Humihikab na ako nang sapitin naming tatlo ang classroom. Mag-a alas dos na ng madaling araw kaya siguro tinatamaan na ako ng matinding antok. Samantalang ang mga taong kasama ko ay alive na alive pa rin, para bang sanay na sanay na silang lahat na gabi ang pasok sa kanilang paaralan. Napapa-iling nalang ako sa kaingayan na naman ng aming buong klase. I am worried. Worried ako para sa sarili ko dahil baka hindi rin ako magtagal dito.
Kabi-kabila ang chismis na aking naririnig, mula sa usapan nila sa angking kakisigan ni Mister Aristotle at kagandahang taglay ni Miss Diyamante, may nagsabi pa na mukhang bagay na bagay ang dalawa na agad tinutulan ng dalawang nilalang na naka-upo sa aking tabi.
“Mas babagay si Mister Aristotle sa akin, ano ba kayo?” si Nyca na tumatawa-tawa pa.
“Huwag ka ngang ambisyosa, higit na mas bagay kaming dalawa.” kontra sa kanya ng isa.
“Excuse me lang ha? Ako ang unang nagkagusto sa kanya kaya sa akin siya.”
Dumukmo ako sa aming lamesa habang nakikinig sa walang kwentang pagtatalo ng dalawa. Wala pa ang teacher namin sa history. Bahagya akong kinabahan nang kanina ay may nagsabing maldita ang maestra namin dito. Hindi tuloy ako makapaghintay na makita siya.
“Akin nga siya Carley!”
“Akin siya Nyca!”
“Walang sa'yo!”
“Wala `ring sa'yo!”
Agad humupa at napawi ang ka-ingayan ng lahat nang may biglang malakas na pagbagsak ng libro ang aking naulinigan. Nagmamadali akong bumangon at agad na napabalikwas nang aking makita ang isang babae na hindi pa naman katandaan, siguro ay nasa mid thirty palang ito. Diretso ang kanyang nanlilisik na mga matang nakatingin sa amin, lalo na sa may aking banda. Pa-simple akong luminga.
“Good morning class!” matinis at malakas niyang pagbati, kaya naman ang natutulog ko pang diwa ay biglang nagising sa tinig niya.
“Good morning po Ma'am!” sabay-sabay na pagbati pabalik sa kanya ng lahat.
”Ang aga-aga pa at first night na first night niyo agad-agad niyong pinapagana iyang katabilan ng mga dila niyo.” masungit na puna nito habang naka-arko ang manipis na pares ng mga kilay, “Mayroon pang inaantok, ano ba kayo ha? Hindi natulog nang maaga?”
Ilang beses akong napalunok ng laway, pinagkiskis ko ang aking dalawang palad na agaran at biglaang nagkaroon ng malagkit na pawis. Nanlalamig rin siya dahil sa narinig. Lalo pang nadepina nang pulang lipstick niyang suot ang pagiging masungit ng aura.
”Please, introduce yourself with your dreams.” utos nito na prente nang naupo sa unahan.
Halos mag-unahan ang mga estudyanteng mag-volunteer kung sino ang mauunang magpapakilala sa kanila. Bagay na labis kong ikina-kaba. Mukhang mapapa-sama yata ang unang impression ko sa kanya ngayong gabi.
“Good, gusto kitang makita kung paano maging isang mandirigma sa hinaharap.” komento nito sa kung sinong kanyang kausap.
Habang isa-isa silang nauubos at natatapos na magpakilala ay patuloy na tumatakbo naman sa aking isipan ang nais ko sa aking paglaki. Sa ganitong night school ay alam kong wala akong ibang magiging pangarap bukod sa magampanan ang lahat ng requirements dito at ma-ipasa. Para sa akin iyon ay sapat na.
Narinig ko ang mahina nilang bulungan at ang paulit-ulit na pagkalabit sa aking braso ni Nyca. Inosente ko siyang sinulyapan na bumubulong-bulong ng hindi ko maintindihan.
“Ano bang hinihintay mo Miss?” mabilis akong napatingin sa unahan kung nasaan ang guro namin, “Pagdating ba ng bukangliwayway?”
Mabilis at wala sa sarili akong tumayo. Pinagkiskis kong muli ang aking nanlalagkit sa pawis na mga palad. Pakiramdam ko ay mauubusan ako ng hininga sa labis na takot sa matatalim na mga titig niya sa aking banda.
“My name is Ysadora Ydades, seventeen years old. My blood type is AB positive. Ang tanging pangarap ko sa ngayon ay wala pa po bukod sa makatapos ako ng aking pag-aaral, makakuha ng mataas na grado at makatulong sa aking kapatid at nanay sa hinaharap. Iyon lang po.”
Akma na sana akong uupo nang muli siyang magsalita na hindi ko na naman inaasahan.
“What do you mean Miss Ydades na wa kang pangarap bukod sa makatapos ng pag-aaral?”
Saglit kong inilinga ang aking mga mata sa loob ng classroom. Nakatingin na silang lahat sa akin. Kuryuso ang kanilang mga titig.
“Iyon lang po ang aking pangarap, sa ngayon.”
“Ang makatapos ng pag-aaral at maging isang ordinaryo at simpleng mamamayan?” marahan akong tumango sa kanya. “You are dreamless.” halos mapa-awang ang aking bibig sa kanyang tinuran at sinabi, “Ang pangarap na maging isang simpleng mamamayan sa mundong ating ginagalawan ay hindi isang pangarap na matatawag. Walang kwenta ang pangarap na siyang pinili mo, mahal naming Miss Ydades.”
Agad akong napalunok sa kanyang sinabi. Hindi ko maintindihan kung anongg mali at kulang sa pangarap na aking inilahad sa kanya.
“Ma'am ang lahat po ay mayroong karapatan na pumili ng nais nilang gawin sa kanilang buhay. Hindi po dapat guro o magulang ang siyang magdi-dikta ng pangarap ng kanilang mga anak na nais nilang matupad. Ito po ay isang kalayaan na hindi ma a-angkin ninuman.”
“Ang mababang pangarap ay hindi pa rin matatawag na pangarap. Bakit hindi mo pinakinggan ang ibang pangarap ng mga kaklase mo? Pangarap nilang maging sundalo, mamatay na hero, pangarap nilang isang araw ay makapagturo sa school na ito, pangarap nilang alagaan at protektahan ang buo nating angkan sa mga hindi nakikitang kalaban.”
Hindi ko binawi ang aking mga titig sa kanya na agad niyang sinalubong ng mga mata.
“Ang matataas na pangarap ay kadalasang hindi natutupad, hindi na-aabot at nakakamit. At the end of our journey ay mananatili pa rin itong pangarap, dahil ang iyong pangarap ay hindi naman lahat halos natutupad.” pakikipagtalo ko sa kanya, “Hindi po porket nangarap ngayon ay makukuha na ito agad-agad bukas. Mahirap pong mangarap ng matayog at malawak na kagaya ng kalangitan.”
“Let me tell you something Miss Ydades, ang lahat ay mayroong paraan kung iyong gugustuhin, lagi mo sana iyang tatandaan. At sa school na ito na libre ang lahat, imposibleng hindi mo pa rin makuha ang iyong pangarap.”
“Kapag maliit at simple ang iyong pangarap aakusahan ka ng walang mararating at walang kwenta ang iyong pangarap.” bigong saad ko sa kanya, naramdaman ko pa ang bahagyang paghila sa aking isang kamay ni Carley. “Naniniwala po akong ang school ang pangalawang tahanan ng mga mag-aaral. At pangalawang magulang po namin ang mga katulad niyo pero bakit po ganyan kayo?”
“Ysadora, kalmahan mo lang.” narinig kong bulong ni Carley, “Pakiusap kumalma ka lang.”
“Ano pong pangarap ko ang gusto niyong marinig Ma'am?” mapangahas na hamon ko sa kanya, hindi ako makakapayag na sa gabing ito ay maliitin niya at yurakan ang pakatao ko. “Gusto niyo po bang sabihin ko na gusto kong maging tagapagtanggol ng bansa o maging first lady? O baka gusto niyo pong ako mismo ang maging presidente ng ating bansa?”
Binalot ng katahimikan ang aming silid. Agad kong naramdaman ang pamamasa ng bawat sulok ng aking mga mata na nagbabadya ang aking masakit na mga luha. Miss ko na si Mama at Kuya Ichiban, gusto ko ng umuwi.
“Ayos naman ang pangarap mo, naiintindihan ko.” pagkaraan ng ilang minutong paninitig sa akin ay sambit niya, “Igagalang ko bilang pangalawang magulang mo. Subalit bago ako umalis ay hayaan niyong sabihin ko na kung anuman ang pangarap niyo ay baka naman pwedeng pakilakihan na ito, huwag kayong mag-settle sa simple lang.” mabilis na itong tumayo sa pagkaka-upo, “Goodbye class at see you tomorrow.”
“Goodbye Miss Demalanta!”
Maingay na kumagat sa sahig ang suot niyang pulang sapatos na may mataas na takong. Sa kanyang pag-alis ay pabagsak akong naupo sa aking upuan. Isinubsob ko ang aking mukha sa aking braso at nagsimula akong umiyak dito.
“Ysadora...” tapik sa akin ni Nyca, “Hoy...”
Hindi ako sumagot, hinayaan ko na maglandas ang aking mga luha pababa ng aking mukha.
“Tahan na, hindi naman iyon galit sa'yo.” si Carley, “Siguro nag e-expect lang siya ng matayog mong pangarap. Tumigil ka na.”
Walanghiya ka Ysadora, wala kang modo! Guro mo iyon pero kung makasagot ka wagas. Lihim kong kinastigo ang aking sarili. Ang babaw ng pinaglalaban mong pangarap, kaya ka ipina-patapon ng pamilya mo kasi ganyan ka!
“Mukhang tama naman iyong katwiran ni Miss Ydades kay Ma'am Demalanta, kanina.” narinig kong tinig ng isang lalaki, “Mangarap ng simple at madaling matupad, walang masama doon.”
“Oo nga,” sang-ayon ng isa pa, “Mas maganda kung simple lang na pangarap basta kaya natin itong matupad sa hinaharap.”
Nagpatuloy pa sila na sa bandang huli ay suma-sang ayon sila sa aking mga sinabi.
“Ysadora...” patuloy na marahang haplos sa aking likod ni Carley, “Ang mga ganyang bagay sa paaralang ito ay hindi iniiyakan. Dapat kang maging matatag sa mga sasabihin nila sa atin.”
“Oo nga Ysadora, doon tayo magiging matatag.” segunda ni Nyca na bahagya pang tunawa, “Huwag mong dibdibin nang sobra girl, mayroon ka pa talagang likod. Sandali, alin ba ang likod mo? Ito?” haplos niya sa aking likod, “O iyong kabila na katapat ng likod mo?”
Mabilis akong bumangon sa pagkakadukmo. Natatawa kong pinunasan ang namamasa kong mga mata. Alam kong pinapatawa niya lang naman ako, at sa paraan na iyon ay nagtagumpay siya. Napatawa niya ako nito.
“Nawalan ba ako ng galang sa kanya?” kumurap-kurap na tanong ko sa kanila.
“Medyo, dahil guro natin siya Ysadora.” si Carley, “Ika mo nga pangalawang magulang. Ang tunay mong magulang pumpayag ba na sagut-sagutin mo sila nang basta?” umiling ako, “Ayon, ganyan rin ang mga maestra natin.”
“Nakakahiya.” nguso ko na mabilis na inilagay ang dalawang palad sa magkabilang pisngi, “Paano nalang kapag nakarating ito kay Mama? Magagalit na naman siya sa akin.”
Malakas na tumawa si Nyca sa aking tinuran.
“Naku ganyan talaga Ysadora, minsan nakakapagbitaw tayo ng mga salitang hindi maganda dahil nagpalamon tayo sa emosyon.”
Malalim akong huminga.
“Basta huwag mo nalang ulitin sa sunod.” pangaral sa akin ni Carley na umahon na sa kanyang upuan, “Tara na, labas na tayo girls.”
Tumayo na rin si Nyca na naging dahilan upang tumayo na rin ako. Kami nalang tatlo ang naiwan sa silid-aralan nilamon na ng katahimikan. Inabandona na ng mga mag-aaral.
“Anong tawag niyo kay Ma'am?” tanong ko bago kami makalabas ng pintuan, “Ma'am?”
Magkasabay nila akong tiningnan. Pagkatapos ng ilang segundo ay ngumiti sila, napapa-iling.
“Miss Demalanta.” kuro nilang saad.
Nagmamadali akong lumabas ng silid. Narinig ko pa ang salitan nilang pagtawag sa aking pangalan nang mabilis akong tumakbo, upang sumunod sa agos ng mga kapwa estudyante.
“Miss Demalanta!” patuloy kong sigaw kahit na hindi ko alam kung saan ko siya hahanapin. “Saglit lang po, Miss Demalanta!”
Nagpatuloy ako sa pagtakbo sa hallway ng paaralan habang lumilinga-linga. Sa aking bawat sigaw ay nakalagay sa magkabilang gilid ng aking bibig ang aking palad. Gusto kong mag-sorry sa pangit na inasal ko sa harapan niya kanina. May mga salita akong nasambit na dapat ay sinarili ko na lang. Sa aking bawat nagmamadaling paghakbang ay nilalamon ako ng labis na hiya at pagngingitngit sa aking hindi maayos na asal.
“Nandoon si Miss Demalanta,” anang isang estudyanteng babae nang marinig ako, “Doon mo siya palaging makikita tuwing pagkatapos ng kanyang klase.” dagdag niya pang lahad.
Matamis akong ngumiti sa kanya at yumukod. Pinagsalikop ko ng maayos ang aking palad.
“Maraming salamat.”
Tumango lang siya sa akin at ngumiti. Kumikinang ang kanyang hanggang balikat na itim na buhok sa sikat ng malapit ng matulog na mga bituin at buwan sa kalangitan.
“Walang anuman.”
Ilang saglit pa ay tinalikuran niya na ako. Ipinagpatuloy ko ang paghahanap sa aking sadya. Nang matanaw ko ang likod nito sa aking malayong harapan ay agad akong pinanghinaan ng aking loob. Ang daan na kanyang tinatahak ay patungo sa dorm ng mga nasa faculty. Ang sabi ni Nyca sa akin ay bawal daw doon ang mga estudyante kaya wala akong pagpipilian kung hindi ang sumigaw.
“Miss Demalanta!” nagmula iyon sa ka-ilaliman ng aking hinihingal na baga, mabilis siyang natigilan sa paghakbang at saglit na lumingon. “Teka lang po, may sasabihin po ako sa inyo.”
Walang kurap akong humakbang palapit sa kinaroroonan niya. Ang ibang mga estudyante ay saglit na lumingon sa aming dalawa. Halos mabulunan na ako sa aking sariling laway nang makita ang mga titig niyang tagos sa kaluluwa. Bahagyang kumurba ang gilid ng labi niya, bagay na lalo kong ikinatakot sa kanya.
“Bakit?” seryoso niyang tanong sa akin.
Ang kaninang matapang kong loob ay biglang nanlambot. Hindi ko na ma-ibuka pa ang aking mabilis na nanunuyong lalamunan at bibig.
“P-Pasensiya na po sa aking inasal kanina.” panimula ko sa aking litanya, bahagyang umarko ang kanyang isang kilay sa akin. “Ang pakiramdam ko po kanina ay inyong naapakan ang kakarampot at maliit kong pangarap. Sa ngayon po ay iyon lang talaga ang pangarap ko, Ma'am.” mariin akong pumikit, “Patawarin niyo po sana ako sa pagiging walang galang.”
Patuloy siyang tumitig sa aking mukha, sa aking mga matang mayroon ng namumuong luha. Naghihintay ng tamang pagkakataon at oras upang maglandas at patuloy na bumaba.
“Ayos lang Miss Ydades, naiintindihan ko.” tugon niya na bahagyang umiling, “Now, go to your dorm and take a rest.” maliit siyang ngumiti bago ako tuluyang iwang nahihikbi.
Hindi na ba siya galit sa akin?
Totoo ba ang ngiti niyang iyon sa akin?
Paano kung galit pa rin siya sa akin?
“Ysadora!” sigaw ng dalawa na humahangos na dumating, halata ang pagod sa paghinga.
“Bakit ang bilis mong tumakbo ha?” si Carley na pabiro akong inakbayan at sinakal, “Grabe!”
“Oo nga, para kang ihip ng mabilis na hangin.” si Nyca na tumatawa pa sa aking ginawa.
“Ang tawag doon ay adrenaline rush.” tugon ko na nasa likod pa rin ng maestra ang mga mata.
“Kakaiba ng adrenaline rush mo.” si Nyca na bahagyang umubo-ubo pa, “Ang bilis mo.”
Ngumiti ako at tinanggal ang pagka-kaakbay ni Carley sa akin. Nagkibit-balikat ako at nagsimulang maglakad papalayo sa kanila.
“Ysadora, saan ka na naman pupunta?”
“Sa dorm na Nyca, matutulog na ako.” taas ko ng isang palad sa kanila bilang paalam.
“Girl, may dinner pa tayo ng six in the morning.”
Tumigil ako sa paghakbang at nilingon sila.
“Gisingin niyo nalang ako ng six.”
Mabilis pa sa alas kwatro na tumakbo sila palapit sa akin. Hinawakan ako sa aking tig-isang braso at magkasabay na niyugyog.
“Huwag ka ng matulog, manood nalang tayo ng practice sa training ground ng mga Age twenty-two.” si Carley na ngumuso pa sa akin.
Malalim akong bumuntong-hininga bago sinipat ang pambisig na orasan. Alas tres palang ng umaga, may ilang oras pang tulog.
“Gusto ko ng matulog,” sulyap ko sa kanilang dalawa, “Alam niyo naman na hindi pa ako nakakapag-adjust ng oras dito ng pasok.”
“Ano ba iyan, ang killjoy mo Ysadora.” pabirong irap sa akin ni Nyca, “Ngayon lang naman.”
“E ‘di kayo na lang dalawa, hindi ako sasama.” pagmamatigas ko dahil inaantok na ako.
Saglit silang nagkatinginang dalawa. Ang mga mata nila ay saglit at tahimik na nag-usap.
“Sige na nga, sasama na kami sa dorm sa'yo ni Nyca.” bigo at talunang sambit ni Carley.
“Hindi, kaya ko namang--”
“Huwag ka ng umangal, halika na!” pagputol at pagbibirong pagkaladkad sa akin ni Nyca. “Bilis Carley, ang bagal-bagal mo talaga!”
“Oo na, nandiyan na!” halakhak nito.
Sa gitna ng aming tawanan at paglalakad pabalik ng dorm ay unti-unti ng lumiliwanag ang kalangitan. Ito ay senyales at pahiwatig ng langit na nalalapit na ang bukangliwayway at ang pagngiti ng mainit na sinag ng haring araw. Kung nasa Zamora lang ako ngayon ay sigurado akong mahimbing na natutulog pa ako sa aking nami-miss na higaan. Ang isiping iyon ang naging dahilan sa pagbagal at paglungkot ng aking mga munting hakbang.
“Hindi pa rin ako makapaniwalang nandito ako.” wala sa sarili kong pabulong na sambit, “Malayo kay Mama at sa aking kapatid.”
“Ayos lang iyan, pamilya mo rin naman kami.” si Carley na maliit akong nginitian, bagay na agad nagpakunot sa aking noo. Narinig niya? “Oh? Bakit ganyan ka makatingin sa akin?”
“Baka nagagandahan siya sa'yo.” si Nyca na humalakhak pa, “Alam mo na maputla ka.”
“Nagsalita ang hindi maputla.”
Sabay silang nagtawanang dalawa.
“Maputla ba ang tawag sa kulay niyo?”
Agad silang natigil at kapwa ako tiningnan.
“I mean maputla rin ang tawag sa kulay ko?” tanong ko na ini-unat pa ang isang braso palapit sa braso nilang dalawa, “Kapareho eh.”
“Oo, maputla tayong tatlo!” duet nilang sigaw.
Sinundan iyon ng malakas naming tawanan. Nagpatuloy kami sa paghakbang patungo sa aming natatanaw ng dorm. Kalat na ang mga estudyante na ang iba ay pauwi na rin dito.
“Hindi lang naman tayo ang maputla, halos ang lahat ng mga estudyanteng nandito ay ganito.” si Nyca na ayaw pang bumitaw sa topic nito, “Pansinin mo ang kulay nila bukas, Ysadora.”
“Sige, akala ko maputi ang tawag dito.” wala sa sarili kong tugon, “Iyong mga kaklase ko sa Zamora, tinatawag nila akong anak ng buwan.”
“Bakit anak ng buwan?” kuryusong tanong ni Carley sa akin, umiling ako at tumawa.
“Kasalungat siguro ng anak ng araw, iyong tipong kapag nasikatan sila ng araw ay namumula.” tumawa ako sa sinabi ko, “Ngayon ko lang napagtanto na kaya anak ng buwan ang tawag nila sa akin dahil maputla pala ang kulay ko na kagaya ng liwanag ng buwan.”
“Aaah...” si Nyca na naiintindihan ang sinabi ko. “Huwag kang mag-alala Ysadora, sa lugar na ito ay walang kukutya niyan sa'yo dahil lahat tayo dito ay matatawag na anak ng buwan.”
Pagak akong tumawa na sinabayan niya.
“Oo nga, anak tayo ng malaking buwan.” si Carley na sa amin ay nakitawa na rin.
Nakakatawa, iyong salitang tinutukso sa akin noon ngayon ay pinagtatawanan ko nalang.