CHAPTER 4

3604 Words
HINDI MASYADO makapag-focus sa sinusulat na bagong article si Casey. Alas onse na ng gabi at kalat na ang dilim sa labas. Kanina pa siya nakatitig sa harapan ng kaniyang laptop at kunot ang noo habang paminsan-minsang tumitingin sa cellphone na nasa ibaba ng working table. Inayos niya ang salamin sa matang bahagyang nahuhulog. Kanina pa siya hindi mapakali dahil nakakailang text messages na siya kay Zyra ay wala pa rin itong kahit isang reply. Sinubukan na rin niya itong tawagan kanina ngunit hindi niya ito ma-reach. Tumayo siya at dinampot ang cellphone saka naupo sa gilid ng kama. Nakakatitig lang siya sa larawang naka-wallpaper doon—sila ni Zyra. Humugot siya nang malalim na hininga. Nag-woworry siya pero ito, parang wala na naman sa kaniya. May kaunting kirot siyang naramdaman nang maisip ang bagay na iyon. 'Hindi iyan totoo, Casey. Importante ka kay Zyra kasi bestfriend ka niya.' Kausap niya sa sarili. "Tama. Bestfriend niya ako kaya sigurado akong importante ako sa kaniya." Mahina pa niyang tinapik ang tapat ng dibdib. Muli siyang tumayo saka lumapit sa working table upang pataying ang laptop. Kasabay ng pagsara niya noon ay ang pagtunog ng cellphone niya. Napangiti kaagad siya nang mabasa ang pangalan ni Zyra at tumatawag ito. "Z-Zy!" Masiglang tawag niya rito. Na-miss niya ito kausap dahil hindi naman na niya nakausap pa ang kaibigan dahil alam niyang baka nagtampo sa kaniya. Wala siyang narinig sa kabilang linya. Bahagya niyang nilayo ang cellphone saka sandaling tinitigan ang screen. Lumalakad naman ang oras ng tawag kaya alam niyang nandoon pa ito sa kabilang linya. "Zyra?" tawag niya ulit rito "H-hi!" Kumunot ang noo ni Casey dahil parang kakaiba ang tono ng pagbati ni Zyra sa kaniya. "Zyra, ayos ka lang?" Narinig niya itong tumawa. "O-oo naman. Kasho medyo nalashing—Oops. Sorry!" "Ano? Nasaan ka ba?" Kumunot ang noo ni Casey. Lumakad na siya papunta sa closet upang kumuha ng isusuot. "Pupuntahan kita diyan! I-on mo yung GPS mo." "O-okay," anito saka muling tumawa. Pinatay na agad ni Casey ang cellphone saka dali-daling nagpalit ng damit. Ang mahabang buhok niyang nakalugay ay tinali niya nang mataas. Kinuha niya ang susi ng kotse niya at dahan-dahan na lumabas ng silid. Habang naglalakad sa hallway malapit sa hagdan ay inalam na niya ang eksaktong okasyon ng kaibigan. "Ano naman kayang ginagawa ng babaeng ito sa The Alchemist?" Kaagad niyang tinawagan ang numero ng pinsang si Aubrey pero hindi rin nito sinasagot. Tinigil na lang niya ang ginagawa at napagdesisyunan na aalis na ngunit pagkababa niya sa sala ay napahinto siya kaagad. Bago kasi makapunta sa pinakaentrada ng bahay nila ay madadaanan muna ang library o ang nagsisilbing office ng mga ito sa bahay. Bukas ang pinto niyon at natanawan naman ni Casey na nandoon pa ang kaniyang mga magulang na tila abala sa pag-uusap. Napakagat siya ng ibabang labi. Paniguradong hindi siya papayagan ng mga itong umalis ng dis oras ng gabi. Maingat siyang humakbang pabalik sa kaniyang silid at kinuha ang wallet. Wala siyang ibang paraan na naiisip. Hindi naman pwedeng pabayaan niya si Zyra at baka mapahamak iyon. Kahit pa nandoon si Aubrey, hindi naman pwedeng iasa niya rito s Zyra. Baka mamaya ay ma-badtrip pa ang pinsan niyang iyon. Humugot siya nang malalim na hininga saka maingat na dumaan sa bintana. Mabuti na lang talaga at mayroong hagdanan doon pababa. Sadyang pinalagay iyon ng kaniyang ama dahil baka magkaroon ng sunod, madali siyang makakalabas ng kwarto. Bagay na sobrang pinagpapasalamat ni Casey dahil nagagamit niya iyon sa kagaya nitong pagkakataon. Napangiwi siya nang makatalon at halos masubsob sa damuhan. Inikom niya ang bibig nang mabuti at buong ingat na humakbang papunta sa gate. Hindi naman siya kabado kung may guard dito. Dikit sila ng guard nila at sa tuwing ginagawa niya ang pagtakas na kagaya nito, pinapayagan naman siya ni Manong Ed basta lalambingin lang niya ito at bibigyan ng suhol. Tama nga siya. Nandoon ang guard nila sa guardhouse at nag-cecellphone. Lumapit siya rito. "Manong," mahinang tawag niya rito. Ilang sandali pa muna siyang tinitigan nito at tinapatan pa ng flashlight kaya kaagad siyang umiwas. "Manong!" "Ay sorry, Ma'am Casey, kayo pala iyan." Pinag-aralan nito ang itsura niya saka ngumisi. "Alam ko na." Kaagad niya nilagay ang isang daliri sa tapat ng kaniyang labi. "Huwag ka maingay, manong at baka marinig ka nila mommy." Lumingon pa siya sa bahay nila. Tumango ito agad. "Sige sige, Ma'am pero saan ba ang punta mo? Dating gawi?" Kaagad siyang tumango. "Oo. Alam mo na ha." Ngumiti ito. "Sige, Ma'am basta yung ano... Alam mo na." Sumilay ang ngiti siya sa mga labi. Sa tagal nang pagsisilbi nito sa pamilya niya ay alam na niya kung paano ito kikilitiin upang payagan siya. "Oo, ako na ang bahala. Aalis na ako at si Zyra, e susunduin ko pa." Tumango ito at maingat na binuksan ang gate. Bago siya makalabas ay nilahad niya ang kaniyang palad at may inabot naman ito sa kaniya. Napangiti siya nang mahawakan ang maliit na lighter. Hindi siya naninigarilyo pero ang kabilang dulo ng lighter na iyon ay nilalabasan ng talim. Just in case na kailanganin niya ng proteksyon, iyon ang gagamitin niya. "Thanks!" Bigay iyon sa kaniya ni Zyra. Napangiwi pa siya rito nang makitang lighter iyon. Hindi nga siya naninigarilyo tapos reregaluhan siya ng ganoon. Pero nanlaki talaga ang mga mata niya nang makitang may maliit na talim sa dulo iyon kapag pipidutin ang buton na pula. Kay Manong Ed niya iyon pinatatago dahil baka maghisterikal ang daddy at mahimatay ang mommy niya kapag nalaman ang tungkol da bagay na iyon. Alam niya kung gaano kaprotektado sa kaniya ang mga ito. Nilandas niya ang kahabaang ng subdivision palabas sa main road. Doon na lang siya mag-aabang ng pwede niyang masakyan. Sinubukan niyang tawagan si Zyra ngunit walang sumasagot dito. Pati si Aubrey ay sinubukan niyang kontakin ngunit patay na ang phone nito. Napabuga na lang siya ng hangin. Nilagay niya sa bulsa ng cardigan ang cellphone at saka pumara ng taxi. NANG DUMATING si Casey sa The Alchemist ay kaagad siyang pumasok sa loob. Alam niyang mahihirapan siyang hanapin ang kaibigan niya dahil malaki ang The Alchemist. Ang The Achemist ay sikat na bar kung saan ang mga pumupuntang kliyente roon ay mga kilalang personalidad o mga kabilang sa alta sosyedad. May mga pulitiko, celebrities at kahit ang mga CEO mula sa mga naglalakihang kompanya. Nang makapasok siya sa loob ay kaagad na ginala ni Casey ang paningin sa kabuuan ng bar. Patay-sindi at gumagalaw ang iba't ibang kulay ng mga ilaw na animo sumasayaw. Mausok din doon sa loob kaya naman panay ang wagayway ng mga kamay ni Casey upang hindi niya masinghot ang usok ng sigarilyo at vape. Wala si Zyra sa mga mesa. May mga customers na may katabing mga babae na nakapustura at sexy na sexy sa mga suot. Natigilan pa si Casey nang makita ang pinsang si Aubrey nang tingnan niya ang isang mesa. Madilim sa parteng iyon pero kilala niya ang pinsan. May katabi itong lalaki at halos maghalikan na sila sa sobrang lapit ng mga mukha sa isa't isa. Tatalikod na sana siya ngunit nakita siya ni Aubrey at narinig niya ang boses nitong tinawag siya. Lumingon siya rito. Siya ang nahihiya para sa pinsan lalo na nang halikan nito ang labi ng lalaki. Nag-iwas si Casey ng tingin. "Babalik ako. Order ka pa," malambing na wika ni Aubrey sa lalaki saka tumayo ay lumapit sa kaniya habang nakataas ang isang kilay. "Anong ginagawa ng good girl kong pinsan sa ganitong lugar sa ganitong oras ng gabi?" Ngumisi ito. Hindi niya ito pinansin sa pang-aasar. "Nakita mo ba si Zyra? Tumawag kasi siya sa akin at mukhang nakainom tapos—" Naputol ang sinasabi niya nang itaas ni Aubrey ang kanang panay na tila pinatitigil siya. "Ang daldal mo. Dami mong sinasabi, ah!" Umayos ito ng tayo. "Alam ko kung nasaan si Zyra." Inirapan pa siya nito. Nakahinga siya nang maluwag at umaliwalas ang mukha. "Talaga? That's great! Where is she?" Mataray siya nitong tiningnan. "Huwag ka mag-english diyan. Sumunod ka sa akin." Nauna itong naglakad kaya naman sumunod siya rito. Bumuntonghininga na lang si Casey. Ganito talaga ang ugali ng pinsang si Aubrey. Malayong kamag-anak niya ito sa side ng kaniya daddy pero magkaiba sila ng kinalakhan. Palibhasa ay lumaking mahirap at maagang namulat na kailangang kumita sa sariling paraan. Samantalang siya ay natamo ang lahat. Ngunit hindi naman ito magkakaganoon kung hindi lang ma-pride ang ina nito. Ayaw kasi tumanggap ng tulong mula sa mga magulang niya kaya ito tuloy ang kinahinatnan ng pinsan. Umakyat sila sa ikalawang palapag ng The Alchemist kung saan may mga pribadong kwarto. Kinabahan si Casey lalo na nang sa bawat pinto na madaanan niya ay halinghingan at ungol ang kaniyang naririnig. Tatawagin niya sana ang pinsan ngunit tumigil ito sa isang pinto. Humarap ito sa kaniya saka pinatong ang kanang kamay sa baywang. Tumuro pa ito sa pinto. "Nandito ang kaibigan mo sa loob." "N-nandiyan?" Kahit siya ay tumuro na rin. Hindi siya makapaniwala. Napanganga siya at naitakip ang kamay sa tapat ng bibig. "Oh my God! D-Don't tell me she's with—" "Gaga!" Inirapan siya nito saka kinuha ang susi mula sa bulsa ng suot na palda. Kaagad naman siyang umayos ng tayo. Nang bumukas ang pinto ay kaagad siyang pumasok sa loob. Nandoon nga si Zyra ngunit wala itong malay na nakahiga sa kama. Nilibot niya ang paningin sa loob ng silid na iyon. Medyo madilim at tanging ilaw lang sa lampshade ang nakasindi. Naramdaman niyang lumapit sa kaniya ang pinsan. Nang lingunin niya ito, nakahalukipkip na si Aubrey habang nakatingin kay Zyra. "Ano bang trip ba niyang kaibigan mo?" Binalik niya ang tingin sa kaibigan. "Marami ba siyang nainom? Ngayon lang siya nag-pass out." "Malamang! Hindi naman pala kasi kaya, lakas ng loob uminom." Umikot pa ang mga mata ni Aubrey. "Thank you." Akma siyang kukuha ng wallet sa bulsa nang marinig niyang magsalita ang pinsan. "Anong ginagawa mo?" Malamig ang tinging pinukol nito sa kaniya. Natigilan siya. Oo nga pala. Ayaw na ayaw ni Aubrey na mag-aabot siya ng pera rito. "S-sorry." "Papapuntahin ko rito si Rico. Pabubuhat ko si Zyra. Sa susunod pagsabihan mo iyang kaibigan mo, mag-juice na lang kung hindi naman pala kaya uminom nang marami." Aalis na ako at naaabala ninyo pareho ang trabaho ko." Tumalikod na ito at bago pa man ito makarating sa pinto ay nagsalita pa si Casey. "Thank you ulit." Tumigil ito sandali ngunit kaagad din naglakad at iniwan sila ni Zyra. Huminga siya nang malalim saka nilapitan ang kaibigan. "Zyra," tawag niya sa pangalan habang tinatapin ang braso nito. "Zy... Zyra." Umungol ang kaibigan niya. Nilapit niya ang kaniyang bibig sa tainga nito. "Zyra, where's your car key?" Muli lang itong u mymungol. Tila nauubusan ng pasensya siyang tumayo nang maayos saka hinanap ang bag nito. Nakita niya iyon sa kama ngunit nang tingnan niya ang loob, wala roon ang susi ng kotse nito. 'Imposibleng hindi nito dalin si Coco.' Kotse nito ang tinutukoy niyang Coco. Tinitigan niyang mabuti ang mga bulsa ng suot na high waist pants nito pati ang leather jacket. Napailing pa siya nang makitang croptop pa ang suot nitong pantaas. Inirapan niya ito saka sinimulang kumapa sa bulsa. Gusto naman niyang mapamura nang kumilos ito ng bahagya dahilan upang matanaw niya ang cleavage ng kaibigan. Napalayo si Casey lalo na nang magsimula siyang makaramdam ng init. Gamit ang mga palad ay pinangpaypay niya iyon sa kaniya. 'Casey, umayos ka nga. Please!' Huminga siya ng malalim nang ilang beses dahil hindi siya natutuwa sa nakikita. "Zyra! Nasaan ba kasi yung susi mo!?" Angil niya pero walang natamong sagot mula rito. Lumapit siya rito saka akmang iaangat ang jacket nito upang tingnan kung nandoon ang susi nang bumukas ang pinto. "Ma'am, sorry po. Pasensya na po." Kaagad siyang lumayo kay Zyra. "N-naku, mali po kayo ng iniisip. M-may kukuhanin lang kasi ako sa bulsa ng jacket niya." "G-gano'n po ba? Akala ko po kasi..." "H-hindi po gano'n iyon." Pakiramdam ni Casey ay kasing pula na ng kamatis ang mukha niya sa sobrang hiya. "Sige po. Ako po si Rico. Isa sa mga bouncer dito. Inutusan po ako ni Aubrey." Tumango siya. "Okay. Thank you." Sa pagbuhat ng bouncer sa kaibigan niya ay biglang nalaglag ang susi ng kotse. Kaagad niyang dinampot iyon pati ang bag na dala nito. Sumunod siya sa mga ito nang makalabas. Kumaway pa siya kay Aubrey bago lumabas ng bar. Hindi naman sila nahirapan na hanapin si Coco. Maingat niyang pinapasok sa loob ng sasakyan si Zyra. Nang maisara ng bouncer ang pinto, kaagad niya itong inabutan ng cash. "Thank you, Ma'am." "Thank you rin." Umikot na siya upang mapunta sa driver seat. Nang makaupo at nagsuot siya ng seatbelt. Muli niyang tinanaw ang kaibigan saka napailing na lang dito. DUMAAN MUNA sa drive thru si Casey upang bumili ng pagkain nila sa condo unit ni Zyra. Habang nasa daan ay hindi niya alam kung paano niya bubuhatin ang kaibigan upang madala sa unit nito. Ngayon lang nag-pass out si Zyra kaya naman ngayon lang talaga niya naranasan ang ganito at ngayon lang din siya namoblema sa kaibigan. "Kailangan mo gumising, Zyra. Kung hindi, hahayaan talaga kitang dito matulog kay Coco." Nang maiparada ni Casey sa basement ang sasakyan ay bumaba siya kaagad saka umikot. Binuksan niya ang pinto saka tinapik ang kaibigan sa hita at binti. "Zyra! Gising, Zyra! Gusto mo ba matulog dito? Zyra!" Umungol lang ito. "Anong ungol-ungol ka diyan? Gumising ka na at bumaba! Hindi kita kayang kargahin paakyat sa unit mo. Zyra!" Niyugtog niya ito hanggang sa bigla na lang siyang hilahin dahilan upang madaganan niya ito. Mas nanlaki ang mga mata niya nang ikulong siya nito sa mga braso. "Ang ingay mo," paos ang boses nito at amoy na amoy niya ngayon ang hininga nitong amoy mint na may alcohol na kahalo. Napikit ang mga mata nito. Kumurap-kurap ang mga mata niya. Ang lakas ng kabog ng puso niya at halos dinig din niya ang puso ni Zyra. "Z-Zyra, tara na. Ayaw kong magpalipas ng gabi rito sa kotse mo. "Gumising ka na." Tinapik niya nang dalawang beses ang braso nito. Huminga muna ito ng malalim bago dinilat ang mga mata. "Lashing pa ako—aray!" Ngayon ay dilat na dilat na ang mga mata nito dahil pinitik niya ang noo nito. "Ang sakit, ah!" "Tara na kasi!" Pinilit niyang kumilos upang makatayo at makalabas ng kotse. Hirap na hirap siya pero nang makalabas, buong pwersa niyang hinila sa braso si Zyra. Nakasimangot ito at nagpatinanod sa kaniya. "Nahihilo pa ako. Dahan-dahan naman." "Kasalanan mo iyan. Masyado kang mayabang. Akala mo kaya mong uminom nang marami? Grabe! Nag-pass out ka ro'n sa club!" Inirapan niya ito. "Mabuti na lang at si Aubrey ang nakakita sa iyo." Ngumisi siya. "Masyado ka namang nag-alala." Sumimangot siya. "Asa! Tara na!" Kinuha niya ang mga gamit nilang dalawa saka lumapit muli kay Zyra. Hinawakan niya ang malambot na kamay nito at hinila para makatayo. "Kaya mo bang tumayo?" "Hmm. Kaya pa naman." Napahawak ito sa ulo. "Grabe tama sa akin ng Tequila na iyon, ah!" "Buti nga sa iyo. Let's go." Hinila na naman niya ito papunta sa elevator. GINAMIT NI Casey ang sariling duplicate key upang mabuksan ang pinto. Ang isang braso ni Zyra ay nakaakbay sa balikat niya habang inaalalayan niya itong maglakad at makapasok sa loob. Kahit nahihirapan ay dumiretso sila sa silid. Binuksan niya ang switch ng ilaw saka maingat na pinuwesto si Zyra sa kama. Nakahinga siya nang maluwag nang sa wakas ay mawala ang bigat nito sa kaniyang katawan. "Grabe! Ang payat-payat mo pero ang bigat mo!" aniya rito saka umikot upang buksan ang aircon. Gustong-gusto ni Zyra ang malakas na bugso ng aircon at kabaligtaran niya iyon. Ginawin kasi siya at hindi kagaya nito na makapal yata ang balat. "Ang init!" angil ni Zyra habang inaalis ang suot na jacket. "Kabubukas ko lang ng aircon," aniya pero natigilan nang may maalala. "Hala!" Pilit namang dumilat ng mga mata si Zyra. "Bakit?" "Naiwan ko iyong pagkain natin!" Kumunot ang noo ni Zyra. Dahan-dahan itong naupo habang siya ay naglakad patungo sa pinto. "Anong pagkain?" "Dumaan ako sa drive thru kanina habang tulog ka sa kotse. Hintayin mo ako rito. Mabilis lang ako." Lumabas na siya ng unit ni Zyra at dumiretso sa elevator. Kapapasok lang niya roon nang biglang may marinig siyang sigaw. "Wait!" Awtomatiko namang bumukas ang pinto ng elevator kaya nakapasok ang isang babae na may dalang malaking box. "Wooh!" Suot ang maong short at plain v-neck shirt, nakalugay ang mahaba nitong buhok na hanggang baywang. Nakatsinelas lang din ito. Ang taas nito ay hindi nalalayo sa height niya. Napangiti siya dahil sa ekspresyon nito. Tahimik siyang nakatayo sa kabilang side ng elevator. "Hi!" Tumingin siya rito. "H-Hi." Ganting bati niya rito. Sumilay ang matamis na ngiti niya rito. "I'm Britney. Bagong lipat ako sa 7th floor. Doon ka rin galing, di ba?" "Ah... O-oo." Tiningnan siya nito. "So... Dito ka rin ba nakatira or..." "No, I'm not. Actually iyong bestfriend ko ang nakatira dito. Ahm nagkakataon lang na dito ako nag-ssleep over minsan." Tumango-tango ito. "Oh, I see." Naramdaman pa niya ang ilang sandaling pagtingin nito sa kaniya. "You know what, familiar ka sa akin. Have we met before?" Kaagad naman niya itong tiningnan at pinag-aralan ang mukha nito. "I don't think so," sagot niya saka ngiti. "Ngayon lang kita kilala." "Talaga? Para kasing nakita na kita... Oh right! Sabi na, e!" Tiningnan niya ito at hinintay na sabihin kung ano ang ibig sabihin. "Writer ka, di ba?" Tumango pa siya. "Y-yes." "Wow! Are you Casey Atonal from Good Morning, Philippines publication?" May kakaibang kislap na ito sa mga mata. Tumango siya. "Ako nga." "Oh my God!" Kaagad nitong binaba ang hawak na box saka nilahad ang kanang kamay sa harap niya. Tinanggap niya iyon. "It's nice to finally meet you! I'm such a fan!" Napangiti siya dahil sa tinuran nito. "Oh... Really? Thank you." "Palagi ko inaabangan ang mga articles mo. Sobrang fan na fan mo ako. Writer din ako pero hindi ako nagsusulat ng mga articles. Novelist naman ako." "Wow! So saang publishing ka?" Bigla naman itong nahiya. "Naku, hindi sikat iyong publishing house na pinagsusulatan ko, e." "Ay ayos lang iyan." Tumunog ang elevator hudyat na nasa basement na sila. "Saan pala ang punta mo?" Muling binuhat ni Britney ang box. "Bukas pa kasi talaga ko lilipat. At itong mga to, mga gamit ng kapatid ko na nasama sa mga boxes ko. Nag-ayos lang ako kanina." Ngumiti ito sa kaniya. "Ah... Okay." "Ikaw? Uuwi ka pa ba? Gabi na, ah!" Umiling siya. "Hindi. Nakalimutan kasi namin iyong pagkain namin dito sa kotse." Natawa siya pati ito. "Sige. Mauna na ako. Nice to meet you ulit!" Kumaway naman siya rito habang papunta ito sa sariling sasakyan. Siya naman ay kinuha ang pagkaing binili kanina sa drive thru. "Bye, Casey!" Sumigaw pa si Britney at kumaway bago pinasibad ang kotse. Siya naman ay nakangiti saka sinara ang pinto ng kotse. Habang naglalakad ay sinilip pa ni Casey ang laman ng mga plastik. Kumalam ang kaniyang sikmura nang maamoy ang friedchicken pati ang fren fries. Ngunit muntik na niya itong mabitiwan nang biglang may humarang sa kaniya. "Sino iyon?" Nakatanaw si Zyra sa dinaanan ng kotse ni Britney habang magkakrus ang mga braso sa tapat ng dibdib. "Zyra! Bakit ka ba nanggugulat?" Niyakap niya ang mga pagkain na dala. "Muntik ko na tuloy mabitiwan itong mga to." Tumingin ito sa kaniya. "Ano ba iyan?" "Rice, chicken, fries saka tuna pie. Gusto mo ang mga ito, di ba?" Inismiran lang siya nito. "Tara na nga." Nauna na itong maglakad pabalik sa elevator. "Hoy, sandali lang! Bakit ka ba kasi sumunod pa. Akala ko ba nahihilo ka sa tama ng Tequila?" Napangisi siya. Nakasakay na sila ng elevator. Hindi kumibo si Zyra bagkus sumandal ito sa dingding saka pinikit ang mga mata. "Isnabera mo naman. Mamaya matumba ka pa diyan. Kaya mo naman pala maglakad, e pero kanina pinahirapan mo akong akayin ka." "Hmm..." Iyon lang ang sinagot nito. "Bakit ka ba kasi naglasing? Broken ka ba?" Natatawa niyang tanong. Dinilat nito ang isang mata upang silipin siya saka isang umismid. "Broken your face." "E bakit nga kasi? Saka hindi ka naman umiinom nang sobra na tipong nawawalan ka ng malay. Sa tagal nating magkaibigan ha? Ngayon lang kita nakitang mag-pass out." Paninermon niya rito. Umayos ito ng tayo saka inayos ang buhok. "Bakit ka nga pala pumunta sa bar?" "Tumawag ka, di ba?" "Oo nga pero wala akong sinabing pumunta ka." Sumimangot siya. "Bakit parang ayaw mo na sinundo kita? Okay lang ba sa iyo na magpalipas ng gabi roon sa isa sa mga kwarto roon sa The Alchemist? Seriously?" Hindi siya makapaniwalang tumingin dito. Tiningnan siya nito. "Kaya ko naman ang sarili ko." Tumingin siya rito. Hindi makapaniwala na sa likod ng ginawa niyang pagtakas sa bahay, pagsundo at pag-alalay dito pauwi sa condo nito upang makasigurado lang na ligtas ito ay tila wala lang dito. Sinalubong nito ang tingin niya. "Penge nga ako niyan." Tumunog ang elevator at nasa 7th floor na sila. Marahas niyang binigay lahat ng dala kay Zyra. "Hey!" anito pero nauna na siyang lumabas at mabilis ang mga hakbang ang ginawa niya upang makarating sa unit. 'Bahala ka diyan. Nakakainis. Di pa magpasalamat. Naku, Casey. Nabaliwala na naman ang effort mo.' Iyan ang iniisip niya hanggang sa makapasok sa loob ng unit habang si Zyra ay panay ang tawag sa kaniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD