CHAPTER 5

1023 Words
MASAMA ANG loob ni Casey kay Zyra hanggang sa makapasok sila sa loob ng unit. Dumiretso siya sa loob ng banyo habang si Zyra naman ay inayos sa lamesa ang mga pagkaing naka-plastic. Pinakalma muna ni Casey ang sarili habang nasa loob. Ang mga kamay niya ay nakapatong sa lababo habang nakatitig siya sa sariling repleksyon sa salamin. Hindi lang naman ngayon tila nabaliwala ni Zyra ang mga efforts niya. Maraming beses na pero hindi pa rin siya natuto. Humugot siya ng malalim na hininga bago naghugas ng mga kamay. Ang hirap kasi sa kaniya, hindi siya mapagtanim ng sama ng loob. Hindi nagtatagal ang tampo niya at kaunting lambing lang sa kaniya ay umo-okay na siya agad. Lumabas siya ng banyo at naabutan niyang maayos at nakahanda na ang mga pagkain. Habang si Zyra ay nakaupo sa isang silya ay nakadukdok ang ulo sa mga brasong nakapatong sa mesa. Bumuntonghininga siya. Lumapit si Casey at naupo sa katapat na silya. Nagsimula siyang maglagay ng kanin na nakabalot sa papel sa sariling plato saka manok. Noon tila nagising si Zyra at papikit-pikit pang tumingin sa kaniya. Umayos ito ng upo saka inayos ang pinggan na nasa harap. Hindi niya ito tinitingnan. Ganoon siya magtampo. Tatahimik lang at hahayaan na makaramdam ang kaibigan. Kumain siya ng binili niyang pagkain kanina habang nakikita niya sa gilid ng mga mata na paminsan-minsang sumusulyap sa kaniya si Zyra. Halos patapos na siya sa kinakaing manok nang magsalita ang kaibigan. "Buti pinayagan ka nila tita at tito na lumabas ng dis oras ng gabi." Tumaas ang isang kilay niya at hindi kumibo. 'Alam mo na hinding-hindi papayag ang mga iyon at alam mo rin na tumatakas lang ako.' Gusto niyang sabihin iyon sa kaibigan ngunit mas nag-focus na lang siya sa ginagawa. Kukuhanin niya sana ang isang tuna pie nang bigla nitong kuhanin din kung ano ang mismong pakay niya. Inunahan siya ni Zyra. Noon niya inangat ang tingin dito. Imbis na makipagtalo ay hinayaan na lang niya ito. Iyong french fries ang kinuha na niya saka tahimik na kumain ulit. "Casey..." Tumigil siya sa pagnguya kaya naman nagpatuloy si Zyra. "Ano bang problema, Casey? Kanina ka pa tahimik diyan." Inubos niya muna ang lahat ng laman ng bibig saka uminom ng tubig. Sinalubong niya ang tingin nito pagkaraan. "Hindi ba pwedeng kumakain tayo kaya dapat tahimik lang?" "Ah. So ngayon, kailangan natin gawin ang proper etiquette kapag kumakain? Bakit biglaan at hindi ako na-inform?" "Zyra, huwag kang overacting—" Ngumisi ito saka umiling. "Ako pa talaga ang overacting?" Hindi siya kumibo. Maingat niyang sinalansan ang mga platong ginamit niya nang matapos siya. Tumayo siya maya-maya saka dinala ang mga iyon sa lababo. Naghuhugas na siya ng pinagkainan nang maramdamang tumayo na rin si Zyra. Narinig niya ang mga kalansing ng mga kubyertos at plato. Ilang sandali pa ay tumikhim ito sa kaniyang likuran. Hindi siya tumingin dito at tinapos na lang ang mga hinuhugasan. Nang matapos at pumihit paharap at mabilis na dumikit ito sa kaniya dahilan upang magdikit ang mga katawan nilang dalawa. Nahigit ni Casey ang hininga nang magtama ang mga paningin nila. "Alam mong ayaw ko sa lahat ay iyong nananahimik ka nang hindi ko alam ang dahilan," malamig na wika nito. Mas mataas ito sa kaniya nang bahagya kaya naman nakatapat siya nang bahagya sa mga labi nito. Amoy na amoy niya ang mabangong hininga nito na kahit naghahalo ang amoy ng kinain nito at ng nainom na alcohol ay hindi masakit sa ilong. Hindi ito umalis sa harapan niya pero ang isang kamay na may hawak na mga kasangkapan ay gumalaw upang ilagay iyon sa lababo. Humakbang siya ng isa sa kanan ngunit humarang na naman ito. Ganoon din ang ginawa niya sa kaliwa pero kahit ito, ganoon din. Tila inuubos nito ang pasensya niya. Bumuntong hininga siya saka tumingin sa mga mata nito. Tumaas ang isang kilay ni Zyra sabay ngisi. "Saan ka pupunta?" "Uuwi na ako—" "No, you can't do that," buong kompyansang wika nito. Siya naman ang tumaas ang isang kilay ngayon at pinagkrus ang mga braso. "At bakit?" "Dahil hindi ako papayag na umalis ka pa ng ganitong oras." Hinawakan nito ang isang kamay niya saka siya hinila. Nagtataka man, hinayaan niya itong hilahin siya hanggang sa makapasok sila ng silid. Binitiwan din siya nito. "Matutulog ka rito at bukas ka uuwi nang maaga. Maliligo lang ako at ikaw, mahiga ka na diyan." Dumiretso ito sa banyo habang siya naman ay nakatayo pa rin. Naiinis siya pero wala naman siyang magagawa. Wala na rin siyan masasakyan kung sakali. Naupo muna siya sa gilid ng kama saka hinintay si Zyra na matapos sa banyo. Tumayo siya nang mainip at lumapit sa bintana. Hinawi niya ang malaki at makapal na kurtina kaya naman tanaw na tanaw niya ang mga bituin na nakakalat sa itim na kalangitan. Naakit siya roon kaya naman hinila niya ang sliding door saka lumabas sa veranda. Ang lamig ng hanging panggabi ang unang humalik sa kaniyang balat kaya naman naiyakap niya ang mga braso sa sarili. Ilang sandali pa ay narinig ni Casey ang mga yabag ni Zyra sa likuran. Ramdam na niya ang presensya nitong palapit sa kaniya at hindi nga siya nagkamali. Tumayo ito sa tabi niya at bumuga ng hangin. "Alam ko na nagtatampo ka," anito. Nagulat pa si Casey nang gumalaw si Zyra at ipatong ang ulo nito sa kaniyang balikat. "I'm sorry kung uminom ako." Napalunok siya. "Bakit ka ba kasi uminom?" "It's their 5th death anniversary. Nakalimutan mo na ba?" Nilingon niya Zyra habang ito naman ay umayos ng tayo. Ngumiti ito nang bahagya sa kaniya pero ang mga mata ay may kakaibang lungkot. Lungkot na tila kahit siya ay nahahawa na. Lumambot ang expression niya. Napagtanto niyang hindi ito ang tamang oras para mag-inarte siya. Hinawakan ni Casey ang kamay nito saka kusang yumakap ang mga braso nito sa kaniya. "I'm sorry," aniya sa kaibigan. Ngayon alam na niya kung bakit ito nag-inom. Ginawa ni Zyra iyon upang makalimot dahil alam niya maghanggang ngayon ay masakit pa rin para dito ang nangyari sa mga magulang nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD