"Fine, coffee. Just coffee."
Mabilis na bumaba ng kama si Ahtisa. Isinuot niya ang roba at lalabas na sana ng kuwarto, subalit biglang hinagip ni Apollo ang palapulsuhan niya. Kunot-noong napalingon siya rito. "Bakit?"
"Open your hand," pormal nitong utos sa kanya.
"B-bakit?" ulit niya sa tanong niya rito.
He released an impatient grunt. Pinukol din siya nito ng malamig na tingin. Ang lamig ng titig nito sa kanya ay nanunuot sa kalamnan niya. Binuksan niya ang kamay. May ipinatong ito sa palad niya.
Contraceptive pill.
Napatingala siya rito, para magtagpo ang mga mata nila, dahil di-hamak na mas matangkad ito sa kanya.
"You already know what that is for. And this isn't the first time—you’ve taken it before, for the same reason. We wouldn’t want any… accidents now, would we? Kaya inumin mo na iyan," anito.
Aksidente? Ituturing ba nitong isang aksidente ang pagkakabuo ng bata sa tiyan niya? Pareho na silang nasa tamang edad. Treinta anyos na ito at beinte-singko naman siya. Kahit si Apollo ang mas matanda sa kanilang dalawa ay siya ang mas nasasabik na bumuo ng pamilya, dahil wala siya n'un. Gusto na niyang maikasal sila at magkaanak.
Nagsikip ang dibdib niya, at napatingin siya sa walang emosyong mga mata ng binata. "Ikakasal naman na tayo, 'di ba? Baka puwede ko nang itigil ang pag-inom nito?"
"A child isn’t happening until I say so. I'm not ready to deal with that yet." Ang lamig ng boses nito ay tila aspileng tumutusok sa puso ni Ahtisa.
Mula nang magsimula ang relasyon nila ni Apollo ay pinapainom siya nito ng contraceptive pills. Palagi nitong sinasabi na ayaw pa nitong magkaanak sila. Pero bakit may maliit na tinig ang nagbubulong sa likod ng utak niya, at nagsasabing may mas malalim na dahilan si Apollo kung bakit ayaw nitong mabuntis siya.
"Ahtisa," untag sa kanya ng binata.
Pinilit niya ang sariling ngumiti, kahit na malungkot siya. Napilitan siyang inumin ang pildoras katulad ng gusto ni Apollo. Hirap na hirap siyang lunukin iyon, dahil animo siya sinasakal ng mabigat na emosyon. Kahit ang tubig ay tila ayaw dumaloy sa lalamunan niya.
"Good. Now you can go," anito.
Tumungo na siya ng kusina. Bagsak ang mga balikat niya.
Baka gusto lang ni Apollo na magka-baby kami pagkatapos ng opisyal na kasal? pang-aalo niya sa sarili.
Huminga siya nang malalim at pinuno ng hangin ang dibdib. Tama, nag-iingat lang ang binata ngayon dahil hindi pa sila legal na mag-asawa.
Pinasigla niya ang sarili at maliksing kumilos. Binuksan niya ang cupboard at kumuha ng isang porcelain cup. Sinimulan niya kaagad ang pagtimpla ng kape nito. Nilagyan pa niya ng ekstrang cream at cinnamon ang kape.
Nasa sala na si Apollo nang matapos siya sa ginagawa. Nagbabasa ito ng newspaper, nakadekwatro ang mga paa, at walang puwedeng ipintas sa postura nito. Maayos din ang pagkakasuot nito ng salamin sa mata. Ang linis-linis nitong pagmasdan, lalo na at puti ang suot nitong damit sa ilalim na formal coat nito. Kahit ang mga linya ng tupi sa itim nitong pantalon ay tuwid na tuwid.
Inilapag niya ang tasa ng mainit na kape sa center table. "Ito na ang kape mo," aniya, mahina lang ang boses, para bang natatakot siyang maisturbo niya ang pagbabasa nito.
"Thank you," tanging sabi lang nito, blangko ang anyo ng mukha. Nakatutok pa rin ang mga mata nito sa newspaper.
Napatingin si Ahtisa sa kamay ng binatang nakahawak sa peryodiko. Ang likod ng kamay nito ay may mga linya ng ugat. The veins on the back of his hand, running up to his forearm, made him look effortlessly attractive. Mahahaba rin ang mga daliri nito. At ang mga daliring iyon ay eksperto sa paghahatid sa kanya sa sukdulan ng sarap.
Namilog ang mga mata niya sa naisip. Agad niyang ipinilig ang ulo. Nang muli niyang idako ang tingin sa binata ay muntik pa siyang mapaigtad, dahil sa kanya na pala nakapako ang mga mata nitong kasingkulay ng mga dahon sa panahon ng taglagas.
"What are you staring at?" tanong nito sa kanya, buo at baritono ang boses.
"Ha?" Sunud-sunod ang ginawa niyang pag-iling. "W-wala naman!"
"Huwag kang tingin nang tingin sa akin. Hindi ako komportable," anito, bahagyang nagsalubong ang mga kilay.
"P-pasensiya ka na," aniya. Bigla niyang naalala ang wedding shop na nadaanan niya sa pinakasentro ng kalakalan ng Santa Catalina. Tumabi siya sa binata sa sofa. "Ahm, Apollo..."
"Hmm?"
"May nakita akong magandang traje de boda. Puwede ba nating puntahan ulit ang wedding shop kung saan ko nakita iyon? Tignan mo lang ang pagkakayari at ang estilo, baka magustuhan mo naman."
"I have already prepared a wedding gown for you," tanging sabi lang nito.
"Pero puwedeng tingnan pa rin natin iyong nakita ko? Baka—"
"Ahtisa," mariin nitong bigkas sa pangalan niya. "Let us not discuss this at the moment."
Kung hindi nila iyon pag-uusapan ngayon, kailan pala? Palagi nitong sinasabing may wedding gown na itong napili para sa kanya, subalit ni hindi pa nga niya nakikita iyon. Ni hindi nga siguro sumagi sa isipan nito kung magugustuhan niya ba iyon o hindi? Basta gusto nito, dapat ay gusto rin niya.
Nakagat niya ang ibabang labi. "Eh, ang mga taong iimbitahan natin sa kasal..."
"Ang sabi ko, hindi natin pag-uusapan ang tungkol sa bagay na iyan ngayon."
"Pero kasi..."
"Natatakot ka ba na baka kanselahin ko ang kasal? You have the engagement ring on your finger. What are you afraid of? Tsk."
Napayuko siya. "I-inumin mo na ang kape mo, bago pa lumamig iyan," sabi na lamang niya.
Inabot nito ang tasa ng kape at dinala sa labi, para lang muling ilapag iyon sa mesa pagkatapos ng unang pagsimsim nito. "You call this coffee, Ahtisa?" Bakas ang eksasperasyon sa anyo ng mukha ni Apollo.
Nataranta siya, nalito. "Bakit? Hindi mo ba nagustuhan?"
"How many times do I have to tell you that I want my coffee black, no sugar. I want the single-origin beans, from the estate in Ethiopia I had imported. I want you to make it with the French press, and to make sure it steeps for exactly four minutes, not a second less or more. Mahirap bang i-ukit iyan sa loob ng utak mo, Ahtisa?" Nagbuga ito ng hangin. "Si Elara naman, kabisado kaagad ang timpla ng kape na..." Mabilis nitong pinutol ang gusto sanang sambitin, at tumingin sa kanya, parang pinag-aaralan ang ekspresyon niya.
Pero hindi niya narinig nang mabuti ang huling litanya nito, dahil nabibingi siya sa lakas ng pagkabog ng dibdib niya. Ayaw niyang magalit sa kanya si Apollo, dahil baka mawalan ito ng interes at gana sa kanya.
Nagyuko ulit siya ng ulo, nakagat ang ibabang labi. "N-nakalimutan ko talaga..." Totoong nakalimutan niya. Isang beses lang iyon sinabi sa kanya ni Apollo, at hindi niya memoryado iyon. Hindi niya maalala ang Ethiopia, hindi niya alam kung ano ang French press, at ni hindi niya alam kung ano ang ibig nitong sabihin sa i-steep iyon nang apat na minuto.
Ang mali niya lang ay hindi siya nagtanong. Tumango lang siya. Nahiya siyang klaripikahin ang mga bagay na hindi niya naiintindihan. Matalino kasi si Apollo, at siya ay hindi natapos ang pag-aaral niya.
"Ipagtitimpla na lang ulit kita ng bago—"
"No need," matigas nitong sabi. Itiniklop nito ang newspaper at ibinaba sa mesa. Tapos ay tumayo na ito at inayos ang damit. "Sa opisina na lang ako magkakape."
Hindi man lang ito lumingon sa kanya at tiyak ang mga hakbang patungong pinto. Sumunod siya rito, umaasam na lingunin man lang siya ng binata. Pero nabigo lang siya. Lumulan si Apollo sa black, Montero Sport nitong nakaparada sa tapat lang ng bahay at pinatakbo kaagad iyon.
Napabuntong-hininga na lang si Ahtisa. Nasasaktan siya. Nagsisikip ang lalamunan niya. Habang paliit nang paliit ang pigura ng papalayong sasakyan ni Apollo ay pakapal naman nang pakapal ang lamig na bumabalot sa puso niya.
Naiyakap niya ang mga kamay sa sarili, at inilingap ang tingin sa paligid. Walang ibang istruktura ang nakatirik malapit sa bahay niya. Tila siya nag-iisa sa gitna ng kawalan. Wala siyang mga kapitbahay. Puro puno at halamanan ang nakapaikot sa propiedad na iyon.
Dati ay may maliit siyang bahay malapit sa merkado. Pero sabi sa kanya ni Apollo ay kailangan niyang lumipat sa mas malaking bahay na binili nito para sa kanya. Pumayag kaagad siya. Pero minsan naiisip niyang ayaw ng binata na makita ito ng mga taong kasama siya. Dahil bakit siya nito inilipat sa bahay na iyon kung saan malayo sa mga tao? At bakit kahit isang taon na silang may relasyon ay hindi pa rin siya nito pinapakilala sa pamilya nito? Kahit ang ama nitong si Luther Altieri, na dati niyang amo, ay wala pa ring alam tungkol sa namamagitan sa kanila ni Apollo.
Bumaba ang tingin niya sa singsing na ibinigay sa kanya ni Apollo nang alukin siya nito ng kasal. Simple lang ang singsing na iyon. May bilog na diyamante sa pinakasentro.
Iyon lang ang pinanghahawakan niya sa sinabi nitong pakakasalan siya. Pero pinanghihinaan din siya ng loob. Dahil wala namang senyales na pinaghahandaan ng binata ang kasal nila.
"Apollo, may balak ka ba talagang pakasalan ako?" tanong niya sa kawalan.