Agad akong humagilap ng aking pantulog na damit pagdating namin sa dorm. Walang imik akong pumasok ng banyo at nagbihis dito.
“Mukha namang mabait si Ma'am Demalanta.” si Nyca habang hinuhubad ang medyas na suot niya, “Sa unang tingin lang masungit.”
Nabanggit ko sa kanila iyong sinabi nito sa akin kanina, na naiintindihan niya daw ako.
“Siguro nga.” kibit-balikat ko na tumuloy na sa aking kama at pabagsak na dito ay nahiga. “Natakot lang ako sa kanya kanina.”
“Kilala talaga iyon si Miss Demalanta na medyo may pagkagaspang na ugali.” si Carley habang inaayos ang kumot niya sa katawan.
Malalim akong bumuntong-hininga, hindi na sumagot pa sa mga sinabi sa akin ni Carley.
“Ganunpaman, teacher pa rin natin kaya hayaan mo nalang siyang ngumawa.” si Nyca na umakyat na rin sa kanyang kama, “Night.”
“Good night.” maikling tugon ko sa kanya.
“Ang mauunang magising ay siya ang sa amin ay manggigising.” si Carley na pumikit na.
“Sige, gigisingin ko kayong dalawa.” mayabang kong tugon na umayos na ng aking higa.
“Sinabi mo iyan ha, Ysadora?” si Nyca.
“Oo tulog na tayo.” tugon kong nakapikit na.
Dala ng labis na antok ay mabilis akong hinila nito patungo sa mas mahimbing na pagtulog.
“Ysadora? Gising na.” sa malayong banda ng aking panaginip ay narinig ko ang mahinang tinig ni Nyca, “Aba naman, ang sabi mo kanina ay gigisingin mo kaming dalawa ni Carley. Hindi ka marunong tumupad ng usapan, ha?”
Gumalaw ako upang tumagilid sa kabila. Lalo ko pang ibinalot sa katawan ang aking kumot.
“Bangon na Ysadora, mauubusan na tayo ng almusal sa dining hall niyan.” bulong ni Carley.
“Five more minutes...”
“Hindi pwede, ubos na ang pagkain niyan.”
“Mauna na lang kayo, hindi ako kakain.”
“Hay naku!” narinig ko ang paglapit ni Carley sa aking kama, sa tabi ng nakahalukipkip na si Nyca. “Bangon na sabi.” hila niya sa kumot ko.
“Carley!” sigaw ko na agad napadilat ng mga mata, nakipaghilahan ako sa kumot. “Bitaw!”
“Anong bitaw?” tanong niya na malakas ikinatawa ni Nyca, “Bumangon ka na diyan!”
Wala akong nagawa kung hindi ang napipilitang bumangon na. Kagaya siya ni Mama sa umaga na hindi titigil oras na hindi ko sundin ang nais niya. Nakabihis na silang dalawa ng maayos na damit, handa na sa aming pag-alis at pagpunta ng dining hall.
“Magsuklay ka ng buhok.” si Nyca na ini-abot sa akin ang maliit na salamin, “Batang ito.”
Pabiro akong tumawa sabay irap ng mga mata. Kung makapagsalita akala mo ay matanda na.
“Oo na po Inay,” tugon ko na humila na ng suklay mula sa loob ng aking bag.
Malakas na tumawa si Carley.
“Kung may matanda man sa ating tatlo dito, iyon ay si Carley.” pang-aalaska ni Nyca umagang-umaga, “Kung ako ay ang Inay mo...” saglit siyang tumigil, “Lola naman natin siya.”
“Tigilan mo ako Nyca!” sigaw nito na halos tumirik na ang mga mata, “Gumalang ka sa Lola mo, paluin kita sa puwet ng tungkod ko.”
Napailing nalang ako sa kawalan nang malakas silang magtawanang dalawa.
“Loka-loka,” bulong ko habang natatawa na rin.
Lumabas na kami ng dorm upang magtungo sa dining hall. May mga estudyante na patungo palang rin sa nasabing cafeteria ng aming paaralan. Halata sa kanilang mga mata ang pagod at antok ng nagdaang magdamag.
“Carley, umayos ka nga ginagawa mo na naman iyan.” si Nyca na naging dahilan upang tumigil ako sa paghakbang at lingunin sila. “Gising, mahulog ka sa hagdan.”
Nangunot ang mga mata ko nang makitang nakapikit ang mga mata ni Carley. What? Naglalakad siya ng nakasarado ang mata?
“Nakapikit lang ako, pero hindi ibig sabihin noon ay tulog na ako. Naririnig ko kayo.”
“Kahit na Carley, nagyayabang ka na naman--”
“Nyca apo, ang boses mo abot sa kanilang ibayo.” pagputol nito kay Nyca na agad luminya sa isa ang bibig at kilay, nakagat ko ang aking pang-ibabang labi upang have ako matawa. “O ito, dilat na ako kaya tumigil ka na sa sermon.”
Hindi ko na napigilan pa, bumunghalit na ako ng tawa sa kalokohan nilang dalawa.
“Sige Lola, pasensiya na po talaga.” at ma-dramang nagyakapan pa silang dalawa.
“Ang lakas ng tama niyong dalawa, umagang--”
“Tumigil kang bata ka, gumalang ka sa amin.” si Carley na nakaturo pa ang daliri sa akin.
“Oo na po Inay, Lola.” pagsakay ko sa kanila.
Nagpatuloy kami sa paghakbang hanggang sa makarating kami sa aming pupuntahan. Puno na ng mga maingay na estudyante ang dining hall, may naka uniform pa at naka-sibilyan. Ang iba ay kumakain na at ang iba naman ay nasa maikling pila pa rin. Pagkatapos kumuha ng tray, utensils at pinggan ay pumila na kami upang kumuha ng aming sariling pagkain.
“Ysadora tikman mo 'to, ang sarap ng soup nila ngayon.” tulak palapit sa aking harap ni Nyca ng isang mangkok, malabong kulay pula iyon.
Umiling ako pagkatapos titigan iyon.
“Ayaw mo ba kaya hindi ka kumuha?” si Carley.
“Oo, hindi ako mahilig sa soup.” tugon ko na nagpatuloy na sa aking pagkain.
“Sayang, ang sarap pa naman.” si Nyca na binawi na ang mangkok sa aking harapan.
Nilunok ko muna ang aking nginunguya bago muling nag-angat sa kanila ng paningin.
“Ano bang lasa?” curious kong tanong.
“Tikman mo nalang.” si Nyca na muling itinulak palapit sa akin ang mangkok, “Masarap siya.”
Nag-aalinlangan akong sumulyap kay Carley.
“Lasang pinaglagaan ng mais.” sambit niya na natatawa sa aking naging reaction.
“Carley, bakit mo sinabi?” si Nyca na masama siyang tiningnan, “Hindi niya na iyan--”
Natigilan siya sa sasabihin nang ilagay ko doon ang aking hawak na kutsara. Kumuha ako ng kauntin at mabilis na tinikman iyon. Tama si Nyca na masarap nga iyon, kagaya ng lasa ng sabaw ng pinaglagaan ng mais na saad ni Carley. Maliban sa may iba pa itong maantang lasa ay wala na, masarap na dahil mainit pa.
“Saan ka pupunta?” sabay na tanong ng dalawa sa akin nang mabilis na tumayo ako.
“Hihingi ng soup.” tugon ko na tumalikod na at iniwan ang dalawa na bahagyang nahulog ang panga sa aking tinuran, “Nakakagulat ba iyon?”
“Sabi sa'yo masarap hindi ba?” si Nyca nang simutin ko pa ang tasa ng soup na kinuha.
“Oo nga, mag so-soup na ako simula ngayon.”
“Good idea iyan Ysadora, nakakatulong ito sa ating katawan upang mas tumibay pa.”
Pagkatapos naming kumain ay bumalik na kami ulit ng dorm. Gumuguhit na sa langit ang nakangiting mainit na sikat ng haring araw.
“Matulog ka na Carley.”
“Hindi na ako inaantok.”
“Pambihira ka talaga Lola, nabusog ka lang ay nawala na ang iyong antok.” patuloy ni Nyca.
“Wala kang magagawa, naka re-charge na ako.”
“Ako naman ang mag cha-charge ngayon.” wala sa sarili kong sambit habang sumasampa sa aking iniwang higaan kanina, “Goodnight.”
“Goodnight Ysadora.” sabay nilang tugon.
Ipinikit ko na ang aking mga mata pagkatapos kong ayusin ang kumot sa aking katawan. This feels good, busog tapos pwede pang matulog.
“Matulog ka na Lola.” narinig kong pabulong na saad ni Nyca, “Huwag kang gumawa ng ingay.”
“Anong ingay pinagsasabi mo diyan apo?”
Gumalaw-galaw ang aking nakapikit na mata.
“Basta, matulog ka na. Sensitive ng tainga ko.”
“Paano iyan? Hindi na ako inaantok?”
Humugot ako ng malalim na hininga. Hindi ko alam kung bakit ang sensitive ng pandinig ko. Ulitimong hinga nilang dalawa ay naririnig ko.
“Matulog na kayo...” daing ko sa kanila.
“Tingnan mo na Carley?”
“Sandali Nyca, bakit ako ang sinisisi mo?”
“Please lang naman!” sambit kong muli na tinadyakan pa ang aking nakabalot na kumot.
“Sorry Ysadora, sige na matulog ka na diyan.”
“Paano ako matutulog Nyca kung naririnig ko ang ultimong bulungan niyong dalawa?” tanong ko na bumangon na sa pagkakahiga.
Masama ko silang sinulyapan na dalawa.
“Pati paghinga niyo dinig na dinig ko.”
“Teka, bakit ang sensitive ng pandinig mo?” si Carley na bumaba pa ng kama upang lumapit sa akin, “Gusto mo ba ng maiinom na tubig?”
“Hindi ko alam,” tugon ko na tinakpan ng palad ang magkabilang tainga, “Pati mga yabag sa labas naririnig ko na dapat ay hindi 'di ba?”
“Inom ka ng tubig, kakalma rin iyan.” si Nyca na inaabutan na ako ng isang baso ng tubig.
Tinanggap ko iyon at walang imik na nilagok.
“Kakalma rin ang sensitive mong pandinig.” tapik ni Nyca sa aking isang balikat, “Basta huwag kang mag-isip ng kung anu-ano.”
“Oo nga Ysadora, hinga ka lang ng malalim.” si Carley na naupo pa sa aking harapan, “Hinga.”
Ginawa ko ang kanyang sinabi. Unti-unting naglaho ang mga munting ingay sa paligid.
“Matulog na tayo at magpahinga.” dagdag niya pa na tumayo na upang magtungo sa kama niya, “Goodnight Ysadora, kalmahan mo lang.”
Tinawanan ni Nyca ang kanyang tinuran.
“Goodnight Ysadora, magpahingang mabuti.”
Tumango ako at nahiga ng muli sa aking kama. Tuluyan nang nawala ang sensitibo kong pandinig, pero ang antok ay hindi na bumalik.
“Saan ka pupunta?” bangon agad ni Carley nang makita akong bumangon sa aking kama.
“Magluluto ng cookies.”
“Favorite ko iyon, kaso bawal tayo sa eggs.” si Nyca na agad sumulyap kay Carley. “Allergy.”
“Bawal? Tayo? Allergy?”
“Oo, hindi mo ba alam?”
Umiling ako, paano mabubuo ang cookies?
“Okay lang iyon Nyca,” pagak na tawa ni Carley, “Minsan lang naman kaya ayos lang iyon.”
“Pero Carley alam mo namang--sige na nga!”
“Complete ingredients namin dito Ysadora, tara sa kusina.” si Carley na agad lumapit sa akin.
“Excited na ako!” si Nyca na nauna na sa amin.
“Anong reaction ng eggs bilang allergy?” tanong ko habang nagsusukat ng ingredients. “I mean pamamantal ba? Pamamaga?”
Kapwa sila umiling sa akin.
“Ano?”
“Malalaman mo kapag kumain tayo ng cookies.” si Carley na tumingin kay Nyca.
Ang kusina ay simple lang na kagaya ng kusina namin sa Zamora. May isang gas stove, may mga cabinet na pinaglalagyan ng plato, may microwave, maliit na oven, bread toaster at lamesang salamin na may apat na upuan.
“Nasaan na iyong eggs?” tanong ko na nakalahad ang palad, “Tatlo.”
“Ako na ang magbabatì.” si Nyca na binasag na ang itlog sa mangkok, “Magaling ako dito.”
“Sige.”
Sinulyapan ko ang tahimik na si Carley na abala sa paghahalo pa ng ibang sangkap.
“Lalagyan ba natin ng maliliit na chocolate sa ibabaw?” agad tanong nito nang maramdaman ang paninitig ko sa seryoso niyang mukha.
“Oo, para mag balance ang lasa.” ngiti ko.
Pinagtulungan naming tatlo na lagyan ng mga chocolate ang ibabaw ng mga na-molding mga cookies. Habang malakas na nagtatawanan.
“Kamukha mo siya, Ysadora.” pakita ni Carley sa akin ng cookie na nilagyan ng mata at bibig.
“Kamukha mo rin ito.” pakita ko sa ginawa ko na para sa kanya, “Tingnan mo ang mata.”
“Ano ba iyan? Ganyan ba kalaki ang mata ko?”
“Tapos ito si Nyca,” pakita ko sa cookie na may malaking bibig at isang tirang ngipin.
“Bakit ako iyan? Dapat si Lola iyan!” alma nito.
Napuno pa ng tawanan naming tatlo ang dorm.
“Ilang oras ang ating hihintayin para maluto?” si Nyca na nagsusuot na ng plastic gloves sa kamay, “Maghuhugas ako habang naghihintay.”
“Usually six to eight minutes.”
“Mabilis lang pala, magwawalis muna ako.” si Carley na hinila na ang walis at dustpan.
Pagak akong tumawa sa kanilang tinuran.
“Kapag nag eight minutes na patayin niyo nalang iyong oven, ahunin niyo na rin sila.” bilin ko na ikinalingon nila sa akin, “Matutulog na ako, hindi ko na talaga ang labis na antok.”
“Sige, kami na ang bahala sa kanila Ysadora.” si Nyca na itinataboy pa ako ng mabulang kamay niya, “Goodnight, have a good sleep.”
“Sige, goodnight.”
“Goodnight, Ysadora.” si Carley, “Kami na ang bahala ni Nyca sa mga malulutong cookies.”
Nakangiti akong sumampa sa aking kama. Nagkumot bago ipikit ang aking mga mata. Hanggang sa tuluyan na akong igupo ng antok. Nagising ako kina-hapunan hindi dahil sa malakas na tunog ng alarm kung hindi dahil sa tunog ng kumakagat sa matigas na tinapay.
“Good evening.” wala sa sarili kong sambit nang makita ang dalawang bulto ng katawan sa aking malabong paningin. “Natulog kayo?”
“Good evening Ysadora!” masiglang saad ng boses ni Nyca, “Kumusta ang tulog mo?”
Bumangon ako at malakas na nag-inat, sinilip ko ang labas ng bintana at doon ko nakita na nag-aagaw palang ang dilim at naglalahong liwanag. Prenting naka-upo ang dalawa sa gilid ng kama ni Carley. Parehong may kinakagat at kinakain na cookies. Nakangiti sila sa akin.
“Pasensiya na nauna na kaming tumikim sa cookies na ginawa mo.” si Carley.
“At ang sarap niya Ysadora.” si Nyca.
Mabilis na lumipad ang aking mga mata sa kanilang makinis at maputlang balata. Ang allergy na tinatawag nila ay hindi namumula. Hindi rin namamantal o namamaga. Iba ang reaction ng tinatawag nilang allergy sa balat nila, nagkakaroon sila ng kulay ubeng pasa.
“Hala!” bulalas ko na agad bumaba sa aking kama, “Ito ba ang reaction ng ating allergy?” sabay silang tumango sa akin, “Bakit ganyan? Noong nasa Zamora naman ako ay--” natigilan ako at mabilis kong inagaw kay Carley ang cookies na hawak niya, kinagat ko iyon, nginuya bago nilunok. Ilang saglit na segundo pa ay naramdaman ko ang p*******t at pag-iinit ng aking buong balat na unti-unting namuo ang pamamasa dito. “Bakit pati ako? Noong nasa Zamora naman ako ay wala nito!”
“Ysadora kumalma ka.” tayo ni Nyca.
Nabitawan ko ang kalahati pang cookies kasabay ng pagbagsak ng aking mga luha.
Anong nangyayari?
Bakit pati ako ay mayroong allergy?
Hindi na ito normal pa!
“Mawawala rin naman iyan, mga ilang gabi lang.” patuloy na pag-alo ni Nyca sa akin, “Saka sa braso lang naman, kamat at binti. Wala naman sa ating mukha kaya kalma ka lang.”
“W-Wala ba ditong gamot?” tanong ko na tumingin kay Carley, umiling ito sa akin.
“Kusa rin silang mawawala, kumbaga ito ang ating parusa kapalit ng pagkain ng bawal.”
Wala akong nagawa kung hindi ang tanggapin iyon, kagaya nilang parang normal na lang ito.
“Hindi ka maniniwala sa amin Ysadora,” si Nyca na tumatawa pa habang nagsasalita, patungo na kami sa paaralang tatlo. “Noong nasa elementary pa kami ni Carley kumain kami ng maraming nuts, grabe nagkasakit kami at nadamay pa si Gayle, Aeliot ar Geor.”
“Anong ginawa sa inyo?”
“Ano pa ba? E 'di ipina-hospital kami.” si Carley.
Malakas akong tumawa, na i-imagine ang hitsura nilang dalawa sa ganong kalagayan.
“Tapos?”
“Dalawang linggo kami sa hospital.” si Nyca, “Bawal sa atin ang fish, eggs, saka nuts.”
“Bawal? Bakit?”
“Hindi rin namin alam, nasa genes na natin.”
“Pero Ysadora, may mga pure blooded naman na pwedeng kumain ng ganyan iyon nga lang ay isusuka rin nila sa bandang huli.” si Carley.
“Bakit isusuka?”
“Dahil pure sila Ysadora at common tayo.” tugon ni Nyca na lalong ikinagulo ko.
Pure?
Common?
Ano ang ibig sabihin noon?
“Anong ibig sabihin ng pure blooded?”
“Ibig sabihin noon ay puro sila na hindi kagaya nating common na ang ibig sabihin ay kalahati lang nila ang ating pagkatao.” si Carley.
Lalo pa akong naguluhan sa sagot niya.
“Don't worry, pag-aaralan natin iyan.”
Nagkibit-balikat ako at nagpatangay sa agos ng usapan nila at ng mga estudyante. Muling nagpakita ang bilog na buwan at mga bituin. Malalim akong bumuntong-hininga, siguro ay masasanay rin ako soon sa lugar na ito.
“Kumain kayo ng bawal?” anang isang babae na pumuna sa itsura ni Carley, bago pa kami makapasok sa loob ng dining hall. “Lagot...”
“Ngayon lang naman.” si Nyca na tumatawa.
“Anong ngayon lang?” tanong nito na patuloy na tumatawa, “Noong nakaraan lang ay may allergy rin kayong pareho.” saglit siyang sumulyap sa akin, nang sipatin ko ang necktie niya ay may dalawang patak iyon. Ang ibig sabihin ay taga Age 19 siya. “Dinamay niyo pa iyong bago, good luck. Sana hindi mapansin.”
Nagtawanan lang ang dalawa kong kasama nang umalis na ito sa aming harapan.
“Mahadera, wala namang nakalagay sa school policy na paparusahan ang kakain ng bawal.” si Nyca na umiikot sa ere ang mga mata, “Inggit.”
“Pabayaan mo na Nyca, halika na pumasok na tayo sa loob.” hila sa kanya ni Carley.
Gusto ko sanang magtanong sa kanila kung sino iyon, pero minabuti kong huwag na lang.
“Palibhasa may gusto siya sa kapatid ko.” patuloy na himutok ni Carley habang nasa pila kami, “As if naman na magugustuhan siya.”
“Tama na, i-kalma mo na ang sarili mo Lola.” si Nyca na pinalo-palo ito sa balikat, “Alam naman natin ang totoo sa lahat ng bagay.”
“Nakaka-asar pa rin, kung pwede lang na--” agad siyang natigilan nang magtama ang aming paningin, “Sorry, Ysadora ha?”
“Ayos lang,” hilaw na ngiti ko sa kanya.
“Nakakainis siya, sinisira niya gabi ko!”
Pinagtawanan lang siya ni Nyca na kumukuha na ng pagkain nilang dalawa. Sinundan ng aking mga mata ang pag-upo nila sa lamesa.
“Anong sa'yo hija?” tanong ng staff sa akin.
Maliit akong ngumiti sa kanya bago iginala ang mga mata sa pagkain na pwedeng pagpilian.
“Iyon po,” turo ko sa gulay na sitaw na may pulang gata, “Isang kanin, at saka po soup.”
Nakangiti niyang ibinigay ang lahat ng sinabi ko. Kumuha rin ako ng hot chocolate at tubig. Mabagal akong naglakad patungo sa aming table. Patuloy na nag-usap ang dalawa sa insidenteng nangyari kanina. Tahimik lang akong nakinig sa bawat hinaing nilang dalawa.
“Nakakainis, nasira na talaga ni Jhara ang magandang gabi ko!”
“Huwag mo ng pansinin Carley, maninira talaga ng gabi iyon lalo na iyong kaibigan niyang si Zarifel.”
Patuloy akong kumain habang nakikinig sa dalawa, sa asta nila parang may dahilan pa na mas malalim sa nangyaring insidente kanina.
“Hay naku, akala nila magugustuhan sila ni Gayle at Aeliot? In their dreams.” si Carley.
Bahagya akong natawa sa huling litanya niya.
“Sino ba iyang Jhara at Zarifel na iyan?” hindi na nakatiis ay tanong ko sa kanilang dalawa.
“Surot at salot sa buhay naming dalawa!” sabay na sabay nilang saad na parang nag rehearse pa upang iyon ay ma-perfect.
Tumikwas ang isang kilay ko sa kanila habang nasa bibig ang aking hawak na kutsara.
“Talaga?”
“Oo, haliparot ang dalawang iyon.”
Mukhang manggu-gulpi na naman ako, saan na kaya ako ipapatapon ni Mama kapag ginawa ko iyon sa lugar na ito? Ngunit baka ikulong lang ako ni Uncle sa hawla ng ibon.
“Kapag tumagal ka na sa school at lugar na ito, paniguradong kukulo na rin sa kanya ang dugo mo kahit na alam mong nanlalamig ito.” si Carley na gigil na itinusok ang tinidor sa nilaga niyang patatas, “Masyadong ambisyosa!”