Chapter 5. Crush

1819 Words
ISABELLA Maliwanag nan ang magising ako. Hawak pa rin ni kuya ang kamay ko at nanatili pa rin siya sa tabi ko. Kumpara kagabi ay maayos na ang pakiramdam ko. Marahan kong pinisil ang kamay niya kaya nagising siya. Namumungay ang mga matang tumingin sa akin. “Kuya…bumalik ka na sa kuwarto mo para makapagpahinga ka ng maayos.” wika ko sa kanya. Binitawan niya ang kamay ko at hinaplos niya ang buhok ko. “Are you sure, okay ka na?” Marahan akong tumango sa kanya. Akmang tatalikod na siya sa akin ngunit muli ko siyang tinawag kaya bumaling ulit siya ng tingin sa akin. Tinangal ko ang oxygen sa bibig ko. “K-kuya…bakit mo ako niligtas? Narinig ko kila mama at papa kagabi na nahirapan daw ang bombero na apulahin ang apoy kaya hindi sila makapasok kahit alam nilang na-trap ako sa loob pero sinuong mong mag-isa para lang iligtas ako. Hindi mo ba naisip na puwede kang mapahamak dahil sa ginawa mo?” tanong ko sa kanya. Naging trauma sa akin ang pagkamatay ng buo kong pamilya kaya everytime na makakakita ako ng apoy ay hindi ko maiwasan na manginig sa takot. “I know na puwede akong mamatay sa ginawa ko. Pero hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung panunuorin ko lang ang ginagawa nila. Habang ikaw nasa panganib at maaring mawala sa akin. Mahal na mahal ka namin Isabella. Kung si daddy man ang dumating paniguradong ganun din ang gagawin niya.” Seryosong sagot niya sa akin. Ngumiti ako sa kanya na nangingilid ang luha. “Salamat kuya…” Bumukas ang pinto kaya doon napunta ang attensyon naming dalawa. Bumungad si Mama na may dalang paper bags at malaking bag. Pero hindi ko inasahan na makikita ko siya. “Nandito ka pala anak. Kasama ko si Charry. Nag-alala siya nang malaman ang nangyari kaya sumama na siya sa akin.” Wika ni mama. May dalang prutas si Charry at ngumiti siya sa akin. “Hi, ako nga pala si Charry, kaibigan ng kuya mo. Kumusta ka na?” tanong niya sa akin sabay lahad ng kamay niya. “Ako si Isabella…” pakilala ko sa aking sarili. Nag-shake hands kaming dalawa. “Palagi ka ngang nakukuwento ng kuya mo. Totoo ngang magkamukha kayong dalawa.” Nakangiting sabi niya. Magkamukha? Kami? “Hija, mabuti pa ihatid mo na siya sa kuwarto niya.” Suhestion ni mama kaya napunta kay kuya ang atensyon nito. “Dadalhin na kita sa kuwarto mo.” Sabi nito sabay tulak sa wheelchair niya. Napalingon sa akin si kuya hangang makalabas sila ng pinto at magsara ito. “Kumusta ka na anak? Nahihirapan ka pa bang huminga?” Nabaling ang atensyon ko kay mama. Pero ang utak ko ay nasa kabilang kuwarto. Kasama niya ngayon si Charry at sila lang dalawa. “Okay na po ako mama…salamat po…” sagot ko sa kanya. May pumasok na nurse at inayos ang higaan ko. “Mabuti naman…busy pa ang papa mo kaya ako muna ang mag-asikaso sayo. Nandoon naman si Charry sa kabila at sabi niya may free time daw siya ngayong araw kaya siya na lamang ang magbabantay sa kuya mo.” Imporma ni mama na ikinalungkot ko. Akala ko pa naman dadalaw lang si Charry at aalis din yun pala magtatagal pa siya sa kuwarto ni kuya. Ano kaya ang pinag-uusapan nilang dalawa sa kabila? “Ma, may gusto ba si Charry kay kuya?” usisa ko habang pinagbabalat niya ako ng prutas. “Ang totoo, crush niya daw ang kuya mo noong nag-aaral pa sila. Kaya lang may girlfriend ang kuya mo noon, si Laura. Kung hindi nga umalis si Laura baka namanhikan na kami ng maaga ng papa mo.” Kuwento ni mama sa akin. Mas lalo tuloy akong napa-isip dahil sa sinabi niya. Ngayon na wala na si Laura. Crush pa rin kaya niya si Kuya? “Ma, noong umalis ba si Laura nagbreak na din sila ni kuya?” tanong ko habang sinusubuan niya ako ng apple. “Hindi ko rin alam kung may maayos silang break-up. Pero mahal na mahal nila ang isa’t-isa noon. Pero ganun talaga…may mga bagay na hindi para sa kanya. Malay natin si Charry pala ang mapapangasawa ng kuya mo. Aba’y boto ako sa batang yun. Napakabait na matulungin pa sa kapwa. Kapag naging gobernador ang kuya mo malaki ang maitutulong niya kapag nagkataon.” Nakangiting kuwento ni mama. Hindi ko inaasahan na sasabihin niya yun. Ang pagkakaalam ko kasi ayaw ni kuya na pumasok sa pulitika. Pangarap niyang maging piloto pero ngayon ay nagugustuhan na niya ang paghawak sa negosyo. Kaya hindi ko alam kung may plan oba itong tumakbo sa pagka-gobernador ng lungsod. Pagkatapos niya akong pakainin ay nagpahinga ako ulit. Pero hindi man lang ako ina-antok. “Ma, puwede po bang sa bahay na ako magpagaling? Ayoko na po dito.” Pakiusap ko sa kanya. “Okay, kausapin ko lang yung doctor niyo ni kuya Esrael mo.” Wika niya bago nagpaalam sa akin. Tumayo ako sa higaan at hila-hila ko ang nakakabit sa akin na dextrose. Sisilipin ko lang si kuya sa kabila. “Ma’am saan po kayo pupunta?” bungad sa akin ng tauhan ni papa na nagbabantay sa akin sa labas ng kuwarto. “Kay kuya lang ako, kapag hinanap niya ako pakisabi na lang po nagpunta ako kay kuya.” Paalam ko sa kanya. Pero tinulungan niya akong itulak ang hila-hila kong stand kung saan nakasabit ang dextrose ko. Hindi na ako nag-abalang kumatok at dahan-dahan kong binuksan ang pinto. Pero nang marinig ko ang tawa ni kuya ay hindi ko na tuluyang binuksan ang pinto. Narinig ko din ang malakas na boses ni Charry habang may sinasabi ito kay kuya at pareho silang nagtatawanan. Dahan-dahan kong sinara ang pinto at bumalik ako sa kabilang kuwarto. Ang akward naman kung papasok ako sa room ni kuya. Gayong nagkakasayahan silang dalawa. Natuwa ako nang pumayag ang doctor na lumabas na kami. Ngayon ay pauwi na kami sa bahay. Nasa gitna kami ni mama ng van nakaupo at nasa bandang likuran naman si kuya katabi pa rin niya si Charry. Hindi ko akalain na close pala sila at halatang gusto ni kuya ang humor ni Charry. Pagdating namin sa bahay ay dumerecho ako sa aking kuwarto para makapag-pahinga. Hindi ko na sila nilingon pa dahil nawala na ako sa mood. Mukhang okay na naman si kuya kasi nakakatawa na. Nang maghapunan na ay ipinatawag na ako ni Inay Carmen. “Nakaalis na po ba si Charry?” usisa ko sa kanya at akmang susunod na. “Mamaya daw pagkatapos ng dinner. Nasa room siya ng kuya mo at nag-uusap sila doon.” Tumigil ako sa paghakbang palabas ng pinto. “Hindi na po pala ako kakain…matutulog na lang po ako ng maaga.” Wika ko sa kanya. “Sigurado ka bang okay ka na?” Pahabol ni Inay Carmen at ngumiti ako sa kanya. Walang gana akong humiga sa kama. Akala ko pa naman pagkahatid niya sa amin ay uuwi na siya. Pero pumasok din pala siya sa kuwarto ni kuya. Buti pa siya puwede…pero ako bawal… Niyakap ko ang malaking unan at patigilid akong humiga. Bumukas ang pinto at bumungad sa akin si Kuya. Bumaliktad ako sa kabila at nagtatampong sinubsub ko ang unan sa mukha ko. “Hindi ka daw mag-dinner? Bakit? May nararamdaman ka ba?” narinig kong tanong niya. Umikot siya sa kabila at naupo sa tabi ko. Sinalat niya ang noo ko. Akala niya ata nilalagnat pa din ako pero humupa na ang temperature ko kanina dahil sa gamot na ininom ko. “Wala akong gana, kayo na lang ang kumain. Magpapahatid na lang ako kay Inay Carmen ng milk.” Sagot ko sa kanya habang hindi inaalis ang unan sa mukha ko. Hinila niya ito kaya nakipag-agawan ako sa kanya ng unan. “Kuya ano ba?! Lumabas ka na!” gigil na sabi ko sa kanya. Sinamaan ko siya ng tingin pero natawa siya sa akin. “Anong kalokohan yan Isabella? Okay pa tayo kanina ah?” nakangiting sabi niya. “Buti pa ang ibang tao, pinapapasok mo sa kuwarto mo. Pero ako? Isang beses lang naman ako pumasok sa kuwarto mo nagalit ka na sa akin. Sinigawan mo na ako…” nagtatampong sabi ko sa kanya at muli akong nagtago sa unan. “Yun lang ba ang dahilan kaya gugutomin mo ang sarili mo? Doon ka na matulog mamayang gabi kung gusto mo para hindi ka na magtampo.” Binaba ko ang unan at pinasadahan ko ng tingin ang mukha niya. “Totoo? Puwede doon ako matulog?” tanong ko sa kanya. Ngumiti siya sa akin at tumango. Magkahalong excitement ang nararamdaman ko. “Ibig sabihin puwede na akong pumasok sa kuwarto mo anytime?” Napabuntong hininga siya pero tumango din siya. “Wala ka na rin namang makikitang secret doon dahil pinalagay ko na sa bodega. Basta hindi ka lang magkakalat lalo na kapag wala ako.” Pahabol pa niya. Hindi ko inasahan na ipapalagay niya sa bodega ang box na yun na mula kay Laura. Baka nga nakalimutan na niya ito. Dinalhan ako ng pagkain ni Inay Carmen pagkalabas ni kuya. Pagkatapos kong kumain ay inantay ko din munang umuwi si Charry. Pumasok si mama sa kuwarto ko. “Sabi ng kuya mo doon ka daw muna sa kuwarto niya. Babantayan ka daw niya at baka managinip ka na naman ng masama dahil sa nangyari.” Imporma ni mama. Kahit noon pa man na bago pa lang ako dito ay naranasan ko na ang hindi makatulog dahil sa masamang panaginip at kapag wala si mama si kuya ang nagbabantay sa akin at natutulog sa tabi ko. Madalas kasi na wala si mama noon. Kaya nalagpasan ko ang bangungot na yun. Nang masigurado ni mama na okay na ako at nainom ko na ang mga gamot ko ay nagtungo na ako sa kuwarto ni kuya dahil nalaman kong umalis na pala si Charry bitbit ko ang paborito kong unan. Naabutan ko siyang naglalatag sa sofa ng higaan at unan. “Diyan ka na sa kama. Dito na ako sa sofa.” wika niya sa akin. Pumasok ako sa loob at naupo ako sa tabi ng kama. Inilibot ko ang aking paningin at medyo luminis na nga ang kuwarto niya. Wala na yung mga box sa ibabaw ng cabinet at bagong palit din ang kurtina niya. Mabango din ang amoy at hindi gaanong malamig. Nahiga ako at inayos niya ang unan ko. Nilagyan din niya ako ng kumot bago niya ako hinalikan sa noo at nagpunta sa malaking sofa para mahiga ng patagilid. Nakita ko pa ang pagngiwi niya nang makahiga siya. Siguradong masakit pa rin ang tinamo niyang sugat. “Matulog ka na…nandito lang ako.” sambit niya habang nakatingin sa akin. “Goodnight kuya…” “Goodnight…” Napapikit na rin ako dahil nakaramdam na ako ng antok.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD