So long my love

2841 Words
Matamlay na pinagmasdan ni Sheryll ang pinakamamahal habang nag-aangat baba ang dibdib nito, pero alam niyang dulot na iyon ng ilang aparatong nakasaksak sa bibig at ilong nito. Parang parte na ng makina ang katawan ng lalake na halos buto't balat na, ni hindi na nga ito makilala dahil sa laki ng pinagbago ng pangangatawan. Maingat na lang niyang kinuha ang nanlalamig na nitong kamay para halikan. Buong lambing niya iyong hinaplos-haplos sa kanyang pisngi, kahit pa halos tila yelo na ang pakiramdam noon. "Bubu, gumising ka na," hikbing pakiusap ni Sheryll dito. Parang isang panalangin na ang mga katagang lumabas sa kanyang bibig, pero nanatili lang itong lupasay, namumutla at walang malay. Tanging ang dibdib na lang nito ang gumagalaw, wala ng iba. Dalawang buwan na rin ang nakakalipas pero hanggang ng mga sandaling iyon ay hindi pa rin nagmumulat ng mga mata si Bobby. Halos doon na nga siya sa hospital namamalagi para lamang mabantayan ito at hindi makaligtaan ang paggising ng lalake. "Nay," papansin na lang ni Shean sa kanya bago tingnan ang kakambal. Mukhang kagagaling lang nito sa trabaho dahil pawisan pa sa suot nitong damit. Nakadama siya ng kaunting tuwa nang makitang dala nito ang malaking bag na regalo ng ama, sira na ang zipper noon kaya naman nakabulwak ang uniporme sa eskwelahan, mukhang sinunod naman nito ang payo ng ama na huwag ng tumigil sa pag-aaral. "Bakit, anong mayroon?" kunot noong punas na lamang ni Sheryll sa mga mata bago balingan ang mga anak. Nakadama na lamang siya ng pagkabahala nang makita ang pagkaseryoso ng mukha ng mga ito habang nakatitig sa kanya. Hindi niya rin nagustuhan na kasama nito ang ilan sa mga kaibigan at kamag-anak nila at ang doctor ni Bobby at ilang nurse sa likod ng mga ito. "Nay, tama na po." Pigil hikbing saad na ni Sharmaine na napayuko na lamang. Dahan-dahan itong lumapit para yakapin siya mula sa likod, naroon ang pilit nitong paghaplos sa kanyang ulo, kaya naman damang-dama niya ang panginginig ng dalaga. "Nay, wala na po si tatay," tuwid na saad naman ni Shean kahit namamasa na ang mga mata nito. Napakagat na lamang ang anak niyang binata sa labi sa pagpipigil ng hikbi nang pakatitigan niya ng matalim, naroon ang lalim ng paghinga nito habang sinasabi ang mga katagang iyon. Nagpintig na lang ang tenga niya sa sinabi nito, ilang beses niya na rin iyong narinig sa mga doctor. Pilit pinapaliwanag sa kanya na makina na lamang ang nagpapahinga sa lalake pero sadyang bingi na si Sheryll sa katotohanan. Kahit pa halos mabaon na sila sa utang dahil sa laki ng babayaran sa ospital ay wala na siyang pake, naibenta na nga niya ang jeep at tricycle at kahit nga ang lupang tinitirhan ay hindi na niya itinira mapanatili lang na humihinga si Bobby. "Ano bang pinagsasabi niyo! Kailangan lang naman ng tatay niyo ng pahinga, gigising din siya pagkatapos," irritableng singhal niya na lang sa mga anak. Kumawala na siya sa yakap ng anak na babae upang yakapin si Bobby. Panaka-naka niya pang hinahaplos ang mukha nito para subukang gisingin. "Nay, nahihirapan na po si tatay, pagpahingahin na po natin siya." Napakuyom na lamang si Shean ng palad habang sinasabi ang mga katagang iyon. Naroon ang tindi ng pighati ng binata na unti-unti ng naluluha, pero halata ang pilit nitong lakas ng loob sa pagsasabi. Humigpit na lang ang yakap ni Sheryll sa pinakamamahal, sunod-sunod na ang naging pagyugyog niya dito habang walang patid ang paghagulgol. "Bobby, gumising ka na kasi! Nag-aalala na kami ng mga anak mo," makaawa ni Sheryll sa nakaratay na lalake. Subalit kahit anong lakas ng kanyang tawag at pag-alog sa katawan nito ay nanatili lang itong pikit at walang kahit anong pag-galaw. "Nay, tama na po!" yakap na ni Sharmaine muli sa ina. Wala na rin itong tigil sa pag iyak ng mga sandaling iyon kung kaya tila nabalot na ng matinding kalungkutan at pighati ang buong kapaligiran. Doon na nagkakawag-kawag sa pagwawala si Sheryll, habang naghuhurumentado sa buong kuwarto. Pakiramdam niya ay mawawala na siya sa katinuan dahil sa hindi matanggap na katotohanan. Tila ba parang unti-unti ng hinuhugot ang kanyang wisyo ng mga sandaling iyon habang nakikitang pinapalibutan ng mga doctor at ng ilang mga kamag-anak. "Bobby, Bobby!" sunod-sunod niya na lang na sigaw bago bigla na lamang sakupin ng kakaibang panghihina sa sobrang pagod dulot na rin ng ilang araw na pagpupuyat. Ilang minuto rin nawalan ng malay si Sheryll, pagmulat niya ay nasa tabi na ni Bobby ang doctor at kinakausap na ang dalawa niyang anak. “Ateng, tama na,” alo na lang sa kanya ng kaibigan na si Delilah. Agad na lang siya naupo upang iayos ang sarili at mapanatili ang tingin sa pinakamamahal, naroon man ang bigat at paninikip sa kanyang dibdib ng mga oras na iyon ay sadyang wala na siyang magawa dulo’t na rin ng matinding panghihina dahil sa pagsisimula ng paglukob ng katotohanan sa kanya nang hindi pa rin tumugon si Bobby sa kanyang mga pakiusap. Matapos makipag-usap sa doctor ay tumungo na sa kanyang tabi ang dalawa anak. Nanatili naman na tulala si Sheryll sa harapan ni Bobby. "Nay, pinirmahan ko na po iyong papel," hikbi na lamang Shean. Mugto na ang mga mata nito at hindi na matigil ang pag-agos ng luha. Lumuhod naman si Sharmaine sa kanyang harapan "Nay, pagpahingahin na po natin si tatay, pagod na po siya," humahagulgol na lang na sambit ni Sharmaine. Doon nanaman nagsimulang mapa-iyak si Sheryll. Napatakip na lang siya ng mukha para pigilan ang muling tuluyan pagkawala ng walang patid na hikbi. Inabot rin sila ng ilang oras sa ganoon eksena bago simulan ang huling pamamaalam kay Bobby. Nauna ang anak nilang si Sharmaine, walang patid ito sa paghalik sa pisngi ng ama habang panaka-naka ang ilang tila dasal na pagkwe-kwento nito sa ama, ganoon na lamang ang pag-iyak ng dalaga matapos ang halos ilang minuto. Pagkatapos ay sumunod na siya rito, naroon ang buong higpit na yakap niya sa pinakamamahal nang makalapit na rito, "Bubu, gumising ka na please," pilit tuwid at linaw na pakiusap niya na lang dito habang panaka-nakang hinahalikan ang lalake. Tuluyan na siyang napahagulgol muli ng walang kahit anong naging pag-responde ang katawan nito. Tila gumapang na ang kung anong panghihina at panlalamig sa kanya hanggang sa hatakin na siya pabitaw kay Bobby. Sumunod na ang anak niyang lalake, walang patid ang pagtapik nito sa pisngi ng amain na halatang nagbabakasakali pa rin ng mga oras na iyon, ilang minuto rin itong nanatiling nakayakap kay Bobby, walang patid na bumubulong dito, hanggang sa tapikin na ito ng kaibigan ni Sheryll na si Rosana para bumitaw. Nagtuloy-tuloy na sila sa pag-iyak nang simulan na ng doktor na ipaliwanag ang dapat gawin, naroon ang bigat at sikip sa pakiramdam ni Sheryll sa kaalaman na iyon na ang magiging huling beses niyang makikita ito. "Bobby gumising ka na!" muling sigaw ni Sherylle nang hugutin na ng anak niyang lalake ang aparatong nagpapanatili sa paghinga nito. Matapos ang ilang saglit ay tuluyan ng tumigil ang pagkilos ng katawan ni Bobby, tila para itong kandila na nauupos habang dahan-dahan na kumakawala ang natitirang hangin sa bibig nito. Kasabay ng pagbagsak ng dibdib ni Bobby ay ang unti-unti na lang rin na pagbigay ng kakapiranggot na katinuan na pinanghahawakan ni Sheryll ng mga sandaling iyon. Sabay-sabay na lang silang naghiyawan nang matapos ang ilang saglit ay tuluyan ng naging tuwid ang nakabibinging tunog sa aparatong tumututok sa buhay ni Bobby. Doon na sila parang natauhan na lang bigla lahat, halos mag-unahan pa silang mag-iina sa pag-yakap sa lalake sa huling hininga nito, wala silang pagpipigil na palibutan muli ang haligi ng kanilang tahanan dahil sa kaalaman iyon na talaga ang huling pagkakataon na makikita at makakasama nila ang pinakamamahal na lalake. ***** Tulala at nanghihina si Sheryll, mula burol ng pinakamamahal hanggang sa libing nito. Wala siyang ginawa kung hindi ang umiyak ng umiyak at magmukmok. Naroon ang tila pagdagdag ng edad niya, dulot ng puyat, pagod at lungkot. Halos lubog na ang kanyang mga mata, wala ng ayos ang pananamit at kahit ang kanyang buhok ay madalang niya ng nasusuklay. Ni hindi niya na nagawang pansinin ang mga nakiramay at bumista sa kanila. Tanging ang kambal na anak niya na lamang nag-asikaso sa lahat. Habang si Sheryll naman ay tila nawawala na sa sarili at ngayon ay naging alagain na ng mga ito. Tatlong buwan din ang nakalipas na hindi niya kinakausap ang mga anak, dahil na rin sa tampo at sama ng loob sa naging desisyon ng mga ito. "Nay, kumain na po kayo," saad ni Sharmaine na pinagsandok na siya ng kanin at pritong itlog. Tulalang napatitig na lang si Sheryll sa pagkain na inilapag ng dalaga sa harap. Sinubukan pa siyang subuan ng anak pero agad na lang siyang naglihis ng mukha. "Sharmaine, papasok na ako sa eskwela, tutuloy na rin ako sa trabaho pakatapos; ikaw na bahala kay nanay," paalam ni Shean. "Sige, ako na bahala rito." Tango naman ni Sharmaine bago bumaling muli kay Sheryll, "Nay, iiwan ko na lang po itong pagkain niyo, magluluto pa po ako ng ititinda ko." Ngiti na lang ng anak na babae sa ina. Tinanguan niya na lamang ito para sabihing ayos na siya, sa ngayon ay ayaw niya munang magsalita. Nandoon kasi ang kung anong panghihina niya na tila ba hindin niya na kayang makipag-usap pa. Halos araw-araw ay palaging ganoon si Sheryll, hindi pa rin matanggap ng kanyang isipan ang pagkawala ni Bobby kaya naman damang-dama niya pa rin ang sakit ng mga oras na iyon. "Nay, dito na lang muna po kayo, maglalako na po ako," paalam na ni Sharmaine. Natapos na ito sa pagluluto at ibinabalot na ng dahon ng saging ang mga panindang inilalagay nito sa bilao. "Pasensya ka na anak." Malungkot na napatingin na lang si Sheryll sa dalaga. Tila panandalian siyang nahimasmasan at nabalik sa wisyo nang makita ang halos nangangalumta na rin na anak. Naroon ang awa at konsensya niya sa pinagdadaanan ng kambal ng dahil sa kahinaan niya, subalit sadyang hindi niya magawang labanan ang kakaibang kalungkutan na lumulukob sa kanya. "Wala po iyon nay." Yakap na lang ni Sharmaine sa ina, "magpahinga na lang po kayo dito, uuwi po ako kaagad kapag naubos ko na ito." Maarugang haplos na lamang ng dalaga. Tipid ngiting tumango na lamang si Sherylle sa anak, pinagmasdan niya na lang ang paglayo nito mula sa bintana. Kahit nakaalis na ito ay nanatili na lamang siyang nakatulala sa bukas na pintuan. Tulad ng dati sinimulan nanaman siyang lukobin ng matinding pangungulila at lungkot dulo’t ng kakaibang katahimikan ng kapaligiran. Nagsimula na lamang siya umiyak dahil doon, hindi niya na rin maintindihan ang sarili, pero sadyang ayaw mawala ng bigat sa kanyang pakiramdam. Ilang oras din ang lumipas bago siya napagod at nakaidlip na lamang bigla sa kinauupuan. Mabilis din naman naputol ang kanyang paghihimbing nang tila marinig niya ang tinig ni Bobby sa hangin. “Bhe, ang anak natin,” malumanay at puno ng paglalambing na bulong nito. Napadilat na lang si Sheryll ng wala sa oras, medyo nabalik siya sa ulira nang makita ang malakas na pagbuhos ng ulan, kasabay ng ilang malalakas na kulog at kidlat. Sa pagkakataong iyon ay may kung anong kaba na ang biglang bumalot sa kanyang dibdib. "Sharmaine?" tawag na lang ni Sheryll sa dalaga. Nagpabalik-balik siya ng tingin sa paligid at nabatid niyang hindi pa rin pala nakakauwi ang anak ng mga oras na iyon. “Shean?” subok niya naman tawag sa isa pang anak. Subalit wala rin ito ng mga sandaling iyon. Bigla na lamang siyang napatingin sa litrato ng kanilang pamilya at hindi sinasadyang napabalik tanaw siya sa ilang mga alaala nang kabataan pa ng mag ito. Tila ba lumitaw na lamang sa kanyang isipan ang makulit na mga anak kasama ng ama nito habang naliligo sa ulan. Flashback "Tatay!!" malakas na tili ni Sharmaine patakbo sa ama. Agad naman itong ikinulong ni Bobby sa mga bisig para kargahin, nakasunod dito ang kakambal na lalake na tuwang-tuwa pa sa pagtawa. "Takot si Sharmaine sa ulan," natatawang tuya ni Shean sa kapatid. Napangiti na lang rin si Bobby sa lalake nilang anak bago mapabaling sa kanya, "Bhe, kunin mo nga ang dalaga natin, nanginginig oh." Lapit nito sa kanya habang buhat pa rin ang paslit. "Sharmaine naman!" natatawang saad na lang ni Sherylle na kumuha na ng tuwalya para ibalot dito. "Kawawa naman ang prinsesa ko," maingat na yakap na lang dito ni Bobby habang hinahalik-halikan ito sa bunbunan. Hinihele pa ng amain ang mumunti nilang dalaga dahil na rin sa humihikbi na ito sa sobrang takot. End Nabalik sa kasalukuyan si Sheryll nang marinig ang pagdagundong muli ng kulog. Naalala niyang hanggang ngayon ay matindi pa rin ang takot ng kanyang dalaga rito. Parang lumitaw na lamang ang imahe ni Bobby sa kanyang harapan, naroon ang pagbigkas ng labi nito na walang tunog; na nagsasabing ang prinsesa natin. Nataranta na siya sa kaba dahil sa kalagayan ng anak na babae, wala sa sariling napatakbo na lamang siya sa labas dahil sa kung anong pangamba, suot lamang ang isang sirang kapote. "Sharmaine!" sigaw na lang ni Sheryll pakasuong sa rumaragasang lakas ng ulan. Naroon ang paulit-ulit niya na paghingi ng tawad kay Bobby sa pagiging pabaya sa mga anak nila. Paulit ulit kasi ang paglitaw ng imahe ng lalake sa kanyang isipan, pinapaalala ang pangako nila sa isa't isa na aalagaan at iingatan ang mga anak kahit ano pa man ang mangyari. Halos wala ng maaninag sa paligid dahil sa tindi ng pagbuhos ng ulan, naroon ang hirap niya sa paglalakad dahil sa walang patid na ihip ng hangin. Tila lalo lang nangamba ang pakiramdam niya nang madama ang lakas ng pagyanig ng kapaligiran dahil sa lakas ng tunog ng kulog na sinasamahan ng panaka nakang litaw ng kidlat. "Sharmaine, Sharmaine anak!" sunod-sunod na tawag ni Sheryll. Pero wala siyang makitang mga tao sa labas, kahit ang ilang mga kabahayan ay hindi niya maaninag dahil sa lakas at kapal ng buhos ng ulan. Tinahak niya na lamang ang lugar kung saan alam niyang madalas daanan ng dalaga upang magbakasakali na makita ito. Ayaw mawala ng kabog sa kanyang dibdib dahil na rin sa takot para rito, naalala niya bigla ang huling pagkakataon na nakaranas sila ng biglaang pagbuhos ng malakas na ulan na may kulog at kidlat. Kahit dalaga na si Sharmaine ng mga panahon na iyon ay wala itong nagawa kung hindi ang sumubsob sa sahig o kaya magtago sa kumot dahil sa sobrang takot. Hindi nito nagagawang makakilos dahil sa matinding pangingilabot. Muli na lamang siya napahikbi nang mapaisip kung ano na ang maaaring nangyayari dito ng mga sandaling iyon. Tumigil lamang siya nang maaninag ang ilang mga nakasilong na tao sa isang tindahan, nakasisisguro siyang ang ilan sa mga ito ay kakilala ng kambal kaya naman tumungo siya kaagad sa mga ito. "Dumaan ba dito ang anak ko?" pagbabakasakaling tanong ni Sheryll sa ilang mga nakasilong doon. Halata naman ang gulat ng mga taong naroon sa paglitaw niya. Para kasi siyang basang sisiw sa pagkabasa, wala kasing naging silbi ang suot niyang kapote sa lakas ng buhos ng ulan. "Kanina pa po iyon, pumunta po yata siyang palengke," sa wakas ay sagot ng isang binatilyo na nakayakap sa sarili dulot na rin ng lamig. "Salamat," paalam niya ni Sheryll dito bago muling tumakbo. "Hoy, Sherylle! ayos ka lang ba?" sigaw na lang sa kanya tindera. Pero masyado ng malayo si Sheryll para marinig at maintindihan pa iyon, idagdag pa ang pagkabalisa niya upang pagtuunan ng pansin ang mga bagay sa paligid. "Jusko, ano nanaman bang nangyayari?" alalang sambit na lang ng matandang babae. Lumabas na ito mula sa tindahan bitbit ang isang malaking payon, "Hoy samahan niyo nga ako!" utos na lang nito sa ilang mga binatang naroon para sumunod kay Sheryll. Halos kapusin na siya ng hininga habang tinatahak ang daan papunta sa palengke, parang nakikipaglaban kasi siya sa lakas ng hangin at buhos ng ulan. "Sharmaine!" buong lakas niyang sigaw. Pero natatabunan lamang ang kanyang boses ng lakas ng tunog ng pagbagsak ng tubig at dagundong ng kulog. Hindi niya mapigilan ang mapapikit sa kada beses na umihip ang malakas na hangin. Ngunit hindi iyon sapat para pigilan siya sa paghahanap. "Shar...!" Hindi na natapos pa ni Sheryll ang kanyang pagtawag dahil napasigaw lamang siya sa pagkabigla nang mabatid ang isang malakas na ilaw sa harapan. Naramdaman niya na lang ang kung anong kirot sa kanyang tagiliran kasabay ng pag-ikot ng paligid at ang tila paglipad niya sa kalangitan. Kasunod noon ang matinding sakit pagkatapos ay pagkamanhid ng buo niyang katawan. "Sheryll, jusko!" alingawngaw na lamang ng isang boses ng babae. Kasunod noon ang ilang malalakas na sigaw ng mga binata, gusto niya man lumingon sa mga ito ay hindi niya na nagawang maikilos ang sarili. Naroon ang lamig ng aspalto sa kanyang pisngi at ang kakaibang pamimilipit ng buo niyang katawan habang unti-unting dumidilim ang kapaligiran.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD