CHAPTER 1
WALANG EMOSYON ang mukha ni Antheia Cuevas habang pinapanood ang mga lalaking abala sa pagbubuhat ng mga gamit niya papasok sa apartment house unit. Masamang-masama ang loob niya sa kaniyang foster parents dahil pinipilit siya ng mga ito sa bagay na ayaw niyang gawin...
Edad sampung taon siya nang mamatay ang kaniyang mga magulang at dalin ng mga taga-DSWD sa isang bahay ampunan. Dahil may isip na siya, alam niya kung ano ang mga nangyayari sa mga batang dinadala roon. Masakit at puno man ng pagluluksa ang kalooban ay pilit niyang tinatagan ang sarili. Nangako siyang gagawin ang lahat upang magkaroon ng mga taong aampon sa kaniya.
Mataas ang pangarap niya sa buhay. Gusto niya maging guro pero hindi lang sa lupang sinilangan. Naniniwala kasi siyang hindi kalakihan ang sweldo ng mga guro kaya naman sa ibang bansa niya plano gawin ang napiling propesyon.
Dalawang buwan lamang ang nakalipas, napadpad ang mag-asawang Benignos sa ampunan. Walang anak ang mga ito at dahil puno siya ng kuryosidad, hindi niya naiwasan ang makinig sa usapan ng mga madre at ng dalawang bisita.
"Ayaw namin ng sanggol o kaya ay edad lima hanggang sampu. Ayaw ko rin ng lalaki dahil sakit sa ulo ang mga ganoon. Mayroon po ba kayong puwedeng ipaampon sa am—"
"Ako po!" sigaw niya kasabay ng pagtulak sa pinto.
"Theia! Ano bang ginagawa mo rito? May klase ka, 'di ba? Balik ka—"
Lumapit bigla si Antheia sa ginang at kaagad na lumuhod at yumakap sa mga hita nito. "Ako na lang po ang ampunin ninyo. Mabait po ako. Masipag din at matalino."
Buong pagtataka na nakatingin sa kaniya ang ginang. Napansin niyang tumayo ang asawa nito at lumapit sa ginang, humawak pa sa magkabilaang mga braso. Sabay na lumipad ang mga mata sa kaniyang gawi.
"Theia, tumayo ka nga r'yan! Nakakahiya kina Mr. And Mrs. Benignos!" mahinahon ngunit puno ng awtoridad ang boses ni Sister Malou —ang pinaka-head ng ampunan.
Hindi nakinig si Antheia. Mas lalo siyang napaiyak at humigpit ang yakap sa ginang.
"Hija," tawag nito sa kaniya.
Kaagad na umangat ang paningin niya rito at naabutan niyang mapupungay itong natingin sa kaniya. Nang sulyapan naman niya ang gawi ng asawa nito, bahagya itong may ngiti sa labi.
"P-po?"
"Anong pangalan mo?"
"A-antheia Cuevas po."
Ngumiti lang ang babae saka hinarap ang head ng ampunan...
Doon nagsimula ang buhay ni Atheia sa marangyang paraan. Hindi siya nakararamdam ng pagsisi dahil sa pagiging tsismosa niyang bata noon.
Binigay ng mag-asawang Benignos ang kailangan niya. Pinag-aral sa magandang paaralan. Damit, pagkain at tirahan ay hindi pinagkait sa kaniya.
Ngunit ngayong nasa edad bente sinco anyos na siya ay may hindi siya maunawaan sa gustong mangyari ng mga ito.
"Anak, para din ito sa iyo," malambing na wika ng inang si Hannah.
"Pero ayaw ko pa pong magpakasal."
"Antheia," tawag ng Daddy Aga niya. "Isipin mo ang magiging buhay mo kung isa ka lang guro. Kung makakapag-asawa ka ng mayama—"
"Dad, you both know what my plans are. I've told you already. Next year ay puwede na akong lumipad sa US para doon magtrabaho bilang guro. Hindi na ninyo ako kailangan pang ipakasal sa kung sinong Ponsyo Pilato!"
"Paano naman ang negosyo natin? Sino ang magpapatakbo ng mga businesses natin kung ikaw ay nasa ibang bansa? Saka, iiwanan mo talaga kami ng mommy mo?" wika ng Daddy niya. Bakas sa boses nito ang sakit at hinanakit sa kaalamang iiwan niya ng mga ito. "Anak, we did and gave you everything. Hindi kami sumbatero pero nasasaktan kami ng Mommy mo kapag naiisip naming handa mo kaming iwan sa kabila ng mga nagawa namin para sa iyo." Bahagyang nabasag ang boses nito.
Animo may kumurot sa kaniyang puso nang marinig iyon lalo na nang mamataan ang pagkislap ng mga mata nito.
"But, dad. Alam naman ninyo na ito lang ang passion ko. Ang magturo."
"You can teach here. Why do you have to leave us?" This time, Mommy naman niya ang garalgal ang boses.
Huminga siya ng malalim dahil sobrang bigat ng kaniyang dibdib. Hindi siya makalunok dahil tila may batong nakaharang sa sariling lalamunan.
Kumuyom ang palad niya nang makitang umiiyak na ang Mommy Hannah niya. Lalapitan na sana niya ito nang magsalita ito.
"Kung ayaw mo talagang magpakasal, mas mabuti pa sigurong tapusin na natin ang relasyon mo sa amin," malamig ang boses nito na animo tubig na ibinuhos sa kaniya.
"Hannah!"
"Mommy?"
"Malaki ka na kasi. Matanda na kaya hindi mo na kami sinusunod. Kaya mo nang mabuhay mag-isa kaya sige. Mula ngayon, hindi ka na namin kailangan dito. Umalis ka na!" wika nito nang hindi nakatingin sa kaniyang direksyon. Mabilis itong naglakad at akmang hahawakan niya ang kamay nito upang pigilan nang marinig ang ama.
"Hayaan mo na muna siya, anak. Let her rest." Kita sa mga mata nito ang sakit kahit bahagyang nakangiti. Humakbang ito palapit sa kaniya.
Tumulo ang luha ni Antheia nang yakapin siya nito nang mahigpit.
"Mahal ka namin, anak. I'll talk to your mom. Masyado lang siyang nagpadala sa stress at pagod." Hinalikan siya nito sa buhok bago iniwan at sundan ang asawa.
Tila siya nauupos na kandila nang mapaupo sa mahaba at malambot na sofa. Humawak siya sa dibdib sa labis na sakit na nararamdaman. Tahimik siyang umiyak nang umiyak ng gabing iyon...
"Huy! Tulala ka r'yan?" wika ni Hera sa kaniya. Matalik niya itong kaibigan at isa ring guro.
Bumuntong-hininga siya saka nilingon ang kaibigan. Tumayo at humarap sa kotseng bigay sa kaniya ng mga magulang nung nakaraang taon na magdiwang siya ng kaarawan. Kitang-kita sa salamin ang repleksyon niya: Maputi, matangos ang ilong, mapupulang labi kahit walang inilalagay, mapupungay ang mga mata. Mahaba at unat ang buhok. Tumikhim siya at inayos ang suot na crop top at high waist pants.
"Matatapos na ba sila?" tanong ni Hera na pinatutungkulan ang mga lalaking nagbubuhat ng mga gamit niya.
"Siguro," tipid niyang sagot. Gamit ang mga daliri, sinuklay niya ang buhok dahilan upang bumagsak ang mga ito ng natural.
"What is your plan?"
Nilingon niya ang kaibigan. Bakas sa mukha nito ang awa para sa kaniya pero hindi niya binigyan ng pansin.
"I'll go with the flow. Ganoon lang naman iyon, e."
"Hindi ka kaya mahirapan?"
"Huh?"
"Come on! Alam nating pareho na mababa lang ang sweldo nating mga guro kaya naman paano ka na? Paano ka magsisimula kung lahat ng savings mo, inilabas mo sa apartment unit na ito? Bumili ka pa ng mga furnitures!"
"May pera pa naman ako," aniyang nag-iiwas ng tingin.
"Don't fool me, Antheia! Nakita kita kaninang hindi makapag-withdraw sa savings account na bigay ng parents mo. They freezed it!"
Muli, huminga siya ng malalim. This time, hindi na siya nakasagot. Totoo naman kasi na pinahinto ng mga magulang niya ang kahit anong transaksyon ng savings na sa mga ito nanggaling.
At aaminin niya sa kaniyang sarili. Hindi niya alam kung hanggang kailan sasapat ang natitira niyang pera para sa pagbabagong buhay na mayroon siya.