CHAPTER 3

1552 Words
"Dito na ako, Mang Savio. Salamat ho." Inabutan ng singkuwenta pesos ni Ahtisa ang matanda bago siya bumaba ng traysikel na nakahimpil na sa tapat ng merkado. "Ito ang sukli mo, Neng." Sunud-sunod ang ginawa niyang pag-iling, at nginitian ang driver ng traysikel. "Ay, huwag na po. Sa inyo na po ang sukli," aniya. "Salamat, Neng. Hanggang ngayon ay napakabuti mo pa rin. Kailan pala ang kasal mo?" Nabura ang ngiting nakapaskil sa mga labi niya. "Ano po?" Natutop ni Mang Savio ang bibig nito, at napakamot sa batok. "Pasensiya ka na sa bigla kong tanong. Palagi ko kasing naririnig na nagbitiw ka bilang kasambahay nina Sir Luther, dahil inalok ka na ng kasal ng nobyo mo." Maliit lang ang Santa Catalina, kaya anumang usapan o tsismis mula sa isang tao ay mabilis na kumakalat sa buong bayan. Awtomatikong kumuyom ang kamay niya sa tela ng kanyang palda. Disimulado lang iyon, at hindi nga siguro napansin ng matanda. Pinuwersa niya ang sariling ngumiti, kahit na kumakalat ang pait sa dibdib niya. "Ahm, pinag-uusapan pa po namin ng kasintahan ko," pagsisinungaling niya. "Sabagay, kailangan talagang maiging pag-usapan ang mga bagay na may kinalaman sa pag-aasawa. Hindi biro ang paglagay sa tahimik at pagbuo ng pamilya. Pero, Neng, ngayon palang ipinapaabot ko na ang aking pagbati sa iyong nalalapit na pagpapakasal." Napatingin si Ahtisa sa maaliwalas na anyo ng mukha ni Mang Savio at sa magaan na ngiting nakaguhit sa mga labi nito. Lalo lang siyang nakaramdam ng hapdi sa dibdib niya. Kung sana ay totoong pinag-uusapan na nila ni Apollo ang tungkol sa kasal nila... "S-salamat ho, Mang Savio." Huwad pa rin ang ngiting ipinamalas niya rito, bago niya itinuro ang entrada ng merkado. "Sige po, papasok na muna ako sa loob. Medyo mahaba-haba po ang listahan ng mga bagay na kailangan kong bilhin," pagdadahilan niya, baka may maisipan pang itanong sa kanya ang matanda. Tumalikod na siya at sinikap na magmukhang natural ang bawat hakbang niya, kahit nanginginig ang kanyang mga tuhod. Akala niya ay magiging matiwasay na ang pamimili niya sa merkado, subalit wala pang limang minuto buhat nang magsimula siyang magtungo sa hilera ng mga gulay ay may tao na namang tumapik sa kamay niya. Ang kasambahay na si Nina ang nalingunan niya. Kasama niya itong naninilbihan sa malaking bahay ng mag-asawang Luther at Ruthanya Altieri noon. Magkasing-edad lang sila ni Nina. "Sabi ko na nga ba at ikaw iyan, Ahtisa!" bulalas nito. "Nina... kumusta ka na?" atubili niyang tanong. Kahit ayaw niya itong kausapin ay hindi na rin naman niya ito puwedeng iwasan. Nasa harapan na niya ito. "Okay naman ako. Nagtatrabaho pa rin kami ni Manang Loreta sa kanila ni Sir Luther." Gumuhit ang maliit na ngiti sa mga labi niya. Sa totoo lang ay nami-miss niya ang mag-asawang Altieri. Mabait ang Sir at Ma'am nila. Palagi silang binibigyan ng bonus kahit hindi pasko, at may ekstrang bonus pa kapag birthday nila. Nagtatrabaho lang siya sa malaking bahay ng mag-asawa kapag hindi pa panahon ng pag-aani o pagtatanim sa palayan ng mga Altieri. "Ikaw, kumusta ka na? Pinakukumusta ka sa akin nina Sir Luther at Ma'am Ruthie." Napalunok siya. Wala pa ring kaalam-alam ang mag-asawa na binahay na siya ng isa sa mga anak ng mga ito. "A-ayos lang din ako." "Hindi ba nagresign ka dahil sabi mo ay ikakasal ka na? Saan kayo ikinasal? Hindi mo man lang kami pinadalhan ng imbitasyon. Sa munsipyo ba kayo nagpakasal?" "Hah..." Napahaplos siya sa leeg. "H-hindi pa, hindi pa kami kasal ng nobyo ko," aniya. Namilog ang mga mata ni Nina, hindi nito itinago ang pagkagulat. "Ha? Ang tagal na mula nang ibinalita mong nag-propose na sa 'yo ang boyfriend mo, hanggang ngayon hindi pa rin kayo kasal? Mahabang engagement ba ang gusto niyang boyfriend mo?" Para siyang sinasakal ng mga tanong ni Nina sa kanya. Hindi niya malaman kung paano sasagutin ang mga iyon. "Magsabi ka sa akin nang totoo." Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat. "Kayo pa ba? Baka naman nag-break na kayo?" "Oo naman, kami pa." "Eh, ano pa ba ang hinihintay n'yong dalawa? Nagri-request ka ba ng magarbong kasalan?" "Hindi, ah!" tanggi agad niya. Hindi siya naghahangad ng engrandeng kasal. Pero aaminin niyang sumagi iyon sa utak niya nang alukin siya ng kasal ni Apollo. Mayaman ito, isang Altieri, nagmula sa pamilyang makapangyarihan at kilala sa lipunan. Hindi niya naiwasang pantasiyahin na para siyang si Cinderella at si Apollo ang prinsipe niya. Tulad ni Cinderella, bibigyan siya nito ng maalwang buhay at kasal na pag-uusapan sa buong Santa Catalina. Pero ngayon, kahit simpleng kasal na lang ay okay na sa kanya. Kahit na walang gaanong bisita, basta naroroon lang ang pamilya nito para sumaksi sa pag-iisang dibdib nila ni Apollo. "Sino ba kasi iyang misteryosong boyfriend mo na iyan? Bakit hindi mo ipakilala sa amin nang makilatis naming mabuti?" Gustung-gusto niyang ipakilala rito kung sino ang kasintahan niya. Gustung-gusto niyang ipagsigawan sa buong Santa Catalina na siya ang babaeng nagmamayari sa puso ng isang Apollo Altieri, subalit paano niya gagawin iyon kung ang binata mismo ay walang ginagawa para ipakilala siya sa mga tao? "Darating din ang araw na ipapakilala ko siya sa inyo ni Manang Loreta," aniya, pilit na ngumiti. "Sus! Napaka-masekreto mo talaga! At kailan pa kaya darating ang araw na iyan? Kapag pumuti na ang uwak? Isang taon na, Ahtisa." Pinisil-pisil ni Nina ang kamay niya. "Ano ba talaga ang hitsura niyang tinatago mong boyfriend? Naku-curious na kami ni Manang Loreta." Gusto niyang hilahin ang kamay niyang pinipisil ng kaibigan, dahil hindi siya komportable sa paksa nila, pero nagpigil siya at nginitian ang babae. "Basta, makikilala n'yo rin siya." "Bahala ka nga. Tapos ka na ba rito sa merkado?" Sumulyap siya sa hilera ng mga gulay. Marami pa siyang nais bilhin, pero bigla siyang nakaramdam ng pagod. Napagod ang utak at puso niya. "Tapos na ako rito. Pauwi na nga talaga dapat ako," pagsisinungaling niya. "Ay, tamang-tama! Samahan mo muna ako sa Altieri Construction!" "Ha?" Nahilo siya kay Nina. "Puwede ba akong tumanggi?" "Siyempre hindi puwede!" Ngumiti ito sa kanya. "Minsan na nga lang tayong magkita, hindi mo pa ako sasamahan? Mabilis lang tayo. May ipinapahatid lang sa akin si Sir Luther sa kompanya." "Ah, s-sige." Napilitan siyang pumayag. Sa buong biyahe nila ni Nina patungong Altieri Construction ay hindi mapanatag ang kalooban niya. Hindi rin siya mapakali. Hindi pa naman siya nagpaalam kay Apollo na lalabas siya ng bahay. Ang gusto pa naman nito ay ipaalam niya rito kung may pupuntahan siya. "Dito na lang ako," aniya kay Nina, tila pinako ang mga paa niya sa tapat ng gusali. Dati ay may tatlong palapag lang iyon, at may isa pang gusali na siyang pinakapabrika ng kompanya. Pero ngayon ay umabot na hanggang 14th floor. Gawa sa matibay na uri ng salamin ang mga pader. "Ano ka ba? Hindi puwedeng dito ka lang sa labas. Mainit dito. Mabuti r'un sa loob, malamig. Halika na." Hindi na sila hinarang ng mga security guard, dahil kilala na ng mga ito si Nina na siguro ay palaging nagpupunta roon. Napasinghap siya nang makita ang loob ng gusali. Ang sahig ay mosaic ng high-end tiles at makintab na marmol. Mataas ang kisame kaya maaliwalas at maliwanag ang loob ng office building. Sa receiving area ay may mga glass-topped coffee tables ang nakatapat sa mga sofa at lounge chairs. Itinuro ni Nina ang malaking digital screen sa isang panig ng lobby. Sobrang laki niyon, nakakalula sa laki. Sa screen ay nakadisplay ang imahe ng CEO. In the displayed image of the CEO, he sat in a sleek, black leather chair, his posture exuding authority. His back was straight, his shoulders squared. One arm rested casually on the armrest, while the other draped across his lap. Sa ilalim ng imahe ay nakasulat ang pangalan nito: Apollo Altieri, CEO of Altieri Construction. Tapos ay may mga dagdag pang impormasyon tungkol sa lalaki: Under his leadership, the company saw a 200% increase in revenue, expanded operations into five new countries, and established its reputation as a leader in innovation. Sa loob ng kung ilang minuto ay nakatingala lang siya sa imahe ng binata. Hindi niya mapilas ang mga mata niya rito. Dahil nang mga sandaling iyon ay tila siya sinampal ng katotohanang sobrang laki ng agwat ng estado nila sa buhay. Naudlot ang paglalayag ng kanyang diwa dahil sa ugong ng mga bulung-bulungan at mahihinang tilian ng kalipulan ng mga empleyado ng Altieri Construction. Kinalabit siya sa kamay ni Nina. "Tignan mo, si Sir Apollo!" impit nitong tili. "Sobrang guwapo niya talaga! Napaka-mestizo!" kinikilig nitong dugtong. Napalingon siya sa itinuro ni Nina. Nahigit niya ang paghinga nang makita niya ang ma-awtoridad at kagalang-galang na anyo ni Apollo Altieri. Kasama nito ang Executive Assistant at mga miyembro ng corporate team. Saglit niyang nakalimutang huminga nang dumaan ito sa harapan niya. Huminto sa paglalakad ang binata at tumingin sa kanya. Lumaktaw ng isang t*bok ang puso niya dahil naghugpong ang mga tingin nila. "Apol—" Nakahanda na sana siyang ngitian ang lalaki, subalit bigla nitong binawi ang tingin. "Let's head in," malamig lang nitong sabi sa Executive Assistant. Hindi siya binigyan man lang ng pagkakataong tapusin ang pagbigkas niya sa pangalan nito. "Okay, Sir," sagot ng EA. Nang lampasan siya ni Apollo, tila pinunit din nito ang kanyang puso at pinagpipiraso iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD