6 - Lounge Chair

1518 Words
NAPAUNAT si Emerald sa kaniyang pagkakahiga sa lounge chair na nasa gilid ng swimming pool nang makita ang biglaang pagkalat ng liwanag sa loob ng silid na naroon ilang hakbang lamang ang layo sa kinaroroonan ng pool. Lumalagos ang liwanag sa makapal at malaking kurtinang nakaladlad sa glass-wall window. Hatinggabi na noon at maalinsangan para sa kaniya ang panahon kahit pa nga nakasagad na ang aircon, kaya naman nagtungo siya roon upang maginhawahan. Madilim doon sa kaniyang kinaroroonan dahil sinadya niyang i-off ang outdoor lights para maging komportable siya, kaya naman nang magliwanag sa silid na iyon ay napansin niya kaagad. Napabangon siya at naupo nang marinig ang ingay ng bumukas na glass door. Dinig na dinig niya iyon dahil sa katahimikan ng gabi. Buhat doon ay lumabas ang matangkad at matipunong bulto. 's**t!' bulalas niya sa isip nang makilala ang bultong iyon sa tulong ng liwanag na lumalagos sa tela ng kurtina buhat sa loob ng silid na pinagmulan nito. Si Gray. Dumating na pala ito, ni hindi man lang niya narinig ang ingay ng sasakyan nito kaya hindi niya namalayan ang pagdating nito. Mula nang magkaharap sila noong isang araw ay hindi ito umuwi at walang abiso sa ama na uuwi ngayong gabi. Napakurap siya nang bigla ay kumalat ang makulimlim na liwanag doon sa swimming pool at nahantad ang kaanyuan niya. Nakita niya ang pagkabigla sa mukha ni Gray nang makita siya, ngunit kaagad din itong nakabawi. Kalmado itong humakbang palapit sa kinaroroonan niya. Kaagad siyang tumayo upang mapaghandaan ang kung anumang binabalak nito. Alam niyang nagalit ito sa ginawa niya sa ilong nito nang magkrus ang landas nila sa coffee shop kaya inaasahan niya na maaaring gantihan siya nito, hindi man gaya ng ginawa niya ay maaaring sa ibang kaparaanan naman bagay na hinding-hindi niya hahayaan. Bahagyang napakunot ang noo niya nang hagurin siya nito ng tingin sa kaniyang kabuuan. Hindi ito nag-alangang gawin iyon kahit pa nga nakikita nitong aware siya. Napalunok siya. Naalala niya na naka-two-piece bikini nga lang pala siya. Napaawang ang bibig niya at napasunod ang tingin sa pagkilos nito nang hubarin nito ang suot nitong robe at padarag na inihagis sa kaniya. Nasalo niya iyon. Tiningnan niya ang robe bago muling ibinalik ang tingin dito. "Takpan mo nga ang sarili mo," utos nito sa kaniya sa padaskol na tono. "At sa susunod tiyakin mong hindi nakabalandra sa paningin ko 'yang mala-tabla mong katawan. . .Mommy," seryosong dagdag pa nito. Napaawang ang bibig niya bago maanghang na napangiti. Ang lakas ng loob nitong tawaging tabla ang katawan niya. Hindi ba ito marunong tumingin ng katawang maganda? Inis na ibinato niya sa mukha nito ang robe tapos ay kumilos upang lampasan sana ito at iwanan ngunit maagap siya nitong nahaltak sa kaniyang braso nang mapatapat siya rito. Hindi siya nakaporma nang ihagis siya nito papunta sa swimming pool, ngunit bago siya tuluyang mapatilapon doon ay nahawakan niya ito sa braso. Nawalan ito ng balanse kaya naman kasama niya itong bumagsak sa tubig. Doon ay naghilahan sila at pinilit na ilubog sa tubig ang isa't isa. Hindi siya nagpadaig. Nakipagsabayan siya sa binata at pinilit na tapatan ang lakas nito upang magawang mailublob ito sa tubig, pero wala rin talaga itong planong magpadaig. Hinawakan siya nito sa batok at walang pakundangang inilublob siya sa tubig. Gusto niyang ipagsigawan sa mukha nito na bading ito dahil pumapatol ito sa babae, lamang ay wala siyang pagkakataong masabi iyon dahil halos mapatid na ang kaniyang hininga sa pagkakalublob nito sa kaniya sa tubig. Nagpipisag siya sa ilalim at pinilit na makabulwat sa ibabaw ng tubig. Sinikap niya itong mahawakan sa buhok nito at kalaunan ay nagawa naman niya. Ubos lakas niya itong hinila sa buhok hanggang sa magawa niya itong mailubog sa tubig. Nagpatuloy sila sa paglulunuran hanggang sa kapwa na sila mapagod at tumigil. Kapwa sila humihingal nang lubayan nila ang isa't isa. Maluha-luha ang mga mata niya sa galit nang tingnan si Gray na noon ay habol ang hininga habang nakatitig sa kaniya. "Wala ka talagang respeto sa babae!" pasinghal na sabi niya sa binata. Nanginginig ang boses niya dahil sa tindi ng galit dito. Mukhang ikinatutuwa nitong makitang nagliliyab siya sa galit. Sarkastiko itong ngumiti bago kumindat sa kaniya habang nakadila. Gigil niya itong sinabuyan ng tubig sa mukha bago nagmadaling lumangoy patungo sa gilid ng pool upang umahon. Hindi na siya gumamit ng pool ladder, diretso siyang umakyat sa pool deck. Humihingal siya nang makaakyat doon. Akmang kikilos na siya upang tumayo nang biglang matigilan, wala ang kaniyang bikini top at nakahantad ang malulusog niyang dibdib. Kaagad niyang ikinubli sa mga braso ang kaniyang dibdib bago nilingon si Gray sa tubig na noon kumakaway habang hawak ang bikini top niya at nakakaloko ang ngiti sa kaniya. Lalo siyang napaluha sa tindi ng galit dito. Tumayo siya at tinangkang balikan ito sa tubig. Sa paghakbang niya ay nadulas ang paa niya sa pool deck na naglawa na dahil sa basa niyang katawan. *** NAPAMULAT si Emerald nang maramdaman sa kabila ng kaniyang kahimbingan na para bang nahulog siya sa kaniyang kinahihigaan. Sumalubong sa kaniyang paningin ang madilim na kalawakan ngunit makulimlim na liwanag sa kapaligiran. Napabuntong-hininga siya ng malalim. Hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya sa lounge chair. Kinapa niya ang kaniyang sarili partikular ang dibdib niya. Hindi siya nakuntento kaya tumunghay pa siya upang matiyak na naroon ang bikini top niya. Nakahinga siya ng maluwag nang makitang kumpleto ang two-piece bikini niya. Grabe ang kaniyang panaginip, para iyong totoo. Ipinikit niya ang kaniyang mga mata at bumuntong hininga upang iwaksi sa kaniyang isipan ang kaniyang napanaginipan. Nasa ganiyang ayos siya nang bigla ay may maalala. Muli niyang binuksan ang kaniyang mga mata. Bumangon siya buhat sa kaniyang pagkakahiga at napatitig sa swimming pool habang napapaisip. Totoong pinatay niya ang ilaw roon, pero ngayon ay heto at kalat ang makulimlim na liwanag sa paligid ng swimming pool. Nasa ganiyang ayos siya nang matigilan dahil sa pag-ungol na kaniyang narinig, ungol na tila ba nasasaktan at iyon ay nagmumula malapit sa kaniyang tabi lamang. Dahan-dahan niyang ipinihit ang kaniyang ulo paharap sa kaliwang bahagi niya kung saan nagmula ang ungol na narinig niya. Napaawang ang kaniyang bibig at saglit na napigil ang paghinga nang makita si Gray na nakahiga sa lounge chair na nasa tabi ng kinahihigaan niya. Ilang araw na itong hindi umuuwi mula nang dumating siya rito. Sabi ni Gael, nasa Isla raw ito at mukhang walang planong umuwi. Alam kaya ng ama nito na dumating na ito? At kailan pa kaya ito rito nakahiga sa lounge chair? Masyado yatang naging mahimbing ang tulog niya kaya hindi ito namalayan. Ano kaya ang naging reaksiyon nito nang madatnan siya nitong nahihimbing doon? Muli itong umungol habang nakapikit ang mga mata. Pinagmasdan niya itong mabuti. Mukhang nananaginip ito. "Hmm... Fvck off..." paanas ngunit paungol na sabi nito habang ibinibiling ang ulo at nakapikit ang mga mata. Napakunot ang noo niya. 'Binabangungot ba siya?' tanong niya sa kaniyang isip. Tumayo siya buhat sa kaniyang pagkakaupo at lumapit dito. "Gray. . ." tawag niya sa binata upang gisingin ito. Suminghap ito kasabay ang pagkunot ng noo. "Back off..." padaing na sabi pa nito. Umangat ang dalawa nitong kamay na para bang may itinutulak palayo sa hangin. Nasapo niya ang kaniyang dibdib dahil sa pag-aalala na biglang bumangon doon ng hindi niya namamalayan. "Gray!?" Napalunok siya at napasunod ng tingin sa kamay nito nang kumilos iyon at dumako sa pagka.lalaki nito. "Ahhh..." daing nito habang sapo iyon. Muli siyang napalunok. Binabangungot na nga ito marahil. Tiningnan niya ito sa mukha nito at doon ay mababakas ang sakit na nararamdaman nito habang nakapikit ang mga mata. Sumisinghap ito na para bang nasasaktan talaga. "Gray!" Hinawakan niya ito sa braso upang gisingin buhat sa masamang panaginip. Ngunit nagkamali siya sa naging pagkilos niya. Nagising ito dahil sa pagkagulat at sa pagmulat ng mga mata ay pahaltak siya nitong hinawakan sa kamay niya nakahawak sa braso nito. Hindi niya iyon inaasahan kaya hindi niya napaghandaan. Nawalan siya ng balanse at patagilid na bumagsak sa ibabaw nito. Kumilos siya upang bumangon ngunit dahil alanganin ang kaniyang puwesto, imbes na makatayo ay nahulog siya at dahil hawak siya ni Gray sa kaniyang braso ay kasama niya itong nahulog. Napaigik pa siya nang bumagsak ang likod niya sa matigas na sahig kasabay ang pagdagan ni Gray sa ibabaw niya. Kumabog ang kaniyang dibdib ng hindi niya maunawaan. Lubhang nakakailang ang posisyon nilang dalawa. Nakapatong ito sa ibabaw niya at halos magkahalikan na sila. Saglit silang natigilan at nagkatitigan ngunit kapagkuwan ay natauhan siya nang maramdaman ang paninigas ng p*********i nito na nakadikdik sa kaselanan niya. Itinakip niya ang dalawa niyang palad sa mukha nito at itinulak ito palayo sa kaniyang mukha. "Gael!" tapos ay sigaw niya. "Daddy!" sigaw rin nito na siyang nagpabilog sa kaniyang mga mata. Ano ba'ng ginagawa nito? "Lumayo ka nga sa akin!" singhal niya sa binata sabay tulak palayo. "Umalis ka sa ibabaw ko!" "Daddy!" sigaw nitong muli imbes na umalis sa ibabaw niya. "Nilalandi ako ni step-mommy!" Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD