CHAPTER 5

1645 Words
Habang sakay ng traysikel ay napapatulala pa rin si Ahtisa. Nakatanaw lang siya sa mga nadaraanan nilang bista, nakatingin sa kawalan. Mahapdi pa rin ang lalamunan niya, at nagsisikip pa rin ang kanyang dibdib. Bakit parang hindi siya kasintahan kung tignan ni Apollo kanina? Tila siya isang estrangera. Isang hindi kakilala. Napaigtad siya nang ibinunggo ni Nina ang balikat nito sa balikat niya. Napatingin siya rito, sinisikap na walang luha ang nakasungaw sa mga mata niya. Ayaw niyang magtaka ang kaibigan. "Ano ba ang nangyari sa 'yo kanina? Pambihira ka talaga, Tisang." 'Tisang' ang tawag nito sa kanya minsan. "Kinabahan ako, ah. Akala ko talaga, uuwi akong wala nang babalikang trabaho sa mga Altieri." Napaisip ito at nasapo ang ulo. "Pero hindi pa rin pala ako sigurado kung safe na ang trabaho ko. Baka bigla na lang tawagan ni Sir Apollo si Sir Luther at sabihing sesantehin na ako. Naku, huwag naman sana!" Nakatikom lang ang mga labi ni Ahtisa. Wala siyang lakas na magsalita pa. "Alam mo, Tisang. Gets naman kita, eh. Crush mo si Sir Apollo. Malaki ang pagkakagusto mo sa kanya. Hindi ba unang kita mo palang sa kanya sa malaking bahay ng mga Altieri ay ibinulalas mo na kaagad sa akin na siya ang gusto mong mapangasawa? Natatandaan ko pa iyon. Pero..." Nagbuga ito ng hangin, at sa gilid ng mga mata ni Ahtisa ay nakita niyang tumingin sa mukha niya si Nina, tila kinakaawaan ang sitwasyon niya. "Pero kasi, Tisang, malabo talagang maging kayo. Malabong pansinin ka ng isang Apollo Altieri. Suntok sa buwan ang pangarap mong maging asawa si Sir. Kaya, pakiusap, gumising ka na lang sa kahibangan mo. Huwag mo sanang isipin na ako ang kontrabida sa buhay mo. Nagpapayo lang naman ako bilang kaibigan at katrabaho mo dati." Hindi pa rin siya umimik. Pero gusto niyang matawa nang pagak. Matawa nang mapait at mapang-uyam. Ano kaya ang magiging reaksiyon ni Nina kapag nalaman nitong isang taon na ang relasyon nila ni Apollo? Na hindi malabong maging sila, at hindi malabong pansinin siya nito? Pero kahit nakamit niya ang mga bagay na akala ng iba ay hanggang ilusyon lang, ay bakit hindi pa rin siya masaya? Oo, dati ay masaya siya. Araw-araw ay tila siya dinuduyan sa mga ulap. Pero habang tumatagal, ang ulap na kinaroroonan niya ay nagiging nakakatakot na lugar na para sa kanya, dahil nagbabanta iyon ng malakas na paglagapak oras na bumagsak siya sa ibaba. Ang tayog ng narating niya—sa piling ng isang Apollo Altieri. Pero kung anong tayog ay alam niyang ganoon din kalakas ang pagbulusok niya sa lupa. "Hindi ka naman nakikinig, eh!" ingos ni Nina, nakausli ang nguso nito at kumikibut-kibot pa. "Manong, dito na lang ako," bigla niyang sabi sa driver ng traysikel. Nagulat naman si Nina. "Dito na lang ako, Nina," aniya rito. Tinapik niya ang kamay nito. Huminto ang traysikel. Napatingin si Nina sa paligid. Palayan ang nasa magkabilang gilid ng kalsada. Walang nakatirik ni isang barung-barong. "Hoy, Tisang, sure ka bang bababa ka rito? Ano ang gagawin mo rito? May balak ka bang kausapin ang mga palay?" "Gusto ko lang munang mapag-isa," aniya. "Huwag ka ngang magbaliw-baliwan, Tisang," saway nito sa kanya. Gumuhit lang ang tipid na ngiti sa mga labi niya, tapos ay bumaba na siya ng traysikel. Kinawayan pa niya ang kaibigan at sinenyasang okay lang siya at huwag itong mag-alala sa kanya. Nang hindi na niya matanaw ang likod ng papalayong traysikel na kinasasakyan ni Nina, ay humugot siya ng malalim na paghinga, at ilang ulit na nagbuga ng hangin. Tinanaw niya ang malapad na palayan. Pag-aari iyon ng mga Altieri. Kahit ang lupang kinatatayuan niya nang mga sandaling iyon ay sakop pa rin ng lupaing nakapangalan sa mga Altieri. Sobrang yaman ng mga ito. May prestihiyosong reputasyon. Buena Familia. Tinitingala ang mga ito kahit ng mga taong kabilang sa alta-sosyedad. Malayung-malayo sa estado ng buhay niya. Naglakad-lakad lang si Ahtisa. Walang direksiyon, at hinayaan niya lang ang mga paang dalhin siya sa kahit saang dako. Hindi niya halos napansing dumilim na pala. Nang ilingap niya ang tingin sa paligid ay nakita niyang nakatayo siya sa tapat ng isang bar. Nagdesisyon siyang tuklasin ang loob niyon. Legal na ang edad niya, pero iyon ang pinakaunang pagkakataong nagawi siya sa lugar na iyon. Pagkapasok niya sa pinaka-entrada ay sinalubong kaagad siya ng masigabong tugtuging sinasabayan ng indak ng mga taong nagsasayaw sa dance floor. Saglit din siyang nasilaw sa patay-sinding mga ilaw at laser lights na paikut-ikot. Sa kabila ng pag-aatubili ay humakbang siya sa pinakaloob hanggang sa natanaw niya ang bar counter. Inokupa niya ang isa sa mga nakahilerang stools, ipinatong ang mga paa sa footrest niyon, at pinagsalikop ang mga kamay sa ibabaw ng elevated counter. "Good evening. Can I get you something to drink?" tanong sa kanya ng bartender. Napalunok siya. Sa totoo lang ay kinakabahan siya. Napatingin siya sa back bar kung saan naka-display ang mga bote ng iba't ibang klase ng inumin. "Ahm, h-hindi ko kasi alam kung ano ang magandang inumin dito. May mairerekomenda ka ba sa akin?" tanong niya. "First time mo ba rito?" Tumango siya. "Sige, ako na ang bahala." Mayamaya lang ay may inilapag na itong baso sa harapan niya. Maputlang berde ang kulay ng inumin. May mga sariwang dahon ng mint na dinurog at ibinudbod sa loob, at ilang hiwa ng lime ang lumulutang kasama ng mint. Makikita rin ang mga tipak ng yelo na nagpipingkian at tila nagsasayaw sa baso. "A-anong uri ng inumin 'to?" "Mojito. May rum, lime, sugar, at soda water. Preska at hindi gaano katapang." Tinikman niya iyon. Masarap. Tinanguan niya ang bartender para ipahayag na nagustuhan niya iyon. Nang maubos ang unang baso, ay um-order siya ng dalawa pa. Nakaubos siya agad ng tatlo. Nasapo niya ang ulo at napayuko. Nag-iinit ang mukha at magkabilang tainga niya. Sa utak niyang nagsisimula nang makaramdam ng pagkahilo ay tila tuksong sumungaw ang imahe ni Apollo. Mahal niya ito... Kahit isang taon palang ay alam niyang totoo at malalim ang nararamdaman niya para rito. Wala naman iyon sa tagal o haba ng pagsasama ng dalawang tao. Mahal niya ang binata, at nakatanim na sa utak niya na ito ang lalaking pakakasalan niya. Buhat nang alukin siya nito ng kasal ay inukit na niya sa isipan ang larawan ng masayang buhay na ito ang kasama. Kaya nasasaktan siya. Nasasaktan siya dahil umasta si Apollo na hindi siya nito kilala. "Isa pa ulit," aniya sa bartender. Hindi niya napigilan ang pagbagsak ng luha mula sa kanyang mga mata. Kung kanina ay kinokontrol niya ang emosyon, ngayong nakainom na siya ay hindi na niya magawang itago ang pait na sumasakal sa dibdib niya. "Miss, lasing ka na yata." Nagtataka marahil ito kung bakit bigla na lang naglandas ang luha sa kanyang mga pisngi. "Lasing? Ako?" Humagikhik siya, pero patuloy na lumuluha. "Lasing na ba ako? Ganito ba ang pakiramdam ng malasing?" Tumawa siya habang umiiyak pa rin, hindi na niya maintindihan ang sarili niya. Dinukot niya ang pitaka mula sa bulsa ng suot niyang bestida. Naglabas siya ng isang libo. "Magkano ba lahat ang nainom ko? K-kasya na ba 'to? O kulang pa?" Inilapag niya ang isang libo sa counter at tumalikod na. "Miss!" tawag sa kanya ng bartender. "May sukli ka pa." "Keep the change!" tugon niya, bumungisngis sabay pahid ng luhang nasa pisngi niya, at itinuloy ang paglabas ng bar. May mga nakaparada naman ng traysikel sa labas ng bar, kaya hindi na siya nahirapan. Habang sakay ng traysikel ay tumunog ang cellphone niya. Pinaliit niya ang mga mata upang mabasa ang pangalan ng caller na rumehistro sa screen. Apollo calling... Natawa siya. Pagak. Hindi niya sinagot ang tawag. Nang nasa tapat na siya ng bahay niya ay may limang missed calls na sa kanya ang binata. Inabot niya ang bayad sa driver ng traysikel. Halos magbuhol pa ang mga daliri niya sa pagbukas ng gate. Tapos ay deri-derecho siya papasok ng bahay. Pagtapak ng mga paa niya sa sala ay biglang bumukas ang ilaw. Kumalat ang liwanag sa buong silid. Nagulat siya at napalingap mula kaliwa pakanan at pabalik, hanggang sa humantong ang tingin niya sa sofa. Tumaas ang mga kilay ni Ahtisa nang makilala ang malaking bulto ng taong nakaupo roon. "A-Apollo?" Madilim ang mukha nito. "Kanina pa kita tinatawagan. Saan ka galing? I tried to reach you five times." Mababa lang ang boses nito pero nakakapangilabot ang lamig na nakalingkis sa baritono nitong tinig. "Hmm?" Eksaheradong kumunot ang noo niya. "Ahh! Galing ako ng bar," matapat niyang sabi, binuntutan pa ng hagikhik ang litanya. Nagsalubong ang mga kilay ni Apollo. Marahas itong napatindig. "What? Where exactly did you go?" Umigting ang mga panga nito. Tumawa siya, kahit wala namang nakakatawa. Basta gusto niya lang tumawa. "Sa bar. Nagpunta ako ng bar. Ang ganda pala r'un. Ang lakas ng tugtugin, nang-eengganyong sumayaw." Itinaas niya ang mga kamay at nagpaikut-ikot, umimbay ang mga balakang. Ipinikit niya ang mga mata at inalala sa utak ang mga tugtugin kanina sa bar. Nang imulat niya ang mga mata ay nakita niya si Apollo na halos isahing hakbang lang ang distansiya nito sa kanya. Matalim ang anggulo ng panga nito at nag-aapoy ang galit sa mga mata. Para itong hayop na gusto siyang sunggaban. Hinatak siya nito sa siko at kinabig palapit dito. "You're drunk, Ahtisa!" Parang asido ang bawat katagang lumalabas sa mga labi nito. "I told you I'd be here at 8PM, but you're not home—because you're out at some bar, drowning yourself in alcohol!" "Hah!" Ikinuyom niya ang mga kamay. "Ano ang gusto mo? Pagkatapos ng nangyari sa kompanya mo kanina, uuwi na lang ako rito at hihintayin kita? Apollo, akala ng lahat ng tao ru'n ay ilusyunada ako at iniilusyon lang kita. Ang sakit n'un. Bakit hindi mo masabi sa kanila kung sino ako sa buhay mo? Bakit?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD