Chapter 8: Order And Chaos (Kaayusan At Kaguluhan)(Part 2)

1186 Words
"Buwisit!" bulyaw ni Maria na medyo napalakas. Gabi na noon at nakaupo lamang siya sa kanyang higaan. Sahig lamang ito na nilapatan ng malambot na foam. Kasama niya sa kwartong iyon ang ilang mga sundalong babae at ang propesor na nakatalikod sa kanya at natutulog. Tinakpan niya na lamang ang kanyang bibig at muling pinulot ang nalaglag na karayom na hawak niya sa kanyang kaliwang kamay. Pinilit niyang ipasok ang sinulid na iyon sa napakaliit na butas ng karayom ngunit ganoon pa rin ang nagiging resulta. Nanginginig ang kanyang kamay at kapag ipapasok niya na nang tuluyan ang sinulid ay lalo lamang itong nanginginig. Napapakagat na lamang siya sa inis dahil hindi niya iyon magawa ng tama. Mayamaya pa’y pumikit siya at huminga nang malalim. Ilang segundo rin siyang pumikit at kumalma, dinadama niya ang katahimikan ng paligid at nang maramdaman niyang kalmado na siya ay muli niyang inulit ang pagsasanay. Inangat niya ang kanyang mga kamay. Bahagya pa rin siyang nanginig ngunit sinubukan niya pa ring ipasok ng sinulid sa butas. Ibinaba niya ang kanyang balikat at nang malapit nang pumasok ang sinulid sa butas ng karayom na iyon ay tuluyan niya na itong itinulak. Labis na kasiyahan ang kanyang naramdaman nang magawa niya ng tama ang pagsasanay. "YES!" sigaw niya sa tahimik na kwarto. Muli naman niyang tinakpan ang kanyang bibig nang hindi niya namalayang naging maingay na naman siya. Lingid sa kanyang kaalaman na gising pa ang propesor at nakikiramdam lamang. Napangiti na lamang siya at muling hinila ang kumot na tumatalukbong sa kanyang katawan. Nang umaga na ay muling nakitakbo si Maria sa mga sundalong nagsasanay. Umiikot ang mga iyon sa loob ng stadium. Huminga muna nang malalim ang dalaga at pagkatapos ay sumabay sa mga sundalong tumatakbo. Napansin ni Professor Marco na nagiging normal na ang pagtakbo niya. Ang kanyang katawang bakal at laman ay nagiging isa na. Napangiti ang propesor sa kanyang nakikitang pagbabago kay Maria at nagulat pa siya nang unti-unti niyang maunahan ang mga sundalong tumatakbo.       Ganyan nga, wika ng propesor sa kanyang sarili. Unti-unti ay maaabutan naman ni Maria ang isa pang grupo ng mga sundalo na tumatakbo sa oval at mauunahan na naman niya ang naunang grupo. "A-ang bilis niya," puna ng isang sundalo. Sinubukan niyang makipagsabayan kay Maria. Nagiging sabay nga sila sa pagtakbo ngunit napapansin niya na nauunahan pa rin siya ng dalaga. "A-anong..." sambit na lamang niya. Mayamaya pa’y hiningal na siya sa pagtakbo. Inilapat nya na lamang ang kanyang mga palad sa kanyang tuhod at humangos sa paghinga ngunit si Maria ay tuloy pa rin sa pagtakbo. Makikita sa kanyang mukha ang matinding determinasyon at tuwa. Tumayo naman ang propesor mula sa bleacher at binitawan ang kanyang tungkod. Pumapalakpak siya habang nakangiti sa dalaga. Huminto naman sa pagtakbo si Maria at tumingin kay Professor Marco. Pagod na pagod nang siya ay tumigil. Ikinapit din niya ang kanyang mga kamay sa kanyang mga tuhod at patuloy na huminga nang malalim.     "Kalasin mo ang baril na iyan at ibalik mo. Kailangan mong magawa ang buong proseso sa loob lang ng sampung segundo," wika ni Professor Marco. Sa pagkakataong iyon ay nakaharap sila sa iisang mesa ngunit isang hand gun naman ang nakahain sa mesang iyon. "Pero imposible po ang sinasabi niyo," kontra naman ni Maria. Ngumiti na lamang ang propesor at naglakad palayo. Umupo siya sa isang upuan sa malapit. Hawak niya ang isang hologram stick kung saan nakahanda ang timer. Napailing na lamang si Maria at hinawakan na lamang ang baril na iyon. "Ang bawat maliliit na detalye ng baril na iyan, kung paano mo iyan nakalas at kung paano mo maibabalik ay depende sa hand-eye coordination mo. Diyan mo masusukat kung handa na ang mga kamay mo sa mas malalaki pang mga detalye," paliwanag ng propesor. "Handa ka na ba?" tanong niya sa dalaga. "Naiintindihan ko po. Handa na po ako."     "Start!" Agad kinalas ni Maria ang baril na iyon. Nang makalas niya ang baril ay agad niyang tinapik ang mesa. Muli din niya itong ibinalik. Saglit siyang nahirapan sa ilang mga detalye ngunit nagawa pa rin niya ito. Nang mabuo na ang baril na iyon ay muli niyang tinapik ang mesa. “15 seconds. Hindi na masama," wika ng propesor. Ngunit para kay Maria ay hindi pa rin iyon sapat. "Isa pa po propesor," tugon niya. Muli nilang ginawa ang proseso hanggang sa makaabot si Maria sa sampung segundo lamang. Muling naglakad sina Maria at Professor Marco sa plaza sa harap ng Philippine Arena. Sa pagkakataong iyon ay dalawang dahon ang pinitas ng propesor. Hindi iyon alam ni Maria. Tinaas niya ang kanyang kamay at hinulog ang dalawang dahon. Nasalo ni Maria ang unang dahon gamit ang kanyang hinlalaki at hintuturo ngunit ang isang dahon ay nalaglag lamang sa semento. "Isa pa," wika ni Professor Marco. Muli niyang itinaas ang kanyang kamay. Dalwang dahon ang muling bumagsak. Nasalo ni Maria ang isang dahon ngunit ang isa ay muling bumagsak sa semento. Pagkainis ang naramdaman ni Maria sa pagkakataong iyon. Ang propesor naman ay napangiti. "Ang pangalawang dahon ay sumasagisag ng mas mataas pang level. Pero sa pagkakataong ito. Masasabi kong handa ka na. Ang kailangan mo lang ay uli-ulitin ang mga pagsasanay na ginagawa natin," wika ng propesor. Naging matapang naman ang mukha ni Maria at tumango na lamang. Napatingin naman sa kalangitan si Professor Marco. Napukaw ang kanyang atensyon ng isang parte ng shield. Nag-iiba na ang kulay nito. Mula sa pagka-asul ay nagiging mapusyaw na ito at muling babalik sa pagka-asul. Senyales na anumang araw ay maaari nang bumigay ang shield dahil sa pagkaubos ng enerhiya nito. "Hmm. Mukhang mapapaaga ang labanang mangyayari," wika ng propesor habang nakatingala. Napansin din ni Maria ang pagbabagong iyon. Napakunot na lamang siya ng noo sa kanyang nakita.   Muling binalikan ni Maria ang punching bag na kanyang pinagsasanayan. Lumalakas at bumibilis ang kanyang mga suntok. Gigil din ang kanyang nararamdaman habang nagsasanay.   Sa pagkakataong iyon ay isinasama niya na rin ang kanyang paa sa pag-eensayo. Isinisipa niya ang kanyang kaliwang bakal na paa at maging ang kanyang kanan kahit na laman pa rin iyon ng kanyang katawan. Namamangha na lamang ang mga sundalo sa kanya, napapatigil ang mga ito sa pag-eensayo para lamang panoorin siya. "TSU TSU TSU!"   Tatlong magkakasunod na suntok ang kanyang pinakawalan. Sa lakas ng huling suntok ay umikot ang sand bag na iyon sa pinagkakabitan nitong bakal. Humakbang siya ng kaunti patalikod at isang malakas na suntok ang kanyang muling pinakawalan. "HAAA!!" sigaw niya. Tumalon siya at sinuntok ang sand bag. Bahagya namang umilaw dahil sa kuryenta ang kanyang kanang kamao nang dumampi ito sa sako ng buhangin. Nawasak ito at napigtal ang makapal na tali na nakakabit sa bakal. Bahagyang umusok dahil sa alikabok at nakita nilang nakaporma pa rin ang dalaga mula sa pagkakasuntok. Nanlaki na lamang ang kanilang mga mata sa natunghayan. Nakita naman iyon ng subject 4 mula sa labas ng shield. Nakatitig lamang siya sa dalaga nang humupa ang alikabok. Maging si Maria ay napatingin sa kanya. Naging masama ang tingin niya sa pinaghalong asul at itim na prototype.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD