“O, napatawag ka, Nicole,” ang sagot ni Bop sa kanyang cell phone habang nakamasid sa mga Intsik na nag-e-enjoy sa pagpila para mag-zipline. Hindi lang kasi mga may edad ang mga turista niya kundi may ilang magkapamilya at mga bata o kaya teenagers na mga anak ng mga ito.
“Nakalimutan kong sabihin sa ‘yong may tumawag pala kanina nang umalis ka na. May schedule ka ng tour mamayang alas sais ng gabi. Hindi mo na raw kailangang mag-arkila ng van o sasakyan. Sinabing pumunta ka na lang daw sa hotel sa Makati.” At ibinigay na nito ang address.
“Ah, okay. Ilang tao ba sila?” aniya.
“Hmm… hindi nag-elaborate dahil hindi mo na nga kailangang magdala ng sasakyan.”
“Okay, sige. Ipa-park ko na lang doon sa hotel ang sasakyan ko kung gano’n. Tatawagan ko na lang si Nena na hindi ako makakauwi nang maaga mamaya. Baka hahanapin ako ni Lola, alam mo na.”
“Sige, sige. Ang hininging itinerary ay Metro Manila lang naman at hindi na raw kailangang huminto para kumuha ng larawan. Ipapakita mo lang daw sa kanya ang famous landmarks,” dagdag ni Nicole.
“Okay, sige. Noted.” Napabaling na siya ulit sa mga turista niya. Lumapit naman sa kanya si Benjamin. Siguro ay nabagot ito sa paghihintay sa bus.
“Ano? Ilang oras pa tayo rito, ano?” anito.
“Oo. Alam mo na ‘yon. Kakain pa tayo rito sa Picnic Grove saka magho-horse riding pa sila.”
***
Pagkatapos ng kanilang luncheon meeting nina Junrel at ang presidente ng Pilipinas ay nagtungo na sila sa press conference room. Doon ay naghihintay na ang lahat ng mga reporters para sa Q&A tungkol sa kanyang pagbiyahe sa Pilipinas at malamang tungkol sa estrangherang nasangkot sa kanya.
Ipinakilala na siya ng spokesperson ng Malacañang sa mga reporters at nagkikislapan ang mga camera. Nasa may di-kalayuan naman ang kanyang chief of staff at ang mga bodyguards habang nakatayo siya sa likod ng podium na may mikropono. Binati pa niya ang lahat bago nagsimula ang Q&A.
“Mr. Prime Minister, we have heard that one of your agendas in visiting the Philippines is to check the status of the super typhoon victims. Is this true?” ang tanong ng isang lalaking reporter na tinawag niya. Medyo panot na ito at naka-semi-formal ang suot, polo at slacks.
“Yes, that’s true,” pagkompirma niya. “We’ll be there tomorrow morning, in fact. The Spanish government wants to see if we could be of more help in rebuilding the lives of the victims, the survivors. We were in great shock when it happened and our people want to extend our hand to help in any way we can.” Saka tinanguan niya ang isang babaeng reporter na nasa edad siguro na trenta pataas. Meron itong hanggang balikat na buhok, may manipis na makeup at nakasuot na pormal na blazer at pencil skirt na beige.
Agad-agad na nagtanong ito, “Mr. Prime Minister, how long are you going to stay in the Philippines? And what are your other agendas aside from visiting the super typhoon victims?”
“I can’t reveal yet how long I’m going to stay in the Philippines because I heard that there are many great places to visit here. As I was told, ‘It’s more fun in the Philippines!’” sagot pa niya at napatawa ang mga reporters. Pero nang sulyapan niya ang kanyang chief of staff ay nakita niyang nakabusangot ito. “And about my other agendas… I still have to meet my fellow Spanish nationals who are residing here in this country at the Spanish embassy. Also, I will visit the National Library, the National Museum and an old university.” Sumenyas naman siya sa isa pang reporter at ngumiti ito sa kanya.
“Government affairs aside and in line with the front page headlines today, Mr. Prime Minister, may I ask who the lady with you last night is?”
Nagkaroon ng kaunting kaguluhan dahil sa tanong na iyon at hindi siya agad nakapagsalita. Naisip niyang alam talaga nito kung kailan nakuha ang mga larawang iyon. Kung hindi ito ang kumuha ng mga iyon ay siguro kinontak ito ng paparazzi na siyang kumuha ng larawan. Naisip niya tuloy na paimbestigahan ang reporter na ito at nang malaman nila kung sino talaga ang kumuha ng mga larawan at nagsiwalat ng mga iyon sa iba’t ibang diyaryo at hindi lamang sa tabloids.
“Mr. Prime Minister?” untag nito sa kanya.
May hinuha na siyang itatanong talaga iyon ngayon pero medyo nairita lang siya. Gayunpaman, binigyan niya ito ng isang matipid na ngiti at bigla na lang na tumahimik sa conference room. Naghihintay ang lahat ng mga ito sa kanyang maaaring kasagutan.
“I’m sorry but I cannot reveal her identity,” marahang saad niya at seryoso ang mukha. Ang mga mata ay nakatutok mismo sa reporter bago iyon pinagalaw para tingnan ang iba. “You must understand that I don’t want to drag her name to my political affairs. She has the right to stay anonymous and be a private citizen. In addition to that, I have the right not to say anything more about this matter. Please consider it closed and private.”
Nakita niyang tila disappointed ang babaeng reporter na nagtanong sa kanya niyon. Sinulyapan naman niya si Graciela at nakuha nito ang ibig niyang sabihin.
Ilang sandali pa ay may inusisa na ito ukol sa nasabing reporter habang siya ay nagpatuloy sa pagsagot sa ilang mga katanungan ibinigay sa kanya pagkatapos niyon.
Nang makaalis na sila sa conference room ay nagpaalam na sila sa presidente ng Pilipinas bago pa man ito pumalit sa kanya sa podium. Kung hindi siya magkakamali ay uungkatin pa ng mga iyon ang tungkol sa kanya.
“Her name’s Roxanne Alegre for Daily News Filipinas,” sabi ni Graciela nang lulan na sila sa kotse.
Papunta na sila ng embassy sa halip na bumalik sa kanyang hotel. Pinabago niya ang kanyang ruta at may escort na sila. Doon na niya kakausapin sa embassy si King Alfonso XV. Marami pa silang pag-uusapan, isa na ang pag-report niya sa kanyang mga ginawa sa araw na ito.
“Paimbestigahan mo pa para malaman natin ang kanyang source. Bakit nalaman ng local reporters ang tungkol sa pagdalaw ko rito in the first place? I’m sure there’s a leak somewhere on our camp.”
“Masusunod, Señor Presidente,” at may dinayal na si Graciela sa hawak na cell phone.
Napasulyap na muli si Junrel sa chief of staff niya bago napatingin sa labas ng bintana at napamuni-muni. Sana naman ay matigil na iyong tungkol sa pagdawit sa inosenteng babae sa kanya pagkatapos ng sinabi niya kanina. Subalit napapaisip siyang muli sa magandang si Stephani.
‘May asawa o boyfriend na kaya siya? Wait, why am I even thinking this?’ Gusto niyang batukan ang sarili. ‘Why do I even care? I’m only here for an official business!’