“Zyra, please. Kausapin mo ako,” aniya rito. Gusto ko na niyang umiyak dahil tila hindi siya nito naririnig. “Iyong nakita at narinig mo sa loob, wala lang iyon—”
Biglang humarap sa kaniya si Zyra at halos tayuan siya ng mga mumunting balahibong pusa sa katawan nang makita ang lamig sa mga mata nito. Namumula ang mga iyon ngunit walang emosyon siyang mabasa. Humugot siya nang malalim na hininga. “Zyra, makinig ka sa akin. May dahilan kung bakit—”
“At anong kasinungalingan naman ngayon ang bibitiwan mo sa akin?”
Kumunot ang noo niya. “Zyra, hindi ako nagsinungaling sa iyo kanina. Sinabi ko sa iyong si Dylan ang kasama ko.”
“Pero hindi mo sinabing makikipag-date ka sa kaniya.”
“Zyra, hindi naman iyon date. Please, makinig ka muna kasi sa akin.”
Bigla ay naramdaman ni Casey na wala siyang pag-asa. Natakot siya nang makitang tila sarado ang isip ni Zyra sa anumang sasabihin niya. Umiling pa ito na tila sinasabing wala na siyang dapat pang ipaliwanag. Noon nangilid ang luha niya. May takot sa puso niya pero ayaw niyang bigyan iyon ng pansin. Madadaan naman sa usapan ang lahat.
“Bumalik ka na roon. Nakakahiya sa manliligaw mo. Siya ang ka-date mo pero nandito ka sa ‘bestfriend’ mo.”
Tila may humiwa sa puso niya nang marinig ang salitang ‘bestfriend’ mula rito. Humugot siya ng malalim na hininga saka nag-iwas ng tingin dito. “Alam mo naman na hindi lang kita bestfriend, Zyra.”
“Talaga? Bakit? Ano mo ba ako? Kaya mo bang sabihin iyan doon kay Dylan mo?”
“Hindi ko siya Dylan, okay?” Kumunot na ang noo niya. Lumapit siya rito. “Zyra, please, makinig ka muna kasi. May dahilan ako at handa akong sabihin sa iyo iyon kung gusto mo.”
“Huwag na. Hindi ko pa alam kung may tiwala pa ako sa iyo o ano.” Sinalubong nito ang tingin niya. Kitang-kita roon ngayon ang sakit na siya mismo ang nagdulot. “Nakita ko na masaya kang kausap siya. Narinig ko kung paano ka makipag-usap.” Natawa ito pero alam niyang peke. “Aminin mo nga sa akin, attracted ka ba sa lalaki? Attracted ka ba kay Dylan?”
Kaagad siyang umiling. “Of course not!” ‘May dahilan ako. May gusto akong makuha sa kaniya!’ Iyan ang nais niyang sabihin ngunit may isang parte ng isip niyang nagsasabi na huwag niyang gagawin na sabihin iyon dito. Wala sila sa pribadong lugar. Mahirap na at baka may makarinig pa.
Yumuko na lang siya. Hilam na ang mga mata ni Casey habang nakatayo sa harap ni Zyra. Hindi niya alam kung ano ang dapat na gawin o sabihin. Kitang-kita niya kung paano ito tumingin sa kaniya habang nakakuyom ang mga kamay.
"Ginawa mo na 'to sa'kin noon. Inulit mo na naman ang magsinungaling!" Ang bawat salitang binibitiwan nito ay tila kutsilyong tumatarak sa kaniyang puso. Walang tigil sa pagdaloy ang mga luha ni Casey.
Humakbang siya upang mas mapalapit dito. "Zy—"
"Don't! Don't come near me, Casey!" Nanginginig ito habang nakataas ang daliri at nakaturo sa kaniya. Gaya niya ay umiiyak na rin ito at halos pulang-pula na ang mga mata. “Bumalik ka na sa loob. Balikan mo na si Dylan."