MAGHAPON NA wala sa mood sa Casey dahil sa nangyaring sagutan nila ni Zyra kanina umaga. Kahit na ano rin na gawin niya ay wala siyang maisip na isulat. Pakiramdam niya ay lahat ng kaniyang mga sinusulat ay walang kwenta at laman. Sabaw. Walang puso.
Muli niyang ni-click ang backspace tile sa kaniyang laptop upang burahin lahat ng mga naisulat na niya at naihilamos na lang ang mga palad sa mukha. Hindi siya dapat maging ganito lalo ngayong nasa trabaho siya. Hindi niya dapat dalhin ditto ang anumang personal na problemang mayroon siya.
Bumuga siya nang marahas na hininga. Mali ito. Nawawala ang pagiging professional niya dahil kay Zyra. ‘Kung ayaw mo akong maging concern sa iyo, din huwag!’
Muli siyang nagsulat tungkol sa kaniyang paksa. Bukas kailangan ang article na sinusulat niya. Mabuti na lang at hindi sa pulitika ang usually topic niya. Sports ang napili niyang paksa kaya naman hindi ganoon nakaka-pressure.
“Oh, mag-charge ka muna ng katawan,” ani Vivian saka siya inabutan ng energy drink. Ngumiti ito sa kaniya nang mahina siyang magpasalamat saka iyon ininom. “Anong problema?” tanong nito.
Alama naman niya na kaibigan niya si Vivian at ito ang isa sa mga close friends niya ngunit hindi niya masabi-sabi rito ang tungkol sa nararamdaman niya para kay Zyra. Kilala nito si Zyra ngunit hindi gaano. Alam lang ni Vivian na isa itong writer at owner ng Gazette Philippines at kaibigan niya ito. Maliban doon ay wala na.
Umiling siya nang bahagya. “Wala. Stress lang ako.”
“Saan ka naman stress?”
Imbis na sagutin ang kaibigan, umayos siya ng upo at hinarap ito. “Vivian, ikaw, anong gagawin mo kapag iyong taong malapit sa iyo, parang gusto na layuan mo siya? Lalayo ka ba?” tanong niya habang nakatitig nang mabuti sa kaibigan. Gusto lang naman niya alammin ang opinion nito ngunit hindi niya balak na ipaalam ditto ang tungkol sa nangyaring sagutan nila ni Zyra kaninang umaga.
Sandaling napaisip naman si Vivian. “Tatatnungin ko muna siya syempre kung bakit niya ako gustong lumayo. Hindi naman pwedeng basta na lang ako pumayag kasi ang unfair naman sa side ko lalo na kung alam ko na wala akong ginagawang masama, di ba?”
Napaisip siya. Inisip niyang mabuti kung may nagawa ba siyang kasalanan kay Zyra. Bukod sa pagiging mapilit niyang huwag na lang nito ituloy ang anumang balak, o kung mayroon man. Alin lang naman sa dalawang iyon ang mga maaariing maging dahilan. Wala na siyang naiisip na iba pa.
Ngunit iyong galit kasi nito kanina, tila may iba pang dahilan. Parang ang sama niyang kaibigan na hindi niya malaman kung bakit. Kasi ngayon, ramdam ni Casey na may laman at dahilan si Zyra ngunit hindi naman niya alam.
“Umamin ka nga, ano ba kasing nangyayari?” Naupo sa tabi niya si Vivian. “Pero kung ayaw mo magsabi dahil hindi ka pa handa, it’s okay. Lagi mo tatandaan na kaibigan mo ako, okay?” anito na hinimas-himas pa ang kaniyang likod.
Ngumiti siya rito. “Thank you. Pasensya ka na kung hindi ko pa masabi sa iyo ang lahat.”
Gumanti rin ito ng ngiti sa kaniya. “Okay lang naman iyon. Naiintindihan ko naman na kailangan mo rin ng space para makapag-isip and hindi naman lahat ay kailangan mong ipaalam sa akin. Hindi mo obligasyon pero please, isipin mo rin ang sarili mo, okay?”
Muli siyang tumango. Ilang sandal pa ay nagpaalam na itong may gagawi na sa harap ng computer nito samantalang siya ay pinilit ang sarili na magsulat kahit na paano. Hindi na muna niya iisipin pa muna si zyra dahil hindi nagiging maganda ang mood niya pati ang trabaho niya ay naaapektuhan.
Nang matapos siya sa sinusulat ay tumayo na muna siya at kinuha ang thumbler. Mag-rerefill siya nito sa pantry ngunit hindi pa siya nakakarating sa pasilyo ay may nakasalubong na siyang isang staff nila mula sa lobby.
“Ma’am Casey, may delivery po kayo,” anito saka inabot sa kaniya ang isang bouquet ng mga rosas.
Nakakunot ang kaniyang noo nang tanggapin iyon. Ilang sandali pa ay may pinapirmahan ito sa kaniya. Narinig niya ang boses ni Vivian habang palapit ito sa kaniya. Nilingon niya ito at nakita niyang nakatingin din ito sa hawak niyang mga bulaklak.
“Sino ang sender?” tanong nito sa kaniya.
Sabay nilang tiningnan ang card na nandoon. “It’s from Thomas,” aniya sa kaibigan.
Halatang nagulat ito at nanlaki pa ang mga nito na tila hindi makapaniwala. “Iyong pinakilala ng daddy sa iyo nung isang araw?”
Tumango siya. “Actually sa amin siya nag-dinner kagabi tapos binigyan din niya kami ni mommy ng flowers tapos ngayon.” Sandali siyang napaisip. “Sandali lang, Vivian. Pupunta lang ako sa office nina mommy.” Kaagad siyang nagtungo sa dulong bahagi ng pasilyo upang puntahan ang pribadong silid ng mga magulang niya.
Ngumiti pa sa knaiya ang secretary ng mga magulang niya na halos kasing edad lang din niya. “Nandito sila mommy?” Tumango ito saka siya kumatok nang tatlong beses bago pinihit ang seradura. Naabutan niya ang mga ito na abala sa mga ginagawa nila habang nasa harapan ng kaniya-kaniyang mga laptop.
Nang makita siya ng mga magulang ay ganoon na lang ang lapad ng pagkakangiti ng mga ito. “Look who’s here!” ani daddy niya na tila masayang-masaya lalo na nag makitang may hawak siyang bulaklak. “Wow! Another bouquet of flowers, huh?”
“Kanino galing ang mga iyan, anak? Wait… don’t tell me—”
“Yes, mom,” aniya sabay kuha ng maliit na card na nakaipit sa mga bulaklak at inabot iyon sa ina. Halata namang masaya sa nabasa ito at lumapit pa sa asawa. Kahit ang daddy niya ay nbakas ang tuwa sa nabasa.
Huminga siya nang malalim bago nagsalita, “mom, dad, sabihin nga po ninyo sa akin, nanliligaw ba si Thomas sa akin?” diretsong tanong niya sa mga ito.
Nagkatinginan muna ang mga ito bago lumapit sa kaniya ang ina. Iginiya siya nito upang mapaupo sa sofa. Ang daddy niya ay tumayo na rin at naupo na rin sa tabi niya at napapaginaan na siya ng mga ito. Tumikhim ang daddy niya.
“Anak, ang totoo niyan ay oo, inamin sa amin ni Thomas na gusto ka niyang ligawan. Pumayag kami ng mommy mo kasi mabait na bata naman si Thomas. Future abogado pa kaya naman nakakatuwa lang.”
“Gwapo pa at galing sa maayos na pamilya,” dagdag pa ng mommy niya.
Tiningnan niya ang mga ito nang matagal. Hindi niya ngayon alam kung paano niya sasabihin sa mga itong hindi ang tipo ni Thomas ang gusto niya. Na ngayon ay tila mas mahihirapan siyang umamin sa mga magulang. Napalunok siya.
Ilang sandal pa ay tumayo siya. “Ahm, mom, dad, mauuna na po ako,” aniya sa mga ito. Hindi na niya alam kung ano ang mararamdaman ngayon dahil parang sasabog na ang kaniyang dibdib. Masama ang loob niya kay Zyra at tila nawawalan na siya ng pag-asang makaamin sa mga magulang. Base sa nakikita niya sa mga mata nito, tila nakikita na talaga ng magulang niya na sasagutin niya si Thomas.
Kumirot ang puso niya dahil ngayon, parang pasan niya ang buong mundo. Kinagat niya ang ibabang labi. Hindi siya makahinga. Kaagad siyang nagtungo sa rooftop upang doon ay magpahangin muna kahit sandali.
Nang makarating siya roon ay kaagad siyang pumwesto sa tent na nandoon. May upuan doon na talagang pinalagay niya upang kapag kailangan niya magpahinga sandali sa mga trabaho sa office at makakalanghap siya ng preskong hangin. Nang makaupo, tila pagod na pagod siyang tumanaw sa malawak na tanawin sa baba. Iba’t ibang laki ng mga building, mga sasakyan at iilang mga taong naglalakad ang makikita habang nandoon siya. Bahagyang gumaan ang pakiramdam ni Casey dahil sa pananatili niya roon.
Napalingon si Casey sa isang bungkos ng mga bulaklak sa kaniyang tabi. Hindi niya alam kung ano ang gagaiwn ngayon sa mga ito. Thankful naman siya dahil nakatanggap siya nito ngunit hindi niya kasi talaga hilig ang bulaklak. Na-kokornihan siya.
Nilabas niya ang cellphone mula sa bulsa at mabilsi na gumapang ang lungkot niya nang makita ang lockscreen wallpaper niya roon. Sila ni Zyra iyon nang minsan silang mag-roadtrip gamit si Coco. Huminga siya nang malalim at pilit na pinigilan ang pagpatak ng mga luha kahit pa nag-iinit na ang mga iyon. Hindi siya maaaring umiyak ngayon dahil mamamaga panigurado ang mga mata niya at maraming tanong ang ibabato sa kaniya ng mga kasamahan niya sa department lalo na pati ang mga magulang niyang over protective sa kaniya.
Hindi niya alam kung tatawagan ba niya ang kaibigan o hindi. Baka mamaya ay magalit at ipagtabuyan na naman siya nito. Ang sakit kaya ng mga salita nito. Parang mga kutsilyo ang mga iyon na sumasaksak sa kaniyang puso. Muling naramdaman ni Casey ang kirot sa puso niya.
Isang text message ang natanggap ni Casey mula kay Vivian. Hinahanap siya nito kaya naman kaagad siyang nagtipa ng reply at sinabing babalik na siya sa loob. Dala pa rin niya ang mga bulakalak na bigay ni Thomas. Hindi niya ito maaaring itapon. Hindi naman siya ganoon kasamang tao na hindi nagpapahalaga sa mga bagay na natatamo.
Nang makabalik siya sa kaniyang table ay wala roon si Vivian. Tinanaw niya ang mga kasamahan na siyang abala sa trabaho. Nakita niya ang thumbler na lalagyan niya sana kanina kaya naman kinuha niya iyon at nagtungo sa pantry upang lagyan na iyon ng laman. Nnag makakuha siya ay ininom niya lahat ng laman. Sa sobrang pag-iisip niya ay ganoon na pala siya kauhaw.
“Huy! Nandiyan ka lang pala!” ani Vivian na bumungad sa pinto ng pantry. “Saan ka ba nagpunta? Galing ako sa office ng parents mo, wala ka naman doon.” Umirap ito at sumingit sa kaniyang gilid upang maglagay din ng inumin sa thumbler .
“Bakit mo ba ako hinahanap?”
“Birthday kasi nitong Jean. Nag-iinvite na mag-party tayong mamayang gabi sa The Alchemist. Sagot naman daw niya. Since it’s Friday naman, bakit hindi tayo sumama, di ba?” tanong ni Vivian na maganda ang ngiti sa labi.
Sandali siyang napaisip. Friday naman at wala siyang ibang gagawin. Hindi naman siya pagbabawalan ng daddy niya basta magpaalam lang siya nang maayos sa mga ito. “Sige, magpapaalam lang ako kina daddy.”
Napa-yes pa si Vivian saka tumango. “Sabi ko na nga ba, sasama ka.”
Tumaas ang isang kilay niya. “Paano mo naman nasabi?”
“You look stress, Casey.” Sumeryoso ang tingin nito sa kaniya. “Hindi ka lang nagsasabi sa akin pero nararamdaman ko na marami kang iniisip.”
Ngumiti na lang siya sabay iling. “Okay lang ako. Magpapaalam lang ako kina mommy at daddy.” Iniwan na lang niya ang kaibigan saka mabilis na nagtungo sa private office ng mga magulang.
Naabutan niya ang mga magulang na may kausap sa kaniya-kaniya nitong mga cellphone at sinenyasan siyang maupo muna ulit sa sofa kaya naman ganoon ang ginawa niya. Ang mommy niya ang naunang matapos sa kausap kaya lumapit ito sa kaniya.
“Yes, anak?”
“Mom, magpapaalam sana ako. Birthday kasi ni Jean. Nang-iimbita na mag-party kami sa The Alchemist.”
“Jean Bartolome? Naku, hindi pwede. Delikado ang mga bar, anak—”
“Pero marami naman po kaming magkakasama.”
“Kahit na, Casey. Huwag matigas ang ulo.”
Nakaramdam siya ng lungkot dahil sa sinabi ng mommy niya. Ngumuso siya. Gusto niya talagang makapagliwaliw ngayon para makalimot siya kahit paano. Nang matanaw niyang tapos na rin makipag-usap ang daddy niya ay kaagad siyang tumayo upang lapitan ito.
“Daddy, payagan mo nga ako,” aniya sa malambing na paraan. Kumapit pa siya sa braso nito.
“Ano ba iyon?”
“Nagpapaalam kasi iyang anak mo. Sasama raw sa birthday sa The Alchemist,” ani mommy niya habang nakatingin sa mga kuko.
“Sino bang kasama mo?”
“Sina Vivian po at ibang ka-officemate ko. Please, daddy. I just need some break,” aniya.
Ilang sandali siyang tiningnan ng ama at napunta iyon sa kaniyang mommy na umiling pa na tila sinasabi nitong huwag siyang payagan. “Daddy, please…”
“Okay okay pero huwag ka magpapagabi. Kaibigan ko naman ang owner ng The Alchemist. Pasabi kay Jea, sagot ko na ang mga iinumin ninyo. Pa-birthday na sa kaniya ng kompanya.” Kaagad niyang nayakap nang mahigpit ang ama dahil sa tuwa.
“Thank you, daddy!”