Prelude to farewell

2328 Words
"Bubu, ayos ka lang ba?" Maingat na hilot na lamang ni Sheryll sa likod ni Bobby. Kasalukuyan na kasi silang papatulog kung kaya naman ganoon na lamang ang paglalambin niya sa pinakamamahal na magpamasahe. "Oo naman," natatawang sagot na lang ni Bobby. Naroon ang malapad niyang ngiti habang nakahiga sa kama. Panaka-naka na rin ang hikab dahil sa antok at pagod na nadarama. "Sabi mo magpapatingin ka na sa doctor," palo na lamang ni Sheryll sa balikat ng lalake. Mas lalo lang napatawa si Bobby, bumangon na ito sa pagkakahiga upang humarap na, humalukipkip na kasi si Sheryll pakasimangot. "Tulog lang ang katapat nito," malambing ng yakap na lang niya sa baywang ng babae, batid kasi niya ang pagtatampo nanaman ng pinakamamahal. "Bubu naman eh, pinag-aalala mo ko! Alalahanin mo, inaasahan ka pa rin namin ng mga anak mo, kaya alagaan mo naman ang sarili mo," punas na lamang ni Sheryll sa luhang kumawala sa mata. Mukhang hindi pa rin nawawala ang pangamba kay Sheryll ng mga sandaling iyon lalo pa at kitang-kita ang malaking pagbabago sa hitsura at kilos ni Bobby. "Ano ka ba naman Bhe, masyado kang paranoid, pagod nga lang ako." Lambing na halik na lang ni Bobby pakahatak dito papahiga upang kahit papaaano ay mapatahan na. Hindi na napigilan ni Sheryll ang lalong mapanguso, lagi na lang kasing dinadaan nito ang ilang bagay sa biro, kahit pa ang kondisyon ng kasalukuyan kalusugan. "Bubu naman eh, ilang linggo na iyan eh." Napatakip na lamang si Sheryll sa mukha sa pagpipigil ng iyak. Sadyang kahit anong pilit na pagbabalewala ni Bobby ay naroon ang kaba at takot nito dahil na rin sa mga napapansin. Napangiti na lang muli si Bobby dulo’t ng kung anong tuwa, ikinulong na lamang niya ang pinakamamahal sa isang mahigpit na yakap upang ipadama rito na walang dapat ikabahala. "Ayos nga lang ako," buong lambing na pag-aalo na lang niya kay Sheryll. Ilang minuto rin ang inabot bago tuluyang mapatahan ni Bobby si Sheryll, nagtuloy-tuloy na kasi ito sa pag-iyak, kaya naman kinailangan lambingin ng todo at paliwanagan ang pinakamamahal. Ilang oras din silang ganoon hanggang sa tuluyan ng makatulog si Sheryll, subalit nahihimbing man ay nananatili pa rin ang mahigpit na yakap nila sa isa't isa. Napangiti na lamang si Bobby habang pinagmamasdan ang pinakamamahal na malumanay na nahihimbing sa kama. Maingat na lang ang naging paghaplos niya sa pisngi nito, naroon ang malungkot na ngiti sa mukha niya habang pilit itinatatak sa isipan ang maamong mukha ng pinakamamahal. Kahit naman siya ay natatakot sa kung anong ang kahihinatnan ng kanilang hinaharap, pero naroon ang buong determinasyon niya na gawan ng paraan na huwag maghirap ang pamilya. Sinigurado muna ni Bobby na malalim na ang tulog ni Sheryll bago bumangon papaalis ng higaan. Maingat at tahimik niyang kinuha ang kahon ng sapatos sa tuktok ng tokador nila, bago nagtuloy-tuloy palabas ng silid upang tumungo sa kusina Halos nanghihina pa siya nang maupo sa may lamesa, isang malalim na hininga ang kanyang pinakawalan habang inilalabas ang ilang piraso ng papel mula sa naturang lalagyan. Napapunas na lamang si Bobby sa mukha habang pinagmamasdan ang resultang ng check-up na nakuha niya ilang araw na ang nakakalipas. Mapait at mahapdi ang naging paglunok niya dulot ng kaba at matinding takot ng mga sandaling iyon habang pinagmamasdan ito. "Tatay?" litaw na lamang ng anak nilang lalake mula sa kuwarto nito. Nagpupunas pa ito ng medyo pikit na mata, dulot marahil ng biglaan pagkakagising. Sa gulat niya ay mabilis na lang niyang isinilid ang mga papel sa kahon at dali-dali iyon na inilapag sa sahig. "Oh, Shean anak! bakit gising ka pa?" ngiting baling niya na lang dito habang pasimpleng itinatabi ang naturang kahon sa isang gilid gamit ang kanyang mga paa. "Nauuhaw ako tay," sagot kaagad nito sa kanya habang kunot noong napatingin sa naturang kahon. Agad niya naman napansin ang titig ng anak, kaya naman dali-dali na lang siyang tumayo upang huwag ng manatili ang atensyon nito roon. "Ganoon ba, uhm heto malamig pa ito," magiliw na sambit ni Bobby sa anak. Madalian niyang kinuha ang pitsel ng tubig na mayroon pang yelo at siya na mismo ang naglagay ng tubig sa baso nito. Agad naman iyon kinuha ng anak at dali-daling nilagok ang naturang laman. "Tay, bakit gising pa po kayo?" balik na lang ni Shean sa kanya pakatapos inumin ang tubig. Bahagyang natahimik si Bobby, alam niya kasi kung gaano katalas ang anak sa mga ganoon na bagay, kaya mabilis na lang siyang ngumiti dito para naman hindi nito mapansin ang kanyang pangamba. "May kailangan kasing gawin si tatay anak." Maingat na haplos niya na lang sa ulo ng paslit. Nadama na lang niya ang kung anong sikip sa dibdib habang pinagmamasdan ang mga mata ng binatilyo na masayang nakatingin sa kanya. Hindi niya napigilan na yakapin ang anak dulo’t ng biglaan na lang na pagbalot ng kung anong takot sa kanya ng mga sandaling iyon. Halata naman ang gulat ng binatilyo dahil bigla na lamang itong nanlalaking matang natuod sa kinalalagyan dahil sa ginawa ni Bobby. "Tay, ba...bakit po?" alalang tanong na lamang ni Shean habang pilit na tinitingnan ang mukha ng ama. Pasimpleng napasinghot na lang si Bobby habang mas hinihigpitan ang yakap sa paslit. "Wala lang anak, gusto lang kita yakapin kasi ang laki-laki mo na. Alalahanin mo, mahal na mahal ka ni tatay," buong lambing at sinseridad na sabi niya na lang dito. Napangiti na lamang si Shean sa narinig, "Alam ko po iyon tay!" magiliw na yakap na lang din nito sa ama. Iyon ang tila nagpanumbalik ng lakas ng kanyang loob at pagkapanatag, kaya naman medyo kumalma na siya ng mga oras na iyon. "Ang kapatid mo, dapat bantayan mo palagi, dapat ipagtatanggol mo siya at huwag aawayin." Maingat na lang na hinaplos ni Bobby ang ulo ng binatilyo habang sinasabi ang mga katagang iyon. "Opo tatay," masayang balik na lang ni Shean. "At lagi ka magpapakabait at lagi mong tulungan ang nanay mo. Wag mo siyang paiiyakin." Tila nakadama na lang siya ng kung anong hapdi sa puso habang binibitiwan ang mga salitang iyon. Naroon ang paglitaw na lamang ng mga mukha ng mag-iina niya sa kanyang isipan na siyang lalong nagpabigat sa nararamdaman niya ng mga oras na iyon. "Pero tay, hindi ko naman po kailangan gawin iyon palagi, kasi nandiyan naman po kayo," natatawang sagot na lamang ni Shean dito. Napangiti na lamang si Bobby kahit naroon ang unti-unting pagtakas ng mga luha niya sa mata. Muli siyang huminga ng malalim upang pahupain ang kung anong paninikip na nadarama. Hindi pa niya kayang mawalay sa mga ito, hindi niya pa kayang basta na lang maiwan ang pamilya, subalit hindi niya alam kung ano ang pwedeng gawin ng mga oras na iyon para mapanatiling nasa mabuting lagay ang mga ito. "Oo nga naman," garalgal niya na lang na sambit. Naroon na kasi ang matinding paninikip ng kanyang lalamunan dahil sa kung anong pamimilipit sa kanyang dibdib habang sinasabi iyon. "Tay? Bakit po kayo umiiyak?" takot na sambit na lamang ni Shean nang madama ang paghikbi ng ama. Agaran na lamang napapunas si Bobby sa mata bago mag-angat ng mukha para tingnan muli ang anak. "Masaya lang si tatay, kasi napakabait at tapang ng anak ko." Ngiting-ngiting gulo na lang niya sa buhok nito. Ganoon na lamang ang pagbalik ng malapad na ngiti sa mukha ni Shean, "Siyempre po tay! Mana po ako sa inyo," taas noong sambit na lang nito. Lalo lang tuloy napangiti si Bobby sa tinuran ng anak, kahit papaano ay unti-unti ng naiibsan nito ang nadarama niya ng mga oras na iyon. "Sige na anak, matulog ka na, maaga pa pasok mo bukas." Maingat na haplos na lamang ni Bobby sa ulo nito. Nagpasya na siyang sabayan na lang ang anak, pasimple niya na lamang na kinuha ang kahon na sa may paanan. Nang maihatid na ang binatilyo sa silid nito ay agad na siyang nagtungo sa silid nila ni Sheryll, muli niya na lang ibinalik ang kahon ng sapatos sa tagong parte ng kanilang tokador bago humarap sa kama kung nasaan nakahiga at panatag na natutulog ang kinakasama. Isang matamis na ngiti na lang ang namutawi sa kanyang mukha habang pinagmamasdan ang nahihimbing na si Sheryll sa kama. Tila isa itong diwata na panatag na nakapikit na tila nababalot ng liwanag kahit napakadilim pa rin ng kuwarto nila ng mga sandaling iyon. Tahimik at buong ingat na lang siyang humiga sa tabi nito, nang makasilid na ay siya naman na dahan-dahan pagpupulupot ng mga kamay sa katawan ng babae, bago buong lambing niyang isiniksik ang sarili. Walang ng patid ang panalangin niya ng mga sandaling iyon habang inaamoy ang halimuyak ng kinakasama. Pilit niyang pinapalakas ang loob upang makayanan ang itinatagong alalahanin. "Bubu? saan ka galing?" gulat na sambit na lang ni Sheryll nang madama ang init ng yakap ni Bobby. Ang malambing at tila nangheheleng boses nito ang naging dahilan ng pagkawala ng pangambang bumabalot sa buong katawan ni Bobby. "Nag C.R. lang," malambing na sagot na lang niya habang isinusubsob ang mukha sa leeg ng pinakamamahal. Naroon mang ang kanyang takot ay alam niyang kakayanin niya iyon para na rin sa kanyang mag-iina. Maingat na hinawakan na lang ni Sheryll ang kamay ng lalake, bago muling bumalik sa pagtulog. Mas lalo lang lumakas ang pagkahinahon at luwag sa kanyang puso habang tila magkahawak sila ng kamay nito roon. Subalit kahalo noon ay ang lalo lamang tindi ng pakiramdam ng pagsisisi at pag-aalala para sa mga ito. "I love you," bulong na lamang ni Bobby sa tenga ng pinakamamahal. Isang malapad na ngiti na lang ang namutawi sa mukha ni Sheryll, kahit pikit at inaantok pa rin ay pinilit pa rin nito na sumagot sa kanya. "I love you rin," tuwang-tuwang balik na lang ni Sheryll. Kaya naman kahit papaano ay nabawasan noon ang matinding agam-agam na dinadala niya ng mga sandaling iyon, mas naging mahimbing at masaya rin ang naging pagtulog niya matapos marinig na lumabas iyon sa bibig ng sinisinta. ***** "Bhe, wala ka na bang nakalimutan sa listahan ng ipapabili mo?" paalam ni Bobby pakayakap sabay halik sa kanya. "Wala na," masayang sagot na lang ni Sheryll habang naghihiwa ng mga gulay, "Bubu, iwan mo na lang kaya si Shean. Baka mapagod ka lang kapag isinama mo pa siya," habol na lang niya nang makitang nakasunod na ang anak na lalake rito. "Hindi iyan, nakakatulong pa nga si Shean sa akin sa pagbubuhat. Hindi ba anak," ngiting sagot na lang ni Bobby sabay baling sa binatilyo upang haplusin ang ulo nito. Wala ng nagawa si Sheryll ng masayang kumaway na si Bobby at yakagin na nito ang anak, kitang-kita kasi ang tuwa at saya ng lalake kapag kasama ang anak na si Shean. "Tay, iyong damit ko, wag niyo kalilimutan!" masayang yakap na lang ni Sharmaine sa amain bago pa man ito makalabas. Napatawa na lamang si Bobby dito, "Makakalimutan ko ba iyon," magiliw na haplos na lang nito sa ulo ng dalaginding. Ganoon na lamang ang masayang paghagikgik ni Sharmaine bago patalon na humalik sa amain nang yumuko si Bobby sa dalagita. "Bhe, alis na kami!" muling kaway na lamang nito sa kanya. Napapatulala na lang si Sheryll pakaangat ng kamay sa pagpapaalam nang makita ang kakaibang hitsura ng lalake, tila ba nagniningning ang mukha nito at naroon ang bahagyang pagbagal ng oras habang pinagmamasdan niya ang mukha ni Bobby. May kung anong kaba na lamang ang bigla na lang bumalot sa kanya nang tuluyan na itong mawala sa kanyang paningin. Tulalang napatingin na lamang siya sa babaeng anak na ngiting-ngiti pa rin na kumakaway sa amain. Nawala na lamang siya sa malalim na pag-iisip nang mabatid na nakalapit na pala si Sharmaine sa kanya. "Nay, tulungan ko na po kayo." Upo na lang ng dalagita sa kanyang tabi. "Ah sige, hiwain mo na ito." Wala sa sariling iniabot na lamang ni Sheryll ang kalabasa sa anak. Pilit na lang niyang ipinagkibit balikat ang kung anong kakatwang pakiramdam na lumulukob sa kanya. Subalit nang sumapit ang hapon ay tila ba naroon nanaman ang pagkabog sa kanyang dibdib. Lalo pa iyon nadagdagan nang habang naglilinis siya ng bahay ay aksidenteng natabig niya ang picture frame nilang dalawa ni Bobby. Isang malalim na paglunok na lamang ang nagawa niya nang makita ang malaking biyak sa parte ng mukha ng lalake, kahit na naroon ang matinding pag-aalala ni Sheryll ay pinilit niya pa rin iyong ipagkibit balikat. Maingat niya na lang na pinulot ang naturang picture frame, bago ito haplusin ng marahan habang pasimpleng bumigkas ng panalangin. Minabuti na lang niyang huwag na munang mag-isip ng kung anon-ano at ituon na lamang ang atensyon sa paglilinis ng bahay. Pauwi na rin naman ang mag-ama niya at alam niyang wala siyang dapat alalahanin dahil magkasama naman ang dalawa. Ang payapa niyang pagmumuni-muni ay bigla na lamang nabasag nang madinig ang malakas na pagsigaw ni Sharmaine mula sa labas. Dahil sa pagkagulantang ay dali-dali na lang siyang napakaripas ng takbo papunta sa kung saan nagmumula ang hiyaw ng anak. Laking gulat niya na lamang nang hindi ito makita sa may bakuran nila, bagkos ay naroon ang humahangos nilang kapitbahay na tumatakbo papunta sa kanya. "Sheryll, Sheryll! Ang asawa mo, ang asawa mo!" napayuko na lang ito sa harapan ni Sheryll dahil sa kakapusan ng hininga. Nanumbalik na lamang ang paninikip ng kanyang dibdib dulot ng matinding pangamba at takot. Tila ba bigla na lamang tumigil ang kanyang puso nang mabanggit nito ang kinakasama. "A...anong nangyari kay Bobby!" paghuhurumentado na lang ni Sheryll pakaluhod sa harapan ng naturang babae. Hindi na niya napigilan ang tarantang pagyugyog sa balikat nito dulo’t ng magkakahalong pakiramdam ng takot, panghihina, kaba at pagkataranta. Naroon na ang tuloy-tuloy na pagtulo ng kanyang mga luha dahil sa hindi maipaliwanag na kabog sa kanyang dibdib at ang kawalan ng sagot ng mga sandaling iyon ang lalo lamang nagpalakas ng kanyang nadaramang pakiramdam.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD