"EMERY, pagpasensyahan mo na ulit ang inasal ng aking anak kanina," sa ikatlong pagkakataon ay sabi ni Gobernador Gael sa kaniya.
Naglalakad sila nito pababa sa hagdanan, ihahatid niya ito hanggang sa labas ng doorway kung saan ay naroon naghihintay ang dalawa nitong bodyguard.
"Sasabihin ko ito hindi dahil anak ko siya pero, mabait si Gray, friendly siya at palaging nakatawa kahit pa nga minsan ay may kapilyuhan siya. Marahil ay nabigla lang talaga siya kaya ganoon ang kaniyang inasal kanina."
Nasa huling baitang na sila noon ng hagdanan at doon ay huminto siya sa paghakbang, kaya naman kaagad din itong napahinto at tiningnan siya, seryoso.
"Emery?"
Napabuntong-hininga siya habang nakatitig dito. "Nagkita na kami," maikling sabi niya na siyang bahagyang nagpakunot sa noo nito.
Tumango ito na ang ibig iparating ay magpatuloy siya sa kaniyang pagsasalita.
Napalunok siya upang sa paraang iyon ay alisin ang tila bikig sa kaniyang lalamunan.
"Sa isang coffee shop na nasa ilang kilometro lang ang layo buhat dito. Hindi ko na matandaan kung kailan or what day it was but. . .hindi naging maganda ang una naming pagkikita," pagtatapat niya bagama't hindi sinabi ng tahasan ang eksaktong nangyari. "Kaya hindi ko siya masisisi kung bakit ganoon ang naging asal niya kanina."
Saglit itong hindi nagsalita ngunit nanatiling nakatitig sa kaniya.
Sinikap niyang ngumiti hanggang sa mahawa niya ito.
"Nauunawaan ko ang ibig mong sabihin," sabi nito habang iginagala ang paningin sa kaniyang mukha. "Ikaw at si Graysen na lang ang pamilyang mayroon ako sa ngayon kaya naman sana. . .maunawaan mo rin ako kung hilingin ko sa 'yo na gawin mo ang mga bagay na dapat gawin upang mapalapit ang loob niya sa 'yo," wika nito na siyang bumahaw sa kaniyang ngiti.
Napakurap siya sa sinabi nito. Sa tono ng pananalita nito ay hindi nito iyon sinasabi bilang hiling o paghingi ng isang pabor.
Nais niyang pumilig. Hindi nito sinabi sa kaniya noong una na mayroon itong anak na kagaya ni Gray na dapat niyang pakisamahan.
Gusto sana niyang isatinig ang kaniyang pagtutol ngunit napaisip siya.
Muli siyang napakurap bago tumangu-tango habang sinisikap na muling ngumiti.
"Sige, I'll do everything para mapalapit siya sa akin hindi lang bilang step-mom niya, kun'di bilang isang tunay na ina," wika niya kahit pa nga gusto niyang masamid sa huling sinabi.
Twenty-nine years old pa lang siya at sa tingin niya ay mas hamak na maedad kaysa sa kaniya si Gray.
"Thanks, Emery. Kapag naging okay na kayo ni Gray, maaari ka niyang isama sa provincial hall para makita mo ang aking opisina. Sige na, aalis na ako."
•••
NAKAUPO si Gray sa hanging chair na naroon sa balkonahe ng isa sa mga suite ng Blue Fantasy Royal Village.
Ang Royal Village na ito ay nasa tuktok ng animo'y higanteng bato sa gilid ng isla, kung saan ay natatanaw ang maasul at malawak na Pacific Ocean maging ang mga isla na tila ba sinambulat sa karagatan.
Dito siya pumupunta sa Blue Fantasy Island Club kapag malungkot siya o may kung anong bagay na kinikimkim sa dibdib. Pakiwari niya, tinatangay ng malamig na hangin at ng maaliwalas na tanawin dito ang lahat ng hindi magagandang bagay na nagpapabigat sa kalooban niya.
Napabuntong-hininga siya ng malalim bago iniligid ang kaniyang mga mata. Nahagip ng tingin niya si Ricky na naroon sa kabilang bahagi ng balkonahe at nakatingin sa kaniya.
Kaagad itong ngumiti na mabilis nakahawa sa kaniya kasabay ang pagkabuo ng kalokohan sa isip niya.
"Ricky." Sumenyas siya gamit ang hintuturo upang palapitin ito.
Kaagad naman itong kumilos at lumakad palapit sa kaniya.
"Upo ka rito." Tinapik niya ang kaniyang kandungan.
Kaagad na umasim ang mukha nito. "Ayoko nga," tanggi nito sabay kilos upang lumayo sana pero maagap niya itong nahawakan sa kamay at hinila palapit sa kaniya.
Napahalakhak siya ng paupo itong bumagsak sa kandungan niya. Niyakap niya ito at kaagad itong pumalag.
"Sir Gray naman eh, kadiri!" Pasigaw na sabi nito habang pumapalag sa pagkakayakap niya.
Dahil sa bigat nila at sa kakagalaw ay bumigay ang hanging chair, bumagsak iyon kasama sila. Sabay silang napatili imbes na mapahiyaw.
Kaagad na umalpas si Ricky sa pagkakayakap niya at mabilis na tumayo saka pumitlag palayo sa kaniya.
"Bading si Ricky, tumitili," pang-aasar niya rito habang nakatawa.
Sinimangutan siya nito. "Tumili ka rin naman ah," kunwa'y paismid na sabi nito sa kaniya. "Kung hindi ko lang nakita na marami kang naikamang babae iisipin ko na bading ka," sabi nito bago bumuntong-hininga at humakbang palapit sa glass rail ng balcony.
Sinundan lamang niya ito ng tingin.
"Hay, naku, Sir Gray…bakit ba kase hindi mo na i-girlfriend 'yong mga babaeng ikinakama mo o kaya mag-asawa, para mayroon kang kinakandong habang tinatanaw ang paborito mong tanawin dito? Hindi 'yong. . ." binitin nito mismo ang iba pang sasabihin nang mapansin ang pananahimik niya.
Nilingon siya nito ngunit kaagad ding napaiwas ng tingin nang makita ang pagiging seryoso niya habang nakatitig dito.
"Watch your mouth, Ricky, foul na 'yang mga lumalabas d'yan sa bibig mo eh!" inis na sabi niya.
Pumihit ito paharap sa kaniya bago kumilos pabalik. "Pasensiya na po," malumanay nitong sabi sabay lahad ng kamay sa kaniya para tulungan siyang tumayo.
Bumuntong-hininga siya sabay tingin sa kamay nito. Hindi niya iyon tinanggap bagkus ay kumilos siya at tumayo.
Ito naman ang napabuntong-hininga habang nakatitig sa kaniya. "Remind lang po kita, Sir Gray, alas kuwarto na po ng hapon. Ang sabi ng piloto ng helicopter hindi tayo p'wedeng magpaabot ng dilim, madalas ay nagkakaroon ng subasko kapag gabi dahil sa malapit ang isla sa Pasipiko, delikadong umere."
"Haist! Sa tingin mo ba talaga makakalimutan ko? Ilang taon na ba mula ng ma-developed itong Blue Fantasy Island Club na ito rito?" kunwa'y inis na sabi niya.
Ngumiti lang ito at hindi na nagsalita.
"Gusto ko munang mag-stay rito sa loob ng kahit ilang araw," kapagkuwan ay sabi niya habang lumalakad palapit sa glass rail ng balcony.
Napasunod ito ng tingin sa kaniya habang tila ay napapaisip.
"Hindi ba ayaw mong nag-iisa ang iyong ama?"
"Gusto kong patunayan kay Daddy na nagkamali siyang pakasalan ang babaeng iyon," sabi niya sa mahinang timbre ng boses.
Napabuntong-hininga ito habang hinahagod siya ng tingnan sa kaniyang pagkakatalikod.
"Hindi mo rin ba sukat-akalain na ang babaeng iyon pala ang papakasalan ng iyong ama?" tanong na naman nito sa kaniya na siyang nagpakunot sa noo niya.
Iba ang dating sa kaniya ng pagtatanong nito, parang mayroon itong laman.
Hindi niya binanggit kahit kanino na ang dahilan ng muntik ng pagkawasak ng nose bridge niya ay isang babae. Hindi kaya nakita nito ang nangyari?
Pumihit siya paharap dito. "Kung ganoon. . .nakita mo ang ginawa ng babaeng iyon sa ilong ko—" naputol niya mismo ang sinasabi nang kaagad na mapansin ang biglaang pagbabago sa ekspresyon ng mukha ni Ricky.
Mukhang magkaiba sila ng iniisip.
"What?" napaangat ang mga kilay na tanong niya rito habang pinandidilatan ito ng mga mata.
Hindi ito sumagot bagkus ay napatanga sa kaniya.
"Bakit ba ganiyan mo akong tingnan, Ricky!?" nainis na niyang tanong dito.
Napabuntong-hininga ito tapos ay naiiwas ang tingin sa kaniya.
"Ricky!" inis na tawag niya na sinabayan ng paglapit dito. "Mayroon kang gustong sabihin, 'di ba?"
Tiningnan siya nito. "Haist! Hindi lang ako makapaniwala na totoo pala na puwedeng makalimutan ng isang tao ang pinaggagawa niya kapag lasing siya," sabi nito sa kaniya.
Napakunot na naman ang noo niya. "Ano ba'ng sinasabi mo, Ricky!?"
"Haist! Nakakainis ka, Sir Gray!" maanghang nitong sabi sa kaniya. "Bakit hindi mo matandaan na—" naputol nito ang sasabihin nang mag-ingay ang cellphone nito sa bulsa ng pantalon.
Pipigilan sana niya ito nang kumilos ito upang kunin ang cellphone sa bulsa ngunit naisip niya na baka importante iyon. Hindi naging ugali ni Ricky na lagyan ng tunog ang cellphone nito kapag ganitong oras ng trabaho.
"Pasensiya na po, Sir Gray, kagabi pa kase talaga ako hindi mapakali. . ."
"Sige na, sagutin mo na ang tawag," sabi niya sabay talikod upang bigyan ito ng privacy habang nakikipag-usap sa kung sino mang caller nito.
Muli siyang lumapit sa glass rail ng balcony at tumanaw sa malayo habang iniisip ang mga sinabi ni Ricky.
Bakit parang may kung anong kakaibang kaba sa dibdib niya matapos ang mga pinagsasabi nito?
May ginawa ba siya habang lasing siya? Kailan? Maraming beses na siyang nalasing. Alin sa mga pagkakataong lasing siya ang hindi niya matandaan?
Sinikap niyang alalahanin ang mga bawat pagkakataong nalulungangi siya sa alak ngunit walang mahagip ang isipan niya na maaaring may kinalaman sa nais sabihin ni Ricky.
Napalingon siya rito nang bigla ay marinig ang pagsinghot nito at napaawang ang bibig niya nang makitang pinupunas nito ng panyo ang mukha. Umiiyak ba ito?
Nabahala siya sa ayos nito at wala sa loob na napahakbang palapit dito.
"Ricky!?"
"Sir Gray!" basag ang boses na tawag nito sa kaniya nang makalapit siya. "Luluwas na po muna ako kase. . .wala na raw po ang asawa ko!"
Muntik na siyang mapakunot-noo. Sa pagkakaalam niya ay wala itong asawa. Ibig sabihin lang nito ay nagsinungaling ito sa kaniya, sa kanilang mag-ama.
Gusto niya itong konprontahin ngunit sa tingin niya ay hindi ito ang tamang oras para riyan.
Pinili niyang makisimpatya rito. "Sorry for your loss," malungkot na sabi niya bago ito bahagyang niyakap at tinapik-tapik sa balikat. "Sige, Ricky," maluwag niyang pagpayag. "Just let me know kung ano pang mga kailangan mo para matulungan kita."
Tumangu-tango ito sabay singa sa kaniyang balikat.
Umasim ang kaniyang mukha dahil sa pandidiri ngunit hinayaan na lang niya ito. Sino pa kayang amo ang pumapayag ng ganito?