Linggo na ang lumipas mula nang sabihin ni Apollo na bigyan niya ito ng oras para sabihin sa pamilya nito ang tungkol sa kanila. Pagkatapos ng araw na iyon ay hindi pa ito ulit nagpapakita sa kanya.
Ang sinabi nitong mag-uusap sila pagkatapos ng trabaho nito ay hindi nangyari.
"Apollo, niloloko mo lang ba ako?" paanas niyang tanong sa kawalan.
Hindi maalis sa utak ni Ahtisa ang katotohanang hindi siya mahal ng lalaking nakatakda niyang pakasalan, kaya araw-araw ay nadaragdagan ang nararamdaman niyang pighati at inseguridad.
Akala niya noon, ang pagiging malamig nito ay normal lang. Na ganoong tipo ng tao talaga ito. Pero ngayon, naiisip na niyang ang malamig na pakikitungo nito sa kanya ay dahil hindi siya nito mahal.
At ang taong walang pagmamahal ay kayang-kayang bumitiw kahit anumang oras nitong gustuhin. Siya lang naman ang nagmamahal kaya siya lang itong takot na takot.
Kung babalikan niya sa utak ang isang taong pinagsamahan nila ay wala siyang maalalang pagkakataong naging malambing ito sa kanya. Sa kama lang ito hindi malamig. Sa kama lang ito mainit. Iyon ay dahil gusto nito ang katawan niya. Katawan niya lang, hindi kasama ang puso niya.
Natitiyak niyang hindi ganoon ang pagtrato nito sa dating kasintahan kung ang pagbabasehan ay ang papuri ni Nina sa pagmamahalan ng dalawa.
Napasinghap siya nang madulas ang kamay niya at dumaiti sa mainit na takure. Napaigtad siya at mabilis na hinatak ang kamay, pero napaso na siya.
Nanginig ang mga labi niya at hindi na niya nasikil ang pagsabog ng kinikimkim niyang sama ng loob. Napaiyak na siya. Lahat na lang ng nangyayari sa kanya ngayon ay puro kapalpakan. Wala na bang tama sa buhay niya? Kahit ang magpakulo ng tubig ay hindi pa niya magawa nang maayos?
Dumausdos siya paupo sa malamig na marmol na sahig. Itiniklop niya ang mga tuhod at kinabig ang mga iyon palapit sa dibdib niya, isinubsob payuko roon ang mukhang hilam sa luha.
Inis niyang pinahid ang luhang walang ampat sa pagbuhos mula sa kanyang mga mata. Tumayo siya at itinapat sa gripo ang napasong kamay.
Muli siyang tumingin sa iniinit na tubig. Ano nga ulit ang gusto ni Apollo sa kape nito? Paano nga iyon ginagawa? Black, walang asukal? I-french press at i-steep ng gaano nga katagal? Hindi niya maalala.
Naisabunot niya ang mga kamay sa buhok. Kape lang, hindi pa niya magawa nang tama. Kaya siguro hindi siya makuhang mahalin ng binata. Si Elara kaya kabisado ang lahat ng gusto nito? Siguro. Baka. Malamang. Hindi naman aabot ng sampung taon ang relasyon ng mga ito kung hindi nagkakasundo ang dalawa.
At siya? Isang taon palang sila pero ramdam niyang papaguho na ang kung anong meron sila ngayon.
Bigla siyang napasulyap sa kalendaryo at napanganga siya nang makita ang petsang binilugan niya. Birthday ni Apollo.
Dali-dali niyang hinagilap ang cellphone niya. Humugot siya ng hangin at bumuo ng text message para kay Apollo.
Ahtisa: Pupuntahan mo ba ako mamayang gabi rito sa bahay?
Pagkapindot niya ng 'send' ay napabuga pa siya ng hangin. Hindi siya sigurado kung magri-reply ito.
Tumunog ang message alert tone niya.
One message received.
Apollo: No. I’ll be working overtime at the office—until midnight, or maybe even until morning.
Sa kabila ng naging sama ng loob niya rito ay hindi niya pa rin maiwasang maawa at magmalasakit dito. Kaarawan ng binata, pero sa opisina nito uubusin ang oras. Puro trabaho ito, subsob sa mga dokumento. Hindi naman niya ito mapuntahan, sapagkat ayaw nito. Kung puwede lang sana ay kanina pa niya ito dinalhan ng pagkain o kahit inumin man lang. Gusto niya itong samahan.
Ahtisa: Hindi ka ba uuwi sa bahay ng mga magulang mo?
Kahit sana kasama man lang nito ang pamilya.
Minuto ang dumaan bago ito tumugon.
Apollo: No.
Ahtisa: Pero birthday mo. Kung hindi ka uuwi sa bahay nila Sir Luther, baka puwedeng dumaan ka saglit dito sa bahay ko. Ipagluluto kita. Ibibili rin kita ng cake. I-celebrate natin ang birthday mo.
Apollo: No need. I'll be very busy.
Ahtisa: Happy birthday.
Apollo: Thank you.
Hindi na siya nagpadala ng bagong mensahe rito. Ni hindi na niya ito naisipang tanungin kung bakit hindi pa rin ito dumadalaw ulit sa kanya. Isinuksok na niya ang cellphone sa bulsa ng pantalon.
Napaigtad si Ahtisa nang biglang tumunog ang cellphone niya. Akala niya ay si Apollo iyon, subalit numero ni Manang Loreta ang rumehistro sa screen.
Huminga muna siya nang malalim upang payapain ang damdamin bago niya sinagot ang tawag. "Manang Loreta? Napatawag ho kayo?"
"Ay, naku, Tisang, ewan ko ba, ayoko sanang mag-abala sa 'yo, pero talagang kailangan ko ng dagdag na kamay dito sa malaking bahay nila Sir Luther. Baka puwede mo kaming tulungan, ha? Ngayong araw lang naman."
Saglit siyang natigilan nang marinig ang pangalan ng ama ni Apollo, dahil lahat ng taong konektado sa kasintahan niya ay may kakaibang epekto sa kanya kapag nababanggit ang pangalan. Napalunok siya. "A-ano po ang maitutulong ko?"
"Sa pagluluto sa kusina. May party kasi mamayang gabi. Kuh, ang dami palang bisita. Ito kasing si Nina, maryosep, sinabihan na pala ni Ma'am Ruthie na marami ang darating, eh hindi man lang ako naisipang abisuhan. Makukurot ko talaga sa singit ang batang ‘yon!"
"Ah, s-sige po." Hindi niya matanggihan si Manang Loreta dahil itinuring siya nitong parang anak noong nagtatrabaho pa siya sa malaking bahay ng mag-asawang Luther at Ruthie Altieri. Isa pa ay ramdam na ramdam niya ang eksasperasyon nito habang nagpapaliwanag sa kanya.
Mabuti nga sigurong tulungan na lang niya ang matanda kaysa magmukmok siya sa loob ng bahay na nababalot sa nakabibinging katahimikan. Parang mababaliw na siya ro'n. Wala siyang kasama, wala siyang kausap, ni wala siyang kapitbahay.
Pagkatapos niyang magbihis ay nagpasundo na siya kay Mang Savio. Mahirap kumuha ng traysikel mula sa bahay niya, kaya s-in-ave na niya ang number ng matanda para kung kakailanganin niyang umalis ng bahay ay tatawagan o iti-text na lang niya ito. Isa o dalawang pasahero lang naman ang isinasakay nito araw-araw. Matanda na rin kasi ito, at ginagawa lang nitong ehersisyo ang pamamasada ng traysikel nito.
Habang sakay na ng traysikel ay napapasulyap siya sa kanyang cellphone. Ipapaalam ba niya kay Apollo na papunta siya sa malaking bahay ng mga magulang nito?
Nag-send lang siya ng maikling message para sa binata.
Ahtisa: May pupuntahan lang ako saglit.
"Neng, nandito na tayo," ani Mang Savio.
Napatingala siya sa mataas na gate ng malaking bahay ng mag-asawang Luther at Ruthie. Naitakip pa niya ang kamay sa ibabaw ng noo upang harangin ang nakakasilaw na sinag ng araw na tumatama sa mukha niya.
"Salamat ho, Mang Savio."
Pagkapasok niya ng malaking bahay ay sinalubong kaagad siya ni Manang Loreta. "Tisang! Salamat naman at nakapunta ka! Kailangang-kailangan talaga namin ang tulong mo."
Nginitian niya ang matanda. Masaya siyang makita ulit ito. "Si Nina po?"
"Nasa kusina na. Tara." Hinawakan siya ng matanda sa kamay.
"Ahtisa?"
Nasuspende ang akmang paghakbang niya nang marinig ang baritonong tinig ng dating among si Luther Altieri. Nasa singkuwenta na ang edad nito, pero matikas pa rin at magandang lalaki. May kaunti nang puti ang kulay tsokolate nitong buhok. Ang mga mata nito ay kulay tsokolate rin.
"Kumusta ka na? Nagtatampo na sa 'yo ang Ma'am Ruthie mo. Hindi ka man lang daw dumalaw dito."
Ibinuka niya ang bibig, pero itinikom din kaagad, dahil nablangko ang utak niya. Hindi niya alam kung paano sasagutin ang Sir Luther niya.
Ngumiti ang lalaki. "Puntahan mo ang Ma'am Ruthie mo mamaya. Matutuwa iyo kapag nakita ka."
"S-sige po, Sir." Sobrang bait ng mag-asawa sa kanya, kaya hindi niya maintindihan kung bakit nahihirapan si Apollo na ipagtapat sa mga ito ang tungkol sa kanila.
Natigilan siya.
Ikinakahiya ba siya nito? Dahil siya ay isang taong walang may maipagmamalaki? Hindi siya mayaman, hindi nagkamit ng kahit anong karangalan, at ni walang college diploma? Ganoon ba iyon? Ang mga iyon ba ang pumipigil kay Apollo?
Sana ay hindi. Sana ay siya lang ang nag-iisip ng ganoon.
Dumerecho na sila ni Manang Loreta sa kusina. Tumulong siya sa pagluluto ng maraming putahe. Naging abala na sila at hindi na nila napansin ang oras. Naghihiwa na siya ng mga sangkap sa chopping board nang biglang pumasok sa kusina si Nina na lumabas kanina para ihatid sa serbidor ang mga dagdag na pagkain.
"Ang guwapo ng magkakapatid na Altieri!" tili nito, hangang-hanga sa mga anak ng amo.
Napangiti lang siya, hindi nag-angat ng mukha. Patuloy lang siya sa paghihiwa.
"Lalo na si Sir Apollo!" dugtong nito. "Pormal na pormal. Misteryoso ang dating!"
Nabura ang ngiti sa kanyang mga labi, at dumulas ang kutsilyo mula sa kanyang kamay, tumama iyon sa kanyang daliri at nag-iwan ng sugat.
Napatingin siya sa kamatis na nasa chopping board, sa kutsilyong nabitiwan na niya nang tuluyan, at sa daliri niyang nagdudugo. Pero hindi niya malaman kung ano ba dapat ang maging reaksiyon niya.
"Tisang! Diyos kong bata ka! Ay dali at hugasan natin iyang sugat mo!" Nilapitan siya ni Manang Loreta. Itinapat nito ang daliri niya sa tubig mula sa gripo.
"M-manang, k-kumpleto po ba ang buong pamilya ni Sir Luther?" nauutal niyang tanong.
"Aba'y siyempre!"
Naglapat ang mga ngipin niya. "A-ang triplets ho ba d-dadalong lahat sa party na 'to?"
"Oo naman. Sina Sir Apollo, Sir Ares, at Miss Artemis. Ang bunsong si Miss Athena, nasa party na rin."
Parang may hindi nakikitang kamay ang pumulupot sa leeg niya.
Nag-angat siya ng mukha at tumingin sa matanda. "N-nandito po talaga si Sir Apollo?" Sinisikap niyang hindi mabasag ang boses.
"Tisang, nagtatanong ka na naman tungkol kay Sir Apollo, tigilan mo iyan," saway kaagad sa kanya ni Nina, pinandidilatan siya ng mga mata, napapailing.
Inignora niya si Nina. "Manang Loreta?" Hinintay niya ang isasagot sa kanya ng matanda.
"Oo, nandito si Sir. Kumpleto ang buong Altieri. Paano'y birthday ng triplets ngayon, 'di ba?"
Ang hindi nakikitang kamay na nakapulupot sa leeg niya ay tila dumiing lalo, sinasakal siya. Hindi siya makahinga. Naiiyak siya, pero kailangan niyang itago ang emosyon niya. Ang hirap ng kanyang sitwasyon.
Bakit nagsinungaling sa kanya si Apollo?
Nangangatog man ang mga tuhod ay pinilit niya pa ring maglakad patungo sa bungad ng kusina. Kumapit ang mga kamay niya sa hamba ng pintuan, tapos ay sumilip siya sa malawak na sala.
At pumatak ang mga luha niya nang makita ang mukhang pamilyar na pamilyar sa kanya.
"Apollo..."