Family ties
"Nanay nandito na kami!" masayang sigaw na lang ng babaeng anak niya nang bumukas ang pinto.
Pawis na pawis ito habang tumatakbo papunta sa kanya. Buong lambing siya nitong niyakap bago makulit na humalik sa kanyang pisngi.
Napatigil na lamang tuloy siya sa pagluluto para ituon ang pansin sa anak.
"Nasaan na ang tatay at kapatid mo?" natatawang sabi niya na lang dito habang niyayakap rin ang anak.
"Nasa labas po," masayang sagot na lang ng dalagita.
”Nay magbibihis lang po ako!” magiliw nitong paalam.
Nagmamadali nanaman itong tumakbo papunta sa kuwarto na halos kala mo ay kiti-kiti sa likot, napangiti na lamang tuloy siya habang sinusundan ito ng tingin.
Halos ilang taon na rin ang nakakalipas, pero wala siyang pinagsisisihan sa mga naging desisyon. Nakasisiguro siyang napalaki nila ni Bobby ng maayos ang mga anak na sina Shean at Sharmaine. At talagang masasabing niyang mahal na mahal ng dalawang bata ang amain dahil sa kabaitan at pag-aaruga nito.
Saktong pasok naman ng pinakamamahal na lalake na siyang ikinangiti niya. Dala-dala nito ang mga bag ng mga bata, ito kasi ang sumundo ngayon sa ekwelahan.
"Bubu, ano nanaman iyan?" napapigil na lang siya ng tawa nang makitang nasa likod nito ang isang kamay at halatang may itinatago.
"Happy anniversary!" Labas na lang ni Bobby ng ilang bungkos ng mga bulaklak at isang bar ng chokolate.
Bukas palad na napayakap na lang si Sheryll dahil sa sobrang tuwa, isang matamis na halik ang mabilis na pinataw ni Bobby sa kanya nang magkadikit na sila.
Naroon ang buong pagmamahal at paglalambing ng bawat paglapat ng mga labi nito, kaya hindi niya napigilan ang mapapikit.
Dahan dahan pa ang pagbuka ng kanilang mga mata. Hindi mapigilan ni Sheryll ang mapahagikgik dahil sa magkahalong tuwa at hiya.
"Bubu, baka makita tayo ng mga bata!" pinalo na lamang ni Sheryll ang balikat ng lalake nang buhatin na siya nito sabay paulanan siya ng makukulit na halik.
Lalo lang tuloy napatawa si Sheryll dulot ng kiliti ng ginagawa nito.
"Ano naman masama?" sambit ni Bobby nang mag-angat na ng ulo para magtama ang kanilang mga mata.
Naroon tuloy ang pamumula ng pisngi ni Sheryll dahil sa pag-angat ng kanyang dugokasabay ng walang patid na pagdagundong ng kanyang dibdib.
"Bubu, masusunog iyong niluluto ko." Hagikgik na lamang ni Sheryll na turo sa kaldero nang maalala iyon.
Mahina ang apoy noon pero kita pa rin ang usok na kumakawala sa naturang lalagyan.
Tila inamoy amoy na lang ni Bobby ang paligid, nakakalat kasi sa loob ang halimuyak ng pagkain.
"Nakakagutom naman," ngiting-ngiting sambit ni Bobby habang maingat siyang ibinababa.
Sunod sunod pa ang naging pagsinghot ng lalake habang napapapikit pa. Naglabas pa ito ng dila na tila nalalasahan na ang naturang pagkain.
"Niluto ko iyong paborito niyo, sandali na lang pwede na tayo kumain," masaya niyang paalam sa lalake.
Tinanggal niya ang takip ng kaldero para ihalo ang pinya at sibuyas na hiniwa.
"Aayusin ko na iyong lamesa natin," medyo naglalaway na lang na saad ni Bobby habang kinukuha isa-isa ang mga plato.
"Si Shean?" baling na lang ni Sheryll sa lalake nang mapansing hindi pa rin sumusunod dito ang isa pang anak.
"Naglalaro lang sa labas," agad na sagot ni Bobby na iniaayos na ang mga plato nila sa kahoy na lamesa.
"Sharmaine! Tawagin mo na iyong kapatid mo. Kakain na tayo!" utos na lang ni Sheryll sa anak na kalalabas lamang ng kuwarto at abala pa sa pagsusuklay ng mahaba at maitim nitong buhok.
"Opo nay!" ngiting sagot na lang ni Sharmaine na tuloy pa rin sa pagsusuklay habang papalabas ng bahay.
"Kamusta pala pasada mo?" pansin na lang ni Sherylle kay Bobby na ngiting-ngiti ng naghihintay sa kina uupuan nito habang pinagmamasdan siya sa pagsasalok ng nilutong ulam.
"Ayos naman. Kinakausap nga ako nila bebeng kung pwede daw ako mag service." Tila natulala na lang si Bobby habang nagsasalita dahil sa paglapag niya ng pagkain sa harapan nito.
"Magkano naman daw?" natatawang saad na lang ni Sheryll. Isinunod niya na ang pagsasandok ng kanin para ihain sa hapag.
Hindi na nakasagot si Bobby dahil agaran itong napabaling sa labas nang tila may kung anong marinig mula roon.
"Ano iyon?" napakunot noo na lamang si Bobby nang madinig ang kung anong ingay mula sa labas pakatayo sa upuan nito.
Napahinto naman si Sheryll sabay punas ng kamay sa palda pakalapag ng kanin. Alalang nagkatinginan na lang sila ng lalake nang mas lumakas pa ang naturang ingay. Sabay pa silang napakaripas ng lakad para tumungo sa labas, bago pa man sila makalapit sa pinto ay saktong pumasok naman ang dalawang anak. Malungkot na nakasimangot si Sharmaine habang hinahaplos ang likod ng kapatid.
Si Shean naman ay hindi matigil sa paghagulgol, nakatakip ang isang kamay nito sa mukha, pero kita ang kaunting dugo doon. Hatak pa rin nito ang isang lubid na nakatali sa isang mumunting laruang kotse.
Ganoon na lamang ang pagkataranta niya subalit mabilis at mas nauna pa si Bobby na tumakbo papalapit sa anak na lalake.
"Anong nangyari?" mabilis na luhod ni Bobby upang makapantay sa bata.
"Sina Tonyo kasi!" Hikbi na lamang nito sa amain bago yumakap.
"Oh anong ginawa nila." Maingat na haplos na lamang ni Bobby sa ulo nito.
Napangiti na lang si Sheryll ng tipid pakaupo rin sa tabi ng mag-ama. Malumanay niyang tinapik ang likuran ng anak para pakalmahin ito.
Hindi na rin nakapagsalita ang bata dahil nagtuloy-tuloy na lang ito sa pag-iyak.
"Tinutukso nila si Shean," singit na lamang ni Sharmaine na halatang awang-awa sa kapatid.
"Ano namang sinabi ng mga iyon." Irritableng sambit na lang ni Sheryll.
Naroon na lang ang mabilis na pagtayo niya para lumabas. Nanginginig siya sa inis dahil palagi na lang napagdidiskitahan ng tukso ang anak na lalake.
"Ampon daw po ako." sa wakas ay bulalas na lang ni Shean na sumisinghot-singhot pa.
Doon napatigil si Sheryll sa pagsugod, napalunok na lang siya ng mapait bago magbalik sa tabi ng anak.
"Ha, paano naman nila nasabi iyon?" natatawang saad na lang ni Bobby.
"Kasi wala daw po akong kamukha sa inyo, mestisong hilaw daw ako." Nguso na lang ni Shean sa amain.
Lalo lang tuloy napatawa si Bobby, pero agad naman nitong niyakap ng mahigpit ang bata. Naroon na ang buo nitong paglalambing sa bata para naman tumahaan na ito, panaka-naka na rin ang pagbibiro ng lalake para mapangiti na ang anak.
"Bakit, hindi ba mestisa ang mama mo?" kunwari ay bulong na lang ni Bobby dito.
Bahagyang napatigil si Shean sa pag-iyak, napapunas ito ng mata sabay pasimpleng tumingin sa ina. Napanguso na lang itong muli sa amain, doon na ito tumigil at sumimangot na lamang.
Napalunok na lang muli si Sheryll, Fraternal twins kasi ang anak at ang masama pa roon ay kamukhang-kamukha ang anak na lalake ng taong pilit niya ng kinakalimutan.
"Eh bakit po si Sharmaine mas kamukha ni mama?" yukong sambit na lang ni Shean.
"Babae kasi si Sharmaine anak." Angat na lang ni Bobby ng mukha ng bata.
Pilit na lang ngumiti ang bata sa amain, kaya naman binuhat na ito ni Bobby, ikinalong nito ang anak pakaupo sa may hapag, sinimulan na lang nitong magsandok para sa sarili at sa bata.
Niyakag niya na lang din ang anak na babae para maupo na rin sa may hapag at makakain na sila.
"Anong ginawa mo pagkatapos kang tuksuhin?" sa wakas ay singit na lang ni Sheryll.
Hindi siya mapakali sa dugong nasa kamay ng anak. Mabilis na lang nagyuko muli ng mukha si Shean. Alalang tiningnan naman siya ni Bobby para sabihing huwag ng ungkatin ang bagay na iyon.
"Sinuntok ni Shean si Tonyo, dumudugo tuloy iyong ilong," basag na lang ni Sharmaine sa katahimikan.
Tila ganoon na lamang ang pagbalot ng kung anong galit kay Sheryll, hindi niya tuloy napigilan ang manlaki ang mga mata dahil narinig.
"Sila naman nagsimula tay eh!" subsob na lamang ni Shean sa balikat ng ama sabay iyak nanaman muli.
Inalo na lang ito kaagad ni Bobby sabay haplos sa likod ng bata.
"Bhe, hayaan mo na." Tago na lang ni Bobby sa bata mula sa naniningkit na tingin ni Sheryll.
"Bubu naman, lalaking basag ulo ang anak mo kapag hindi mo dinisiplina." Halos padabog na nang maupo si Sheryll.
Hindi niya na nagugustuhan ang nagiging pag-uugali ng bata habang lumalaki ito.
Nitong nakaraan kasi ay madalas silang mapatawag sa eskwelahan, dahil sa pakikipag buno ng anak sa ilang mga kaklase nito, at ang masama pa noon ay sa parehong dahilan.
"Pinagtatanggol lang naman niya sarili niya," ngiting balik na lang ni Bobby na nagpapaamo pa ng mata.
Napabusangot na lamang tuloy si Sheryll, inis na tinusok niya na lang ang karne sa nakahanda sa may harapan para doon ibuntong ang galit. Lagi na lang kasi siyang lumalabas na masama kapag pilit niyang dinidisiplina ang anak.
Tahimik tuloy ang naging tanghalian nila dahil na rin sa tila pagpapakiramdaman, hanggang gumabi ay ganoon pa rin si Sheryll kaya naman nakadama na ng pag-aalala si Bobby.
"Bhe, wag ka na magalit." Malambing na yakap na lang ni Bobby mula sa kanyang likod.
Kasalukuyan na siyang naghuhugas ng mga kaldero nila habang ang mga anak naman nila ay abala ng gumagawa ng mga takdang aralin ng mga ito.
"Palagi ka na naman ganyan eh, mas kinakampihan mo iyong bata." Layo na lang ni Sheryll ng mukha ng akmang hahalikan siya nito sa pisngi.
"Bhe, palagi mo naman kasing pinagdidiskitahan si Shean." Hinigpitan na lang ni Bobby ang yakap upang hindi na makalayo ang sinta.
"Nag-aalala lang naman kasi ako, na baka..." Napapunas na lamang siya sa luhang kumawala sa kanyang mata.
Hindi niya na naituloy ang sasabihin dahil sa kung anong sakit at hapdi sa kanyang puso nang maalala nanaman ang bagay na iyon.
Napabuntong hininga na lamang si Bobby, batid nito ang naiisip ng babae ng mga sandaling iyon kaya naman buong lambing na lang nitong isinubsob ang mukha sa balikat ni Sheryll.
"Na ano?" malumanay na bulong na lang ni Bobby sa tenga ng pinakamamahal.
"Bubu naman," maktol na sambit niya dahil sa pagpipilit nito na ipatapos sa kanya ang mga katagang iyon.
Hindi niya na mapigilan ang mapahikbi dahil sa kung anong pag-aalala dahil nakikinita niya na ang naturang lalake kay Shean.
Malungkot na ngumiti na lang si Bobby, maingat siya nitong pinaharap. Nanatili lang siyang nakayuko kaya naman kinailangan pang-iangat ng lalake ang mukha niya para magkatinginan sila.
"Anak natin siya, kaya wala kang dapat ipag-alala. Hindi naman tayo nagkukulang sa pagdidisiplina at pangaral," paninigurado ni Bobby.
Tila nagniningning ang mga mata nito, naroon ang buong sinseridad at lambing ng lalake na siyang nagpalambot nanaman sa kanyang puso.
"Natatakot lang kasi ako Bubu." Busangot lamang niya.
"Alam ko." Hinatak na lang siya nito para yakapin muli, "wag mo ng isipin iyon, pinagsabihan ko na rin naman si Shean. Mabait naman ang anak natin, kaya wala kang dapat ipag-alala." Panaka-nakang na lang na hinalikan ni Bobby ang bunbunan ng sinta.
Napabuntong hininga na lamang si Sheryll ng malalim, hindi niya naman maipagkakaila na napakabait nga naman ng anak.
Naisip niya na lang tuloy na dala na rin siguro ng pagkakahawig ni Shean sa lalaking iyon kaya ganoon na lamang ang alalahanin niya. Naroon kasi ang matinding pangamba niya na baka maging kasing lupit ito ng taong iyon, subalit dahil na rin kay Bobby ay tila naliliwanagan na siyang muli.
Ilang minuto rin silang magkayakap ni Bobby bago siya nakahupa. Sobrang nagpapasalamat talaga siya dito dahil sa pag-iintindi at pagmamahal sa kanya.
"Mabuti pa matulog na tayo," masayang aya na lang ni Bobby.
"Sige, mauna ka na sa kuwarto. Ililigpit ko lang itong mga hinugasan ko," ngiting sagot ni Sheryll.
Sa wakas ay lumiwanag na rin ang mukha niya matapos ang paglalabas ng sama ng loob. Naroon kasi ang bigat ng kanyang pakiramdam sa naturang alalahahin.
"Wag ka na masyado mag-isip ha," natatawang paalala na lamang ni Bobby pakabitaw sa kanilang yakap "Mahal na mahal kita." Halik na lang nito sa kanyang labi.
Lalo tuloy lumapad ang ngiti ni Sheryll dulot ng tuwa at kung anong kiliti sa kanyang kalamnan.
"I Love you too," pahabol niya na lang nang papalayo na si Bobby.
Napangiti na lang din ito ng matamis bago tuluyang lumabas ng kusina. Nagmadali na lang siya sa pag liligpit ng mga gamit, pero ganoon na lamang ang gulat niya nang madinig ang ilang malalakas na kalabog sa labas.
Napakaripas na lang tuloy siya ng takbo patungo roon. Halos walang patid ang pagdagundong ng kanyang dibdib dahil sa kung anong takot.
"Ano iyon?" alalang sambit niya na lang nang makita ang mga anak na papalabas na ng kuwarto.
Halata rin ang gulat ng mga ito, nabatid nilang nanggaling iyon sa kuwarto nila kaya naman nagmadali na lang si Sheryll sa pagpunta roon.
"Bobby, anong nangyari, Bobby!" naghuhurumentadong sigaw niya na lang nang makitang nakahandusay sa sahig ang lalake.
"Tay!" sunod na lang ng mga anak sa pagtakbo papunta sa amain.
Mabilis niyang iniangat ang ulo nito para ipatong sa kanyang hita, doon niya lang napansin ang matinding pamumutla ng lalake.
"Nay, ano nangyari kay tatay!" hagulgol na lang ni Shean. Marahan nitong inaalog ang ama para gisingin pero nananatili pa rin itong walang malay.
Si Sharmaine naman ay hindi matigil sa kakahagulgol habang hinahaplos ang ulo nito.
"Bobby! Bobby!" hagulgol na haplos niya na lang sa pisngi ng lalake.
Doon na bahagyang dumilat ang lalake, napakunot na lang ito ng noo nang makita ang mga luhaang mukha ng pamilya sa paligid. Pilit na lang itong ngumiti habang maingat na inaabot ang mga bata.
"Bakit kayo umiiyak?" haplos na lang nito sa kanya at sa mga anak.
Doon sila bahagyang nakadama ng ginahawa. "Ano bang nangyari sa iyo?" hikbing sermon na lang ni Sheryll.
"Sobra na kasi iyong antok ko. Hindi ko na napigilan," natatawang sambit na lang ni Bobby.
Tila napagaan noon ang pakiramdam ng mga anak dahil bahagya na lang natawa ang dalawa kahit naluluha pa.
"Bakit kasi hindi ka pa naunang matulog eh." Yakap na lang ni Sheryll sa ulo nito.
Kahit naroon ang kung anong pangamba sa kanyang pakiramdam ay pinilit niya na lang iyon isantabi, hindi niya rin naman nais magtanong lalo pa at naroon ang kanilang mga anak. Batid niyang hindi lang iyon simpleng antok, lalo pa at nakita niyang nawalan ito ng malay ng ilang sandali.