Chapter 7: The Last Frontier (Ang Huling Hangganan)

4357 Words
Chapter 7: The Last Frontier (Ang Huling Hangganan)   “The most common way people give up their power is by thinking they don't have any.” -Alice Walker   Nakatitig lamang si Johan sa kalmadong tubig ng karagatan. Tumigil nang bahagya ang bagyo sa dinaraanan ng halos pitong battle ship na kanilang kasama. Sumilip nang kaunti ang araw sa silangan at natatakpan pa rin ito ng mabibigat na ulap ngunit makikita ang sinag nito na humahawi sa kaulapan. Tila napakaganda nitong pagmasdan habang sumisilip sa malawak na karagatan. Napatingin si Johan sa liwanag na iyon. Malungkot pa rin ang kanyang mukha habang nakasandal ang kanyang mga braso sa bakal na braces ng aircraft carrier na iyon. Makikita na ang ilang tama ng malaking barkong iyon sa bawat gilid dahil sa labanan na kanilang pinagdaanan. Wasak na ang ilang bahagi ng bakal na braces nito. Tiningnan na lamang ni Johan mula sa malayo ang ilang sirang aircraft carrier mula sa kanyang kinatatayuan. Nakita naman niya ang isang papaalpas na battle ship mula sa sarili niyang pwersa. Napatingin ang ilang mga sundalong nag-aayos ng mga sira at naglilinis sa kanilang battleship. Agad sumaludo ang mga ito sa kanya. Humarap sila sa binata at nilagay ang kanilang kanang kamao sa kanilang dibdib. Tumayo naman nang tuwid si Johan at sumaludo rin sa kanila. Kitang-kita ang pagod at puyat sa mga sundalong iyon. Tila awa naman ang naramdaman ng binata nang tingnan sila. Napayuko na lamang siya nang bahagya at pagkatapos ay iniiwas ang tingin sa kanila. Bumalik naman sa trabaho ang mga sundalong iyon. "Johan?" Isang malambing ngunit malungkot na tinig ang kanyang narinig sa kanyang likuran. Lumingon ang binata at nakita si Helena. May dala siyang itim na jacket na ipinatong naman sa kanyang balikat. "Malamig dito. Wala ka pang pahinga," wika naman ng dalaga. Ngumiti nang bahagya ang binata at tumingin muli sa malayo. Nakikita na niya ang ilang isla ng Pilipinas. Sinusundan lamang nila ang border ng bansa upang makapunta sa kanlurang bahagi. Tumabi naman ang dalaga sa kanya. Sinandal na rin niya ang kanyang mga braso sa bakal na railings. Tinitigan niya lamang ang binata habang nakangiti. Napapansin niyang pumapawi ang mga ngiti ni Johan. Unti-unti itong nagiging mapait hanggang sa mapatingin siyang muli sa sinag ng araw sa kanyang kaliwa. "May problema ba?" tanong ni Johan nang mapansing nakatingin ang dalaga sa kanya. Naging malungkot din ang mukha nito at pagkatapos ay napatingin din sa maliwanag na sinag ng araw na natatakpan ng makakapal na ulap. "May uuwian pa kaya tayo pagkatapos ng lahat ng ito?" tanong ng dalaga. Muli siyang napatingin sa binata. Piniga nya ang kanyang kaliwang kamay habang nakapatong sa bakal na braces na kanyang sinasandalan. Nalukot din nang bahagya ang mukha ng binata at pagkatapos ay napapikit. Naramdaman naman niya ang paghawak ng mainit na kamay ni Helena sa kanyang kamao. Pinaglaruan niya ang daliri ng nakasarang kamao na iyon, animo'y siya’y pinapakalma. Unti-unti namang bumukas ang kamay ni Johan. Dumilat siya at tumingin muli sa malayo. Sa pagkakataong iyon ay nakakunot na ang kanyang noo. "May uuwian tayo. Alam ko, maibabalik natin sa dati ang lahat. Mas maaliwalas na mundo para sa lahat Iyon ang nakikita ko," wika niya. Tuluyan nang hinawakan ni Helena ang kanyang kaliwang kamay. Sumilip naman nang tuluyan ang sinag ng araw sa umagang iyon. Isang puting seagull naman ang dumapo sa bakal na braces sa kanan ni Johan. Napatingin siya dito at napangiti. Sumasabay naman ang ilan pang mga seagull sa kanilang aircraft carrier at maging sa iba pang battle ship. Nanghuhuli ang mga ito ng isda na kanilang makakain. Nagda-dive sila patungo sa dagat at muling lilipad paangat. Napangiti naman si Johan sa kanyang nasaksihan. Napakaganda ng umagang iyon ngunit hindi pa rin niya maitatago ang mapait na katotohanan. Sa kanilang likod naman sa itaas na parte ng deck ay nakaupo si Edward sa isang silya. Ginawa niyang shades ang kanyang salamin habang kumakain ng tinapay at umiinom ng kape. Napapatingin naman sa kanya ang ilang mga sundalong natatawa sa ginagawa niya. Naglilinis din at nagkukumpuni ang mga ito. Napapatingin sila kay Edward at pagkatapos ay mapapailing na lang. Hindi naman ito pinapansin ni Edward. Ninais niyang maging komportable sa pagkakataong iyon, kahit na alam niyang muling nagbabadya ang gulo. Ninamnam niya ang pagkakataon dahil alam niyang darating ang panahong hindi na niya malalasap ang ganoong katahimikan at kagandahan ng paligid. *****   "Where are you going?" tanong ng isang babae sa isang lalaking kakabihis lamang ng asul at itim na jacket. Kasalukuyan siyang nakaupo sa harap ng hologram screen at pinapanood ang mga mga balita at pangyayari sa Pilipinas. "I'm okay Cher, nothing to be afraid of," sagot ng lalaking iyon. Nagsuot siya ng shades at akmang lalabas na ng kwarto. "I warned you." Tumingin nang masama ang babaeng iyon sa lalaking palabas. Bumukas na ang salamin na pintuan ngunit sumara itong muli nang bumalik sa kanya ang lalaking naka jacket. Yumakap siya sa likod ng babaeng iyon at kiniliti nang bahagya ang kanyang tagiliran. Napangiti naman ang babae at hinampas siya. Kumalas naman sa pagkakayakap ang lalaking iyon at muling naglakad palayo. "I'll be back at dinner. Don't worry about me." Ngumiti na lamang ang lalaking iyon habang naglalakad palayo. Muli namang bumukas ang salamin na pintuan nang siya ay malapit na. "Be careful, if they see you, they will know that you exist," may pag-aalalang sambit ng babaeng iyon. "Don't worry about me. I know how to handle myself," wika ng lalaki. Tuluyan na siyang lumabas ng kwartong iyon. Tinitigan naman ng babae ang silver na memory gene nito. Kitang-kita pa rin ang pag-aalala niya sa lalaking lumabas. Tila ilang imahe naman ng nakaraan ang kanyang naalala. Naaalala niya ang paglilipat ng isang subject experiment sa katawan ng isang prototype. Nabuhay bigla ang isang kulay asul at itim na prototype, tinawag itong Subject 4. Hindi niya makakalimutan ang pagliligtas ng prototype na iyon sa kanya, ang kanyang bilis at lakas ay hindi mapantayan ng mga sundalong lumusob sa lab ng MEMO. Iminulat niya ang kanyang mata at muling tumingin sa salamin na pintuan. "Be careful...Mark," wika niya at pagkatapos ay muling itinuon ang pansin sa hologram computer. *****   Maraming tao ang nakapila sa loob ng shield ng Philippine Arena. Nakapila ang mga ito upang kumuha ng pagkain. Pansamatalang naging tagaluto ang ilang mga sundalong babae upang pakainin ang libo-libong mga taong naroroon. Mababakas sa mukha ng mga taong iyon ang pinaghalong pagod, takot, at kawalan ng pag-asa. Pinapanood na lamang ito ni Professor Marco na kasalukuyang nakatayo sa gilid ng isang poste sa loob ng stadium. Tumingala ang matanda at inaaninag ang asul na shield na naka-activate pa rin. "P-propesor," wika ng isang sundalo. Inaabutan siya nito ng isang plato ng kanin at isang pritong isda. "A-ah, sige salamat. Pero hindi pa ako nagugutom," sagot ng matanda.       "Malapit na pong maubos ang stocks ng pagkain para sa umagang ito. Baka po maubusan kayo." Napangiti naman ang propesor at pumaling sa kanyang kanan. Isang batang lalaki ang nakapila at nakikipagsiksikan din sa mga kalalakihan na nasa kanyang harapan. Tinawag niya ang bata. Nag-alangan naman ang bata sa paglapit sa kanya ngunit ilang segundo lang ay dali-dali rin itong lumapit kay Professor Marco. Inabot niya ang platong iyon na may lamang pagkain. "S-salamat po," wika ng batang iyon at pagkatapos ay humangos na ng pagtakbo palayo. "Kumusta ang sitwasyon sa labas?" tanong ng propesor. "Naroon pa rin po ang pwersa nila. Nagtatayo na sila ng maliliit na tent para may masilungan. Inaabangan siguro nila ang paghupa ng shield para atakihin tayo," sagot ng sundalong iyon. Napapikit naman ang propesor at inilagay ang kanyang tungkod sa kanyang harapan. Sumandal siya sa poste na parang napapagod na sa kanyang pagtayo. "Ilang araw lang ang itatagal ng shield na ito. Sa dami rin ng taong nandito. Siguradong mauubusan tayo ng pagkain at tubig. Kontrolado natin ang sitwasyon habang nandito pa tayo. Pero imposibleng manalo tayo kung lalabanan natin ang mga sundalo sa labas," paliwanag niya. "Wala pa rin bang balita kung ano na ang nangyari kina Johan at sa Cavalier?" tanong agad nito. "Putol pa rin po ang komunikasyon. Nakaapekto siguro ang pagpapasabog na nangyari," sagot ng sundalong iyon. Isang matandang babae naman ang nagsisisigaw sa ‘di kalayuan. Nagwawala siya at umiiyak. Pinipigilan siya ng ilang mga kamag-anak na patuloy lamang sa pag-iyak. "Ang anak ko! Ang anak ko! Ibalik nyo sa 'kin ang anak ko! Aaahh..." Tila wala na sa sarili ang babaeng iyon na naglulupasay na lamang sa semento. Agad namang naglapitan sa kanya ang mga sundalo upang siya ay akayin. Iniwas na lamang ni Professor Marco ang tingin sa babaeng iyon. Muli siyang tumingala at tiningnan ang asul na tila likidong shield sa himpapawid. Tuluyan nang nabahiran ng kalungkutan ang kanyang ekspresyon. "Propesor, gising na po si Maria." Lumapit sa kanya ang isang sundalo upang sabihin ang mahalagang balita. Agad namang pinwesto ng propesor ang kanyang tungkod sa kanyang kanan upang makapaglakad. Patuloy pa rin sa pag-iyak at pagwawala ang nakakaawang babae sa gilid ng stadium. "Maria?" wika ni Professor Marco.   Nakahiga lamang ang dalaga sa isang stretcher na pinagpapatungan lamang ng kutsyon at may bakal na stand sa ilalim. Isa iyong clinic kung saan ginagamot din ang iba pang mga sugatan at may sakit. Hinawi na lamang ng propesor ang puting tabing na tumatakip sa pwesto ni Maria. "P-propesor, ano pong nangyari?" tanong ng dalaga. "Hinimatay ka." "A-ang shield po, gumana ba?" Ngumiti ang propesor at tumingin sa bintana sa likod ni Maria. Umupo naman ang dalaga at tiningnan iyon. Makikita ang kulay asul na harang sa malayong banda. Napangiti si Maria ngunit unti-unti rin iyong pumawi nang makita ang mga sundalo ng European Union sa labas ng shield. Nakapalibot ang mga ito na animo'y nagbabantay at naghihintay lamang. Muling humarap si Maria sa propesor at napayuko. Tiningnan niya ang kanyang bakal na mga kamay na parang walang buhay na nakalapat lamang sa kanyang hinihigaan. Makikita ang ilang gasgas at sunog sa parte ng mga bakal na iyon. Naalala niya ang pangyayari kagabi nang i-activate niya ang shield gamit ang kanyang mga braso. Pasaglit-saglit iyon sa kanyang isipan. Kasabay noon ay sinubukan niyang iangat ang kanyang augmented arms, tila hindi niya maiangat nang maayos ang mga brasong iyon. Hindi niya ito kontrolado. Nanginginig ang kanyang mga kamay habang ito’y inaangat. Nanlalaki naman ang mga mata ng dalaga. Nakakaramdam siya ng matinding takot habang tinititigan ang mga kamay na iyon. "Pasensiya na, wala na ang kable na kumokonekta sa memory gene at sa augmented parts mo, Maria. Kailangan mong matutunan ang gumalaw nang normal gamit ang mga bakal na parteng yan," paliwanag ng propesor. Isang scenario naman ang sumaglit sa isipan ni Maria. Naalala niya si Albert habang papalapit sa kanyang likuran. Hinugot niya ang dalawang kable na nakakabit sa kanyang memory gene. Lumingon siya at nakita niya ang pamimilipit ni Albert dahil dumaloy sa kanya ang kuryenteng pinakawalan niya. "P-propesor, si Albert po. Kumusta siya?" tanong ng dalaga. Napaiwas ng tingin si Professor Marco. Tumingin lamang siya sa sundalo na nasa kanyang tabi. Napayuko naman ang sundalong iyon at agad naglakad palayo. "Propesor...sagutin nyo ang tanong ko. Nasaan si Albert?" tanong muli ng dalaga. Hindi pa rin sumagot si Professor Marco. Napatingin na lamang sa dalawa ang ilang mga nurse at doktor na nag-aasikaso pa sa ibang mga pasyente. Tila lungkot lamang din ang lumabas sa kanilang mga mukha at pagkatapos ay itinuon ang pansin sa iba pa.   "Propesor, sumagot kayo!" bulyaw ni Maria. Naiinis na siya sa pagkakataong iyon. Inis na may halong takot sa kung ano man ang puwede niyang marinig. "W-wala na siya," ang tanging nasambit ni Professor Marco. Bumagsak naman ang balikat ni Maria nang marinig iyon. Nanlalaki ang kanyang mga mata na animo'y nakatingin na lamang sa kawalan. Gumuhit ang mapait na lasa sa kanyang lalamunan at dumaloy naman sa kanyang mga mata ang mainit na luha. H-hindi totoo yan..., kumbinsi ng dalaga sa kanyang sarili. Napapikit na lamang ang propesor at pinahid ang kakaunting luha sa kanyang mga mata. Inangat naman ni Maria ang kanyang dalawang kamay na bakal at kinapitan ang kwelyo ni Professor Marco. "Hindi totoo yan! Nasaan siya?! Ipakita niyo siya sa akin?! Nasaan si Albert?!" sigaw ng dalaga. Lumapit naman ang ilang mga nurse sa kanya upang siya'y awatin. "Wala na siya, Maria. Wala na si Albert," sagot muli ng propesor. "Hindi totoo yan!" sigaw niya lalo. Sa pagkakataong iyon ay inaawat na siya ng mga doktor at pinapahiga siya sa kanyang kama. Kumuha naman ang isang doktor ng isang herenggilya na may lamang likido at sinubukang iturok sa natitirang laman ng kanyang kaliwang braso. "Huminahon ka, Maria," sagot ng propesor. Sinubukan niyang hawakan ang kanyang kanang augmented arm ngunit hindi pa rin tumigil ang dalaga sa pagwawala. "Hindi totoo yan! Na’san si Albert?! Papuntahin mo siya dito! Propesor!" sigaw niya. Unti-unti ay kumakalma na siya at tila nanghihina ngunit tuloy pa rin siya sa paghagulgol. Napatigil na lamang si Professor Marco sa kanyang kinatatayuan. Tinignan niya lamang ang malungkot na mga mata ni Maria habang umiiyak. Pailing-iling na lamang ang dalaga habang nakatitig din sa kanya. "Albert...Albert bakit mo ba ginawa ‘yon? Albert..." paulit-ulit niyang sambit. "Ginawa niya 'yon upang iligtas ka," malumanay na sagot ng propesor. Muli niyang inangat ang kanyang nanginginig na kamay upang pahirin ang kanyang kaunting luha. "Kung hindi niya ginawa 'yon, ikaw siguro ang napahamak. Dadaloy ang kuryente sa memory gene mo. Masusunog ang memory gene at maaapektuhan ang utak mo. Iyon lang ang tanging paraan para mailigtas ka, at siya ang gumawa n’on," paliwanag ni Professor Marco. Patuloy pa rin sa pag-iling si Maria. Sinubukan niyang hawakan ang kamay ni Professor Marco. Tanging kalungkutan lamang ang kanilang nadarama sa pagkakataong iyon.   Paika-ikang naglakad si Maria palabas ng clinic. Sinusundan niya lamang si Professor Marco at ang ilang mga sundalo. Nang makalabas ay nakita niya ang ilan pang mga sundalo mula sa malayo. Nagkukumpulan ang mga ito sa likod na parte ng malaking arena kung saan nakapwesto ang tila hardin ng malaking compund na iyon. Kapansin-pansin ang bitbit na stretcher ng ilang mga sundalo na may body bag sa ibabaw. Muling napaluha si Maria sa kanyang nakita. Napahinto siya nang sandali. Sa pagkakataong iyon ay hindi niya pa rin makontrol ang kanyang mga paa. Inalalayan naman siya ng isa pang sundalong babae. Inakay siya nito upang makapaglakad nang maayos. Unti-unti ay bumibigat ang pakiramdam niya habang siya ay papalapit sa mga sundalo na iyon na may bitbit na stretcher. Pinahinto ni Professor Marco si Maria at ang sundalong umaakay sa kanya nang malapit na sila sa mga sundalo. Naglakad ang propesor sa isa sa kanila at bumulong. Malungkot pa rin ang mukha ng propesor sa pagkakataong iyon. Inayos niya na lamang ang kanyang kulay tsokolateng sumbrero at yumuko pagkatapos. Napayuko rin ang mga sundalong iyon nang makita si Maria. Ibinaba nila ang stretcher sa damuhan at lumayo nang ilang metro dito. "A-Albert..." wika ni Maria habang umiiyak. Pinadyak niya ang kanyang kaliwang augmented limb. Pinilit niya iyong kontrolin at ilakad nang normal. Binilisan niya ang paglalakad hanggang sa makarating siya sa body bag na iyon. Nalulunod pa rin ang kanyang mukha sa luha habang sinusubukang lumuhod sa harapan ng body bag. Lumuhod siya at inangat niya ang kanyang nanginginig na mga kamay ngunit hindi niya alam kung ano ang gagawin. Napapikit na lamang ang mga sundalo sa paligid at umiwas ng tingin kay Maria. Hinawakan naman ng propesor ang kanyang sumbrero. Yumuko siya at pumikit. Sa pagkakataong iyon ay napapaluha na rin siya nang kaunti. Kahit nanginginig ang mga kamay ay hinawakan ni Maria ang zipper ng itim na body bag na iyon. Ibinaba niya ito nang paunti-unti, hindi nga nagsisinungaling si Professor Marco. Ang mukha ni Albert ang bumungad sa dalaga. May mga latay ito ng tila kidlat sa kanyang leeg at mukha maging sa kanyang dibdib. Nanlaki na lamang ang mga mata ni Maria habang umiiyak. Pumikit siya at dahan-dahang lumayo sa body bag na iyon gamit ang kanyang mga paa. Niyakap niya na lamang ang kanyang mga tuhod habang patuloy sa pag-iyak. Lumapit si Professor Marco sa kanya at sinusubukan siyang kalmahin. Ang mga sundalo naman sa paligid ay lumapit sa body bag at muling itinaas ang zipper na binuksan ni Maria. Inangat na nila ito nang dahan-dahan at lumayo sa dalaga. Hinahaplos naman ni Professor Marco ang kanyang ulo na parang isang musmos na bata. Hindi pa rin makakilos si Maria sa kanyang pagkakasalampak sa damuhan kaya't nakiupo na lamang din ang propesor kasama niya. ****   Isang seagull ang lumipad nang mataas sa kalangitan sa baybayin ng San Fernando. Patuloy pa rin ang paglalayag ng air craft carrier kung saan namamalagi ang iilan sa mga natitirang pwersa ni Johan. Nakita niya ang kalunus-lunos na nangyari sa bayan na iyon. Nalagas ang mga puno at nasira ang mga bundok. Makikita pa ang ilang mga naabong bahay. Hindi niya alam kung nanggaling na roon ang pwersa ng European Union o sinadya lamang ng mga tagaroon na sunugin ang kanilang sariling mga bahay para sabihing wala nang natira pang buhay sa kanila. Agad tiningnan ni Johan ang lumilipad na ibon sa himpapawid at pagkatapos ay pumasok na ng aircraft carrier. Agad siyang nagtungo sa command center kasama si Helena. Hindi rin maialis sa isip niya ang labis na pag-aalala sa kanilang nakita. Agad namang sumaludo sa kanya ang mga sundalo na nakakasalubong. Maging ang mga staff ng command center ay tumayo rin at inilagay ang kanilang mga kamao sa kanilang kaliwang dibdib. "Ilapit niyo sa pangpang, mamamalagi muna tayo dito. May gusto akong makita," utos niya. "Roger," wika ng isang lalaki. Dahan-dahang tumigil ang mga battleship sa paligid maging ang aircraft carrier. Tiningnan naman ni Johan si Layla at ang ginagawa niya sa hologram computer. Sinusubukan niyang i-scan ang buong lugar gamit ang natitirang teknolohiya na puwedeng naroroon pa sa lugar na iyon. "Wala akong ma-detect. Walang hologram tablets, sticks kahit na camera. Wala akong ma-hack. Mukhang wala nang natira dito," wika ng dalaga. "Ihanda ang heli ship. Titingnan natin ang lawak ng pinsala sa lugar na iyon." "Masusunod po, Commander," sagot ng isang sundalo. Agad siyang lumabas ng command center upang paghandain ang iba pa niyang mga kasama. "Kapitan, ikaw muna ang bahala dito." Tinapik ni Johan ang balikat ng kapitan ng carrier na iyon. Napangiti naman ang kapitan at agad na umupo sa pwesto ni Johan kapag siya ay nagcocommand. Agad namag lumabas ang iba pang mga sundalo at sumunod kay Johan.   "Titingnan natin kung may survivors sa area," wika ni Johan. Nakatingin lamang si Helena sa kanya sa pagkakataong iyon. "Gagawin mo silang mga sundalo mo?" tanong ni Edward na kanilang nakasalubong. Tila nang-aasar habang nakatingin kay Johan. Nakasandal lamang siya sa pader ng malawak na hallway, saka lamang siya sumunod sa kanila nang makalagpas na. Nakasuot pa rin siya ng pang summer na shorts at manipis na polo. "Mukhang desperado ka na kamahalan," dagdag pa niya habang nakangiti. Bigla naman siyang napatigil at nanlaki ang mga mata nang titigan siya ni Johan ng masama. "A-ah...pasensiya na ehe...ehe." Pinagpawisan nang malamig si Edward sa pagkakataong iyon dahil sa talim ng titig ni Johan. Muli na lamang ibinaling ng binata ang kanyang atensyon sa paglalakad. "Hindi ako kukuha ng mga inosenteng tao para maging sundalo. Para ko na rin silang ginawang bihag sa sarili kong bansa kung ganoon," paliwanag ni Johan. Hindi na nagsalita si Edward sa pagkakataong iyon. Napapayuko na lamang siya dahil sa hiya. Tinitigan naman siya ni Helena. Nginitian siya nito na parang nang-aasar. Unang binuksan ng sundalong sinusundan ni Johan ang bakal na pinto, bumungad naman sa kanila ang nakakasilaw na liwanag sa labas. Maingay rin ang ilang mga heli ships na umuugong sa itaas. Umakyat ng hagdanang iyon sina Helena, Johan at Edward. Makikita ang ilang aviation marshalls na abala sa pagsisignal sa bawat piloto ng heli ship. Gamit ang gulong sa ilalim ng mga naglalakihang sasakyan na iyon ay pinapaandar nila ito upang pumunta sa ibang puwesto. "Sir, good to go na po ang mga heli ship," wika ng isang sundalo. Agad namang tumango si Johan nang bahagya. Seryoso ang kanyang mukha habang tinatahak ang daan papunta sa isang heli ship. Sinusundan lamang niya ang mga asul na ilaw na tumuturo kung saan sila dadaan. Agad namang sumalubong ang isa pang sundalo sa kanila nang nasa harapan na sila ng heli ship na kanilang sasakyan. Inabot niya ang isang itim na mahaba at makapal na balabal kay Johan. May maliit itong watawat ng Pilipinas na nakaburda sa kanang dibdib. "Ipinapabigay po ng kapitan, commander. Huwag niyo daw pong kalimutang bumalik," ngumiti ang sundalong iyon na tila nagbibiro. Napangiti rin si Johan at kinuha ang balabal na iyon. Bahagya namang napayuko ang sundalo sa kanyang harapan. "Babalik ako, hindi pa tapos ang laban," tugon ng binate. Humakbang siya sa heli ship at sumunod naman si Helena at Edward na binigyan din ng mga itim na balabal. Agad namang nag-angatan ang ilan pang mga heli ship na kasabay nila Johan. Ang destinasyon nila ay ang siyudad ng San Fernando. Sa himpapawid pa lang ay kitang-kita na mula sa malayo ang pagkasira ng buong lugar. Kakaunting nagtataasang mga gusali ang nakita nilang umuusok at tila sira na ang mga ito. Ang ilan sa mga ito ay gumuho pa. Ang iba naman ay halos matabunan na ng land slide dahil sa mga bundok na katabi nito. Tila isang malaking ghost town ang lugar na iyon habang sila'y papalapit. Dahan-dahang bumaba ang mga heli ship kung saan sila nakasakay nang makakita ang piloto ng isang patag na lupa. Parte ito ng isang bahay na nawasak. Makikita ang bakas ng sunog sa buong lugar nang makababa na sina Johan, Helena at Edward. Halos tatlong heli ship lamang ang lumapag sa lugar na iyon. Iyon lamang ang kasya sa patag na espasyo na kanilang nakita. Naunang bumaba si Edward at sumunod naman si Helena. Huling bumaba si Johan at agad naman siyang nilapitan ng ilang mga sundalo. Suot na nito ang itim na balabal na ibinigay sa kanya. Suot na rin ni Edward ang balabal na iyon maging si Helena "Edward?" wika ni Johan. Animo'y sumesenyas kung may nasasagap ba siya sa paligid. Ngumiti naman si Edward at tumingin sa malayo. Mayamaya pa ay napailing siya at tumingin sa kanya. Napabuntonghininga naman ang binata at naglakad nang kaunti. Nakita niya ang isang piano na gawa sa kahoy sa 'di kalayuan. Nakatayo pa ito sa gitna ng mga guho at ang mga sundalo naman na nakaalalay ay tumitingin-tingin lamang sa paligid. Ginagalugad din ng kanilang mga mata ang nasirang lugar at tinitingnan kung may natitira pang buhay sa lugar na iyon. Namangha si Johan nang makita ng malapitan ang tila antigong grand piano. Ngayon lamang siya nakakita nito. Ang mga instrumento kasi kadalasan ay binubuo na lamang ng mga makabagong teknolohiya at tanging kuryente lamang ang nagpapagana. Bakas naman sa grand piano na iyon ang matinding sinapit nito. May bakas ng sunog sa gilid ng instrumentong iyon at may mga gasgas na ito sa bawat paa. Wasak din ang kahoy na takip nito; lumubog ang ilang parte ng kahoy at doon ay makikita ang ilang tubig ulan na naipon. Lungkot ang tanging nadama ni Johan sa pagkakataong iyon.  Tumingin siya sa paligid, ni anino ng kahit anumang nilalang na nabubuhay ay hindi niya makita. Tanging ang hangin lamang at ang mga kumakaluskos na mga dahon ng halaman at mga puno sa 'di kalayuan ang kanilang naririnig. Tila lungkot din ang naramdaman ni Helena nang makita niya ang mukha ng binata. Napatigil na lamang siya sa di kalayuan habang nakatitig kay Johan. Si Edward naman ay napapikit nang masinagan ng araw ang kanyang mukha. Tumingala siya na parang ninanamnam ang bawat sandali.    Umikot si Johan sa grand piano sa kanyang harapan. Hinaplos niya ang pinakadulong tiklado. aksidente niya itong naidiin na nagbigay naman ng matinis na tono. Agad napatingin sa kanya ang anim na sundalo na kanilang kasama. Si Edward ay napatingin din kay Johan. "Wala nang tao dito," wika ni Johan. Humarap siya sa kanyang mga kasama, malamlam ang mga matang iyon habang nakatingin sa kanila. Iniwas na lamang ni Johan ang kanyang tingin nang makita ang isang upuan na nakatayo sa gitna ng mga guhong iyon. Nakatalikod ang upuan na iyon sa kanila, bagay na nakapukaw sa interes ng binata. Lumapit siya sa upuang iyon at hinahakbangan na lamang niya ang mga bagay na pwede pang maapakan upang makarating lamang sa kanyang pakay. Nang makita niya ang upuan ay isang sumbrerong itim ang nakita niyang nakapatong sa ibabaw. Napangiti siya ngunit may mabigat na kung ano ang nararamdaman niya sa kanyang dibdib habang tinitingnan ang upuan na iyon. Kinuha niya ang sumbrero, pinagpagan niya ito, isinuot at umupo siya sa upuan na iyon.  Tumingin siya sa malayo, nakikita niya ang mga guho, nakikita niya ang lawak ng sakunang nangyari, ang mga nagtataasang gusali sa di kalayuan at ang ilang mga bahay na nasunog na lamang at sinalanta ng bagyo at ng giyera. Umuusok pa ang mga ito habang pinagmamasdan ng binata. Humihikbi na noon si Helena. Napakapit na lamang siya sa kanyang mukha habang umiiyak at nakatingin kay Johan at sa mga guhong iyon. Maging ang ilang mga sundalo ay nagtanggal ng helmet upang mailabas sa kanilang mga dibdib ang kanilang mabigat na pakiramdam. Napaluha rin ang mga ito habang nakatingin sa kanilang nakatalikod at nakaupong pinuno. Ang ilan sa mga ito ay napaiwas na lamang ng tingin, ngunit ramdam na rin nila sa pagkakataong iyon ang kawalan ng pag-asa. Maging si Johan ay napaluha na rin sa pagkakataong iyon. Doon lamang niya napansin ang ilang mga patay na katawan ng tao sa ‘di kalayuan. Nakahiga lang ang mga ito nang sama-sama, magulo sa kanilang pwesto at ang ilan ay natabunan na lamang. Pumikit na lamang si Johan at sinubukang kumalma ngunit hindi niya mapigilan ang kanyang sarili. Awa at kawalan ng pag-asa. Iyon ang tangi niyang naramdaman habang siya ay nakaupo sa nag-iisang upuan na iyon na nakatayo sa gitna ng mga guho.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD