang tulong mo. Maliwanag ba?" tanong ng binata. Kinapitan na lamang ni Helena ang balikat ng dalaga at hinimas iyon. "Layla, magtiwala na lang tayo. Siguro sapat na ang ipinaliwanag ni Johan," wika ni Helena. "Pero Helena, hindi ko kakayanin ‘pag may nangyari kay..." "Ssshh. Kung may mangyari man. Lalabas ako, pangako. Kaya't magtiwala ka na lang." Ngumiti na lamang si Helena sa kaibigan. Tumango naman ng bahagya si Layla at dahan-dahang bumalik sa kanyang pwesto. Si Johan naman ay tumungo na rin sa kanyang pwesto upang umupo at tunghayan ang lahat. "Air force ready to take off, Sir," wika ng isang piloto ng jet fighter. "Heli ships, ready to deploy." "Handa na rin po ang mga sundalo commander," sagot naman ng iba pa. "Sige, simulan na ang palabas," wika naman ni Johan. Mula sa labas ng air craft carrier ay dahan-dahang nag-angatan ang mga heli ship. Marami ang mga ito at lulan si Edward ng isang malaking heli ship na naunang umangat sa kanila. Maririnig ang ugong ng mga engine nito kasabay na ang malakas na pagkulog dulot ng bagyong dumating. Halos hindi na rin makita ang paligid dahil sa zero visibility dulot ng malakas na buhos ng ulan. May mga air craft marshalls din sa paligid na nagsisignal sa bawat galaw ng mga jet fighter, isa-isang pinapalipad ito sa traffic way upang tuluyan nang makalipad sa himpapawid. Naging abala rin ang control tower sa pagta-traffic ng mga ito. Ang lahat ng iyon ay nakikita ni Johan, ang lahat ay nakikita niyang nasa ayos. Pakiramdam niya sa pagkakataong iyon ay napakalinaw ng lahat. Tila sumila'y ang liwanag matapos ang unos sa kanyang isipan. Napakagaan ng lahat at kalmado siyang naghihintay sa mga pangyayari.   "Commander, na-deploy na po ang lahat ng heli ships sa pangunguna ni Edward," wika naman ni Layla. "Sige. Putulin na ang komunikasyon. Maging ang signal sa mga satellites ay kailangan mong putulin. Hindi nila tayo dapat makita, magpapakita lang tayo kapag malapit na ang pwersa ni Edward sa kabilang pangpang. Kukunin natin ang atensyon nila para mapasok ang Manila bay," wika naman ni Johan. Dahan-dahang lumipad ang mahigit sa limang heli ship patungo sa kabilang baybayin ng Manila bay. Nakapatay ang mga ilaw nito at ang mga piloto ay gumagamit lamang ng night vision goggles upang makita ang kanilang dinaraanan. Tuliro naman ang mga sundalo sa loob ng mga heli ship na iyon. Ang iba ay nakapikit lamang habang hawak nila sa magkabilang kamay ang kanilang mga baril, tila nagdadasal ang mga ito. Mababakas din sa kanilang mga mukha ang labis na pag-aalala. Maya-maya pa ay nakita na nila ang ilang mga pagsabog dulot ng pagpapakawala ng mga missile, halos wasak na rin ang pangpang dahil sa mga pagsabog na iyon. "Magsihanda kayo, malapit na tayo," wika ng piloto sa sinasakyang heli ship ni Edward. Napatingin lamang si Edward sa kanya at binabasa ang iniisip ng pilotong iyon. "B-bomba?" tanong niya sa sarili nang mabasa niya ang iniisip ng pilotong iyon. "Anong mga bomba ang tinutukoy mo?" tanong niya. Tiningnan lamang siya ng pilotong iyon at muling nag-isip, matapos iyong mabasa ni Edward ay agad niyang tiningnan ang likurang bahagi ng heli ship. Naglakad siya patungo doon, binuksan niya ang bakal na pinto at tumambad sa kanya ang hindi mabilang na mga C4 bomb na nakapatong lamang sa bakal na mesa, naroon din ang dalawang bag upang paglagyan ng mga iyon. Nanlaki na lamang ang mga mata ni Edward at tila napalunok pa siya ng kaunting laway nang hawakan ang mga bombang iyon. Hindi pa activated ang mga ito dahil wala pang ilaw ngunit ramdam niya sa pagkakataong iyon na delikado ang gagawin niya. Napapikit na lamang siya at muling ibinalik ang C4 na kanyang hawak sa mesa. "Pambihira naman kamahalan, kung sabagay. Makaka-hindi pa ba ako. Nandito na ako. Haay pambihira talagang buhay ‘to oh!" Isa-isa niyang nilagay ang mga C4 bomb na iyon sa bag na nakalagay rin sa mesa. Tila mabigat ang kanyang pakiramdam habang ginagawa niya iyon. "Paalam malupit na mundo, paalam, inay. Itay...alagaan niyo ang mga kapatid ko ah? Teka, wala na nga pala akong pamilya. Tsk tsk," wika niya habang isa-isang inilalagay ang mga bomba sa bag. "Ayoko pang mamatay! Lord, ‘wag niyo muna akong kunin. Please?!" bulyaw niya ngunit inilagay pa rin niya ang mga bomba sa bag na iyon. "Look at the bright side. Kapag namatay na ako wala na akong problema, teka wala na nga ba? WAAAH! Ayoko na. LOOORD! ‘Wag po! Pero baka nga hindi ako mamatay. Haha. Tama. Alam ko hindi papayag si Johan. May silbi pa naman ako sa kanya 'di ba? 'DI BA?! Alam kong hindi niya magagawa sa akin 'to. Oh hindi! Paalam na talaga malupit na mundo. Hindi ko na masisilayan ang pagbabago mo pagkatapos nito," patuloy na kinausap ni Edward ang kanyang sarili habang nilalagay ang ilan pang mga bomba sa pangalawang bag. "Pero pag nagawa ko ang misyon na ito siguradong sikat na ako. WAHAHA. Tama, siguradong magkakaroon ako ng enggrandeng bakasyon. Saan kaya? Hawaii? Brazil? Saipan? Siguradong magiging masaya ito ahahaha!" Pinalakas niya na lamang ang kanyang loob sa pamamagitan ng pagkausap sa kanyang sarili, kahit alam niyang natatakot siyang gawin ang plano ni Johan. "At alam ko, magiging maganda ang mga pagsabog na ito. HAHAHA! Sigurado akong hinanda talaga ito ni Johan para makakita ng magagandang fireworks. Napakagandang regalo talaga na makita ang mga ito sa araw ng selebrasyon ng pagkapanalo mo, kamahalan," wika niyang muli. Sa pagkakataong iyon ay tila nasisiraan na naman siya ng bait. Napapangiti siya habang nanginginig ang kanyang kalamnan at patuloy pa ring inilalagay ang huling piraso ng mga bomba sa pangalawang bag. "Malapit na po tayo sa baybayin," wika naman ng isang sundalo na kapapasok pa lamang sa hangar ng heli ship na iyon. Dahan-dahan namang lumingon si Edward sa kanya. Tila natakot naman ang sundalong iyon sa ipinapakita ng binata. "Ehe-ehe...ahahahahaha!" tawang malakas ni Edward. Sa takot ay muli na lamang sinara ng sundalong iyon ang bakal na pinto. Huminga siya nang malalim bago muling bumalik sa kanyang kinauupuan. *****  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD