Farewell

3786 Words
Tulala at wala pa rin sa sarili si Sheryll matapos ng ilang linggo. Hindi siya makapaniwala sa mga nangyayari, hindi niya lubusang maintindihan kung bakit kinakailangang itago ni Bobby ang tungkol sa bagay na iyon sa kanya. "Doc, kamusta na po siya?" agad na lang na salubong ni Sheryll sa doctor na papalabas ng silid. "He's doing well, though kailangan niya pang magpalakas, so we can actually proceed with his chemo therapy, if you want to do it," ngiting sagot na lang nito. Natahimik siya ng bahagya ng ilang sandali, doon niya lang naalala ang tungkol sa bagay na iyon. Isa rin kasi ang pagpapagamot ng lalake sa sobrang bumabagabag sa kanya ng oras na iyon. May ilang bagay rin kasi siyang hindi magandang nabasa ukol sa naturang proses, tulad ng gastos na aabutin, ang epekto nito sa kalusugan at kung iyon nga ba ang pinaka magandang gawin. "O...Opo doc, gagawin po namin iyan," tanging sagot na lamang niya nang makita ang makahulugan tingin nito. "Well, it would be good if he would be treated as soon as possible, specially with his condition," muling saad na lang ng doctor sa kanya. "Salamat po doc," napatango na lamang si Sheryll. Tinungo na lang niya kaagad ang silid na pinagdalhan kay Bobby nang makaalis na ang doctor. Naabutan niya itong pinagkakaguluhan ng kambal habang ngiting-ngiting nakahiga. Napahinga na lamang siya ng malalim habang pinagmamasdan ang mga ito, naroon ang tila pagkadurog ng kanyang puso dahil sa nakikita ng mga sandaling iyon. Tuwang-tuwang ipinagmamalaki ni Sharmaine sa amain ang napanalunang tropeyo sa isang patimpalak na sinalihan. Si Shean naman ay todo asikaso dito, ito ang nag-aayos sa higaan ng amain at pumupunas sa likod nito. Batid na batid niya ang pagmamahal ng kambal kay Bobby at sigurado niyang mahihirapan ang kanyang mga anak kung sakaling may mangyari dito, kaya ganoon na lang tuloy ang bigat sa kanyang dibdib. Ilang saglit pa ang kinailangan ni Sheryll para tuluyang ayusin ang sarili. Ilang malalalim na hininga rin ang kinailangan niya para mabilisang mapigilan ang pag-iyak, nang magawa niya ng mapahupa ng bahagya ang sikip sa dibdib, doon niya na pinunasan ang mga luha. Nang makasigurado na siyang wala ng bakas ng pagdadalamhati ang kanyang mukha, doon na siya nakangiting pumasok sa loob ng naturang ward. Dahan-dahan pa ang bawat pag apak niya dahil panaka-naka pa rin ang paninikip sa kanyang dibdib habang lumalapit sa mag-aama. "Tatay, pagaling na po kayo para mapanood niyo po ako sa susunod na contest." Magiliw na yakap ni Sharmaine sa amain. Ganoon na lamang ang ngiti ni Bobby sa dalagita nila, pagkatapos noon ay marahan nitong hinaplos ang buhok nito bago tumango. "Oo nga tay! tsaka hindi niyo na po kailangan pumasada, kasi kaya ko na rin po magmaneho at sinasama na rin po ako nina Boyong sa trabaho nila," singit naman ni Shean, habang maingat nitong inaayos ang unan ng amain. Halata naman ang mabilisang pagkunot ng noo ni Bobby sa sinabi ng binatilyo nila at ang agad na pagkabawas ng ngiti nito. "Anak, paano ang pag-aaral mo?" haplos na lamang ni Bobby sa balikat ng binata nila. Napalunok na lamang ng mapait si Shean, naroon ang lungkot at hiya nito sa amain nang mabatid ang hindi pag-sang-ayon ng lalake. "Tama na iyan. Hayaan niyo na munang magpahinga ang tatay niyo," sita na lang niya sa mga anak. Kaya napunta naman ang atensyon ng mga ito sa kanya. Agad rin naman sumunod ang kambal at nagbalik na lang sa pag-aayos ng ilang mga gamit nila. "Bhe, pwede na ba tayong umuwi?" magiliw na sambit ni Bobby kahit medyo nanghihina pa ang boses. "Shean, samahan mo muna si Sharmaine bumili ng pagkain sa baba," utos niya na lang sa kambal. Nagkatinginan muna ang dalawa bago tumango at umalis, napalunok na lamang si Bobby pero naroon pa rin ang ngiti sa mukha nito. Pero imbes na matuwa ay lalo lang napabusangot si Sheryll, naroon ang paniningkit ng mga mata niya bago humahalukipkip dito. "Ano bang nasa utak mong lalake ka!" singhal na lang ni Sheryll nang makasiguradong wala na ang mga anak nila. "Bhe naman," pilit lambing na saad na lang ni Bobby, iniaangat nito ang mga kamay kahit pa naghihina. "Hindi mo man lang ba kami inisip ng mga bata!" hagulgol na lamang ni Sheryll pakasubsob sa mga bisig nito. Hindi na niya kasi nakayanan na pigilan pa ang sarili, dulo’t na rin ng matinding bigat ng kanyang pakiramdam. Naroon mang ang tila pagpipigil ni Bobby ng tawa, pero hindi naman nito maitago ang pagluluha ng mga oras na iyon. "Walang oras na hindi ko kayo naiisip ng mga bata, kaya nga hindi ko na gustong ipaalam pa sa inyo, para hindi na kayo mag-alala pa." Maingat na haplos na lamang ni Bobby sa likod ng pinakamamahal. Muling nahampas na lang ni Sheryll ang braso nito, "Paanong hindi kami mag aalala! Tingnan mo nga iyan! Kung noon pa sana nagpatingin ka na, naagapan pa sana iyan!" maktol na hikbi na lang niya. "Bhe," lambing na sambit na lang muli ni Bobby. "Magpapagamot ka sa ayaw mo at sa gusto!" bitaw na lang ni Sheryll dito. Sa pagkakataong iyon ay ibinalik niya na ang matalim at matapang na mga titig dito. Hindi niya hahayaan na mawala ang haligi ng kanilang tahanan, kahit ano pang kailangan niyang gawin ay hindi niya pahihintulutan na basta na lamang mawala ang pinakamamahal na nagligtas sa kanya at nagtaguyod sa kanyang pamilya. "Bhe, alam nating parehas kung gaano kamahal ang pagpapagamot sa akin, wala tayong ganoong pera!" alalang sambit na lamang ni Bobby. "Anong gusto mong gawin ko, basta ka na lang hayaan!" sermon na lang muli ni Sheryll. Hindi na nakapagsalita pa si Bobby, naroon ang lungkot sa mga ngiti nito, pero may bahid pa rin ng tuwa sa mga mata. Ilang sandali rin silang nagkatinginan bago na lang muling yumakap si Sheryll dito. Naroon ang matinding takot niya ng mga oras na iyon, ayaw niyang mawala ito at mas lalong ayaw niyang mawalan ng ama ang mga anak. Alam niya ang magiging epekto noon sa mga ito kapag nagkataon. Ilang minuto rin silang nanatiling magkayakap, ganoon na lamang ang higpit ng pagkapit nila sa isa’t isa dahil naroon ang takot nilang dalawa na tuluyan ng mawalay kapag nagkataon na bumitiw. "Pwede na ba raw tayong umuwi? pakiramdam ko lalo lang ako magkakasakit dito eh," birong sambit na lang ni Bobby ng mabatid ang medyo paghupa ng galit niya. "Magpapagamot ka pa, kaya magpalakas ka!" sita na lang ni Sheryll dito habang panaka-nakang tinatapik ang lalake. Muli na lang siyang napaiyak, naroon ang iba't ibang pangamba sa kanyang puso't isipan. Hindi niya kakayaning mawala ang lalakeng naging sandigan niya sa loob ng matagal na panahon, lalo pa ngayon na halos nabalik niya na ang sarili. "Wag mo na akong awayin," lambing na hagikgik na lamang ni Bobby,"Wag mo na rin muna ipaalam sa mga bata," tipid na sambit na lamang nito. Wala na rin naman naging pagtanggi si Sheryll, batid niyang tulad nito ay hindi nila nais na mag-alala pa ang mga anak nila. Naroon din naman ang habilin ng doctor na kinakailangan munang magpalakas ng lalake bago ituloy ang nasabing gamutan. Maliban doon ay kailangan niya pa kumalap ng sapat na pera para sa isasagawang proseso na sigurado niyang hindi ganoon kadaling makuha. Sinunod niya na lang rin ang nais nito dahil wala na rin naman kailangan pang gawin sa nasabing lugar. Laking pasalamat na lang niya at tila ba naging maaliwalas muli ang mukha ni Bobby nang makauwi na sila, kahit naroon pa rin ang tila panghihina at pangangalumata nito ay halata ang pilit na paglaban ng lalake sa karamdaman. Hindi niya man gusto ay wala na siyang nagawa nang magkusa ng tumulong ang mga anak nila sa pangangalap ng pera. Nagbalik na siya sa pagtitinda ng iba’t ibang meryenda, nag-aaway pa nga sila ni Bobby dahil nagpupumilit pa rin itong tumulong kapag sa harapan siya ng bahay nagtitinda, Ang anak naman nilang babae na si Sharmaine ay umuuwi kaagad pakagaling sa eskwelahan upang kumuha ng mga niluluto niyang meryenda at ito na ang naglalako sa maghapon. Si Shean naman ay tumigil na muna sa pag-aaral at natuto ng pumasada at sumisingit na rin sa kung ano-anong trabaho na mapapasukan nito sa tulong ng ilang mga kaibigan, hindi niya man iyon gusto ay wala naman siyang magawa sa katigasan ng ulo nito. Pero dahil na rin sa tulong ng dalawa kahit papaano ay napunan nila ang ilan sa mga kailangan ipagawa kay Bobby. Ilang buwan pa lamang ang nakakalipas ay tila nanumbalik naman na ang dating lakas ni Bobby, dahil na rin sa pag-iingat nito sa pagkain, pagpapahinga at patuloy na pagpapagamot. Naroon ang galak at pagkapanatag nilang pamilya dahil sa umaayos nitong kalagayan, kaya naman hindi na niya ito natanggihan pa nang makiusap na pumunta sa patimpalak na sinalihan ng anak nilang babae. Ilang buwan na rin kasing sa bahay lamang si Bobby nananatili dahil na rin sa takot nila na mapagod ito, pero kahit na naroon na ang lakas nito muli ay pinanatili niya pa rin ang pagiging maingat sa lalake. "Shean, alalayan mong tatay mo!" utos ni Sheryll sa anak habang naghahanap sila ng mauupuan. Ngiting tumango naman ito sa kanya bago akayin ang amain upang buong ingat itong tulungan sa paglalakad. "Bhe, ayos lang ako. Sinong kasama ni Sharmaine?" Hiyang tawa na lamang ni Bobby. "Sino pa ba, eh di sina tita Delilah niya." Ngiwi na lamang ni Sheryll. Hindi niya kasi lubos akalain na dadayuhin pa talaga sila ng matatalik na kaibigan para lang ayusan ang anak niya. Tila ba mas tuwang-tuwa pa ang mga ito sa naturang patimpalak kaysa sa kanya. "Dumayo pa talaga sila dito." Halakhak na lamang ni Bobby. "Ano pa nga ba." Ngiti na lang din ni Sheryll. Batid na batid niya naman kasi ang tuwa at pagmamalaki ni Bobby sa dalaga nila. Hindi na rin siya tumanggi nang makiusap ito na maupo sa harapan para mas makita ang dalagita nila. Mas lalo pa ito naging maligalig nang magsimula na ang naturang patimpalak, naroon ang todong pagpalakpak nito at pagsigaw bilang suporta sa kanilang anak. Nanatiling lang siyang nakangiti, tahimik at atentibong nagmamasid sa mga ito. Naroon pa rin kasi ang pangamba niya dahil na rin sa kalagayan ng lalake. Tinapos nila ang buong programa kahit pa halos gabi na iyon, hindi niya naman gusto na sirain o hadlangan pa ang tanging kaligayahan ni Bobby ng mga panahon na iyon. "Ang galing-galing talaga ng anak ko!" tuwang-tuwang sambit ni Bobby habang nakaakbay sa dalagita nila, hawak pa nito ang tropeyong napanalunan ng anak. "Siyempre po, nagmana ako sa inyo," magiliw na balik naman ni Sharmaine sa amain. Naroon ang buong higpit at lambing ng yakap nito kay Bobby habang naglalakad, ang kakambal naman nito na si Shean ay nanatili lang na nakaantabay sa tabi ng lalake at panaka-naka rin ang pakikipagkulitan sa mga ito. "Hindi na tayo kasya sa jeep," Paalam ni Rosana, halos buong lugar kasi nila ang sumama ng gabing iyon para sa pagsuporta sa anak. "Sige, sa tricycle na lang kami," turan na lang ni Bobby sa kanila. "Bubu, baka malamigan at mapagod ka!" sita kaagad ni Sheryll. Doon na lumapit sa kanya si Bobby, "Sa loob naman ako," malambing na halik na lang nito sa kanyang pisngi. "Kasama ko naman siya nay," agad naman na singit ni Shean. "Sa tricycle na rin ako nay!" sunod naman ni Sharmaine. Napabuntong hininga na lang siya sa tatlo, nagmadali na kasi ang mga ito na tumakbo papunta sa tricycle nila. Patawa-tawa pa ang mag-aama habang tumatakas sa kanya. Pero kahit ganoon ay hindi niya maitago ang ngiti habang pinagmamasdan ang mga ito, may bahid nga lang ng lungkot dahil na rin sa hindi pa rin mawala sa kanya ang takot dahil na rin sa hindi pa rin gumagaling ng lubusan ang lalake. Nakahinga lang siya ng maluwag nang sabay-sabay naman silang nakarating sa bahay, dali-dali na lang niyang tinungo ang naturang tricycle para puntahan ang mag-aama. "Tay, tay!" dinig niya na lang ang tila napapahikbing sambit ni Sharmaine. "Tatay!" dagundo pa ng boses ni Shean. Kaya naman napatakbo na lamang si Sheryll ng wala sa oras papunta sa mga ito. Naabutan niyang hindi magkandaugaga ang dalawang anak sa pagyugyog sa amain. "Anong nangyari!" tarantang sambit na lang niya nang makalapit na sa mga ito. "Ayaw po gumising ni tatay!" hagulgol na lamang ni Sharmaine. "Ano!" doon na siya nagsumiksik sa dalawa para siya na mismo ang tumingin, naroon ang nakangiti at tila natutulog na lalake habang nakasalampak sa kinauupuan nito, "Bobby, Bobby!" sampal na niya sa pisngi nito. Pero nanatili pa ring nahihimbing ang lalake. Doon na tila tumakas ang dugo sa katawan ni Sheryll kasunod ng pag-iinit ng kanyang mga mata., hindi na siya matigil sa pagtawag sa pangalan nito habang panaka-nakang tinatapik ang katawan ng pinakamamahal. "Ateng, anong nangyayari?" pang-abot na lang ng kaibigan na sina Rosana sa kanya. "Tulungan niyo ako, itakbo natin siya sa hospital!" parang baliw niya na lang na sigaw. Hindi niya na magawang huminahon ng mga sandaling iyon dahil na rin sa pagkataranta at takot. Doon na sila tila nagkagulo, mabilis at walang patumpik-tumpik ang naging pag kilos nila para mailipat si Bobby mula sa tricycle papunta sa jeep, dali-dali nila itong itinakbo sa pinakamalapit na hospital. Doon lang nila napag alaman na tuluyan ng kumakalat ang sakit nito, kaya naman wala ng pag-dadalawang isip si Sheryll sa pagdedesisyon na makakalap ng pera para sa gamutan ng pinakamamahal. Noon una kasi ay pinagtatalunan pa nila ito ng lalake, kesyo pwede naman nila pag-ipunan ang naturang halaga, pero sa puntong iyon ay alam niyang hindi na sila maaaring maghintay pa. Wala naman naging pagtanggi ang kanyang mga anak nang magdesisyon na siyang ibenta ang mga naipundar nila, matustusan lang ang pagpapagamot ni Bobby, para mapanatili ang kalusugan nito. Ilang buwan na rin ang lumipas, naroon ang panaka-nakang paggising ni Bobby, malaki ang ipinayat ng katawan nito at halos ibang-iba na rin ang kulay ng balat, tila isa na itong lantang gulay dahil sa mga prosesong ginawa rito. Halos walang araw na yatang hindi umiiyak si Sheryll sa bawat pagkakataong makikita ang kalunos-lunos na hitsura ng lalake. Tila ba unti-unti na siyang nawawalan ng lakas sa bawat araw na lumilipas. "Bhe, tama na." Pilit na lamang na punas ni Bobby sa luha niya. Si Sheryll ang nananatili sa hospital nang araw na iyon, halos wala siyang tulog dahil sa pangamba at takot. Sa tabi na nga siya ng higaan nito natutulog para na rin makasiguradong mababantayan ng mabuti ang lalake. Hindi na niya alintana ang pagod, gutom at ang sariling kalusugan masigurado lamang na maayos ang kalagayan ni Bobby. "Bubu lumaban ka naman, wag mo kaming iiwan. Hindi ko alam ang gagawin ko." Hagulgol na hawak na lang niya sa kamay nito. Isang tipid na ngiti na lang ang namutawi sa mukha ni Bobby, "Puntahan mo siya," tanging sambit nito. Tila nanikip na lamang ang dibdib niya nang mapagtanto ang nais iparating ng lalake. Naisip niya na lang na marahil ay epekto lang iyon ng gamot sa katawan nito upang ipagawa sa kanya ang bagay na iyon. "Ano bang sinasabi mo," inis na sita na lang ni Sheryll. Naroon man ang kanyang paghikbi ay nagawa niya pa rin na pagtaasan ito ng boses dahil na rin sa kabaliwan na naiisip nito. Nauubong tumawa na lang si Bobby, naroon ang liwanag as mukha ng lalake habang pinapanatili ang kanilang pagkakahawak sa isa't isa. "Nagpapasalamat ako at pinagbigyan akong makasama kayo ng mga bata, iyon ang pinakamasasayang oras ng buhay ko," ngiting sambit ni Bobby. Naroon ang bahagyang pagpatak ng luha nito habang binibitiwan ang mga katagang iyon, kaya naman ganoon na lang ang unti-unting paghihina at pagkadurog ng puso ni Sheryll, naroon ang matinding panginginig niya dahil sa takot na mawalay sa lalake at maiwang mag-isa. "Bobby naman, tumigil ka nga!" hagulgol na lang niya habang inilalapat na ang mga kamay nito sa kanyang mukha. Iyon na lang ang tanging naiisip niya para mapanatiling nakakapit at lumalaban ang kinakasama. Napahinga na lang ng malalim si Bobby, "Bhe, alam kong natatakot ka, pero kailangan mo itong gawin para sa mga bata. Alam kong magiging maayos ang buhay nila kapag ipinakilala mo na siya, kaya sana wag mo sa kanilang ipagkait ang buhay na iyon," maingat na haplos na lang nito sa buhok ng pinakamamahal. "Hindi ko kaya Bobby! Hindi ko kaya!" doon na napayakap si Sheryll sa lalake. Todo-todo na ang pananalangin niya ng mga oras na iyon na huwag munang kunin sa kanila ang haligi ng kanilang tahanan at nagsisilbi niyang lakas, pakiramdam niya kasi ay hindi niya kakayanin iyon sa oras na mawala ito, kaya naman ganoon na lamang ang pagtakas ng mga luha sa kanyang mata, hindi na rin kinaya ni Bobby ang nadarama dahil bigla na lang rin itong napahagulgol sa kanya. "Nanay?" alalang sambit na lang ni Sharmaine nang madatnan silang nag-iiyakan. Naroon na rin ang pamamasa ng mga mata nito, kaya naman dali-dali na lang tumalikod si Sheryll upang punasan ang mga luha. "Nandiyan ka na pala," pilit kalmang sagot na lang niya sa anak. Kahit naroon pa rin ang paninikip sa kanyang dibdib ay hindi niya naman nais na maapektuhan rin ang kanyang anak sa dinaramdam ng mga oras na iyon, kaya naman kahit masakit ay pinilit niya na lang isantabi ang pagdadalamhati. Ganoon din naman ang ginawa ni Bobby, dali-dali na lang itong ngumiti nang punasan niya na ang mukha nito. "Umuwi na muna po kayo nay, para makapagpahinga, ako na po magbabantay kay tatay." Marahan na hawak na lang ni Sharmaine sa balikat niya. Tumango na lang siya sa anak bago yumakap sa pinakamamahal. Naroon pa rin ang paghikbi niya pero pinilit niya na lang maging malakas para hindi mapansin ng anak. "I love you," kapos hiningang bulong na lang ni Bobby pakalapit niya ng mukha dito para humalik. Naroon ang malapad nitong ngiti habang pinagmamasdan ang kanyang mukha nang magkapantay sila. Ilang sandali rin silang nagkatitigan na tila ba walang ibang tao roon. "Umayos ka, babalik din ako kaagad!" naroon na lang ang muling paninikip ng dibdib niya pakapaalam rito. Hindi niya nanaman napigilan ang unti-unting pag-agos ng kanyang luha, dahil na rin sa dulo’t na takot sa panandalian na pagkakawalay dito. "Sige na po nay, magpahinga na po kayo sa bahay, pagod lang po iyan," pag-aalo na lamang ulit ni Sharmaine sa kanya. Muli na lang niyang hinalikan si Bobby bago pilit ngumiti “Hintayin mo ako, babalikan din kita kaagad, huwag mo sirain iyong pangako mo sa akin!” nangingiyak na sita na lang niya rito. Bahagyang napatawa na lang si Bobby, “Hinding-hindi ako sisira sa pangako ko, nandito lang ako,” buong lambing na sambit nito. Iyon ang tila nagpapanatag sa kanya ng kaunti, kaya naman kahit naroon ang bigat ng kanyang alalahanin ay minabuti niya na muna ang umuwi sa kanila. Naalala niyang may mga kailangan rin siyang asikasuhin at bayaran na mga gamot nito. Maliban pa sa pagkain na kailangan niyang ihanda para sa lalake. Ang mabilisan dapat na pag-uwi niya ay hindi na natupad dahil agad siyang nakaidlip nang mapaupo sa may sofa. Mabuti na lamang at dumating si Sharmaine upang gisingin siya para magpaalam na magtitinda na sa bayan. Nabatid niyang nakipagpalit na ang kapatid nitong lalake, kaya naman ito na ang umuwi roon. Agad na lang siyang nagmadali sa pagkuha ng natitira nilang pera at pag-ayos ng mga dadalhin pabalik sa hospital, naroon ang panunumbalik ng kanyang lakas at galak nang mabalitaan niya sa dalaga na medyo umaayos na naman daw ang lagay ni Bobby base na rin sa sinabi ng doctor. Kahit papaano ay nakatulong din ang kaunting oras ng pagpapahinga niya, medyo nahimasmasan siya sa matinding nadarama, kaya naman pagdating ni Sharmaine mula sa pagbebenta nito ng meryenda ay mas maayos na ang kanyang pakiramdam. "May naiwan ka pa bang pagkain para sa kapatid mo roon?" sambit niya na lang sa anak na abalang nag huhugas ng mga pinagkainan nila. "Meron pa po nay," sagot ni Sharmaine. Nagmamadali na ito sa pagliligpit ng mga gamit ng pinagbentahan, habang siya naman ay abala sa pagbabalot ng mga baon na dadalhin sa hospital. "Bilisan mo na, para naman makapagpahinga na rin si Shean." masayang saad ni Sheryll nang matapos na sa pag-aayos. Naroon ang tuwa at pag-asa niya dahil na rin sa isang artikulong nabasa sa diyaryo, tungkol sa isang inumin na pwedeng makatulong sa paggaling ni Bobby, maliban roon ay may ilang bagay rin na binanggi sa naturang babasahin na marami naman ang nakakaligtas at gumagaling sa naturang sakit na iyon. Nakasisiguro nsiyang kung susundin niya ang mga ipinapayo sa naturang artikulo ay mababalik nila ang dating sigla ng lalake. "Tara na po nay," masayang sagot ni Sharmaine pagkatapos magbihis. Suot nito ang sash na napanalunan sa eskwelahan kahapon sa ginanap na beauty contest doon at walang pag-aalinlangan din nitong ibinigay ang premyong pera upang pandagdag sa pambili ng gamot ng amain, kung kaya naman buong-buo nanaman muli ang loob nilang pumunta sa hospital. "Sigurado ko matutuwa nanaman ang tatay mo." Buong galak na haplos niya na lang sa pisngi ng anak. Ganoon na lang ang hagikgik nilang dalawa, ngayon na naroon na ang pagbabalik ng sigla niya ay nais niya iyong maibahagi kay Bobby, napag-alaman niya rin kasi na isa rin iyon sa mga pwedeng makatulong sa pagpapagaling nito. Buong lapad ang ngiti nilang mag-ina habang magkahawak kamay pa na naglalakad sa pasilyo patungo sa kuwarto kung nasaan si Bobby. Tila ba napakagaan ng buong lugar noon at naroon rin ang kung anong liwanag sa kapaligiran habang papalapit sila ng papalapit dito. Naghahagikgikan pa silang mag-ina nang mag-unahan pa sa pagbukas sa pinto ng silid nito. Tila tumigil ang oras ni Sheryll nang madinig nila ang malakas na pagngawa ni Shean sa loob, napabitaw na lamang si Sharmaine sa kanya at ganoon na lamang ang pagkaripas nito ng takbo sa loob, habang siya naman ay tila natuod na lamang sa kinatatayuan. "Tatay!" malakas na alingawngaw na lang muli ng boses ni Shean. Sunod-sunod at malalalim ang naging paghinga niya, naroon kasi ang pilit niyang pagpapanalangin na tumigil sa pag-iyak si Shean, pero tila lalo lang siyang nanghina at nanlambot nang madinig na rin ang paghiyaw ni Sharmaine mula sa loob. Doon na tuluyang namilipit ang kanyang puso at kasabay ng unti-unting paninikip ng kanyang dibdib. Tulalang napaluhod na lamang siya sa kinatatayuan, hindi na siya makagalaw sa pagkablangko ng isipan. Unti-unti na lamang na umagos ang luha sa kanyang mata habang nanginginig na napagapang na lamang siya sa kinalalagyan upang pilitin na tumungo sa loob ng silid.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD