CHAPTER 8
NAKAALIS NA si Thomas pero sila Casey pati ang mga magulang niya ay nananatili pa rin sa sala upang uminom ng tsaa. Hindi maiwasan ni Casey na mapailing nang makitang panay ang kuha ng larawan ng ina niya sa mga bulaklak na biniay ni Thomas. Naka-vase na ang bulaklak nito at ang bouquet niya nasa gilid ng vase.
Tila propesyunal na photographer ito na talagang nag-eefort pa talaga makuhanan lang ng magandang pictures ang mga iyon. Tumayo si Casey. “Aakyat na po ako sa kwarto ko. Magsusulat pa ko,” aniya sa mga ito.
Hahakbang na siya sana ngunit ang mommy niya ay kaagad siyang pinigilan. “Sandali lang naman, anak. I-post mo muna itong mga pictures na ito sa i********: account mo.” Nilapit pa sa kaniya ang cellphone nito.
“Mom, may sarili ka naman pong account, di ba? And sanay ka naman po. ”
“Ako na syempre ang bahala sa akin. Ikaw, mag-post ka sa account mo, dali.”
Kumunot ang noo niya. “Bakit po?”
Ngumiti ito. “You know, i-flex lang natin tapos tag or mention mo si Thomas. Ang gaganda ng mga bulaklak. Instagramable, di ba?” Lumingon pa ito sa ama niyang sumisimsim ng tsaa.
“Pagbigyan mo na ang mommy mo. Hindi lang ako ang marunong magtampo, remember?”
Ilang sandali pa muna siyang nag-isip bago ginawa ang gusto ng ina. Simpleng ‘thank you’ lang ang caption niya roon pero ang mommy niya ay sinamaan siya ng tingin. Umikot ang mga mata niya saka dinagdagan pa. ‘Thank you for the flowers, Thomas.’ Iyan ang nilagay niya. “Okay na ba, mom? Pwede na ba akong umakyat sa taas?” Hindi niya naman ginustong maging rude ditto pero gusto na talaga niya kasing bumalik sa sariling silid.
“Okay, anak.” Humalik pa ito sa kaniyang pisngi. Lumapit siya sa kaniyang ama upang humalik din dito.
Tumalikod na siya sa mga ito ngunit napahinto rin kaagad nang muling magsalita ang mommy niya. “Anak, wait. Iyong mga flowers mo, maiiwan mo.”
Nilingon niya ito. “I don’t like flowers, mommy. Kayo na po ang bahala sa mga iyan. Aakyat na po ako.” Muli na siyang humakbang patungo sa hagdan. Mabuti na lang at hindi na siya tinawag pa ng mga ito.
Nang makabalik sa loob ng kawarto ay noon lang siya nakahinga nang maluwag. Kahit walang sinasabi ang daddy at mommy niya, alm niyang may ibang kahulugan ang pagbisita ni Thomas sa kanila pati na ang pagbibigay nito ng bulaklak. Kahit na hindi siya straight, aware naman siya sa mga bagay kung paano naliligaw ang mga lalaki sa mga babae.
Napailing na lang siya. Ito ang mahirap ngayong walang kaalam-alam ang mga magulang niya tungkol sa pagkatao niya. Hindi niya alam kung paano sasabihin sa mga itong ayaw niya sa mga lalaki. At kung gawin man niyang umamin, makakaya ba niyang tanggapin kung ano man ang maging reaksyon ng mga ito.
Takot siya sa mga rejections. Bagay na talagang iniiwasan niyang mangyari kaya ayaw niyang magtanong o umamin. Nag-iipon pa si Casey ng lakas ng loob. Huminga siya sa kama saka sinimulang kalikutin ang cellphone niya. Panay lang siya scroll ngunit nang may matanggap siyang notification ay natigilan siya.
Napabalikwas siya ng tayo at tinitigan ang nasa screen. Nag-react kasi si Zyra sa i********: post niya. Emoji iyon na tila nag-iisip. Kinabahan siya. Ano nga ba ang isasagot niya rito oras na magtanong ito kung sino si Thomas o kung bakit siya nito binigyan ng bulaklak. Baka kung ano ang isipin nito. Umayos siya ng upo sa kama at nag-isip kung anong i-rereply sa kaibigan. Sa huling smiley na emoji na lang ang binigay niya rito.Naalala niyang muli ang pagtatalo kanina kaya bakit siya magpapaliwanag ditto, di ba?
Ilang sandal lang ang lumipas ay may natanggap siyang mensahe mula rito. Tinatanong ni Zyra kung sino si Thomas. Ni-seen lang niya muna ito sandal dahil pinatay niya muna ang ilaw sa silid at tanging iniwang bukas lang ang ilaw na nasa nighstand sa gilid ng kama.
Sa pagbalik niya, ilang message pa ang bagong pasok sa kaniyang inbox galing sa kaibigan. Binasa niya muna lahat ng mga iyon at ganoon na lang ang pagkunot ng kaniyang noo sa mga nababasa.
‘May nanliligaw na bas a iyo?’
‘Bakit hindi ko alam ang bagay na iyan?’
‘Nagagalit ka sa akin kasi naglilihim ako sa iyo pero ikaw pala itong unang naglilihim sa akin.’
Gustong matawa ni Casey dahil kay Zyra. Ano bang sinasabi nito? Wala naman siyang sinabi sa caption na suitor niya si Thomas. Simpleng ‘thank you’ lang iyon pero ang dami nang sinasabi ng kaibigan niya. Wala sa sariling napangiti si Casey. Tila nagugustuhan niya ang mga reaksyon nito, ah!
Kaagad siyang nag-type ng mensaheng i-rereply.
‘At bakit mo naman naisip na naglilihim ako sa iyo?’
Wala pang dalawang minute ay tumunog na ang cellphone niya. Tumatawag si Zyra. Tumikhim muna siya bago iyon sinagot. Lihim siyang napapangiti. Walang nagsalita sa kabilang linya nang sagutin niya ang tawag. Bagkus ay dalawang paghinga ng malalim lang ang narinig niya mula rito.
“Bakit?” tanong niya nang wala pa rin siyang makuhang tugon mula rito.
“So, kailan ka pa nililigawa ng Thomas na iyon?” Hindi siya sigurado pero ramdam niya ang inis sa tinig nito.
Tumaas ang isang sulok ng labi niya. “Bakit mo tinatanong?”
“Casey, I’m you best friend, dapat sinasabi mo sa akin ang mga ganiyang bagay, di ba?”
Tumaas ang isang kilay niya. “Talaga ba?”
Hindi ito kaagad nakapagsalita ngunit maya-maya ay narinig ni Casey na napamura ito. “You know what, sige. Bahala ka na. Magpaligaw ka at sagutin mo iyon kung iyon ang gusto mo. Good night, Casey,” anito sa malamig na paraan na kahit sa cellphone lang sila nag-usap, ramdam niya ang lamig sa tinig nito. Ilang sandal pa ay natapos na ang tawag.
Natitigan na lang ni Casey ang hawak na cellphone saka napailing. Nilapag niya iyon sa nightstand saka nahiga sa kama. Bakit pakiramdam niya ngayon at tila nanalo siya sa laban nila nito. Masaya siya kahit pa wala namang tiyak na dahilan. Ang ngiti sa mga labi niya ay hindi nawawala hanggang sa mahiga siya at ipikit ang mga mata.
Umayos ng higa si Casey sa kaniyang kama. Para siyang tanga na natatawa kay Zyra dahil sa mga sinabi nito. Well, oo nga at wala pang sinasabi si Thomas na nililigawan siya nito pero kahit sino naman ang makaalam na binigyan siya nito ng bulaklak, ang unang papasok sa isip ng tao ay nililigawan nga siya nito.
'Alam ko na may dahilan ka, Zyra kung bakit ka nagkaganiyan. At sige, kung magagamit ko si Thomas para lang malaman kung ano man ang dahilan mo, gagawin ko.'
Bago siya matulog nang gabing iyon ay nabuo sa isip niya na hahayaan niya si Thomas kung manligaw man ito sa kaniya. Ngunit papayag lang siya dahil paaaminin lang niya ang kaibigan.
KINABUKASAN AY maagang nagising si Casey. Dahil sa naisip na paraan kung paano mapapaamin si Zyra noong nagdaang gabi ay maganda ang kaniyang mood nang magising. Kahit ang mommy at daddy niya ay napansin iyon habang kumakain sila ng agahan.
"Baka mamaya ay si Thomas ang dahilan, honey kaya ganiyan ang ngiti ng anak natin," wika ng mommy niya sa ama niya.
"Talaga ba? Naku, kung iyon nga ang dahilan ay wala naman akong tutol. I like Thomas for you, hija." Malapad ang ngiti ng daddy niya bago sumubo ng kinakain.
"Ako man. Imagine having a lawyer in our family, paniguradong lalakas pa ang mga impluwensya natin."
Kumunot ang noo niya sa mga naririnig mula sa mga magulang. "Mommy, daddy, wala pa ngang sinasabi si Thomas na nanliligaw siya sa akin."
"Anak, trust me. Kaming mga lalaki, alam na namin agad kapag type ng kapwa namin lalaki ang isang babae. Sinisimulan sa pagbibigay ng mga bulaklak," ani daddy nya.
"Tama ang ama mo. Tama ka na wala pa ngang sinasabi si Thomas pero nakikita namin sa mga mata niya na masaya siya kapag nagsasalita ka. Iba ang kislap ng mga mata ng batang iyon, di ba honey?"
Muling sumagot ang daddy niya ngunit hindi na lang niya pinansin. Kung ganoon ay mas mapapadali nga ang plano niya. Wala sa sariling napangiti siya.
'Nararamdaman ko na mapapaamin din kita, Zyra.'
Nang matapos siyang kumain ay kaagad siyang nagpaalam sa mga magulang. Talagang hindi siya sumasabay sa mga ito kapag papasok dahil mas gusto niyang dala si Shimmer kaysa makisabay sa kotse ng mga magulang. Isa pa ay daraan siya kay Zyra kaya inagahan niyang magising.
Pakiramdam niya ay nawala ang tampo niya rito bigla. Para sa kaniya, may kakaiba sa tono ng mga salita nito noong kausap niya ito. May ibig sabihin.
Habang nasa nagmamaneho ay tiningnan niya kung nasaan ito. Palagi niyang sinisigurado na bukas ng GPS ng cellphone nito ngunit ngayon, naka-off iyon kaya hindi niya ma-detect. Nagkibit na lang siya ng balikat. Naisip niyang baka nag-default na naman si Zyra ng settings.
Dumaan muna siya sa bakery upang bumili ng paborito nitong croissant na may palaman na chocolate. Bumili rin siya ng kape na para sa kanilang dalawa. Paniguradong magugustuhan nito ang mga pagkaing binili niya para dito.
Nang makarating siya sa unit nito, ginamit ni Casey ang duplicate key niya upang makapasok doon. Kahit na hirap na hirap, ang strap ng paperbag na may laman na tinapay ay kaniyang kinagat pa upang ang kanang kamay niya ay malayang maipasok ang susi sa doorknob. Sa kabilang kamay naman ang paperbag na may dalawang kape.
Kagaya ng palagi niyang naaabutan, patay lahat ng ilaw sa loob ng bahay ni Zyra. Ang kurtina nitong makapal ay nakasara kaya naman walang liwanag mula sa haring araw ang nakakapasok sa loob. Maingat niyang nilapag ang mga dala sa lamesa saka nagtungo sa mga kurtinang nakasara.
Nang masiyahan sa itsura ay kaagad siyang nagtungo sa silid ni Zyra. Hindi iyon naka-lock kaya naman pumasok siya. Kinapa niya ang switch ng ilaw at nang kumalat ang liwanag sa buong silid, napansin niya tulog at wala pang malay ang kaibigan. May suot itong eye mask kaya hindi ito nasisilaw.
7:30 o'clock na kaya pwede na niya itong gisingin. Lumapit siya at mahinang tinapik ang bandang pang-upo nito. Naka-ternong pajamas ito na kulay navy blue.
"Zy, gising na. May pasok ka pa sa trabaho," mahina niyang wika. Hindi ito tuminag kaya naman inulit niya. Medyo malakas na ngayon ang pagtapik at inalog pa niya ito. "Zyra Elrod—"
Kaagad itong bumangon at inalis ang eye mask. Masama siyang tiningnan nito habang gulo ang buhok. "Bakit ba ang ingay mo? Nakita mong natutulog ang tao!" inis na wika nito sa kaniya.
"May pasok ka pa, di ba?"
"I know! Pero nakalimutan mo na bang ako ang may-ari no'n? Gagalaw ang negosyo ko kahit hindi ako pumasok ngayon. O ma-late man!"
"E bakit ka ba nagagalit?" Nagtatakang tanong niya. Tila may pinaghuhugutan kasi ang mga sinasabi nito na hindi niya malaman kung ano.
Inirapan siya nito. "Sino bang matutuwa sa mga ginagawa mo? Basta kang papasok sa unit ko. Sa kwarto ko. Tapos gigisingin mo ako para pumasok? Nanay ba kita?" Tila nanunuya nitong wika.
Dahil sa narinig, tila may sumipa sa puso niya. Pilit niyang inalis ang bara na nasa lalamunan. "Dati naman akong pumapasok dito gamit ang spare key—"
"Kaya ka nag-tatake advantage? Akala mo kung sino ka na sa buhay ko no?"
Mabilis na nangilid ang mga luha niya. "Z-Zyra anong bang mga sinasabi mo?"
Tumayo ito saka lumapit sa kaniya. "Umalis ka na at kung pwede, pakiiwanan ang spare key ng unit ko." Nilagpasan siya nito at nagtungo sa loob ng banyo.
Para siyang binuhusan ng malamig na tubig dahil sa mga narinig. Tila siya kandila na tinulos sa kinatatayuan at hindi makagalaw. Nilingon niya ang banyo, sunod niyang narinig ang lagaslas ng tubig. Tumulo ang luha niya ngunit pinunasan niya rin agad.
Kinuha niya sa bag ang spare key saka lumabas. Pinatong niya iyon sa tabi ng almusal na binili para sa kanila sanang dalawa. Hindi niya alam kung bakit nagkakaganoon ang kaibigan. May problema ba ito? Bakit hindi nagsasabi at basta na lang siyang ginanon?
Nahigit niya ang hininga bago lisanin ang unit ni Zyra na malaking palaisipan sa kaniya kung bakit ito nagkaganoon.