Chapter 8: Order And Chaos (Kaayusan At Kaguluhan)
“Chaos is merely order waiting to be deciphered.”
-Jose Saramago, The Double
Patuloy na nakatitig si Johan mula sa kanyang kinauupuan. Dalamhati at hinagpis ang kanyang nararamdaman habang nakatingin sa walang hanggang kadiliman sa ‘di kalayuan. Natatakpan ng makakapal na ulap at usok ang bahagi kung saan niya nakikita ang mga patay na katawan ng mga taga roon.
Lalong bumibigat ang kanyang pakiramdam habang tinititigan ang isang wala nang buhay na kamay na natabunan na lamang ng mga guho mula sa mga nasira at nasunog na bahay. Hawak pa ng kamay na iyon ang isang gusgusing manika. Halata na rin ang teribleng sinapit ng manikang iyon dahil sunog sa kaliwang parte nito.
Muli siyang pumikit at huminga nang malalim. Inangat niya ang kanyang mga kamay at pinahid ang kanyang luha. Kinapitan niya ang kanyang noo at umiling-iling. Animo'y ginigising niya ang kanyang sarili sa bangungot na nakikita kahit alam niyang hindi mawawala ang bangungot na iyon sa kanyang harapan. Huminga siyang muli nang malalim at kumapit sa kanyang magkabilang hita. Sa pagkakataong iyon ay matinding galit na ang kanyang nararamdaman.
Nanggigigil siya habang kinakalmot nang madiin ang kanyang pantalon. Nanginginig ang kanyang mga kamay, alam niya kung sino ang may kagagawan ng trahedyang iyon. Sa isip niya ay tanging mukha lamang ng kanyang kalaban ang kanyang nakikita. Muli siyang dumilat at tumingin sa malayo. Hindi nga nawala ang bangungot na nasa kanyang harapan.
Mas lalo pa itong gumimbal sa kanya nang makita niya sa kanyang mga mata ang anino ng mga taong iyon na nakatayo sa kanyang harapan. Malungkot ang himig ng kanilang mga mukha habang nakatitig sa mga mata ng binata. Takot naman ang bumalot sa katauhan ni Johan.
"B-binigo ko kayo...binigo ko kayo. Patawarin niyo ako."
Nanginginig ang katawan ng binata habang nakatitig sa mga aninong iyon. Mayamaya pa’y itinaas nila ang kanilang kamay. Nakalapat ang kanilang mga palad sa harapan ng binata.
Animo'y tinatawag siya ng mga aninong iyon upang damhin ang kanilang naranasan. Umiling-iling na lamang siya at pumikit. Lumunok siya nang kaunting laway at muling tumingin sa mga aninong iyon. Dahan-dahang naglalaho ang mga ito sa hangin habang nasisinagan ng araw.
"P-patawad...masyado akong pabaya. Hindi ako nag-iisip. Patawarin ninyo ako. Hindi ko kayo mailigtas," wika ni Johan sa kanyang sarili.
Nang sumilip ang araw na iyon sa parte ng mga guho ay lalong napakapit si Helena sa kanyang bibig. Nanlaki naman ang mata mata ni Edward at ng mga sundalo sa paligid. Napakaraming patay sa mga guhong iyon. Hindi iyon mabibilang ng mga daliri sa kamay at paa. Tila dagat iyon ng mga patay na tao na iniwan na lang basta sa mga guho sa paligid.
"Walang kaluluwa ang gumawa nito!" sambit ng isang sundalo. Hindi naman matigil si Helena sa pag-iyak.
Napatigil na lamang siya nang tumayo si Johan mula sa nag-iisang upuan na iyon na nakatayo sa mga guho. Matapang ang mukha niya nang humarap ang binata sa kanila. Puno iyon ng galit at kalungkutan. Tinitigan niya ang kanyang mga kasama sa mata. Tumapang din ang kanilang mga mukha. Napalitan ang awang iyon ng galit at paghihiganti.
Sunod naman niyang tiningnan si Helena, napatingin din ang dalaga sa kanya. Sa pagkakataong iyon ay nahawi na ang makakapal na ulap sa kalangitan. Lumiwanag ang mamula-mulang araw sa likuran ng binata. Nakita na ni Helena ang ganitong scenario noon.
"HELENA!" Iyon ang naaalala niyang sigaw habang nakatayo si Johan mula sa tuktok ng isang sirang gusali sa Antipolo.
Muli siyang namangha sa kanyang nakikita, ngunit alam niyang mas napuno ng galit si Johan dahil sa kanyang nasaksihan. Kitang-kita iyon sa kanyang ekspresyon. Dahan-dahan naman siyang bumaba sa mga guhong iyon upang makipagkaisa sa kanyang mga kasama.
Nang makababa si Johan ay agad niyang tinitigan ang mga sundalo. Punong-puno iyon ng galit at pagkamuhi. Naramdaman ng mga sundalong iyon ang nararamdamang galit ng binata. Maging si Edward ay naging seryoso na rin habang nakatingin kay Johan.
Si Helena naman ay agad na pinahid ang mga luha nang makarating na sa kanyang harapan ang binata. Agad niyang inilagay ang kanyang kanang kamao sa kanyang kaliwang dibdib. Tinapangan din niya ang kanyang mukha. Hindi niya rin nagugustuhan ang mga nangyari sa paligid ngunit kinakabahan siya sa galit na nararamdaman ni Johan. Alam niyang masidhi ang galit na kanyang nararamdaman. Hindi niya marahil magugustuhan ang kanyang mga susunod na hakbang.
Agad ding sumaludo ang mga sundalo sa kanyang harapan. Maging si Edward ay agad ding sumaludo sa kanya.
"Johan."
Inilagay ni Edward ang kanyang kamay sa kaliwang balikat ng binata. Ngumiti siya habang nakapikit pa ang kanyang mga mata. Hindi naman makangiti ang binata sa pagkakataong iyon.
Malungkot na naglakad si Johan pabalik sa isa sa mga heli ship. Dumulas na lamang ang kamay ni Edward sa kanyang balikat. Napayuko na lamang ang mga sundalo sa paligid. Ramdam pa rin nila ang matinding hinagpis ng binata.
Susunod na sana sila sa nilalakaranng binata ngunit napatigil si Johan.
Isang anino ang kanyang nakikita na nakatago sa isang sirang parte ng gusali sa ‘di kalayuan.
"Sino ka?" tanong ng binata.
Agad naalerto ang mga sundalo at itinutok ang kanilang mga baril sa aninong iyon. Mayamaya pa’y lumabas na rin ito. Nanginginig ang katawan nito habang dahan-dahang inilalabas ang kanyang sarili sa piraso ng kongkreto na kanyang tinataguan.
Isang batang lalaki na kung tatantsahin ang edad ay halos labingwalo na ang nanghihinang naglakad at humarap sa kanila. Puno siya ng galos at sugat sa katawan. Putok pa ang kanyang noo at ang kanyang kanang mata ay namamaga naman na mistulang nagkukulay ube pa dahil sa tindi ng tinamo niyang bugbog. Paika-ika siyang naglakad patungo sa kanila.
Animo'y isang zombie na naglalakad ang kanilang nakikita sa kanilang harapan. Halos dumapa na rin siya sa lupa na kanyang nilalakaran dahil sa hirap sa paglalakad. Kitang-kita rin ang takot at trauma dahil sa dilat na dilat at nanginginig niyang mata na nakatingin sa kanila.
"Sir?" tanong ng isang sundalo kay Johan.
Tumigil ang lalaking iyon na naglalakad sa kanilang harapan. Tiningnan niya sa mata si Johan at tila napaluha ng kaunti.
"K-kuya Johan?" wika niya at pagkatapos ay tuluyan na siyang bumagsak sa kanyang nilalakaran.
Nanlaki naman ang mata ni Johan nang bumalik sa kanyang alaala ang lahat tatlong taon na ang nakakaraan. Napaatras siya nang bahagya mula sa kanyang kinatatayuan habang nakatitig sa binatang iyon na nawalan ng malay. Agad namang lumapit ang mga sundalo sa paligid at inakay ang binatang iyon.
"Sir, buhay pa ang isang ito," wika ng isang sundalo habang tinitingnan ang pulso ng sugatang binata.
"Johan? Natatandaan mo ba siya?" tanong ni Helena. Tumango na lamang si Johan nang malumanay.
"Siguradong hindi ito magugustuhan ni Maria. S-siya na lang ang natira sa kanila. Pero bakit siya napunta dito?" pagtataka naman ng binata.
*****
"May bali ang kaliwang kamay niya, internal bleeding naman sa kilay niya kaya bumukol ng ganoon ka-grabe ang mata niya. Ang mga sugat niya naman sa leeg braso at mga paa. May mga marka ng tali. Second-degree burn sa kanyang kanang braso. Tingin ko hindi lang ito basta physical trauma. Pati emotional trauma na rin. Nakatitig lang siya sa kawalan at pagkatapos ay sisigaw. Kaya binigyan namin siya ng pampakalma," paliwanag ng isang doktor na nakadestino sa isang malaking clinic ng Cavalier aircraft carrier.
Nakatingin si Johan, Layla at Helena sa labas ng salamin habang pinapanood ang pag-gamot sa binata na kanilang natagpuang sugatan. Napapikit na lamang si Layla. Ayaw niyang makita ang kalunos-lunos na kalagayan ng biktima ng giyerang iyon. Naglakad siya palayo sa dalawa nang mabilis.
"Siya ang kapatid ni Maria...Johan?" tiningnan ni Helena ang binata.
Lungkot pa rin at pagkabigo ang nakikita niya sa mga mata ng binata. Napayuko si Johan at napatingin kay Helena.
"Hindi ko alam kung paano ko sasabihin ito kay Maria. Siguradong...hindi niya matatanggap. Wala na ang pamilya niya. Wala na siyang uuwian."
Napakunot siya ng noo at pagkatapos ay naglakad palayo. Iniwan niya si Helena na nakatayo sa harap ng salamin ng clinic na iyon. Makikita pa rin sa loob ang pag gamot ng mga mechanical arm sa kanilang iniligtas. Tinatahi ng mga makinang iyon ang mga nakabukang sugat ng binata na nakahimlay sa puting higaan.
Napahawak na lamang si Helena sa salamin. Iniisip niya sa pagkakataong iyon ang kanyang kaibigan na si Maria. Nag-aalala siya ngunit wala siyang magawa. Hindi pa rin ayos ang komunikasyon sa lugar na iyon kaya't hindi niya malalaman ang kalunos-lunos na kalagayan ng kanyang kapatid.
*****
"Ang pagkagunaw. Lahat ng mga namatay sa paligid. Iisa lang ang may gawa. Hindi ko naisip na hahantong tayo sa ganito. Hindi ko maisip kung may buhay pa sa labas ng kakapiranggot na espasyong ito."
Nakaupo lamang si Professor Marco sa bubong ng Philippine Arena habang pinagmamasdan ang malayong lugar mula sa kanilang pwesto. Nakatingin sila ni Maria sa labas ng malaking dome ng shield. Nakaupo rin ang dalaga sa kanyang tabi. Malungkot pa rin at maluha-luha ang kanyang mga mata habang tinutunghayan ang halos pumatag at naabo nang paligid dahil sa mga malalakas na pagsabog na naganap.
Walang makikita sa labas ng shield na iyon kundi kawalan. Ang mga gusali ay halos hindi na malaman kung ano ang porma dahil sa pagkasira ng mga iyon. Ang mga kalsada sa labas ng shield ay hindi na maaninag. Basag-basag na ang mga parte ng semento sa labas.
Tanging tigang na lupa na lamang ang kanilang nakikita sa labas ng shield at sa malapit na gilid naman ay makikita ang mga heli ship ng European Union. Nag-aabang din ang mga sundalo sa labas at nagtayo na ng ilang mga built in metal tent. Balak nilang hintayin na maubos ang enerhiyang ng kanilang shield. Siguradong delubyo ang mangyayari kung mawala ang shield na pumoprotekta sa natitirang mga nakaligtas.
"Hindi ko alam kung hanggang kailan tayo mabubuhay ng ganito. Nakakulong tayo ngayon. Ikinulong natin ang ating sarili para masabing ligtas tayo. Pero hindi natin alam kung ano ang nangyayari sa labas," dagdag pa ng propesor.
Nakangiti na lamang siya habang pinagmamasdan ang labas ng shield. Napayuko na lamang si Maria, hindi niya matanggap ang katotohanang narinig.
"Hindi ko alam kung...nabuhay ang pag-asa natin." Nanlaki ang mga mata ni Maria sa sinabi ng propesor. Napatingin na lamang siya sa kausap.
"Mangyayari ang dapat mangyari propesor. Mauubos ang enerhiya ng shield na ito. At kapag nangyari iyon, wala tayong magagawa kundi ang lumaban," wika ni Maria.
"Kung gayon, dapat ka na palang magsanay," tila nahirapan si Professor Marco sa pagsasalita dahil sa pagtayo.
Gamit ang kanyang tungkod ay itinayo niya ang kanyang sarili. Nang makatayo ay tumingin siya sa labas malapit sa shield. Nakikita niya ang mga sundalong nag-aabang sa paligid mula sa pwersa ng European Union.
Sa loob naman ng shield ay nakaabang din ang mga sundalo mula sa pwersa ng Pilipinas. Parehas galit ang mga mukha ng mga ito habang nagkakatinginan at tila nagkakainitan. Sa isang banda ay nakita niya ang isang prototype na kulay asul at titim. Nakaupo ito sa isang bloke ng kongkreto. Hawak ang kanyang espada habang nakayuko at tila walang malay. Nakalagay sa dibdib nito ang numerong '4'.
Napakunot na lamang ang noo ni Professor Marco habang tinititigan ang prototype na iyon.
Tumayo din si Maria sa tabi ng propesor at tiningnan din ang kanyang tinutunghayan. Tila umusbong ang galit sa damdamin ng dalaga nang makita ang prototype na iyon. Umilaw naman ang mata ng Subject 4. Tumingala ito at tinitigan din ang dalaga. Bahagya pa niyang tinabingi ang kanyang ulo habang nakatingin sa kanila.
Animo'y naghahamon ng isang labanan. Tumalikod na lamang si Maria at paika-ikang naglakad palayo. Binubuhat niya ang kanyang kaliwang augmented limb dahil hindi pa niya macontrol ang kanyang mga bagong parte ng katawan. Kailangan niyang sanayin ang mga iyon na hindi nakakabit sa kanyang memory gene ang mga augmented parts.
*****
"Mr. Klein?" tanong ng isang lalaki mula sa isang hologram screen ng command center ng carrier. Naka-upo na sa kanyang pwesto si Johan habang nakapangalong baba.
Suot niya ang isang itim na balabal at nakapatong naman sa kanyang hita ang isang itim na sumbrero. Ito ang napulot niyang sumbrero na nakapatong sa nag-iisang nakatayong upuan sa taas ng mga guho.
"Mr. Kyon," sagot ng binata.
"Haha. So you made it alive," pagbibiro ng North Korean president.
"It's all thanks to you."
Ngumiti si Johan at tumitig nang matalim sa kanyang kausap.
"You've engaged us in a combat that almost killed my men," wika ng North Korean president.
"How many are they?"
"Around 500 ships. Deployed to destroy everyone. This Linford is really going to kill you with that number. And I'm suspecting a thousand more to come," paliwanag ni Kyon Lin Il. Napangiti naman ang binata at napapikit.
"No. She'll never do that. Trust me. She's afraid just like me right now. She's too cautious to deploy and to waste such good soldiers."
"So what is the king's next move?" tanong ng kanyang kausap.
"We are blinded. Communications were shut down, satellite imaging is now impossible at my men's last frontier. There are two possibilities if we are to reach the shield. One; we will expect our death at meeting. Two; we will win the battle but the worst is yet to come, General Linford might decide to deploy another wave of ships while we are off guard," paliwanag ni Johan.
Napailing na lamang ang North Korean president. Tila nawawalan din siya ng pag-asa sa sitwasyon kung saan sila nakalugmok.
"Your United Nations should be acting now my friend. That is what they do, but I think they're not here anymore," tila nang-aasar naman si Kyon habang nakatingin sa binata. Napangiti naman si Johan at muling naging seryoso.
"The fact that we had an agreement, to be allied countries, that disregards all the help from them. It means that the Philippines is no longer a member of the United Nations. The moment that I stepped in this war, that is the time that I myself should suffer every consequences. This is my decision. I won't regret it," sagot ng binata.
"So what would be your move?"
Napatigil si Johan. Napaisip siya kung ano na nga ba ang kanilang gagawin. Naubusan na siya ng galaw sa sariling laro na kanyang binuo. Napatingin na lamang siy sa ilang staff ng command center na nakikinig sa kanilang pag-uusap.
Maging si Layla ay nabahala rin sa kawalan niya ng sagot. Bahagya siyang napatigil sa pagpipindot sa hologram computer na nasa kanyang harapan.
Mayamaya pa’y napangiti si Johan. Nanlalaki ang kanyang mga mata at nakikita sa ngiting iyon ang kanyang pangil. Tanging mga sigawan ng mga tao ang naririnig niya sa kanyang isipan. Ang kanilang hinaing at paghihirap. Ang kanilang mga iyak at pagdadalamhati.
Saglit na nanginig ang kanyang mga kalamnan nang maisip niya ang mga bagay na iyon. Masalimuot ngunit natutuwa siya sa kanyang mga nakikita.
"Bloodbath. I want them all to die! I want every last one of them to fall where they are standing. I will burn their bodies and anyone who survives will kneel before me! That is what I want!" wika ng binata.
Napatingin naman ang buong staff ng command center sa kanya. Hindi sila makapaniwala sa kanilang narinig.
"So you have decided. You will end this by returning the 'favor'." Napangiti ang North Korean president sa kanyang kausap.
"Peace no longer exist in this world. It is time to return what they have stolen from me. The life of my people, in exchange for their life," wika ng binata.
"I wanted to warn you. But I guess it's nothing personal."
"There's nothing personal in this war, Mr. President. Just pure revenge." Tumango naman ang North Korean president at agad na nawala ang imahe nito sa hologram screen.
"Sigurado ka ba Johan?" tanong ni Helena.
Nasa likuran pala siya ng binata at pinapakinggan lamang ang usapan ng dalawang pinuno. Nanginginig ang mga kalamnan ng dalaga, animo'y natatakot sa halimaw na nasa kanyang harapan.
"Buhay ang kinuha nila kaya buhay rin ang kukunin ko sa kanila," matigas na sambit ng binata. Napahakbang naman patalikod si Helena at napailing.
"H-hindi. Hindi ikaw ‘yan, Johan. Hindi ka ganyan mag-isip. A-alam ko may iba pang paraan. Johan…" mautal-utal na sambit ng dalaga.
Ngumiti naman ang binata, pumikit at umiling at muling tumingin sa kanya.
Tumakbo naman palabas ng command center si Helena. Pumawi naman sa mukha ng binata ang kanyang ngiti at muling napalitan ng kalungkutan at matinding galit.
"Uhmm….Johan. Mukhang kailangan mo itong makita," sabat naman ni Layla.
Humarap si Johan sa kanya at sa hologram screen na kanyang tinitingnan. Makikita dito ang ilang mga statistics at ang program pattern ng MCM program at ang napasok na 17 firewalls na ginamit ni Layla.
*****
"So, the reality became a lie," wika ni General Linford.
May kainitan ang ulo niya habang nakatingin sa isang hologram screen sa kanyang harapan. Pinapanood niya ang isang lalaki na nagpipipindot sa hologram keyboard. Nakatayo ang heneral habang naka-antabay naman sa magkabilang gilid ang dalawang sundalo.
"We have nothing in here general. It's...empty. All we have is this program pattern. To think that within a year, Johan didn't manage to control us," wika ng lalaking iyon.
"Now it's getting clearer."
Napangiti ang heneral at tila napalitan ng tuwa ang kanyang pagkainis.
"For almost a year, we had been trying to break those firewalls and here is what we will find. But it's non sense anyway. The new memory gene program pattern is here. He maybe smart to hide this or he is just too dumb to let us know," tugon ng heneral.
"But he did bought some time for us to think that if we attack, he will use the program. That way, he will have plenty of time to save everyone," paliwanag naman ng lalaking iyon. Napatingin naman ang babaeng heneral sa kanya at tila muling nainis. Nanahimik na lamang ito at humarap sa kanyang hologram screen.
"We have played by his own tricks. Now what would be their reaction if everyone knew that MCM program does not exist anymore?" tanong ng heneral.
"Uh...that would lead them to - a total world war."
"Exactly."
Napangiti si General Linford at tila lumilikot ang kanyang isipan. Isang mahusay na hakbangin upang mapalawig ang giyera sa buong mundo. Kinabahan naman ang kanyang kausap habang nakaharap pa rin sa hologram computer kung saan siya nakadestino. Napalunok na lamang siya ng kaunting laway at pinagpawisan pa ng malamig.
*****
Tagaktak ang pawis ni Maria habang nagsasanay sa paggamit ng kanyang augmented parts. Nakasando lamang siya na itim at itim na tights habang nagsasanay. Nakatali ang kanyang itim at kulot na buhok sa kanyang likuran.
Sa pagkakataong iyon ay simpleng pag-angat lamang ng mga bagay ang kanyang ginagawa. Mula sa magagaan na bagay tulad ng isang baril, hanggang sa pagbubuhat ng mga mabibigat tulad ng isang sako ng buhangin. Sinusubukan niya ring ilakad ng normal ang kanyang augmented limb. Nanginginig pa ang parteng iyon kapag siya ay naglalakad kaya't sinubukan niyang tumayo nang diretso at maglakad nang mabilis.
Nakipagsabayan pa siya sa ilang mga sundalo na nagsasanay din at nagjo-jogging. Pinapanood lamang siya ng propesor mula sa isang pahabang bleacher sa loob ng stadium. Ang ilang mga tao naman ay pinapanood siya sa kanyang pagsasanay at tila namamangha sa mga bakal na parte ng kanyang katawan.
Mayamaya pa’y nadapa si Maria sa pakikipagsabayan sa mga sundalo. Napatayo na lamang ang propesor sa kanyang kinauupuan nang makita ang kanyang pagsubsob sa damuhan. Ang mga sundalo naman ay napatigil at napatingin kay Maria at pagkatapos ay tiningnan din ang propesor. Seryoso namang umiling si Professor Marco.
Gusto niyang hayaan lang nila si Maria habang inaangat niya ang kanyang sarili sa pagkakalugmok. Gusto niyang lalo siyang maging matapang kaya't hinayaan lamang ng mga sundalong iyon si Maria at nagpatuloy sa pagjo-jogging.
Nanginginig ang mga kamay ni Maria habang nakatukod sa madamong lupa maya-maya pa ay nakatayo na siya at muling tumakbo. Matinding galit at determinasyon ang nararamdaman niya. Sa ngayon ay iyon ang puhunan niya upang magsanay nang husto sa paggamit ng kanyang mga augmented parts.
"Ilagay mo ang sinulid na iyan sa butas ng karayom," wika ni Professor Marco.
Sa pagkakataong iyon ay nasa harapan sila ng isang mesa. Nanonood lamang ang mga sundalo sa di kalayuan habang nagsasanay si Maria..
"Anong klaseng pagsasanay ito, Propesor?" tanong naman ng dalaga.
"Hindi mo magagamit ng maayos ang mga kamay na iyan kung wala kang hand-eye coordination. Ang mga kamay na iyan ay nakakonekta sa iyong mga ugat, patungo sa iyong utak. Kung hindi mo sasanayin ang kamay mo sa paggamit ng mga maliliit na bagay, paano mo magagamit ang mga malalaki? Ang pag-control sa sarili mong mga kamay. ‘Yan ang magiging sikreto mo," paliwanag ng propesor.
Kahit na nagtataka ay kinuha ni Maria ang sinulid at karayom sa kanyang harapan. Nanginginig pa rin ang kanyang mga kamay habang sinusubukang isuot ang sinulid sa maliit na butas ng karayom. Hindi ito pumapasok, lumalagpas lamang ito at kung minsan ay nabibitiwan niya pa ang karayom o sinulid. Binagsak naman ng dalaga ang kanyang mga hawak sa mesa at napabuntong hininga.
"Ulitin mo," wika ng propesor.
Ganoon nga ang ginawa ng dalaga ngunit muli siyang nabigo. Tiningan niya ang propesor, tumango naman siya at lumayo sa kanya. Inulit-ulit niya iyong gawin ngunit ganoon pa rin ang nagiging resulta. Nanginginig pa rin ang kanyang mga kamay habang sinusubukang isuot ang sinulid na iyon sa maliit na butas ng karayom.
"Ang pag-control sa bawat parte ng augmented arm ay parang pag-aaral ng pagmamaneho ng isang hover car o hover bike. Hindi na iyon mawawala sa iyo, nakadepende nga lang ang lahat sa kung gaano mo ito katagal matututunang gamitin," paliwanag ni Professor Marco.
Sa pagkakataong iyon ay naglalakad ang dalawa sa malaking plaza sa harap ng Philippine Arena. Paika-ika pa rin si Maria sa kanyang paglalakad ngunit kapansin-pansin na mas malaki ang pagbabago ng kanyang paglalakad simula nang siya ay magsanay. Pumitas naman ng isang dahon si Professor Marco mula sa isang halaman ng gumamela.
"Tingin mo masasalo mo ang dahon na ito bago pa man malaglag sa lupa?" tanong ng propesor.
Itinaas ng propesor ang kanyang kamay. Hawak niya ang dahon mula sa kamay na iyon at inabang naman ni Maria ang kanyang kanang kamay sa ilalim. Binitiwan ng propesor ang dahon, sinubukan itong kunin ni Maria ngunit nalaglag lamang sa lupa ang dahon na iyon.
Muling nadismaya si Maria sa nangyari. Napangiti naman ang propesor at muling pinulot ang dahon na iyon. Kinuha niya ang kamay ng dalaga at inilagay ang dahon na iyon sa kanyang palad.
"Ilaglag mo ang dahon," wika ng propesor.
Itinaas naman ni Maria ang kanyang kamay at hinulog din ang dahon na iyon. Hindi iyon nasalo ng propesor. Napangiti na lamang siya at napailing.
"Huwag kang mag-alala. Marami ang hindi nakakasalo ng dahon na iyan sa tuwing mahuhulog. Pero mas maganda kung kaya mong saluhin ang dahon na iyan. Ang ibig sabihin lang noon ay mas higit pa sa kanila ang hand-eye coordination mo," paliwanag niya.
Muling naging seryoso ang mukha ni Maria habang tinitingnan ang dahon na iyon na nakalapat na lamang sa lupa.
"TSU TSU TSU!" usal ni Maria habang sinusuntok ang isang punching bag na gawa sa sako ng semento. Namamawis muli ang kanyang mukha at likod habang siya ay nagsasanay.
Pinapanood lamang siya ng propesor mula sa malayo, napapangiti siya sa ginagawa ng dalaga. Kitang-kita sa kanyang kilos ang matinding determinasyon upang magsanay. Magagaan pa ang mga suntok niya sa una at sa kalaunan ay bumibigat na rin ito.
Mayamaya pa’y tumigil sa pagsuntok ang kanyang kanang kamay. Nanlaki na lamang ang mata ni Maria. Hindi niya naigalaw ang kanyang kanang braso. Bumalik ang sandbag na iyon at tinamaan siya sa mukha. Napahiga na lamang siya sa lupa habang hinihimas ang kanyang pisngi at ang kanyang kanang braso.
B-bakit hindi ko na-control, pagtataka niya. Napatingin na lamang ang mga sundalo sa paligid at napangiti nang bahagya. Tiningnan niya ang propesor at nginitian lamang siya.
"Sabi ko sa ’yo eh. Hind mo mako-control ang malalaking bagay hanggat hindi ka nagsisimula sa maliliit."
Lumapit ang propesor sa kanya habang siya ay nakaupo sa madamong lupa. May kung ano siyang kinuha sa kanyang bulsa at inilagay sa bakal na palad ni Maria: isang karayom at isang sinulid. Ngumiti ang propesor at muling naglakad palayo. Muli namang tinitigan ni Maria ang sinulid at karayom na iyon. Bahagya siyang nainis ngunit alam niyang may punto ang propesor sa kanyang sinasabi.
*****