CHAPTER 4
ALIW NA ALIW si Antheia kay Chelsy dahil kahit natapos na naman ang maghapon ay hyper na hyper pa rin ang bata. Panay ito kanta ngayon habang sumasayaw sa harapan. Unti-unti nang nababawasan ang mga estudyante niya dahil kinukuha na ito ng mga bantay. Nakangiti lang si Antheia habang nakamata sa bata.
“Excuse me, teacher. Sunduin ko lang po si Lester,” ani isang matandang may hawak ng bag.
Kaagad siyang ngumiti rito. “Yes, sure po. Ingat po kayo,” aniya saka kumaway pa chubby niyang estudyante. “Bye, Lester. See you tomorrow.”
“Bye po, teacher!” sagot namna ng bata saka sumama sa sundo nito.
Muling tinuon ni Antheia ang atensyon sa harapan ng laptop. Napapangiti siya dahil si Chelsy ay panay ang kanta at todo-bigay pa. Ang mga natitira nitong mga kaklase ay nagpapalakpakan pa saka sumisigaw.
“Isa pa, Chelsy! Taasan mo pa!”
“Ikaw na lang kaya kumanta dito, Annie. Napapagod naman ako!” reklamo ni Chelsy ngunit muli ulit kumanta at mas ginalingan pa.
Sinara ni Antheia ang laptop na nasa harapan niya saka humakbang nang dahan-dahan sa mga bata. Pinagkrus niya ang mga braso sa tapat ng dibdib saka natutuwang tiningnan ang mga anak-anakan.
“Hi, teacher!” bati ni Annie sa kaniya. Nakatirintas ang mga buhok nito at ang tambok ng pisngi. Lumapit ito sa kaniya saka yumakap sa binti niya. “Kumakanta po si Chelsy!” Tinuro pa nito ang kaibigan.
“Teacher, maganda po ba ang boses ko?” tanong ni Chelsy na lumapit din sa kaniya. Nakapusod nang mataas ang buhok nito habang may suot na headband na bahagyang nahuhulog sa noo.
Tumalungko siya upang maging magkapantay lang sila. Inayos niya ang headband nito. “Oo naman. Kapag lumaki ka na ba, gusto mo maging singer?” tanong niya saka hinaplos pa ang pisngi nito.
Sandali itong napaisip. Nilagay pa ang maliit na hintuturo sa tapat ng sintido. “Pwede rin naman po pero kasi sabi po ni Lola, ako raw ang magiging boss sa business nila ni Daddy.” Natawa pa ang bata.
“Pwede rin naman, Chelsy pero tandaan mo, kung ano ang laman ng puso mo, dapat iyon ang sundin mo, okay?”
Tumango ito saka malapad ang ngiti sa mga labi. Hinawakan siya nito sa kanang kamay.
Ilang sandali pa ay dumating na ulit ang ilan sa mga bantay ng mga estudyante niya. Nagkatinginan sila ni Chelsy. Nakaupo na ito sa pwesto nito habang ang dalawang mga kamay ay nasa ibabaw ng table nito. Nilapitan niya ito. “Susunduin ka raw ba ng yaya mo?”
Umiling ito. “Wala pong sinabi, e.”
Kumunot ang noo niya. ‘Hindi ba nila alam na may estudyante silang dapat sunduin dito?’ Tumayo siya at nilapitan ang bata. “Yaya mo ba si Abel?”
Umiling ito. “Wala po akong yaya.”
“Ha? Bakit wala?”
“Ayaw kop o ng yaya, teacher.”
Nabuo ang kuryosidad niya para sa kung anong sinasabi ng bata sa kaniya. “Anong ibig mong sabihin, Chelsy?” Naupo siya sa tabi nito.
Ngumiti ito. “Dati po may yaya ako kaso pinapalo po niya ako kapag kami lang dalawa.”
Bahagyang nanlaki ang mga mata niya. “Talaga? Bakit ka pinapalo? Kaya ba siya inalis kasi pinalo ka?”
Tumango ang bata. “Opo. Nakikita mo po ba ito?” Tinaas ng bata ang isang braso ay may pinakita sa kaniyang peklat. Mahaba iyon kahit manipis. “Siya po may gawa nito. Pinalo po niya ako tapos yung pinampalo niya sa akin, may matalim po. Dumugo po iyan.”
“Ano? Anong ginawa ng daddy at lola mo sa dati mong yaya? Pinakulong ba?” Nakaramdam siya ng awa para kay Chelsy. Masyado itong bata para makaramdam ng ganoong trato.
“Pinakulong po ni Daddy koi yon. Mula po noon ayaw ko na magkaroon ng yaya. Okay naman po ako kahit wala ako noon.” Tumawa pa ito saka tumingin sa pinto.
Hindi siya nakakibo. Mabuti na lang at naipakulong ang gumawa niyon sa bata. Mahirap talagang ipagkatiwala sa ibang tao ang isang bata lalo na kung walang mahabang pasensya. Makulit ang mga bata, given na iyon ngunit si Chelsy, matalino ito at marunong makinig.
Sinulyapan niya ang oras sa relong suot. Mag-aalas kuwatro na. Wala na naman sundo si Chelsy. Ang mabuti pa ay ihatid na lnag niya ito ulit at kausapin si Mrs. Torrelba. Itatanong niya kung paano ang bata kung walang magsusundo palagi.
Tumayo siya. “Ihahatid kita ulit ha? Gusto mo ba?”
Kaagad na tumango si Chelsy at ngumiti nang matamis. “Opo, sige po, teacher!”
Ngumiti siya rito saka hinawakan ang ulo. “Magliligpit lang si teacher ng mga gamit ko tapos ihahatid na kita, okay?”
Tumango si Chelsy. Siya naman ay inayos ang ilang mga gamit niya sa ibabaw ng mesa. Ang ilang mga natitirang silya na hindi nakaayos ay kaniyang pinuwesto. Pinatay din niya ang mga ilaw at binunot ang mga dapat bunutin.
Parehas silang lumingon ni Chelsy sa pinto nang may kumatok doon. Kaagad siyang napangiti nang makita si Levy. Ngumiti ito sa kaniya saka tinaas ang hawak nitong plastic bag na alam niyang pagkain ang laman. “Uy! Anong ginagawa mo rito?”
“Pauwi ka na ba?” Pumasok ito sa loob at bahagyang nagulat nang makita ang batang si Chelsy na nakatingin din dito. “H-hi…” bati nito rito.
“Hello po!” masiglang bati rin ng bata sa kaibigan niya.
Kaagad na ngumiti ito saka hinaplos ang pisngi. “You are so cute. What’s your name?”
“I’m Chelsy Anastacia Torrelba po.”
“Wow! Ang ganda naman ng name mo.”
“Thank you po,” anito saka lumingon sa kaniya.
“Anong ginagawa mo rito? Tapos na work mo?” tanong niya sa kaibigan.
“Hmm. Naisipan kong ibili kita nitong paborito mong burger.”
“Wow! Thank you.”
“Bakit nandito pa itong cute na baby girl na to?” Ngumiti pa itong muli kay Chelsy.
“Ah, wala kasi siyang sundo. Ihahatid ko siya sa kanila.”
“Mamamasahe lang kayo?”
“Oo. Pinaayos ko yung car ko kahapon. Mahina iyong break.”
“Ihahatid ko na kayong dalawa.” Presinta ng kaibigan niya.
“Seryoso ka ba? Hindi ka ba pagod?”
Umiling ito. “Okay lang naman. Let’s go?” Lumingon it okay Chelsy. “Ako si Tito Levy. Ihahatid ko kayo ni Teacher Antheia, okay?”
Tumingin pa muna sa kaniya si Chelsy na tila ba tinatanong siya kung totoo ang sinasabi ng kaharap. Tumango siya sa bata. “Yes. Chelsy. Don’t worry, mabait iyang si Tito Levy.”
Kaagad na ngumiti si Chelsy. “Okay po.” Humawak pa ito sa kamay ni Levy saka nagsimulang lumakad ang dalawa palabas ng classroom. Kasunod siya ng mga ito at ni-lock muna niya pinto dahilan upang tumigil ang dalawa dahil hinintay siya.
Nang makasakay sila sa sasakyan ni Levy ay nilingon pa ni Antheia si Chelsy na nakaupo sa passenger seat at nasa gitna ito habang suot ang pink nitong bag pack. “Ayos ka lang diyan, Chelsy?” Nasa shotgun siya nakapwesto habang si Levy naman ang nasa driver seat.
“Yes po, teacher. Ang bango po ng car ni Tito Levy,” anito saka suminghot pa.
Natatawa siyang tumingin sa katabi. “Mabuti at nag-spray ka ng air freshener dito. Nakakahiya sa kaniya kung hindi.”
Umiling na lang si Levy saka sinimulang magmaneho. Tinuro niya kung saan nakatira si Chelsy. Habang nasa daan ay nagtanong ang kaibigan niya. “Anong balita sa parents mo?”
Natigilan siya sa tanong nito. Nilingon niya ito. Wala namang pang-aasar sa mukha nito ngunit hindi maiwasan na mainis niya. “Alam mo na hindin pa kami okay.”
“I know, Antheia. What I mean is… Did the contact you already?”
Umiling siya. “Hindi. Hinahayaan ko na lang kasi ayaw ko rin naman na muna ma-stress sa gusto nila.”
“Kung sa bagay. Mahirap naman kasi talaga ang gusto nila.”
Hindi siya kumibo. Sandali siyang nanahimik dahil palapit na rin naman sila sa bahay nila Chelsy. Namimiss niya ang kaniyang mga magulang ngunit hindi niya talaga kayang gawin ang nais ng mga ito. Ang plano nga niya, next month ay mag-aapply na siya online para sa school na gusto niyang pagtrabahuan sa New York. Ngunit baka sa susunod pang linggo na lang dahil kailangan pa niya umattend ng orientation kaso hindi niya natuloy. Wala pa siyang sapat nap era para sa orientation na kailangan niya.
Ayaw naman niyang manghiram ng pera sa kaibigan pati kay Herra dahil kahit iyon ay kailangan din ng pera. Nakakahiya. Kailangan niya pa muna talaga mag-ipon para hindi siya kapusin. Lalo na ngayon na nakabukod na siya. Marami na siyang bills na dapat bayaran.
Ilang sandali pa ay pinahinto ni Antheia ang sasakyan kay Levy. Nauna siyang bumaba at pinagbuksan si Chelsy at inalalayan itong makababa. Napangiti siya nang tumalon pa ito nang bahagya. Ngumiti rin ito sa kaniya.
Nag-doorbell si Antheia ngunit walang nagbubukas pa. Lumingon siya sa estudyante niya. “May tao kaya sa loob?”
Nagkibit ito ng balikat. “Wala naman pong nasabi sina lola kung aalis sila.”
Muli sana siyang mag-dodoorbell ngunit natuon ang atensyon niya sa isang kulay itim na kotse na tumigil sa harapan ng gate. Bumukas ang pinto at lumabas ang isang lalaki. Kagaya noong unang beses na nakita niya ito, halos mahipnotismo na naman siya nito. Ang tingin nito sa kaniya ay tila ba may kakaibang dulot na kaba sa puso niya kaya naman napaiwas siya ng tingin.
“Daddy!” bulalas ni Chelsy saka tumakbo upang salubungin ang ama. Niyakap naman ito ng ama bago kinarga at lumapit sa kanila.
“G-good day, Mr. Torrelba.”
“What are you doing here? Bakit hindi kayo pumasok?” Ang boses nito ay normal na yatang husky. Ang sexy niyon sa pandinig ni Antheia.
“Ahm, actually kadarating lang naming. Wala po kasing nagsundo kay Chelsy. Natuon ang atensyon nila nang bumaba ng kotse si Levy at lumapit sa kanila. Tiningnan ito ng ama ni Chelsy at tila nakaramdam siya ng pagkailang sa mga ito. Tumikhim si Antheia. “Ahm, since nandito na po. Mauuna na po kami.”
Tumango ang daddy ni Chelsy. “Thank you.”
“Let’s go.” Hinila niya sa braso si Levy na kumaway pa sa bata.
Hinatid nga siya ni Levy hanggang sa apartment niya Tahimik lang siya hanggang sa makarating sila roon. Kaagad niyang inayos ang bigay nitong burger. Apat iyon at tag-dalawa silang magkaibigan. Nang maisaayos ay nagpaalam siya ritong magbibihis lang siya sa silid. Naiwan itong binubuksan ang TV sa sala. Ganoon naman ito. Sanay na at kahit noong nasa poder siya ng kaniyang foster parent ay ganoon din gawa nito.
Kilala rin ito ng parents niya kaya feel at home talaga si Levy kahit pa noon.
Tumunog ang cellphone niya nang matapos siya magbihis. Lumabas siya sa sala at naabutan niya si Levy roon na nanood. Si Harra ang tumatawag. Video call iyon kaya naman bumungad sa kaniya ang mukha ng kaibigan na mayroon pang pipino sa mga mata habang may face mask sa mukha. Inalis nito ang isang pipino saka tumingin sa camera.
Kumaway pa si Harra sa kanila at nagulat nang itapat kay Levy ang camera. “Ang kapal ng mukha naman future physician na iyan.” Sinundan nito iyon ng tawa.
Kahit siya ay natawa.
“Hoy! Anong makapal ang mukha? Nagdala ako ng meryenda kaya pwede ako makinood at makiupo rito!” Tinaas pa nitong burger na nasa pinggan. “Look! Favorite mo rin nito, di ba?”
Kaagad naman inalis ni Harra ang mga nasa mukha. “Hoy! Kapal ng mukha mo! Bakit pinakita mo iyan sa akin ngayon! Wala kayang tinda niyan dito!”
“Kailan ba kasi ang uwi mo?” tanong niya sa kaibigan.
“Baka sa isang araw pa. Alam mo naman na inaabot talaga ng ilang araw ang orientatation. Sana sumabay ka na sa akin para naman sabay na tayo aalis.” Kagaya niya ay magtatrabaho rin ito sa New York bilang teacher. Nakapagbigay na nga ito ng resignation letter sa head ng pinapasukan nila private school.
Bumuntonghininga siya. “Alam mo, kung may pera lang ako, alam mo na baka nauna pa ako sa iyo.” Tumingin siya kay Levy na seryosong nakatingin sa kaniya.
“Pwede ka naman kasi naming pahiramin. Palitan mo na lang kapag nagka-work ka na sa New York.”
“Huwag na. Nakakahiya rin sa inyo. Alam ko na may pinagkakagastusan kayo ni Levy.”
“Kung sa akin lang, wala naman masyado. Ano? Gusto mo ba?”
Umiling siya. “Huwag mo nga ako demonyohin. Hindi ako pinalaki ng mga magulang ko para umasa at umutang sa iba, okay?”
“Pero kaibigan mo kami, ah!” ani Herra.
“Basta! Huwag kayo makulita, okay.” Nakipagkwentuhan pa siya sa mga kaibigan niya. Nang matapos ang videocall ay noon lang din nagpasya si Levy na umalis. Hinatid niya ito hanggang sa labas ng gate na inuupahan niya.
“So, bukas pala pagpasok mo, mamamasahe ka?”
Tumango siya. “Yes, baka sa isang pa makuha ang kotse ko sa pagawaan.”
Kumunot ang noo nito. “Tagal naman.”
“Okay lang iyon. Kaya ko naman mamasahe.”
“Sunduin na lang kita bukas. Ihahatid kita sa school.”
Natawa siya. “Anong kailangan mo?”
Kahit ito ay natawa rin. “Wala akong kailangan, no!” Umiling-iling pa ito. “Basta susunduin kita before 7 o’clock tomorrow, okay?”
“Sige, bahala ka na. Umuwi ka na at baka mas dumilim pa.” Kumaway siya kay Levy nang makasakay ito ng kotse.
“Lock the gate and the door,” sigaw pa nito bago pinasibad ang kotse.
Pumasok siya sa loob ng bahay niya at bahagyang nagligpit ng mga ilang kalat na iniwan ng kaibigan. Naghugas din siya ng mga kasangkapan at nang matapos siya ay pumasok na siya sa kaniyang silid at humarap naman sa laptop niya. Binuksan niya iyon saka sinimulan gawin ang kaniyang mga lesson plan.
KINABUKASAN ay pumasok si Antheia sa school nang maaga. Kaagad niyang inayos ang mga gamit sa teacher's table na siyang gagamitin niya mamaya sa oras ng klase.
Isa-isang pumasok ang mga estudyante niya na kaagad lumapit sa kaniya upang batiin siya.
"Good morning po, teacher!" bati ni Kaitlyn. Ang pinakamaliit sa lahat.
"Good morning po, teacher naming maganda!" Kumaway pa si Lester.
"Good morning po sa pinaka-sexy naming teacher!" sigaw naman ni Annie. Tiningnan ito ng dalawang kaklase saka ngumiti.
Natawa siya dahil ayaw magpadaig ng mga estudyante niya sa isa't isa. Puro papuri tuloy ang naririnig niya sa mga ito.
"Tama na iyan. Good morning din sa inyo. Maupo na kayo tapos hintayin ninyo ang mga kaklase ninyo, okay?" Hinawakan niya ang mga ito sa noo.
Napunta ang buong atensyon ni Antheia sa pinto nang pumasok si Chelsy. Malapad ang pagkakangiti nito. May hawak itong paper bag at dumiretso sa silya nito ngunit nilapag lang doon ang bag na hawak. Lumapit din ito sa kaniya pagkaraan.
"Good morning, teacher!"
"Good morning, Chelsya."
Nagulat pa si Antheia nang iabot nito sa kaniya ang paper bag na hawak. "For you, teacher."
"For me?" Nakakunot ang noo ni Antheia nang tanggapin iyon.
"Opo. Ako po nag-bake niyan!"
Mas lalo siyang namangha kaya naman bahagyang yumukod upang mapalapit sa bata. "Ang sweet mo naman, Chelsy. Thank you. Hindi ko alam na marunong kang mag-bake."
"Maaga po akong gumising para mag-bake ng mga cookies. Sinamahan po ako ni daddy ko."
Dahil sa narinig ay bahagya siyang natigilan ngunit nakabawi rin kaagad. "Talaga? Mabuti naman at sinamahan ka ng daddy mo."
Tumango ito. "Nag-promise po siya kagabi bago kami matulog. Masarap po iyan."
"Salamat ha? Bakit mo naman ako binigyan nito? Hindi ko naman birthday."
"Sabi po ni Daddy, it's a thank you gift daw po."
Sumilay ang ngiti niya. Hindi niya alam ang dahilan ngunit pakiramdam niya ay may mga paru-parong mumunti sa kaniyang tiyan. "Ganoon ba? Salamat ulit ha? Pasabi rin salamat sa Daddy mo kasi tinulungan ka niya."
Tumango si Chelsy bago bumalik sa sarili nitong silya.
Napatingin ni Antheia sa hawak niyang paperbag. Masaya siya hindi dahil may cookies siya. Kung hindi ay may oras naman pala kahit paano ang ama no Chelsy rito kahit paano.
Nagsimula ang klase niya ng oras na iyon. Wala namang bago at naging normal naman ang tinakbo ng klase. Natutuwa siya sa mga bata dahil kahit bata pa lang ay nakikitaan na niya ng mga kung anong interes nito.
Ang topic kasi nila ay kung ano ang gusto ng mga ito kapag malaki na sila. Mga pangarap na gustong abutin ng bawat ito.
Tumayo si Chelsy sa unahan nang ito na ang pagsalitain niya.
"Hi! Ang pangarap ko pagkalaki ko... Ahm, hindi ko pa sigurado pero dahil kaninang pagkagising ko, tinuruan ako ng daddy ko maggawa ng cookies," proud na proud na wika nito habang napalingon pa sa kaniya.
"Gusto mo naging baker?" tanong ni Annie.
"Parang gano'n." Tumawa ito ng matinis pero tumigil din agad. "Pero sabi kasi nila lola ay ako ang magmamana ng company nila ni Daddy kaya businewoman ang gusto ko paglaki. Thank you!"
"Teacher, pwede po ba maraming pangarap?"
"Oo naman." Tumayo siya at naglakad patungo sa harapan, sa pinakagitna. "Lahat tayo ay maaaring mangarap. Ang pangarap natin, libre iyan at unli. Meaning, malaya tayong mangarap sa mga bagay na gusto nating marating at maabot. Pero hindi iyon basta-basta makukuha kung hindi tayo naghihirap."
"Dapat po mahirapan muna kami? Ayoko po masaktan, teacher!" wika ni Lester na tumayo pa talaga.
"Ako man po!"
"Teacher ako rin po!"
Natawa siya dahil sa mga reactions ng mga batang walang kaalam-alam.
"Quiet muna, kids. Makinig muna kayo kay teacher, okay?" Tiningnan niya ang mga anak-anakan niyang sumunod naman sa kaniya. "Hindi ko naman sinabing masasaktan kayo. Ang ibig sabihin ni Teacher Antheai, dapat gawin mo ang lahat ng best mo kapag may gusto kang makuha o maabot. Halimbawa na lang ng pangarap ni Annie. Gusto niya maging teacher gaya ko. Ako, hindi ako agad isang teacher. Naging bata rin ako kagaya ninyo."
"Tumanda lang po kayo?"
Natawa na naman siya at tumango. "Yes, you're right, Lester. Tumanda nga si teacher. Pero habang tumatanda ako, nag-aaral ako. Lahat ng makakaya ko, ng best ko ay binibigay ko para magkaroon ako ng magandang grades sa school. Tapos nakapagtapos si teacher. Naka-graduate ako. Saka pa lang ako naging isang teacher."
Tumanga ang mgaestudyante niya kahit pa mababasa ang kalituhan sa mga mura nitong isipan.
"Kapag kayo nag-aral nang mabuti, sumunod sa mga gusto ng parents ninyo at sa sarili ninyo, makakapagtapos kayo ng pag-aaral. Ngunit tandaan, dapat iyong gusto ng puso ninyo ang sundin ninyo. Okay?"
"Opo!" Sabay-sabay na sagot ng mga anak-anakan niya.
"Very good. Okay, for your assignment for tomorrow, gusto ko na magdala kayo ng mga costumes ninyo kung anong gusto ninyong 'maging' kapag nakapagtapos na kayo ng pag-aaral. Naiintindihan ba?"
"Opo!"
"Okay, very good. That's all for today. Thank you, class and good bye," aniya sa mga estudyante niya.
"Good bye and thank you, Teacher Antheia."
Lumakad siya palapit sa teacher's table habang paminsan-minsan na tumatanaw sa pinto sa tuwing may mga bantay na siyang sumusundo sa mga anak nila.
Mabilis na hinanap ni Antheia si Chelsy. Wala ito sa silya nito. Ganoon na lang ang gulat niya nang may kumalabit sa kaniyang likuran. Nang tingnan niya, si Chelsy pala iyon. Nakangiti na naman kagaya ng palaging itsura nito.
"Nandyan ka pala. Akala ko naman lumabas ka. Wala na naman ang sundo mo?"
"Opo."
"Nasaan ang bag mo? Kuhanin mo. Dito ka muna sa chair ni teacher. Kapag wala ka ulit sundo, ihahatid kita."
"Okay po."
Sumunod ang bata sa kaniya kaya naman pinagpatuloy niya ang pagliligpit na ginagawa. Nagwalis din siya ng classroom at nagulat pa nang makitang may hawak na walis din si Chelsy.
"Gusto mo maglinis?"
Tumango ito. "Opo. Tulungan ko na po kayo, teacher."
"Sige." Pinagmasdan niya kung paano magwalis si Chelsy. Napansin niya na hindi ito marunong. Laking mayaman kasi ang batang ito kaya hindi nakakahawak ng walis. Ang swerte sa bagay na iyon ngunit alam niyang may kulang dito.
Pati ang pagsasaayos ng mga silya ay ginawa rin nito. Natatawa siya rito dahil ang cute talaga.
"Teacher?"
"Hmm?"
"Si Tito Levy po, kaibigan mo po siya?"
Nagulat siya sa tanong na iyon ni Chelsy. "Hmm, yes. Best friend iyon ni Teacher. Bakit?"
"Wala naman po." Ngumiti ito saka muling pinagpatuloy ang ginagawa.
Nang matapos sila sa paglilinis ay gumayak na sila upang umuwi. Siguro ay kailangan na niyang mag-suggest sa lola nito na dapat ay may palaging susundo sa bata. Hindi naman siya nagrereklamo na naiistorbo siya ngunit kawawa naman kasi.
Paano kapag nagpunta na siya sa New York? Wala na maghahatid dito. Paano kung ang teacher na humawak sa mga anak-anakan niya ay hindi niya katulad na naglalaan talaga ng oras para sa mga batang hindi nasundo ng mga magulang?
Hindi naman din siya palaging libre. Ngunit wala naman iyon sa kaniya. Kaya niya itong ihatid. Iyong mga pangyayari na hindi niya masabi ang inaalala niya.
Naglalakad na silang dalawa ni Chelsy palabas ng school. Nakahawak ito nang mahigpit sa kaniyang mga kamay.
"Teacher, nagugutom po ako." Nakahawak pa ito sa sariling tiyan nang lingunin niya.
"Gusto mo ba kumain? Maghanap tayo ng pagkain sa labas?"
Tumango ang bata at nakitaan niya ng pagkasabik. Ganoon nga ang ginawa nila ngunit wala naman siyang makitang pwede para dito. Hindi niya alam kung ligtas bang pakainin iyon ng mga street food.
Naalala niya ang cookies na bigay nito. "Chelsy, gusto mo ba kainin nating dalawa iyong ni-bake mong cookies?"
"E sa inyo po iyon, di ba?" Nagtataka nitong tanong.
"No, it's okay. Di ba, dapat nag-sheshare? Bibigyan kitang cookies, okay?"
Tumango ang bata dahil sa narinig mula sa kaniya.