BIGLANG tumibok ng mabilis ang puso ni Grecela dahil sa magkahalong kaba, pagtataka, at lungkot na nararamdaman niya habang pinagmamasdan ang mga larawan ng ina niya.
“Ako nga pala si Teresa." Lumingon siya rito. "Tawagin mo lang akong Sister Teresa," nakangiti nitong sabi.
"Maraming salamat sa pagdala sa akin dito, Sister Teresa."
Ngumiti ito sa kanya. "Grecela ba ang pangalan mo?”
“O-Opo.”
“Na-e-kwento niya sa akin noon na gustong-gusto niya ang pangalang Grecela. At gusto niya na ang pangalan na iyan ay ibibigay niya sa magiging anak niya,” sabi nito.
Tumalikod ito at binuksan ang maliit na kabinet. May kinuha itong isang kahon at inilapag nito sa mesa. “Halika, iha, maupo ka.”
Umupo siya sa katapat na upuan. Binuksan nito ang kahon at bumungad sa kanya ang ilang mga kagamitan. “Sa mama ko po ba ang lahat ng ito?”
“Oo, Grecela. Ito ang silid na ginagamit ng iyong ina sa tuwing pumupunta siya dito sa orphanage.”
Isa-isa niyang tinignan ang mga aklat at ilang kagamitan ng ina niya. “Ano po ang ginagawa niya sa tuwing pumupunta siya rito?”
“Si Greciana ang may-ari ng orphanage na ito, Grecela.”
Gulat siyang napatingin sa madre. “P-Po?”
Tumayo ito at pumunta sa isa pang mesa. May kinuha itong isang brown envelope at ibinigay sa kanya. Binuksan niya ito at nakita niya ang pangalan ng ina niya.
“Ipinagawa ni Greciana ang orphanage na ito noong nasa kolehiyo pa lamang siya,” nakangiti nitong sabi. May kinuha ito sa kahon at ibinigay sa kanya. Tinanggap niya ito. Larawan ito ng ina niya na nasa ospital na may kasamang bata na nakahiga sa hospital bed.
“Ang batang iyan ang dahilan kung bakit naisipan ni Greciana na itayo ang orphanage na ito. Sampung taong gulang ang batang iyan pero nagawa niyang iligtas si Greciana nung muntikan na siyang malunod sa ilog nung nagbakasyon siya sa lugar na ito.”
“...nalaman niyang may sakit ito at walang pamilya. Klase ng bata na palaboy-laboy dahil iniwan ng mga magulang o di kaya'y wala ng mga magulang.”
May kinuha itong isa pang larawan at ibinigay sa kanya. Ang ina niya ang nasa larawan at may kasama itong madaming bata. “Natuwa ang mga magulang ni Greciana sa nangyari at nangakong tutulong ang mga ito hanggang sa naisipan ni Greciana na magpatayo ng isang orphanage.”
Ngumiti ito sa kanya at ibinigay ang isang album. “Sobrang daming bata na ang natulungan ng iyong ina, Grecela. Pero nung bigla siyang nawala, nawalan din kami ng pag-asa. Mabuti na lamang at may isang mabuting puso ang nagligtas sa buhay ng mga bata dito sa orphanage kaya hanggang ngayon ay buhay pa rin ang orphanage na ito.”
Nagulat siya sa narinig niya. “Nawala po?” takang tanong niya.
Malungkot itong tumango. “Naglaho siya na parang bula. Hindi na siya bumalik. Hindi na siya nagparamdam sa amin hanggang sa nalaman na lamang namin na nagpakamatay siya,” malungkot nitong sabi.
Magsasalita na sana siya pero muli itong nagsalita. “Pero hindi kami naniwala na ginawa iyon ng iyong ina, Grecela,” determinadong sabi nito.
“Ano pong ibig ninyong sabihin?” Nagwawala na ang puso niya dahil sa mga natuklasan niya. Kinakabahan siya at hindi mapakali.
“Parang kahapon lang nung nakatanggap ako ng mensahe mula kay Greciana. Taong 2012, nagpadala siya ng mensahe. Ito ang una at huling mensahe niya simula nung bigla siyang hindi nagparamdam.”
Tumayo ito at may kinuha sa kabinet. Pagbalik nito ay may dala itong maliit na kahon. Binuksan nito iyon at ibinigay sa kanya ang letter.
Binasa niya ito. “Ayokong magpaalam. Pero huli na ang lahat. Ayokong umalis. Pero wala na akong magagawa.”
Nagtatakang tinignan niya ang larawan na kasama nitong ipinadala. Nakaupo ito sa may bintana at may dala-dalang kahon na kulay pula.
“Ano po kaya ang ibig sabihin ng mama ko rito sa letter niya?”
“Naniniwala akong hindi niya tinuldokan ang sariling buhay.”
Kinuha nito ang album sa mesa at may hinanap na larawan. Nang makita nito ang hinahanap nito ay ipinakita nito sa kanya. Ang ina niya ang nasa larawan kasama ang mga bata. Nakangisi ito at mukhang masayang-masaya ito.
“Ang mga taong lubos na nakakakilala sa kanya ay hindi maniniwala sa nangyari. Napakamasayahin ni Greciana at sigurado akong kahit kailan man ay hindi sumagi sa isip niya na gawin iyon.”
May kinuha pa itong isang larawan at ibinigay sa kanya. Kumunot ang noo niya ng makita ang mga taong kasama ng ina niya sa litrato.
Nasa gitna ang ina niya at may katabi itong isang lalaki at magkahawak ang mga kamay nila. Ito ang nobyong binanggit kanina ng madre. Katabi ng lalaki ay ang ama niya at may kahawak-kamay din itong isang babae na hindi niya kilala. May katabi din ang ina niya sa kanan nito na isang babae na may katabing lalaki din. Base sa larawan, mahihinuhang magkakasintahan ang tatlong pares.
Tinuro nito ang lalaking katabi ng ina niya. “Ipinakilala sa akin noon ni Greciana ang lalaking iyan. Akala ko sila ang magkakatuluyan dahil gusto niyang maikasal rito.”
Kunot-noo niyang tinitigan ang lalaki sa larawan. “Bakit hindi sila nagkatuluyan?”
“Hindi ko alam, Grecela.” Nagbuntong-hininga ito. “Nung maikasal si Greciana sa iyong ama ay parang bigla siyang nagbago.”
“Ano pong ibig ninyong sabihin?”
“Nagbago siya. Parang biglang nawala ang kulay sa mundo niya. Hindi na siya ngumingiti sa tuwing pumupunta rito. At nabanggit niyang nagsisisi siya sa desisyong ginawa niya.”
Sumandal ito at muling nagbuntong-hininga. Tumingin ito sa nakabukas na bintana at tila nag-isip ng malalim. Binalot ng katahimikan ang silid.
Kinuha niya ang album at isa-isang tinignan ang mga litrato.
Something is really going on.
Something bad.
Something that I need to look into.
Bigla siyang may naisip. “Pwede ba akong manatili ngayong gabi dito, Sister?”
Ngumiti ito sa kanya. “Siyempre naman, Grecela. Maaari kang manatili rito kahit kailan mo gusto.”
Tumayo ito at isinarado ang bintana. “Maiwan muna kita, Grecela. Bumaba ka lang mamaya para sa hapunan natin.”
Ngumiti siya rito. “Maraming salamat, Sister.”
Naglakad na ito palabas ng silid. Bago pa man nito isinarado ang pinto ay muli itong tumingin sa kanya. “Masaya akong nakilala kita, Grecela. Masaya akong makilala ang anak ni Greciana.” Muli itong ngumiti at tuluyang isinarado ang pinto.
Humugot siya ng malalim na hininga at kinuha ang malaking kahon. Isa-isa niyang inilabas at tinignan ang mga gamit ng ina niya.
Maliban sa litrato na katabi nito ang lalaking gusto sana nitong pakasalan noon na dating nobyo nito ay wala na siyang ibang nakita pa na maaaring magbibigay sagot sa mga katanungan niya.
Kinuha niya ang litrato at itinabi ito. Iniligpit niya pabalik sa kahon ang lahat ng gamit nito. Pasalampak siyang sumandal sa couch at biglang kumunot ang noo niya nang mapansin niya ang pulang kahon na hawak ng ina niya sa larawang kasama nitong ipinadala sa madre.
Kinuha niya ito sa mesa at tinitigan ng mabuti. “She was in her room when she took this picture,” bulong niya sa sarili. “I should find this red box.”
Inilagay niya sa bag niya ang dalawang litrato. Ilang sandali lang ay naisipan na niyang bumaba dahil nakaramdam na siya ng gutom.
Agad naman niyang natagpuan ang dining room kung saan magkasamang kumakain ang mga madre na namamahala ng orphanage dahil nakita niyang may mga madreng nagsilabasan mula sa isang pinto at may nakasulat na 'dining area'.
Binuksan niya ang pinto at agad naman niyang nakita ang madreng nakausap niya kanina.
Nang makita siya nito ay agad itong ngumiti sa kanya. “Grecela, maupo ka na at kumain na kayo.”
Napatingin siya sa lalaking nakaupo. Nakatalikod ito mula sa direksyon niya kaya hindi niya makita ang mukha nito pero bigla siyang nakaramdam ng kaba.
Napahinto siya sa paglalakad nang bigla itong tumayo at humarap sa kanya. Nagulat siya nang makita ang mukha nito.
“Vas,” mahinang bulong niya.
Lumapit sa kanya ang madre. “Hindi mo naman sinabi sa akin na nobyo mo pala si Vas.”
“Po?” takang sabi niya.
“Si Vas ang tinutukoy ko kanina na syang nagligtas sa orphanage simula noong biglang nawala ang iyong ina,” nakangiti nitong sabi sa kanya.
Napatingin siya sa binata at nang magtagpo ang mga mata nila ay bigla namang tumalon ang puso niya.
Nakangiti itong lumapit sa kanya at bumulong. “I miss you, baby.”
*******